logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Kabanata 8

Kabanata 8
Hug
--
Galit pa rin si Papa sa mga kinwento ni Mama. Galit pa rin sya sa mga Salvador. Ayokong magalit sya sa kanila dahil si Mr. Antonio Salvador lang naman ang naging malupit sa akin, lahat sila mabait na kaya ayoko ng ganon sya. Kaya naman pinilit ko talaga sya. Pinaliwanag ko sa kanya ng mabuti na mabait sa akin sina Ma'am Juliette at Sir Nicolas, ganon na rin si Joshua. Sadyang si Mr. Antonio Salvador lang talaga ang hindi.
Hindi ko alam kung pinakinggan nya ba ako. Basta ang alam ko lang ay narinig nya lahat ng sinabi ko. Sana lang makinig sya sa akin dahil ayoko talaga silang magka away. Lalo na at sinabi nyang naging mabuting magkaibigan na rin sila.
Pagkatapos nung mga sinabi kong iyon, nagpahatid na ako sa kanya sa coffee shop. Magreresign na ako. Biglaan pero ipapaliwanag ko nalang kay ate Bianca. Maiintindihan nya naman siguro ako. Magsosorry rin ako tsaka kung talagang biglaan itong pag alis ko at hindi maganda ang timing, magbabayad nalang siguro ako. May kaunting ipon naman ako rito.
"Ano ka ba. It's fine, Amora. Nasabi na sa akin ito ni Beatrice kaya wag ka nang mag alala. Naiintindihan ko," si ate Bianca, hindi ko inaasahan.
"T-Talaga po? Ayos lang po talaga?"
Tumango sya at ngumiti. "Nasabi na sa akin ni Beatrice ang lahat. Nasabi nyang baka magresign ka at eto nga, nagreresign ka na. Pero ayos lang naman. Bumalik na ang Papa mo kaya naiintindihan ko,"
Hindi pa alam ni ate Bianca kung sino ang Papa ko. Paniguradong hindi sinabi sa kanya iyon ni Bea dahil base sa ekspresyon nya, wala talaga syang alam. Si Bea alam nya na ang itsura ng Papa ko, alam na yon ng mga kaibigan ko noon pa man. At alam kong alam na rin nila kung sino na ngayon ang Papa ko.
Pero may palaisipan pa sa akin ngayon. Kung mayaman na nga si Papa at nakapag patayo na ng sariling kumpanya, hindi ba dapat kilala ng pamilya ng mga kaibigan ko si Papa? Alam kaya nila? At hindi lang nila sinasabi sakin? Pero hindi ko pa naman alam. Baka hindi nila alam kaya wala silang nasasabi sa akin noon. Paniguradong hindi nila alam dahil alam kong hindi sila magsisinungaling sa akin.
Tatanungin ko nalang sila.
Nagpasalamat at nagpaalam na ako kay ate Bianca pagkatapos ng mahaba pang kamustahan tungkol sa Papa ko. Hindi nya nga alam ang tungkol kay Papa. Hindi nya kilala at sigurado akong wala ngang nasabi si Bea.
"Ka-business partner mo rin ba yung mga kaibigan ko, Papa? Sina Bea? Pearl?" Tanong ko habang nasa sasakyan na kami.
Hindi kasi talaga mawala sa isip ko. Kung talagang mayaman na nga si Papa ngayon, dapat kilala nila ang Papa ko. O hindi? Ewan. Naguguluhan ako.
"No. Sinadya kong hindi makipag lapit sa mga pamilya ng mga kaibigan mo, anak. Alam mo na ang dahilan roon kung bakit," nagpapasensya syang ngumiti sa akin.
Bumuntong hininga ako. Sinasabi ko na nga ba. Alam kong hindi magsisinungaling sa akin ang mga kaibigan ko.
"Natatakot akong magpakita pa noon. Alam kong mga kaibigan mo yon kaya sinadya kong hindi makipag lapit sa kanila, makipag partner. Lumayo ako at tinaggihan ang mga offer ng pamilya nila," dagdag ni Papa.
Ngumuso ako. "Gaano na po ba kayo kayaman? Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na mayaman ka na nga. May van ka pa ngayon, oh,"
Bahagya syang natawa. "Hindi naman ako ganon kayaman tulad ng iniisip mo. Sakto lang, anak,"
Mas lalo akong ngumuso. "Gaano kayaman nga? Kung kilala mo ang pamilya ng mga kaibigan ko, Carmona, Espinosa, Balestamon, Alcazar at isama na rin ang mga... Salvador," tumikhim ako. "Mayaman na nga kayo!"
"Malalaman mo rin iyan, anak," natatawa nyang sinabi. Pakiramdam ko nagmamayabang sya. "Balang araw malalaman mo rin,"
"Tsh," ngumuso ako.
"Speaking of Salvadors..."
Nanlamig ako roon, hindi ako agad nakapagsalita.
"Ano pa ang mga ginawa nila sayo? Iyon lang ba?" Bigla syang naging seryoso.
"Uh..." kumirot na naman ang puso ko.
Bumuntong hininga sya. "Forget it. I'm sorry at binaggit ko pa. I'm sorry..."
"A-Ayos lang, Pa..." pilit akong ngumiti. "Sa ngayon... ayaw ko muna sana silang pag usapan..."
Tumango sya at hindi na nagsalita. Nag aalala ang tingin nya sa akin ngunit hindi na talaga nagsalita. Bumuntong hininga naman ako at tumingin sa labas. Nahihiya ako kay Papa dahil nalaman nya ang tungkol sa amin ni Joshua. Bata palang ako nung umalis sya kaya hindi nya naabutan ang mga manliligaw ko noong high school ako. Hindi ko pa alam ang mga opinyon nya roon at ngayong nalaman nyang ganito, nahihiya ako. Ngunit mas nangingibabaw pa rin ang sakit sa akin. Hindi ko kinakaya.
Marahan akong pumikit at pinakalma ang puso na kumikirot pa rin. Kailan kaya titigil ito? O titigil pa ba ito? Hindi ko na sya nakikita pero ang maisip lang pala sya ay masakit na. Ano na kaya ang ginagawa nya nagyon?
Dumilat ako at tinigil ang pag iisip. Bumuntong hininga ako at pilit na ngumiti. Tulad ng palagi kong sinasabi sa sarili ko, para kahit papaano gumaan ang pakiramdam ko, makakaya ko rin ito. Malalagpasan ko rin ito. Kailangan mo lang ng panahon, Amora. Matatapos rin yang sakit na nararamdaman mo.
Alam kong gustong magtanong ni Papa, gusto nya akong kamustahin, gusto nya akong damayan. Pero dahil sinabi kong ayaw ko muna iyong pag usapan, pinigilan nya ang sarili nya. Gusto ko namang sabihin sa kanya ang lahat, kaso hindi ko talaga kaya. Palagi kong nararamdaman na bibigay ako at hindi na muli makakatayo. Sobrang sakit pa rin kasi talaga. Hindi ko kayang balikan.
Hindi na nga nagsalita pa si Papa pagkatapos noon. Nakauwi kami sa bahay na parang walang nangyari. Nakangiti ulit ako at nakahinga naman sya ng maluwag nang makita akong ganon. Nagbonding kami sa loob ng bahay. Nanood kami ng mga movies at kung ano ano ang kinwento namin sa kanya ni Amara.
Si Mama hindi ko alam kung nasaan. Baka nasa kwarto at naglilinis. Naiintindihan namin na ayaw nyang lumabas dahil nandito si Papa kaya hindi na namin pinilit. Alam kong nasasaktan at galit pa rin sya. Sana lang talaga ay maayos na nila iyan ni Papa.
Nang lumabas naman si Mama ay napatingin kaming lahat sa kanya. Napatingin rin sya sa amin pero agad nag iwas ng tingin at nagtungo sa kusina. Napatingin ako kay Papa na nakasunod ang mga mata kay Mama.
"Sige na, Papa. Kausapin mo na..." bulong ko at binunggo bunggo sya.
Nag yaya kasi si Papa na magsimba ngayon. Kanina pa namin sya pinipilit ni Amara na pumasok sa kwarto ni Mama. Ayaw naman nya dahil alam nyang magagalit si Mama roon. Kaya naman ngayong lumabas na si Mama, kailangan na nyang kausapin ngayon yon!
"Sige na, Papa..." pilit ko pa.
Tumingin sya sa akin. Kitang kita ko ang kaba sa kanyang mga mata. Ngumiti ako at nginuso si Mama na naghahalungkat ng pagkain sa kusina.
"Ayain mo na, Papa..."
Bumuntong hininga si Papa at sumuko na. Tumayo sya dahilan para lumawak lalo ang ngiti ko. Nagtabi kami ni Amara at sabay na pinanood ang paglapit ni Papa kay Mama. Palabas na ng kusina si Mama at sakto lang ang pagdating ni Papa. Napahinto si Mama sa paglalakad at napatingin kay Papa na ngayon ay medyo malapit na sa kanya. Agad nagsalubong ang kilay nya at mukhang nagbabadya na naman ang maingay nyang bunganga.
"Ano?!" Si Mama.
"Tss. Wala pa ngang ginagawa..." bulong bulong ni Amara.
"Sorry. I just want to talk to you--"
"Oh, ano pag uusapan?! Tigilan mo na yang english english na yan kundi hindi ako makikipag usap sayo!"
Bumuntong hininga ako at napa face palm nalang.
"Okay. Hindi na. Uh..." nagkamot ng batok si Papa.
"Ano?! Napaka tagal!"
"G-Gusto lang sana kitang yayaing magsimba. Niyaya ko na ang mga anak natin at payag sila. I-Ikaw... payag ka ba?"
"Ano? Simba?" Si Mama, iritado pa rin talaga.
"Oo..."
Lumipat ang tingin sa amin ni Mama. Nagkibit balikat kaming dalawa ni Amara. Bumalik ang tingin nya kay Papa at mas lalong tumalim ang tingin nya.
"Please?" Si Papa.
Inirapan nya si Papa at humalukipkip. Hawak nya sa isang kamay ang kinuhang snack.
"Hindi ba't sinabi ko nang ayaw ko munang masali sa magulo mong buhay? Kapag may nakakita sayo roon habang kasama mo kami, magtataka sila at hindi ka na titigilan! Lalo na kami! Magugulo kami!"
"A-Alam ko. Magsusuot naman ako ng mask. Sisiguraduhin kong hindi makikita ang mukha ko. Tsaka magsasama ako ng bodyguards--"
"Magsasama! Edi mas lalong magtataka ang mga tao! Bakit may mga bodyguards ang mga yon? Sino ba iyon? Tapos mamumukhaan ka nila! Oh?! Anong gagawin mo kapag ganon?!"
"H-Hindi na ako magsasama, k-kung ganon. Please? Mag iingat ako. Gusto ko lang talaga kayong makasama magsimba..."
Natahimik si Mama. Mariin pa rin ang titig nya kay Papa pero alam kong papayag na sya ngayon.
"Please? Mag iingat talaga ako. Kung gusto mo tatakpan ko ang buong mukha ko,"
Ngumuso ako sa sinabing iyon ni Papa. Tatakpan ang buong mukha? Gagawin nya talaga yon sumama lang si Mama?
Umirap si Mama. "Oo na. Sige na. Ayos na? Tabi na dyan!" Naglakad na si Mama paalis.
"T-Tsaka dinner rin sana sa isang restaurant pagkatapos--"
"Ano?!" Napabaling ulit si Mama kay Papa, iritado na naman. "Dinner?!"
Napabuntong hininga ako at napahawak sa noo. Napailing naman si Amara.
"O-Oo sana--"
"Nag iisip ka ba, Brayden?! Sinabi ko ngang ayaw ko munang masali dyan sa magulo mong buhay!"
"H-Hinanda ko naman na ang restaurant na kakainan natin. Naka private na yon at walang tao roon mamaya. Walang makakakita sa atin..."
Hindi nakapagsalita si Mama ngunit ang mariin na na titig ay nandoon pa rin. Humakbang si Papa palapit pero mariing tinignan ni Mama ang mga paa nya kaya napatigil sya. Muling nag angat ng tingin si Mama kay Papa.
"Sige. Pero siguraduhin mo lang na maayos yan, Brayden! Hindi ka na makakapunta rito kapag may nanggulo sa atin roon!"
"Yes. Yes. I'll make sure of that. Thank you..." sumilay ang isang ngiti sa labi ni Papa.
Umirap si Mama at naglakad na papunta sa kanyang kwarto. Padabog nya pang sinarado iyon pero hindi na namin yon pinansin dahil sa tuwa. Pumayag si Mama!
Napatingin sa amin si Papa. Nagthumbs up kaming dalawa sa kanya ni Amara. Natawa sya at nagtungo na muli sa amin. Niyakap nya kami at niyakap rin namin sya ng mahigpit. Ramdam na ramdam namin ang sayang nararamdaman ng isa't isa. Ako man ay nagdidiwang ang puso ko. Sa wakas!
Si Papa ulit ang nagluto ng tanghalian namin. Kahit sinisigawan pa rin sya ni Mama ay natatawa nalang kami. Sobrang taray at suplada ni Mama, hindi talaga minsan makapag salita si Papa dahil nababara sya. Hindi ko alam kung hanggang kailan magiging ganito si Mama.
Inubos ulit namin ang oras sa pagkukwentuhan pagkatapos kumain. Masaya kami ni Amara dahil sumali na si Mama sa amin roon sa sala. Sumasali sya sa kwentuhan minsan at kapag nagtatanong si Papa ay sinasagot nya naman ng maayos, mataray pa rin pero hindi na sumisigaw. Kitang kita ko ang sayang nararamdaman ni Papa dahil roon.
Masaya rin kami ni Amara. Minsan hinahayaan muna namin silang nagkwentuhang dalawa. Nagkukunyari kaming busy sa panonood pero ang totoo ay nakikinig kami. Tipid ang mga sagot ni Mama habang si Papa ay gumagawa ng paraan para pahabain pa ang usapan nila. Ingat na ingat sya dahil baka biglang magalit si Mama sa mga tanong nya at umalis na naman ito. Hindi ko mapigilan ang pagngiti.
Pagkatapos ng mahabang oras na yon ay nag ayos na kami ng mga sarili. Una akong naligo tapos si Amara naman ang sunod tapos si Mama tapos si Papa. Nagpadala ulit si Papa ng damit nya. Isang simpleng t-shirt ang sinuot nya, isang pantalon at isang mamahaling sapatos. Mas lalong nakita ang kakisigan nya sa kanyang suot.
Simple lang rin naman ang sinuot ni Mama. Isang white t-shirt rin at isang pantalon. Sandals ang suot nya sa paa at maayos na maayos ang staight na buhok. Hanggang baywang nya ang kanyang buhok at may headband pa sya sa ulo. Napansin ko rin ang matinding pag aayos nya. Kitang kita ko ang make up sa kanyang mukha!
Nanliit ang mga mata ko pero hindi ko na pinansin. May pulbos sya sa mukha at light pink na lipstick sa labi. Hindi pansin ang kanyang lipstick dahil kasing kulay lang ng labi nya iyon, lalabas na natural lang. Tapos kaunting pampapula sa pisngi. Sobrang ganda ng Mama ko!
Kitang kita ko ang pagtitig ni Papa kay Mama. Hindi ko mapigilan ang pagngisi lalo na nang ang bibig nya ay umawang pa. Halatang patay na patay sya kay Mama sa itsura nyang iyon.
Tumikhim si Mama nang mapansin na ang pagtitig ni Papa sa kanya. "Tabi!" Bahagya nya itong tinulak para makadaan sya.
Nandoon kasi sila sa sala, napatayo kasi si Papa nang makita si Mama. Hindi makadaan si Mama para makaupo sa isang upuan roon dahil nakatayo si Papa. Napangisi ulit ako.
"Oh. S-Sorry..." agad agad tumabi si Papa.
Nakausot lang naman ako ng pink v neck t-shirt, itim na pantalon at puti na sapatos. Ang sapatos na iyon ay yung bigay ni Papa noon. Hanggang ngayon nasa akin pa rin ito. Habang si Amara naman ay nakasuot lang rin ng t-shirt na kulay blue, pantalon at sandals. Ang hanggang balikat nyang buhok ay medyo humaba na. May suot rin syang headband na manipis katulad nung kay Mama.
Nagsuot nga ng mask si Papa nang lumabas kami. Nagpasama pa rin sya ng mga bodyguards dahil kailangan daw talaga iyon. Hindi nya naman daw ipapalapit sa amin. Pagtataguin nya at lihim lang na titingin sa amin. Pumayag naman roon si Mama. Pero syempre, nagtataray pa rin.
Si Papa ang nagdadrive, si Mama sa tabi nya at nasa likod naman kaming dalawa ni Amara. Sinabi ko kay Papa na gusto kong nakabukas ang bintana dahil nasusuka ako. Pumayag naman sya agad at hinayaan akong buksan iyon. Habang si Amara naman ay tahimik lang, nakahalukipkip at nakatingin sa bintana. Walang emosyon ang kanyang mukha.
Hindi naman matigil ang mga mata ko kakatingin sa labas. Ibang iba talaga ang Maynila. Puro buildings rito at kaunti lang ang nakikita kong puno. Marami ring mga ilaw, sasakyan at tao. May mga bilihan rin sa kung saan saan, may mga taong nakabihis ng pangtrabaho at yung iba naman ay may suot na dress, mukhang mayaman. May nakita pa akong artista na babae! Nanlaki ang mga mata ko nang makita iyon ngunit mabilis kaming nakalayo. Hindi ako makapaniwala!
Marami pa akong nakita. Halos lahat ay buildings pero kahit ganon, nakakamangha pa rin. Lahat nakakamangha!
Nang makarating kami sa San Agustin Church, ang tinutukoy ni Papa, agad na kaming bumaba. Marami nang tao roon. Halos lahat ay naka sasakyan pero may iba pa rin naman na naglalakad o nakasakay sa tricycle. Malaki rin ang simbahan. Ngayon lang ako nakapunta roon at masasabi kong maganda ito. May kalumaan ang itsura pero maganda pa rin talaga. Napanganga ako roon.
Natanaw ko sa malayo ang mga bodyguards ni Papa. Yung iba ay nag uusap at yung iba ay nakatingin sa gawi namin, bantay na bantay kami. Napatingin ako kay Papa na naka mask na ngayon. May suot na rin syang sumbrero. Hindi nya naman inabalang tignan ang mga bodyguards. Alam na siguro nya na nakabantay pa rin ang mga ito.
Dahil sa dami ng tao, hindi na napigilan ni Papa na kunin ang kamay ni Mama. Bahagyang nagulat si Mama roon at magpoprotesta pa sana pero masyadong maraming tao, may iba pang nakakabunggo sa kanya. Mas lalo syang tinabi ni Papa sa kanya. Ako naman ay hinawakan rin ni Papa sa kamay. Si Amara ay nasa tabi ni Mama.
Sabay sabay kaming pumasok sa loob. Doon ay medyo naging maluwag. Maluwag naman sa labas pero may iba kasing nagmamadali at nabubunggo kami.
"Tsansing ka na naman! Bitaw nga!" Si Mama na hindi makasigaw, bulong iyon ngunit iritadong iritado.
"I'm sorry. Maraming tao kanina," paliwanag ni Papa at binitawan na ang kamay ni Mama.
Inirapan sya ni Mama at humalukipkip nalang. Natawa ako ng bahagya.
Mahigit isang oras ang itinagal ng misa sa loob. At pagkatapos noon ay medyo madilim na sa labas. Agad agad na kaming sumakay sa sasakyan at nagtungo sa restaurant na sinabi ni Papa. Hindi ganon kalayo iyon sa bahay namin.
Mangha ako nang makarating sa restaurant. Malaki ang loob noon at tulad ng sinabi ni Papa, wala ngang tao roon! Sobrang tahimik at ang slow music lang ang maririnig. Dilaw ang ilaw at may mga naglalakihang chandelier sa itaas. Maraming upuan ngunit walang tao. Kaunti lang ang waiter at waitress roon.
"Hoy," siniko ni Mama si Papa at binulungan. "Parang mahal rito. Wag na tayo dito!"
"No. Don't worry about the money. Ako ang bahala. Tsaka ito lang ang restaurant na napa private ko. Pero kung gusto mong sa iba, sige. Saan mo ba gusto?" Hinarap nya si Mama.
Matalim na tumingala si Mama kay Papa at maya maya ay umirap nalang. "Bahala na nga. Magtatagal pa. Dito nalang,"
Giniya na kami ng isang waitress sa isang table roon. Nakahiwalay ang table na yon sa lahat ng table na nandito. Mukhang pati table ay pina private ni Papa.
Hindi ko naman mapigilan ang mamangha. Gusto ko na namang magtanong kung gaano na sya kayaman. May van sya, kilala nya ang pamilya ng mga kaibigan ko, may mga tauhan, hindi pwedeng magpakita sa publiko tapos kaya pang magpa private ng restaurant? Gaano na ba talaga sya kayaman?!
Naupo kami sa nasabing table. Ayaw man ni Mama, wala na syang nagawa nang umupo kami ni Amara sa magkatabing upuan. Umupo nalang sya sa tabi ni Papa, inilayo nya pa ng kaunti ang upuan nya at humalukipkip, nagtataray na naman.
Kaharap ko si Papa at kaharap naman ni Amara si Mama. Napangisi ako dahil para na naman silang mga bata. Hindi ko alam kung ito pa ba ang mga magulang ko dati. Masyadong nagiging bata si Mama. Pero hindi ko naman sya masisisi. Galit sya at nasasaktan pa rin sa lahat. Hihintayin ko nalang ang araw na magagawa na nyang patawarin si Papa.
"Here's the menu, Sir, Ma'am..." nakangiti ang babaeng waitress.
"Thank you," pormal na sinabi ni Papa.
"Ano ito? Ang mahal!" Si Mama na kabubukas pa lang ng menu.
"Just order, Anna. Ako na ang bahala," si Papa.
"Ang mamahal, Brayden! Kaya mo ba ito?"
"Kaya ko, Anna," ngumiti si Papa. "Umorder ka na ng gusto mo. Ako na ang bahala..."
Napakamot si Mama sa ulo, mukhang namomroblema. Tinignan ko nalang ang menu at nagulat rin dahil ang mamahal nga! Pang isang buong linggong pera na yata namin ang presyo nito! Napatingin din tuloy ako kay Papa.
"Ang mahal, Papa," sabay pa naming sinabi ni Amara.
Umiling si Papa. "Pumili na kayo ng mga gusto nyo. Don't worry about the money. I'll take care of it,"
Kaya naman sa huli, wala na kaming nagawa kundi ang pumili nalang. Lahat naman ay mukhang masarap kaya hindi ko na kailangan pang pumili. Kinailangan ko lang dahil sa presyo. Pinili ko yung pinaka mura na nandoon sa menu. Pero kahit iyon ay mahal pa rin para sa akin! Ngumuso nalang ako at wala nang nagawa.
"Pinapaayos ko na nga pala ang pagpapalit ninyo ng apelyido. It will take weeks to complete that," si Papa.
Nagulat ako roon. "Pinapaayos nyo na po?"
"Yes,"
"Papalitan mo agad?" Singit ni Mama.
"Uh... yes?" Nag alinlangan pa sa pagsagot si Papa, nanliit na naman kay Mama.
"Bakit?" Nagsalubong ang kilay ni Mama. "Paano kung magtaka ang mga kaklase nyan kung bakit Legaspi ang ipinalit sa apelyido nila? Kilala ka ng lahat kaya magtataka sila!"
"Hindi naman siguro. Hindi naman ako ganon kakilala, Anna--"
"Anong hindi?! Ako pa talaga niloko mo? Baka magulo yang mga anak mo sa school!"
"H-Hindi naman siguro..." nag iingat na pilit ni Papa.
Umirap si Mama. "Bahala nga kayo!"
"Mama, hindi naman siguro yon. Maraming Legaspi sa Pilipinas kaya hindi nila kukwestyunin yon," si Amara.
Bumuntong hininga si Mama at medyo kumalma. "Alam ko naman yon, anak. Nag aalala lang naman ako. Baka magulo kayo roon at hindi nyo maayos ang pag aaral nyo,"
"Hindi yan, Mama. Kung ako ang nasa kalagayan nila, hindi ako magtataka. Huminahon kayo. Wag kayong mag isip ng kung ano ano kasi," umiling iling si Amara, natatawa.
Ngumuso si Mama at hindi na nagsalita pa. Ininuman ko naman ang tubig na nasa harapan ko.
"Anong oras ang pagpasok at pag uwi nyo sa school?" Tanong ni Papa maya maya.
"Uh, seven thirty ang pasok ko sa umaga tapos three fifthy ang uwian sa hapon. Si Amara seven thirty rin ang pasok pero three thirty ang uwian. Mas maaga po silang umuuwi," sagot ko.
Tumango tango si Papa. "Hahatid at susunduin ko kayo,"
Napangiti ako roon. Tumango naman si Amara at hindi ngumiti pero alam kong masaya sya roon. Kung ano ano pa ang tinanong ni Papa at sinasagot naman namin sya ng maayos. Hanggang sa dumating na ang pagkain namin at nagsimula na kami. Mataray pa rin si Mama pero hindi na sya ganon kalamig kay Papa. Kapag nagtatanong ito, sinasagot na nya ng maayos. Parang hinahaplos ang puso ko sa isiping unti unti na kaming nagkaka ayos.
Mahaba ang gabi na yon para sa amin. Nagtagal kami sa restaurant. Puro kain at kwentuhan lang ang mga ginawa namin. Si Papa nagtatanong sa kung ano ano, kung anong paborito naming pagkain, paboritong gawin kapag bored, may allergy ba kami, may mga ayaw ba kaming kinakain at kung ano ano pa. Kahit maliliit na bagay ay gusto nyang malaman. At syempre, sinasagot naman namin sya. Nagtatanong rin kami sa kanya ng kung ano ano.
Si Mama rin ay tinatanong nya sa mga bagay bagay. Sinasagot naman sya ni Mama pero parang hindi naman na nya kailangan pang magtanong. Alam kong alam na nya ang lahat kay Mama. Kung ano ang paborito nitong pagkain, paborito nitong kulay at kung ano ano pa. Sa tingin ko ginagawa nya lang excuse ang magtanong para makausap nya ito.
Natapos kami roon ng masaya. Kahit mataray pa rin ang itsura ni Mama, alam kong masaya rin sya at unti unti na syang nagiging maayos kay Papa. Yun nga lang, syempre kailangan pa ng mahabang panahon para tuluyan na nyang tanggapin si Papa.
Napaka rami naming ginawa sa araw na yon pero wala akong maramdamang pagod. Masayang masaya ako sa lahat lalo na kapag ngumingiti na si Mama, hindi na nagtataray kay Papa. Kahit mga tipid na ngiti lang yon, masaya pa rin ako at masarap pa rin sa pakiramdam ang makitang ganon na sya kay Papa. Alam kong ganon rin si Amara at si Papa, kaming lahat! Masayang masaya kami.
"Hindi ulit kayo dito matutulog?" Si Amara nang nagpaalam na si Papa para makapag pahinga na kami.
"Hindi, anak. Marami pa akong gagawin sa bahay. Hindi ako pumapasok sa trabaho ngayon at sa bahay ko lang ginagawa lahat. Babalik naman ako rito bukas," ngumiti sya sa amin.
Tumango si Amara. "Sige po. Ingat!"
"Ingat, Pa," sabi ko at yumakap sa kanya. Niyakap nya rin ako. Niyakap nya rin si Amara at hinalikan kami sa noo.
"Mag iingat rin kayo rito. Mag iiwan ulit ako ng mga tauhan," bumitiw sya at hinarap si Mama na nakahalukipkip at pinapanood lang kami. "Uuwi na ako, Anna..."
Tumango si Mama. "Mmm. Ingat," malamig nyang sinabi.
Napanguso ako.
Lumapit naman ng bahagya si Papa sa kanya at binuka ang braso. "Can I get a hug?"
Ilang sandaling hindi gumalaw at nagsalita si Mama. Tinitigan nya lang si Papa roon, may kaunting matalim na tingin pero halata ang kagustuhang yakapin rin ito. Maya maya ay dahan dahan syang naglakad palapit kay Papa. Dahan dahan nyang niyakap si Papa sa baywang. Hindi agad nakagalaw si Papa, nagulat dahil niyakap talaga sya ni Mama. Ngunit ilang sandali pa ang nakalipas ay niyakap na rin nya ito pabalik. Mahigpit at matagal nyang niyakap si Mama. Sinandal nya ang kanyang ulo sa may tenga nito at hinalikan sa buhok.
Parang may humaplos sa puso ko nang makita silang ganon. Tumabi sa akin si Amara at pinagmasdan rin ang mga magulang naming parang mga bata pero alam naming miss na miss naman ang isa't isa. Ngumuso ako at para akong maiiyak.
Ilang sandali pa ang nakalipas at si Mama na ang unang humiwalay. Dahil halatang walang balak humiwalay si Papa sa kanya.
"Sige na. Masyado nang gabi. Umuwi ka na," si Mama.
"Parang ayaw ko munang umuwi. Can I stay here?"
Matalim na tinignan ni Mama si Papa.
"Pwede pero may gagawin ka pa. Umuwi ka na, Brayden,"
"Pero--"
"Isa,"
Ngumuso si Papa. "Uuwi na..."
Wala ngang nagawa si Papa noon kundi ang umuwi. Kumaway kami sa kanya habang paalis ang kanyang van. Habang si Mama ay nakahalukipkip lang, nakatingin rin sa papalayong van ni Papa.
Nakangiti kong nilingon si Mama nang mawala na sa paningin namin si Papa.
"Mama, ah? Ano yon?" Panunukso ko sa kanya.
Tinignan nya ako. "Tss. Ikaw talaga. Halika na. Pumasok na tayo. May pasok pa kayo bukas,"
Humalakhak ako. Ngumisi si Amara. Kalaunan ay pumasok na kami sa bahay. Masaya akong natulog sa gabing yon. Pakiramdam ko iyon ang pinaka masayang araw ko sa buong buhay ko. Masayang masaya talaga ako.

Komento sa Aklat (155)

  • avatar
    tearShall

    It's an interesting story and how painful they suffer as well

    23/12/2021

      0
  • avatar
    Nawaf Sultan Mustapha

    goods

    30/04

      0
  • avatar
    Erika Evangelista

    ganda 🥰

    14/04

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata