logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Kabanata VI: Pagtatapos ng Kwento

Pagbabago lamang daw ang permanente sa mundo. Maaaring magbago ang lawak at lalim ng isang ilog, o ang taas ng isang puno. Ngunit ang sukdulang kasakiman ng aming hari, ay hindi pa din nagbago. Nang masakop namin ang Hamporo, ay kaagad siyang nagpadala doon ng mga alipin. Araw at gabi niyang pinagtrabaho ang mga ito, para magmina ng pilak. Nagpagawa siya ng napakalaki niyang rebulto. Ipinatayo niya ito sa pusod ng palasyo ng Wington.
Umikot ang kaniyang buhay sa pagmamahal sa kayamanan. Nakalimutan na niya kung ano ba ang kaniyang katungkulan. Wala na siyang pakialam kung mayroon mang nagugutom na mamamayan ng Wington. Ang nais niya ay patagin ang mga kabundukang nagtataglay ng mga mamahaling mineral. Hindi na hari ang tingin sa kaniya ng karamihan, kundi isang halimaw na mayroong kapa at korona.
Isang araw, nagbalik ang hari sa palasyo, mula sa kaniyang pangangaso, kasama ang kaniyang tagapayo at daan-daan niyang mga kawal. Huminto siya sa tabihan ng napakalaki niyang rebultong yari sa pilak. Niyakap pa niya ang bahagi nito na kaya niyang abutin. Halos sambahin na niya ang sariling rebulto. At habang nakayapos siya dito ay napansin ng kaniyang tagapayo na parang tahimik ang palasyo. Iginala niya ang kaniyang paningin at napansin niyang kakaunti lamang ang kawal na naroroon. Tumingin siya sa itaas ng tore. May mga kawal siyang nakikita, subalit kakaiba ang kilos ng mga ito. Lahat ng mga ito'y sa kanila nakapako ang paningin.
"Kawal!" sigaw ng tagapayo ng hari.
"Huwag kang maingay," mahina, subalit madiing sambit ng hari. Sarado ang dalawa niyang mata habang nakayapos sa kaniyang rebulto.
"Kaaawwaaalll!" sigaw muli ng tagapayo ng hari.
Isa-isa'y naglabasan ang napakaraming mga kawal. Hindi sila napapansin ng hari. Tila ba natutulog na ito habang yapos-yapos ang kaniyang rebulto. Bigla na lamang kinabahan ang kaniyang tagapayo. Nang maglabasan ang mga kawal ng Wington, na kaniyang hinahanap, ay pinagpawisan siya nang husto. Nang marinig ng hari ang ingay na nililikha ng mga baluting suot ng mga kawal, habang naglalakad, ay dahan-dahang napadilat ang dalawa niyang mga mata. Noon pa lamang kumawang ang katawan niya sa rebulto. Napanganga na lang siya habang pinapanood ang kaniyang mga kawal na lumalapit sa kan'ya. Napalilibutan na siya ng mga ito. At bawat isang kawal ay may hawak na mga espada at sibat, na nakatutuk sa kaniya.
"At anong kalokohan naman ang ginagawa ninyo!" saad ng hari. Katabi niya ang kaniyang tagapayo, na siguradong nabibigatan na sa mga suot niyang alahas. Pinalilibutan sila ng mga kakampi nilang kawal, na handa silang protektahan.
"Mukhang may nagaganap na pagaaklas, kamahalan," saad ng tagapayo ng hari.
"At sinong lapastangan ang naglakas loob na mamuno sa inyo?
"Ako!" sigaw ng isang tinig.
Nanlaki na lamang ang mga mata ng hari, nang makita ang isang pamilyar na mukha. Siya si Prinsipe Colton, ang nakababatang kapatid ni Haring Riki. May asawa at isang anak na lalaki. Kasama niya ang mga maharlikang nakumbinsi niyang mag-aklas laban sa kaniyang kapatid.
"Binabantaan ba ninyo ang buhay ng hari! Ang buhay ng pinakamahalagang tao sa kaharian ng Wington! Pinakamatalino at pinakadakila! Tapusin ang mga traydor!" sigaw ng hari. Subalit ang kaniyang mga kawal ay pinanghihinaan na ng kalooban. Isa-isang nagbagsakan sa lupa ang kanilang mga sandata, tanda ito ng kawalan ng pag-asa.
"Lumaban kayo!" saad ng hari. Pinulot din niya ang mga nanlaglag na mga sandata at pilit itong ibinibigay sa kaniyang mga kawal. "Ipagtanggol ninyo ang inyong hari, mga duwag! Lumaban kayo at bibigyan ko kayo ng malaking pabuya. Pangako 'yan!"
Anumang pagpilit ng hari, sa kaniyang mga kawal, ay hindi na nila tinanggap pa ang kanilang mga sandata. Sa dami ng mga kawal na kanilang kaharap, ay makakaya silang patayin ng mga ito, kahit sa kurot. Lahat sila'y nakatingin sa iisang direksyon. At nang sundan ng hari, ang lugar kung saan nakatingin ang kaniyang mga kawal, ay nakita niya ako.
"Gi-Gideon—anong ibig sabihin nito, aking heneral? Lumalaban ka na ba sa pamahalaan?" malumanay na tanong ng hari.
"Hindi ikaw ang pamahalaan," kaagad kong sagot. "Ang aking katapatan, ay nasa Wington, at wala sa hari may maitim na budhi!" sagot ko.
"Nakalimutan mo na ba ang mga nagawa ko para sa'yo?"
"Tumahimik ka!" sigaw ko. Punong-puno ako ng galit at pang-gigigil nang mga sandaling 'yon. "Isang lihim ang sinabi sa'kin ni Prinsipe Colton! Naiinggit ka sa aking katanyagan kaya binalak mo akong ipapatay!"
Nagbago ang itsura ng hari. Napatingin siya sa kaniyang nakababatang kapatid. Dumampot siya ng isang sibat at sinubukang sugurin ang prinsipe. Subalit kaagad din siyang napaatras nang may humarang sa kaniyang mga kawal.
"Tapusin n'yo ang traydor! Ako ang inyong hari kaya dapat n'yo akong protektahan! Bibigyan ko kayo ng tatlong baul na ginto, sa bawat maharlika na inyong mapapatay! Bibigyan ko din kayo ng lupain at mga alipin! At gagawin ko din kayong maharlika!"
"At gaano naman karami ang matatanggap naming ginto, lupain at alipin kung ang hari ang aming mapatay?" tanong ko.
Sa harap ng dambuhala niyang rebultong pilak ay napaluhod ang hari, nang marinig ang aking katanungan. Walang kahit na sino ang gustong tumulong sa kaniya. Hindi na nakapalag pa ang si Haring Riki, nang damputin siya ng dalawang kawal.
Noong araw din na 'yun ay sinaksihan ng mga mamamayan ng Wington, ang pagluklok sa bago naming hari. Ipinatapon ang dating hari sa malayong lupain. Subalit bago siya tuluyang umalis ng palasyo ay sumumpa siyang babawiin niyang muli ang trono na para sa kaniya. Naiwan naman sa palasyo ang mga dati niyang asawa at namuhay bilang pangkaraniwang maharlika. Araw at gabing nagbungkal ng lupa ang hari para sa kaniyang pagkain. Kapareho ng kaniyang sinapit ang sinapit ng kaniyang tagapayo. Tiniyak din ng bagong hari na hindi na sila muli pang magkikita.
Nang magbalik ako sa aking tahanan ay isa sa aking alipin, ang aking nakasalubong. Napag-alaman ko mula sa kaniya na dalawang pares na mag-asawang alipin, na nagsisilbi sa akin, ang binawian ng buhay dahil sa malubhang karamdaman. Sila ang inyong mga magulang. Nang maipalibing ko sila ay napagpasyahan kong ako na lamang ang mag-alaga sa inyo. Tatlong taong gulang na noon si Florena. Dalawang taon pa lamang si Redentor, at sanggol pa si Malik.

Komento sa Aklat (87)

  • avatar
    Randy Garbida

    thank you🙏

    23d

      0
  • avatar
    Zean Belda

    Nice story

    24/07

      0
  • avatar
    Rey Batiancila

    very nice the stretch

    21/07

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata