logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Kabanata 5

"MASAKIT ba?" nag-aalalang tanong ni Kristina nang hawakan ng binata ang kamay niya na nasa dibdib nito. "Papahiran ko ng gamot ang iyong sugat upang maampat ang pagdurugo."
"Kristina,"
"Hmm?" kinuha ni Kristina ang gamot para sa sugat.
"A-ako na ang maglalagay ng gamot sa aking sugat," sabi ng binata. Kinuha nito sa kanyang kamay ang maliit na bote na may likidong gamot. "Magpalit ka nang iyong kasuotan dahil basang-basa ka, mahirap na kung magkasakit ka pa."
"S-sige," sagot niya. Tumayo si Kristina mula sa kinauupuan niyang papag. Kinuha niya ang palanggana upang dalhin iyon sa kusina. "Maiwan na muna kita, magtitimpla na rin ako ng kape para maiinitan ang iyong sikmura."
MULING dumating ang gabi na wala silang balita maski ano tungkol sa mag-asawang Mang Tasyo at Aling Belen. Hindi na halos makakain ang dalaga sa pag-aalala sa kanyang lola. Maging si Ely ay kabado na rin. Lalo na nga at naaalala niya ang mga naging habilin sa kanya ni Lola Lorena paulit-ulit bago ito umalis.
Lumipas ang buong magdamag na hindi sila nakatulog pareho. Wala na rin silang mapag-usapan. Namamaga na ang mga mata ni Kristina kaiiyak sa pag-aalala sa kanyang lola kaya sobrang nahahabag si Ely sa dalaga.
Napatayo si Kristina sa kinauupuan niya nang makarinig ng katok mula sa pinto ng kanilang dampa.
"Ely, baka si lola na iyan!" tuwang wika ni Kristina. Mabilis na tinungo niya ang pinto at binuksan. "Lola-"
"Kristina, ineng,"
"K-kayo po pala Mang Esteban?" nanlumo siya ng hindi ang kanyang lola ang kanyang nakita. "T-tuloy po kayo,"
Tumanggi ang matandang lalaki na pumasok sa kanilang dampa.
Lumapit naman si Ely sa dalaga.
"Ano po ang sadya n'yo Mang Esteban?" tanong niya. Malungkot ang mukha nito na nakatingin sa kanya.
"Ang lola mo,"
"Nakita n'yo po ba si lola? Kanina pa namin siya hinihintay, maging sina Mang Tasyo at Aling Belen ay hinihintay namin." Medyo nanginginig ang tinig na tanong ni Kristina sa matandang lalaki.
"Huwag ka sanang mabibigla, Kristina, may masamang nangyari sa lola mo."
"Ano po ang ibig mo sabihin, Mang Esteban?"
"Patay na ang lola mo, Kristina. Nalunod siya kasama nina pareng Tasyo at asawa niyang si Belen. Tumaob ang bangka nila kagabi. Sinubukan namin silang mailigtas pero hindi namin nakita ang kanilang mga katawan. Kaninang umaga lang lumutang ang kanilang bangkay at kasalukuyan na nasa punerarya sa bayan."
"H-hindi! hindi totoo ang sinasabi mo Mang Esteban! Hindi patay ang lola ko!" Palahaw ni Kristina, para siyang nauupos na kandila. 
Mabilis naman na niyakap ni Ely ang umiiyak na dalaga.
"Kristina, tatagan mo ang iyong loob. Wala na tayong magagawa, talaga sigurong hanggang doon nalang ang buhay ng lola mo." Wika ni Ely na lalong humigpit ang yakap sa dalaga na nagwawala.
"Oo nga naman, Ineng. Tanggapin mo ng maluwang sa iyong kalooban na wala na ang iyong lola. Gumayak na kayo at sasamahan ko kayo na sunduin ang kanyang bangkay." Muling sabi ni Mang Esteban.
"Ely, hindi ako makapaniwala na iniwan na ako ni lola. Kasalanan ko kung bakit siya namatay, sana pinigilan ko siya, Ely!" Palahaw ng dalaga na yumakap ng mahigpit sa binata. Umiyak siya sa balikat nito. "Kasalan ko, Ely,"
"Sshhh, huwag mo sisihin ang iyong sarili, Kristina. Walang may gusto sa nangyari at hindi mo iyon kasalanan. Ang dios na ang kumuha sa lola mo dahil marahil tapos na ang kanyang misyon dito sa mundo." Pag-aalo ni Ely sa dalaga.
"Wala na ang lola ko. Paano na ako ngayon?" muling palahaw ng dalaga.
"Huwag kang mag-alala, hindi naman kita pababayaan, Kristina." Wika ni Ely habang hinihimas ang likod ng dalaga. "Hinding-hindi kita pababayaan,"
SI Ely ang nag-asikaso sa lahat ng kinakailangan sa pagsasaayos ng bangkay ng lola ni Kristina. Pati na ang serbisyo ng punenarya ay siya rin ang nagbayad, ibinigay kasi ng dalaga ang wallet niya at naroon ang kanyang ATM card. Nagkataon naman na mayroong ATM machine sa bayan kaya nakapag-withdraw siya ng pera, hindi sila nahirapan sa mga gastusin. Kung tutuusin hindi matutumbasan ng kanyang pera ang kabutihan sa kanya ng mag lola.
Humanga ang mga taga-Baryo Amaya dahil talagang mamahalin ang kabaong ng matanda. At napakaraming pagkain para sa mga taong nakiramay, tulad ng mga kendi at sari-saring junksfoods kaya hindi nawawalan ng taong nakikiramay sa buong magdamag. Nagbigay din ng tulong si Ely sa naulilang pamilya ng mag-asawang Mang Tasyo at Aling Belen.
"Nakakahiya naman sa:yo, Ely, ang laki na ng nagagastos mo. Hindi ko alam kung papaano kita mababayaran." Sabi ni Kristina nang huling gabi nang paglalamay sa kanyang lola. "Sapat na ba sa'yong kabayaran ang munti naming lupa na kinatitirikan ng aming dampa?"
Pinisil ng binata ang baba ng dalaga kaya napaangat ito ng mukha. Namumugto ang mga mata ng dalaga dahil sa walang tigil na pag-iyak, humpak ang mga pisngi nito dahil laging walang ganang kumain.
"Kristina, huwag mo isipin ang tungkol sa pagbabayad dahil hindi naman kita sisingilin sa mga nagastos ko sa lola mo. Kung tutuusin ay kulang pa iyan kung ihahambing sa utang na loob ko sa inyo. Buhay ko ang inyong iniligtas, ang pera ay maaari ko pang kitain sa ibang araw." Sabi ni Ely na binitiwan na ang baba ng dalaga.
"Maraming salamat," umiiyak na wika ng dalaga. "Kung wala ka, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera para sa gastusin."
"Ssssh, huwag ka nang umiyak baka kung mapano ka pa. Ilang araw ka ng ganyan. Hindi ka rin kumakain, baka magkasakit ka pa. Tatagan mo ang iyong loob Kristina, kailangan mo magpatuloy sa buhay. Nangako ako sa lola mo na hindi kita pababayaan." Kinabig siya ng binata patungo sa dibdib nito. "Ikukuha kita ng iyong makakain at baka multuhin ako ni lola kapag nakita niyang pinababayaan kita."
Alam niyang nagbibiro ang binata sa huling sinabi nito. Pilit na ngumiti siya at tumango bilang sang-ayon. Hindi na nga niya maalala kung kailan ba ang huling araw na kumain siya. Masyado niyang dinibdib ang pagkawala ng kanyang lola.
MASAMA ang tingin ni Rafael sa dalawa. Kung nakakamatay lang ang tingin ay kanina pa bumulagta si Ely. Nagngangalit ang mga ngipin nito dala ng panibugho. Na hindi naman nakaila sa marami na naroon sa lamay. Nilapitan ni Mang Esteban ang binata at pinayuan itong huwag gagawa ng kaguluhan at igalang ang bangkay ng namatay.
Masama ang tingin na ipinukol ni Rafael sa matanda. Hindi nagsalita ang binata basta nalang itong tumalikod at nakisali sa umpukan ng mga teenager na naglalaro ng baraha. Hindi inaalis ni Rafael ang paningin kina Kristina at Ely, binabantayan nito ang bawat kilos ng dalawa.
Naiiling naman ang ulo ni Mang Esteban na bumalik sa mesa kung saan naroon ang mga kaibigan nito na nakipaglamay din. Mga kapwa nito mangingisda.
SI Kristina ay apat na beses na nawalan ng malay nang ihatid sa huling hantungan ang lola nito. Si Ely ay matiyagang umalalay sa dalaga na lalong nakaragdag sa sama ng loob ni Rafael. Hindi ito nakatiis, hinarang nito sina Kristina at Ely nang palabas na sila ng sementeryo.
"Mag-usap nga tayo ng lalaki sa lalaki," galit na sabi ni Rafael sa nagulat na si Ely.
Binitiwan ni Ely ang kamay ng dalaga.
"Bakit, may atraso ba ako sa iyo?" tanong ni Ely sa baritonong boses.
"Akala mo ba hindi ko napapansin ang laging mong pagdikit kay Kristina?!" galit na sabi ni Rafael. "Parang nakakalalaki ka na,"
"Ano ba ang ikinagagalit mo sa akin?" pasinghal na tanong ni Ely.
Pagak na natawa si Rafael. "Ang kapal din ng mukha mo, baka nakakalimutan mo na dayo ka lang dito sa aming baryo. Baka hindi mo alam kung sino ang kaharap mo, ang lakas ng loob mo na pumalag sa akin,"
"Subukan mo ako para malaman mo kung sino ang minamaliit mo," hamon ni Ely dito. "Wala akong panahon para alamin kung sino at ano ka dito sa baryo n'yo."
Pumagitna si Kristina sa dalawang lalaki.
"Puwede ba, Rafael, tigilan mo na iyang kalokohan mo. Kakalibing lang ng lola ko kaya kung maaari lang ay huwag kang gumawa ng gulo rito sa sementeryo." Mahinahon na sabi ni Kristina sa binata. "T'saka ipapaalala ko lang din sa iyo na wala kang karapatan sa akin, hindi kita kasintahan kaya hindi ka dapat umaasta ng ganyan."
"Tumahimik ka, Kristina. Huwag kang makialam. Baka hindi mo alam na ako ang napili ng lola mo para maging iyong asawa. Kaya may karapatan akong magalit sa gagong ito!" singhal nito sa dalaga sabay duro sa mukha ni Ely.
Hindi na nakapagtimpi si Ely sa ginawang pagduro sa kanya ni Rafael. Agad niya itong binigyan ng flying kich sa dibdib. Sadsad ito sa lupa nabangasan ito sa mukha. Wala naman naglakas loob na umawat dahil maraming inis sa ugali ng binatang taga-baryo. Gusto nilang magkaroon ito ng leksiyon.
Bumangon si Rafael, gamit ang likod ng palad ay pinunasan nito ang dumugong labi. Medyo nasindak ito dahil nayanig ang buong katawan sa flying kick na ibinigay ni Ely. Ayaw mapahiya ni Rafael kaya pinanindigan niya ang pakikipaglaban. Sinugod nito si Ely ngunit nakaiwas ang binata.
Sa muling pag-atake ng binatang taga-baryo ay muli siyang nakaiwas at muli niya binigyan ng tadyak at suntok ang binata. Walang malay na bumulagta sa lupa si Rafael.
Nilapitan ni Ely ang dalaga na hindi nakapagsalita sa nasaksihan. "Halika na, umuwi na tayo sa inyong dampa."
"E-ely, b-baka napatay mo si Rafael?" hintakot na sabi ni Kristina. Hindi niya inalis ang paningin sa binata na wala pa ring malay na nakabulagta sa lupa."
Pinisil siya sa balikat ng binata kaya napatingin siya sa mukha nito.
"Buhay pa siya, nakatulog lang." Sagot ni Ely. "Huwag mo na intindihin ang lalaking iyan, mamaya lamang ay magigising na siya."
Nagkatinginan naman ang mga taong naroon sa sementeryo na nakipaglibing. Bawat isa ay napanganga, humanga sila sa pinakitang tapang ng binata na dayo sa kanilang baryo.
May mga kabataan na lumapit kay Rafael at inakay ito.
"KRISTINA," tawag pansin ni Ely sa dalaga na nakaupo malapit sa bintana. Kararating lang nila sa dampa galing sementeryo. Hindi sumagot ang dalaga, malungkot itong nakatanaw sa labas ng bintana. Lumapit siya sa kinaroroonan ng dalaga at naupo sa upuang kawayan sa tabi nito. "Alam ko hindi madali sa'yo na tanggapin ang pagpanaw ng lola mo. Pagkatapos ng pasiyam ng lola mo ay sasama ka na sa akin,"
Biglang lingon si Kristina sa binata.
"Sasama saan?" nagtatakang tanong niya sa binata.
"Sa amin sa Taguig Maynila. Wala akong tiwala kay Rafael kaya hindi kita puwedeng iwan dito mag-isa. Babae ka, hindi mo kayang ipagtanggol ang sarili mo kapag ginawan ka ng masama ni Rafael o ng kahit na sinong lalaki dito sa Baryo Amaya. Magandang dalaga ka, Kristina, alam kong maraming nabibighani sa iyo na taga-rito." Maawtoridad na sagot ni Ely.
"Pero..."
"Wala nang pero-pero pa. Isasama kita, hindi kita iiwan dito mag-isa. Ipinagbilin ka sa akin ng lola mo at nangako ako sa kanya na ako ang bagong tagapagbantay mo, na hindi kita pababayaan."
Malungkot na muling tumanaw sa labas ng bintana si Kristina.
"Paano itong aming dampa ni lola?" wika niya.
"Kumausap ka ng isang tao na puwedeng pagkatiwalaan. Si Mang Esteban, nakikita ko na mukha siyang mabuting tao. Pabantayan natin sa kanya itong dampa papadalhan ko siya ng suweldo buwan-buwan para hindi mo na alalahanin itong dampa." Pangungumbinsi sa kanya ng binata. Hinawakan nito ang isa niyang kamay at pinisil-pisil iyon. "Gusto kitang tulungan, Kristina. Nabanggit mo sa akin na gusto mo tuparin ang iyong pangarap na makapagtapos sa iyong pag-aaral."
Nahihiyang binawi niya ang kanyang kamay. May pakiramdam kasi siyang may kuryenteng lumukob sa buo niyang katawan.
"E-Ely, h-hindi ba ako magiging abala sa iyo?" nang-aarok na tanong niya rito. "Ang iyong pamilya, hindi ba sila magagalit kung sumama ako sa iyo?"
Ngumiti si Ely. "Kristina, hindi ka na bata kaya hindi ka magiging abala sa akin. Pag-aaralin kita at ituturing ka namin bilang pamilya. Huwag mo iisipin ang aking pamilya dahil tiyak akong matutuwa ang aking ina kapag nakita ka niya, dahil sabik siya sa babaeng anak dahil pareho kaming lalaki ng kapatid ko."

Komento sa Aklat (1007)

  • avatar
    Jowena Rose

    Sobrang exciting ng story grabe plot twist huhu kakilig tagos hanggang atay!!! 😭 🤍

    19/01/2022

      1
  • avatar
    Angely Bawa-an

    wowww so ikaw din pla Ang author Ng unconditional love 💕 wow ..nakaka amaze Kasi nabasa ko din Yun Kaya ,I'm happy na May sariling kwento na si Kristen &Ely thank you author 😍🙏

    01/01/2022

      1
  • avatar
    Kharen Rose De Leon

    nice story . gusto ko yung mga ganito ndi ganun ka haba bawat chapter. ndi rin ganun kahba ang kabuuan ng story. pero may happy ending 🥰😍

    29/12/2021

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata