logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

VI - Left Out

Catherine
“Guys, tara na kumain,” deklara ni Steve. Naglapitan naman kami sa picnic mat namin at nagsiupo.
“Excuse me naman, Alvin! Nine po tayong uupo,” pakli ni Jane at gumalaw pakanan upang makaupo kaming lahat.
Nakabilog kami at pinagigitnaan ang mga pagkain. May mga tupperware na may kanin at ulam, at mga chichirya.
“Kainan na, beshies!” may pagka-hyper na sigaw ni Kelly at nagsimula na nga kaming kumain.
Kinuha ko ang baunan ko na may lamang kanin, at pumiraso lamang sa ulam kong hotdog at luncheon meat. Bahala na sila sa sa natira, hihingi rin naman ako sa kanila.
Medyo natahimik kami habang kumakain dahil nga puno ang mga bibig namin. Nilasap ko naman ang mga binuraot kong ulam at aba naman, may chicken cordon bleu pang baon si Jane at may chicken curry si Jessica.
“Oy, hindi ba natin tatawagin si Mark? Baka nagugutom din ‘yon doon,” saad ni Ryan na may tumalsik pang kanin mula sa bibig na muntik ko nang bungisngisan.
Okay lang ‘yan Ryan, sana ako lang ang nakapansin.
“Sabi naman niya sa ‘kin ayos lang daw siya ro’n. Saka nasa van naman ‘yong supply natin ng pagkain, ‘di ba,” tugon ni Steve na tinanguan lang ni Ryan.
Napatitig na lang ako kay Ryan. Tahimik lang siyang ngumunguya roon. Grabe, nakakapanghinayang lang talaga ang sitwasyon nila ni Mark.
Bakit nga ba sila nagkaganyan?
“Cath, paabot nga noong ulam ni Kelly na galunggong.” Napataas ang kilay ko nang marinig ‘yon kay Alvin. Bihira lang kasing may tumawag sa akin ng Cath, at medyo nawirduhan lang ako.
Inilapit ko naman sa kaniya ang baon ni Kelly.
Nagpatuloy lang kaming kumain. Nakatapos din naman kami makalipas ang ilang sandali.
“Ay bongga, iniwan niyo talaga ang mga kinainan niyo ano? Get your own lunch box naman, beshies,” litanya ni Kelly na napansing may mga naiwang baunan sa baba. Pinulot naman ‘yon ng mga may kaniya.
Hay nako, napaghahalataan ang mga rich kid na hindi nagliligpit. Buti pa ako.
“Guys, may baon akong apples and watermelon dito. Gusto niyo ba?” wika ni Jessica na hinahalikwat ang dinala niyang paper bag.
“Bongga ni Mami Jessica ah, galing pang mall ang fruits!” komento ni Kelly.
“Hindi naman, sa palengke ‘to binili nina Ate Krising,” sagot ni Jessica. Si Ate Krising nga pala ‘yong maid nila na kasabwat namin palagi kapag itatakas namin si Jessica tuwing gagala.
“Sana all may Ate Krising.” Napalingon naman kami kay Ryan na biglang nagsalita.
“Pati ba naman si Ate Krising pag-iinteresan mo, ha,” natatawa kong sabi. Huli na nang maalala kong hindi ko nga pala siya dapat pansinin, gumuhit na kasi sa mukha niya ang isang nakalolokong ngiti.
“So ano na? Alin ang gusto niyo?” pag-aalok ulit ni Jessica.
“Gusto kita! Charing. Mabugbog pa ako ni Papi Noel. Siguro ‘yong watermelon na lang para refreshing,” banat naman ni Kelly. Nagtinginan naman kami.
“Sige, pakwan na. Nasaan ‘yong— patay, naiwan natin ang kutsilyo!” saad naman ni Steve.
“Sus, may itak ako rito, oh. Shing!” Bigla namang hinugot ni Alvin mula sa lalagyan nito ang itak niya at iwinasiwas na parang samurai. Tinamaan na naman ‘tong mokong na ‘to.
“Bring it on, ihagis niyo na ang mga prutas! I’m a fruit ninja!” Napatawa naman kami sa sinabi niyang ‘yon habang patuloy sa paglalaro ng itak.
“Masaya ka na niyan?”
Oops.
Napakagat-labi na lang ako sa sinabi ni Kayne. Bigla tuloy naging awkward.
Tumigil si Alvin sa pagwasiwas ng itak. Tumingin siya at naglakad palapit kay Kayne. Magkaharap sila ngayon habang matalim na nakatitig sa isa’t isa.
Nagulat kami nang itutok ni Alvin ang itak niya sa leeg ni Kayne.
“Magiging masaya ako kung gagamitin ko ‘to para patahimikin ka. Papansin.”
Madiin ang bawat salitang binitawan ni Alvin. Wala sa amin ang nakagalaw o nakapagsalita man lang, dahil sa takot na naramdaman namin.
“Gawin mo.”
Makapigil-hininga ang eksena sa harap namin ngayon. Malakas pa ang loob ni Kayne na sabihin ang mga salitang ‘yon, kahit na halos nakadikit na ang talim ng itak ni Alvin sa leeg niya!
Ilang segundo kaming nakatigil na akala mo’y naging estatwa bago ibinaba ni Alvin ang itak.
“Joke lang. Kayo naman, ‘di na mabiro.” Sa isang iglap ay nakangiti na ulit siya at naglakad papunta kay Jessica.
Nakahinga ako nang maluwag pagkatapos noon. Wala pa ring makapagsalita sa amin. Ngayon lang kasi namin nakitang ganoon si Alvin.
Nakita kong napahigpit ang hawak ni Jessica sa paper bag nang makalapit sa kaniya si Alvin. Akmang hahawakan na ni Alvin ang paper bag nang bigla siyang pigilan ni Noel.
“Ako na ang maghihiwa, Alvin.”
Nang marinig ‘yon ay ibinigay na ni Alvin ang itak niya kay Noel. Naglakad siya papunta sa icebox namin na nasa ‘di kalayuan at mukhang kukuha ng inumin.
Tiningnan lang namin siya mula sa mga posisyon namin. Nang lumingon naman siya ay nagkunwari kaming may ginagawa at nagsigalawan na parang walang nangyari.
Lumapit sa akin si Ryan at bumulong.
“Ngayon ko lang nakitang gano’n si Alvin. Ito naman kasing si Kayne, eh. Na-real talk tuloy,” aniya.
“Ako rin. Ewan ko rin nga kung bakit nagawa pang sumagot ni Kayne kanina habang nakalapit sa kaniya ang itak,” tugon ko.
Minasdan naming dalawa ang mga kasama namin. Naka-crossed arms pareho sina Jane at Kelly habang nagbubulungan sa isang tabi; kinakausap ni Steve si Kayne; at hinihiwa naman na ni Noel ang pakwan na baon ni Jessica gamit ang itak ni Alvin.
Tanaw kong nakakagat-labi pa si Jessica habang pinapanood si Noel. Natakot din siguro siya noong bigla siyang nilapitan ni Alvin.
Nagpasiya kaming maupo sa isang tabi ni Ryan at kalikutin na lang ang mga cellphone namin.
Binuksan ko ang notepad ko sa phone at nag-type. Madalas kong ilagay sa notepad ang mga random thoughts ko sa araw-araw. Diary, sa madaling salita.
Napalingon ako kay Ryan na swipe nang swipe sa screen ng phone niya na nakapatay naman.
“Anong ginagawa mo? Ba’t ayaw mong buksan?” usisa ko.
“Low batt ako,” sagot niya at napailing pa.
“Very good, alam na aalis tapos hindi nag-charge ng phone,” natatawa ko na lamang na bigkas.
“‘Di wow. Ikaw, ano ba ‘yang tina-type mo?” saad niya at biglang sumilip sa phone ko na agad kong pinatay.
“Bawal, confidential ‘to,” wika ko. Hindi niya puwedeng mabasa ang mga entry ko sa notepad. Nakakahiya pa.
“Asus, ah.” Wala na siyang nagawa at tumulala na lamang. Bahala ka na riyan.
Catherine’s Chronicles
Entry #169
Panibagong gala ng tropa. Medyo nostalgic ang feels, sa gubat kasi. May na-miss tuloy ako.
Habang nagta-type, naramdaman ko ang paglapat ng ulo ni Ryan sa balikat ko.
“Hoy, ang lakas mo naman. Ang bigat mo, alis nga.”
“Saglit lang. Puyat ako, eh.”
Napabuga na lang ako ng hangin at napanguso. Puyat din naman ako pero hindi ako sumandal sa kaniya.
Feeling ko may mas magaganda pang mangyayari ngayon. Nakasandal kasi sa’kin ‘yong isang tukmol d’yan, medyo kinikilig ako. Charot na medyo true. HAHAHAHAHAHA
“Gaga,” bulong ko nang ma-realize kung ano ang tinype ko. Mabilis ko ‘yong na-delete.
Ang harot mo self, ha.
Tinapos ko na ang entry ko para ngayon, itutuloy ko na lang mamaya. Hindi naman nagtagal ay muli na kaming nagtipon para kainin ang pakwan ni Jessica.
Wait nga, ang pangit pakinggan. Basta, ‘yon.
“Ayaw mo ba, Steve?” pag-aalok ni Noel kay Steve na hindi kumuha.
“Ayoko pala, Noel. Nakalimutan kong ayaw ko pala sa ganyan,” sagot ni Steve.
“Ayaw mo rin ng ganiyan? Para kang si Prin—”
Nanlaki ang mata ko nang biglang may sumalaksak na pakwan sa bibig ko. Hinarap ko ang naglagay na si Ryan pala.
Ang burara nitong epal na ‘to! Idinura ko sa kamay ko ang maliit na hiwa ng pakwan at ibinato kay Ryan na mabilis na nakailag. Buwisit!
“Sure ka ba, Steve? Ang sarap kainin ng pakwan ni Jessica oh, ang laki at sobrang juicy,” natatawang wika ni Alvin na naging dahilan para titigan siya ni Noel nang kakaiba. Nakakailang na naman sa pagitan ng lahat.
Ano ba naman kasi, hindi ba kayo titigil? Shemay.
Mabuti na lang at mukhang nakapagpigil si Noel at kumain na lang. Hinila niya palayo si Jessica at doon naupo sa ugat ng isang puno.
Tahimik kaming nagsikain ng pakwan. Ang awkward talaga. Nakakabanas pa. Ang bilis nagbago ng mood ng lahat.
Ilang minuto ang lumipas ay tumayo si Steve mula sa pagkakaupo sa picnic mat.
“Guys, 2:07 na. Babalik na ba tayo?” aniya.
“Kaya nga. Tapos naman na siguro ni Mark ‘yong van,” tugon ko.
“Let’s go,” wika naman ni Noel at tumayo sa pagkakaupo, saka hinila rin patayo si Jessica.
“Let’s fix our things na, guys,” deklara ni Jane na agad naming sinunod.
Binuhat ko na lamang ang backpack ko. Alam ko naman kasing nasa loob lahat ng gamit ko dahil baunan lang naman ang inilabas ko. Ibinalik ko rin naman pagkatapos.
Nauna na akong lumapit sa parte kung nasaan ang daan. Ilang sandali lang ay nagkatipon na rin kaming lahat.
“Okay na lahat? Baka may maiwan kayo ha,” tanong ni Steve na dala ang trash bag namin maliban pa sa pagkalaki-laki niyang camping bag.
“All is well,” turan ni Alvin.
“Tara na,” ani Steve at naglakad na.
Sumunod naman kami. Tahimik lang kami habang naglalakad, paano ba naman kasi, maraming nangyari kanina.
Sa paglalakad namin ay napansin ko ang mga itina’yong pananda ni Steve. Hindi naman pala siya mano-manong nagtulos ng kahoy. Iba’t ibang uri lang ‘yon ng payat na puno, pero bawat isa ay may nakataling pulang ribbon.
Naalala ko tuloy ang ilang forest trip namin dati ni Daddy. Gumawa rin siya ng mga ganiyang pananda. Magaling na camper at survivalist si Daddy, at isinama niya ako sa ilan niyang escapade.
CEO si Daddy ng sarili naming finance company. Hindi naman kami bonggang-bongga, hindi rin naman kasi kalakihan ang kompanya namin.
Si Mommy naman, ilang taon nang nagpapahinga. Close rin kami noong nabubuhay pa siya. Kaso nga lang, nagkagulo bago siya mamatay, dahil nadiskubre ni Daddy na nagkaroon na ng anak si Mommy bago pa sila magkakilala.
Ah, ayoko nang alalahanin pa ‘yon. Nalulungkot lang ako kapag sumasagi sa isip ko ang half-siblings ko.
Maiba naman, medyo napapagod na ako rito pagkatapos ng matagal na paglalakad. Ganito ba kahaba ang nilakad namin kanina?
Nakarinig ako ng mahinang tunog ng cellphone ringtone mula sa likod. Hindi ko sigurado kung ringtone o alarm tone. Nang lingunin ko ‘yon ay bigla namang tumigil.
Kanino naman ‘yon? Ang mga nasa likod ko lang ay si Kayne, Ryan, Kelly, at Alvin. Hindi ko na lang ‘yon pinansin at tuloy lang sa paglalakad.
“Uy, may chips, oh,” komento ni Jane na pangalawa sa pila sa likod ni Steve.
Sinilip ko naman ang itinuro niya at oo nga, may pagkain sa daraanan namin.
“Eto, oh.” Pinulot ‘yon ni Steve nang makarating siya dito at inabot kay Jane.
“Thank you,” tugon naman ni Jane.
Muling natahimik ang lahat.
Tulala lang ako sa mga paa ko habang naglalakad nang nakatungo. Wala, trip ko lang. Nanghihina na kasi ako nang slight dahil sa ngalay. Dire-diretso lang ako sa paglalakad nang mabunggo ako kay Noel, na tumigil pala.
“Sorry,” wika ko. Nakita ko naman na kaya siya napatigil ay dahil malapit na pala kami sa kalsada.
Yes naman, sa wakas!
“Whoo! Ka-haggard! Ang asim na natin!” reaksyon ni Kelly matapos maibaba ang dala niyang gamit nang makarating kami sa tabing-daan. Naglabas siya ng tissue sa bulsa at nagpunas ng pawis.
Pawisan din ako, kaya ibinaba ko muna ang bag ko.
“Teka nga.”
Napukaw kami sa nagtatakang boses ni Ryan.
Napalibot naman ang paningin ko sa paligid at may napansin ding kakaiba.
Sandali...
“Nasaan ang van?”
•••

Komento sa Aklat (118)

  • avatar
    BagasinAmormia

    Potek ang ganda ng story. Dimo talaga alam kung sinong magiging killer. Diko inaasahan ang mga revelations Hahaha ang ganda. Diko one expect na ganun yung magiging ending hanep haha. Nice nice

    06/01/2022

      0
  • avatar
    EscondeAzzy lei

    woohhh ka thrill ng stories HAHAHA d mo talaga mahuhulaan yung mga susunod na mangyayare

    21/12/2021

      4
  • avatar
    PersiaKlaatu

    it's my first time reading this kind of story kind the like it's nice

    12/12/2021

      5
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata