logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

KABANATA LIMA: Sa Miri De Elia

VEDA CERYS POV
Kinabukasan, maaga pa lang ay nagising na ako dahil sa matinding pananabik at kaba. Balak ko ngang maagang pumunta sa Sa Miri de Elia—ang kakaiba at sikat na restaurant na ’yon. Kahit ang pangalan nito ay may kakaibang tunog na hindi ko mawari kung saang wika nagmula, at sa totoo lang, wala talaga akong ideya kung anong ibig sabihin niyon. Pero isinantabi ko muna ang pagtataka dahil mas malaki ang focus ko sa trabahong naghihintay sa akin.
Pagkatapos kong maligo at mag-ayos, hinarap ko ang aking cabinet. Kinuha ko ang paborito kong baggy jeans at ipares dito ang isang simpleng white t-shirt na may cute na tatak ng mga pandang naglalaro. Para hindi naman masyadong malamig ang biyahe, isinuot ko rin ang aking light green jacket—isang espesyal na regalong ginantsilyo pa ni Mama para sa akin gamit ang kanyang sariling mga kamay. Kinuha ko ang aking yellow shoulder bag, isinuot ang aking paboritong white shoes, at huling ipinasok sa bulsa ang aking phone, ang lilang business card, kasama ang maayos na nakatuping resume. Ready na ako.
Dala ang buong lakas ng loob, mabilis akong bumaba ng hagdan. Saktong pagdating ko sa ibaba ay narinig ko ang kalansing ng mga kagamitan sa kusina. Nandoon si Mama, abala sa pag-aayos. Agad ko siyang pinuntahan para linawin ang nangyari kagabi na pilit na gumugulo sa isip ko bago ako natulog.
"Ma, hinahanap kita kagabi pagkauwi natin, kaso hindi kita makita kahit saan," casual kong saad habang nakapamewang sa harap niya, pilit siyang sinusuri ng aking mga mata.
Napatigil si Mama, saglit na natigilan bago mabilis na lumingon sa akin. "Ad tiali tu—"(to your auntie) bigla niyang bawi sa sarili, medyo nabilaukan pa sa sariling laway, bago pilit na ngumiti. "...Este, dyan lang sa kapitbayan, anak. May pinuntahan lang sandali."
Kumunot ang noo ko. Rinig na rinig ko ang unang salitang lumabas sa bibig niya, isang kumpol ng mga tunog na hindi ko kailanman narinig sa buong buhay ko. "Ma, ano po 'yung ibig sabihin ng unang sinabi niyo? 'Yung ad tiali... ano 'yun?" curious kong saad, mas lalong lumalapit sa kanya.
Mabilis na umiling si Mama habang pinapanatili ang nakalilitong ngiti sa kanyang mga labi. "Wala 'yun, anak! Nabuhol lang ang dila ko," pagpapalusot niya, sabay hawak sa magkabilang balikat ko. "O siya, maupo ka na dyan sa hapag at kumain nang marami, para may lakas ka bago ka pumunta sa restaurant na iyon."
Hindi na ako nakapalag nang dahan-dahan niya akong itulak patungo sa dining area. Pinaghila pa niya ako ng upuan nang may labis na asikaso. Naupo naman ako habang nakatitig sa likod niya.
Weird. Sobrang weird na talaga ni Mama simula kagabi. Para siyang may malaking sikretong itinatago sa akin, at ewan ko ba, parang may kinalaman iyon sa restaurant na pupuntahan ko ngayong umaga.
Pagkatapos kong maubos ang inihandang almusal ni Mama, mabilis akong nag-toothbrush sa lababo ng aming kusina. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin, huminga nang malalim, at tuluyan nang lumabas ng bahay. Hindi ko na kailangang sumakay ng dyip o traysikel dahil ilang minutong lakaran lang naman ang distansya mula sa amin patungo sa lokasyon ng kainan.
Makalipas ang humigit-kumulang sampung minutong paglalakad sa pamilyar na lansangan, muli akong nakatayo sa tapat ng misteryosong estruktura ng Sa Miri de Elia. Sa liwanag ng umaga, mas lalong kitang-kita ang kakaibang kintab ng modernong itim at lilang pader nito. Itinulak ko ang mabigat na salaming pinto at pumasok sa loob.
Agad na bumalot sa akin ang malamig na aircon at ang nakagugutom na halimuyak ng mga pampalasa. At bago pa man ako makahakbang nang malalim, sinalubong na ako ni Mr. Eric—ang seryosong lalaki na nasa cashier kahapon. Mukhang alam niya nang darating ako dahil hindi man lang siya nagulat sa presensya ko.
"This way, Ms. Veda," seryoso at baritono niyang saad.
Nauna siyang maglakad at mabilis naman akong sumunod sa bawat hakbang niya. Maaga pa lang, halos kabubukas pa lang ng restaurant, pero laking gulat ko dahil sobrang dami na agad ng taong nakaupo at kumakain. Pero sa isang banda, hindi na rin ako magtataka; sa sobrang sarap ba naman ng mga putahe rito na tila may nakahuhumaling na sikreto, talagang dadayuhin ito kahit anong oras.
Binagtas namin ang gilid ng dining area hanggang sa makarating kami sa pinakadulo ng restaurant. Huminto si Mr. Eric sa harap ng isang naglalakihang itim na pinto na gawa sa mamahaling kahoy. Walang kahit anong handle ang pinto, ngunit sa isang kumpas ng kamay ni Eric, kusa itong bumukas nang walang kaingay-ingay. Nauna siyang pumasok at sumunod naman ako.
Pagka-hakbang ko sa loob, literal na napanganga na lang ako sa sobrang ganda ng paligid.
Para akong pumasok sa isang modernong palasyo na nakatago sa gitna ng Maynila. Sa gitna ng napakataas na kisame ay nakasabit ang isang dambuhalang kristal na chandelier na nagliliyab sa liwanag ng violet at gold. Ang buong silid ay tila isang pribadong opisina o bulwagan. Ang mga pader ay napapalamutian ng mga naglalakihang painting na may mga gintong kuwadro. Puro larawan ito ng mga lumang kastilyo na napakalaki, napakatatayog, at napakaganda ng arkitektura—mga lugar na sa tingin ko ay hindi mo matatagpuan sa kahit saang sulok ng Pilipinas.
Ngunit habang iniiwas ko ang tingin ko sa mga kastilyo, may isang partikular na larawan sa gitna ng dingding ang nakapagpatigil sa akin at nagdulot ng matinding kalituhan sa aking isipan.
Iyon ay isang painting ng dalawang magandang babae na tila ba lumulutang sa hangin sa gitna ng isang madilim na gabi. Ngunit hindi ang paglutang nila ang nagpatibok nang mabilis sa puso ko, kundi ang kanilang mga mukha. Ang isa sa mga babae na nakasuot ng isang eleganteng white dress ay may mukha na kamukhang-kamukha ni Mama. Habang ang babaeng kasama naman niya, na nakasuot ng isang marangyang violet dress, ay may hawak na kristal na wand.
At ang pinakanakakawala ng wisyo? Pareho silang may suot na matutulis na sumbrero—ang tanyag na witch hat na madalas ko lang makita sa mga kwentong pambata at pelikula.
Napatitig ako nang matagal sa painting, pilit na kinukumbinsi ang sarili ko na namamalikmata lang ako. Paanong ang mukha ng aking simpleng ina na gumagawa ng mga dessert sa aming kusina ay nakasabit sa loob ng isang lihim na silid ng sikat na restaurant na ito, na nakadamit pang witch?

Komento sa Aklat (1)

  • avatar
    TorrejasMark Anthony

    cool

    6d

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata