logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Kabanata VIII: Pagkikita

"Para maipatama mo ang sibat kailangan mo siyang puntiryahin sa oras na mahina siya." Lumiit ang mata ko habang tutok ang tingin sa baboy ramo na kumakain sa malalagong damo.
"Ngayon na, Alunsina,” utos ni Lumad.
Kumuha ako ng lakas upang ibigay sa sibat na aking bibitawan nang bigla akong mapahinto ng may isa pang baboy ramo na lumapit rito at hinihimas ang balat sa isa pang baboy ramo. Dahan-dahan kong ibinaba ang sibat na hawak ko. Sa aking palagay ay mag-asawa sila at ang baboy ramo na kumakain ay babae at ang lalaki ang kanina pa tila nagbabantay dahil sa paikot-ikot nitong lakad.
Aatras na sana ako dahil sa awa. Ayaw kong patayin ang isa, kahit mga hayop sila alam kong nagmamahalan sila. Mahirap mawalan ng minamahal kung kaya't ayaw ko itong maramdaman nila.
Agad akong napatingin kay Lumad matapos niyang puntiryahin ang lalaking baboy ramo, mabilis itong natumba matapos nitong tamaan sa ulo. Napatakbo ang isa pang baboy ramo palayo.
"Ang ginawa mo?!"
"Hindi magiging sapat ang lakas ng iyong katawan kung ang damdamin mo naman ang mahina. Kapag nasa harapan mo na ang kalaban, dalawa lamang ang maari mong pagpilian. Mamatay o pumatay. Lahat tayo ay may naghihitay na pamilya at minamahal ngunit kung maawa ka sa kanila maaring ikaw na ang hindi makakauwi sa iyong minamahal. Tandaan mo Alunsina, kalayaan ang ipinaglalaban mo. Hindi ka maaring maging malaya kung hindi ka lalaban at hindi ka makakalaban kung parating awa ang mananaig sa iyo."
Sandali akong napatahimik sa kaniyang sinabi at muling ibinaling ang tingin sa baboy ramo na wala ng buhay.
Tama siya sa kaniyang tinuran. Kung kalayaan ang nais namin, kailan naming maunahan ang kalaban, upang mapanatili ang payapang tulog ng aming mga mahal.
"Umalis na tayo. Maghanap tayo ng ibang maaari mong paggamitan ng sibat na iyan." Nanatili akong nakaupo habang siya ay nasa akin ng likuran nakatayo.
"Kung pagod–"
"Hindi pa ako pagod at hindi ako mapapagod," saad ko sa kaniya mula sa malimig na tono, matapos nito ay lumakad akong palampas sa kaniya.
"Maraming salamat ulit."
"Hindi mo na kailangan pang magpasalamat sa lahat ng ginagawa ko, sapagkat lahat ito at para sa iyo. Hindi ako mabilis sumuko, Alunsina."
Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad sapagkat kung makikipagtalo pa ako sa kaniya ay mauubos lamang ang aking oras. Katulad ng kaniyang tinuran ay hindi siya madaling sumuko. Kahit ilang beses ko pa sa kaniyang sabihin na hindi na magbabago ang pagtingin ko sa kaniya ay hindi siya titigil.
Narito pa rin kami sa pulo ng Limasawa, sa masukal na gubat kami namamalag. Kapag sumapit na ang pagtirik ng araw ay babalik siya ng Mactan at sa susunod na dalawang araw pa ang kaniyang balik dito.
Hindi ko alam kung papaano niya nakakayang magtungo sa dalawang pamumuno. Sa oras na malaman ito ni Rajah Kolambu ay tiyak kamatayan ang hatol, hindi ko nais na humantong siya sa ganoong bagay kung kaya't pinilit ko siyang bumalik na kami sa Mactan. Ngunit sadyang mapilit siya at nais na rito na kami manatili.
"Katulad ng aking itinuro. Puntiryahin mo siya sa oras ng kaniyang kahinaan." Napalunok ako at umiwas kay Lumad na malapit ang dikit sa aking katawan. Hindi na siya lumapit pang muli, batid kong pansin niya ang pag-iwas ko.
Kumawala ako ng malalim na paghinga bago itinaas sa hangin ang sibat. Lumiit ang mata at kumawala ng malakas pa paghagis ng sibat. Mabilis natumba ang baboy ramo matapos tumama ang sibat sa likod ng kaniyang ulo.
"Nagawa ko." Galak na galak ang puso kong napatingin kay Lumad. Titig na titig siya sa aking mukha na tila sinusuri ang bawat parte nito. Naalala kong muli ang mga tingin sa akin ni Paubari noon.
Nagtama ang aming mga mata. Ang tila malamlam na mata nito ay titig na titig sa aking mga mata, ngunit tila may hinahanap ako rito. Hinahanap ko ang mga tingin ni Paubari na sa tuwing kinukulong ako ng kaniyang mga mata ay tila hindi ako makahinga. Sadyang hindi ko talaga kayang ihalintulad sa iba si Paubari. Kahit anong pilit ko, sa bawat kumpas ng hangin ay siya ang naalala ko. Kahit pa ang mga tala mula sa madilim na kalangitan ay siya ang nakikita ko.
Galit ako sa kaniya ngunit bakit sabik na sabik akong makita siyang muli at mahagkan? Nagloloko na nga ata ang puso ko na pilit iniiba ng isip ko. Sadyang hindi siya magtugma ng nais gawin.
Inilapit niya ng bahagya ang kaniyang mukha ngunit napigil ko ang tuluyang pagdikit ng aming mga labi. Napahawak ako sa kaniyang dibdib at itinulak siya, hindi iyon ganoon kalakas ngunit napadikit siya sa punong nasa kaniyang likuran.
"Sa palagay ko ay dapat ka nang umalis. Huwag kang mag-alala sa aking pag-iisa, kaya ko ang aking sarili." Umiwas ako ng tingin at tumayo.
"Sana'y huwag mo na ulit tangkaing gawin ang nais mo, huwag mo sanang pagsamantalahan ang pagtanaw ko sa iyo ng utang na loob dahil sa pagligtas mo sa akin. Hindi ko makakalimutan ang bagay na iyong ginawa para sa akin, ngunit katulad ng aking sinabi sa iyo. Sa iba mo ibaling ang pagmamahal na iyan." Tumingin ako sa kaniya na nanatili sa pagkakaupo.
Hindi ko na siya hinintay pang magsalita, lumakad na ako paalis roon. Babalik na siya sa Mactan kung kaya't hindi na namin kailangan pang mag-usap sapagkat sa lahat ng aking gagawin ay kaniyang binibigyan ng ibig sabihin. Pilit ko mang ipaintindi, tila matigas ang kaniyang ulo sa pagtanggap ng katotohanan na iyon.
Ilang araw siyang mawawalan at ilang araw na lamang ay ikakasal na si Paubari at Dal'ang. Sa tuwing sumasagi bigla sa aking isip ang bagay na iyon ay nagliliyab ang damdamin ko, nais ko silang makita ngunit may parte sa akin na hindi na dapat pa.
Gawin ko mang abala ang aking sarili sa pagsasanay, sa tuwing humihinto ako ay bigla na lamang pumapasok ang mga bagay na iyon sa aking isip.
Mula sa pagtitig sa kawalan ay napahinto ako ng mapansin ang ilan sa mga tao ang nagkakagulo. May ilang ingay din akong narinig na tila tunog ng isang kulog. Umayos ako ng upo mula sa itaas ng puno ng mangga upang sipatin ang kaganapan sa pampang.
Marunong akong umakyat ng puno dahil noong bata pa lamang kami ni Suklang Malayon ay ito ang ginagawa ko upang tumakas sa mainagay niyang bibig at sa kaniyang mga kwentong hindi natatapos. Umaakyat ako ng puno upang hindi niya ako makita.
Ipinatong ko pa ang aking kanang kamay sa itaas ng aking kilay upang takpan ang liwanag. Mula rito ay tanaw ko ang pagbaba ng ilan sa mga dayuhan. Alam kong dayuhan sila dahil sa kulay ng kanilang balat at sa kanilang pananamit.
Dumami ang mga bagani na nagtungo sa likuran ni Rajah Kolambu habang ang tila pinuno ng mga dayuhan ay nakikipag-usap rito.
Pinilit kong tingnan ang sinasabi ng dayuhan ngunit hindi ko maintindihan. Magaling man ako magbasa ng sinasabi ng iba sa pamamagitan ng pagtitig sa kanilang bibig ay sadyang hindi ko siya maintindihan dahil sa lenggwahe na kaniyang ginagamit.
Ngunit ang ipinagtataka ko ay kung paano nila naiintindihan ang kanilang usapan. Sa nakikita ko kay Rajah Kolambu ay tila alam niya ang sinasabi nito dahil sa bawat pagtango at pagsagot nito.
Inilibot ko pa ang paningin sa aking paligid upang tingnan ang mga naroon hanggang sa humarap si Rajah Kolambu sa isang lalaki. Sa aking palagay ay marahil siya ang tagasalin sa salita ng dayuhan upang magkaintihan sila. Ngunit tungkol saan ang kanilang usapan? Tila nagsasaya na sila ngayon dahil sa sa pagtaas ng kamay ng isang lalaking maputi ang kulay ng balat ngunit sobrang nipis na buhok at tila tanaw ang kaniyang anit.
Ibang klase ang mga dayuhan, iba rin ang kanilang mga sandata na tila walang kasing talim.
Ito nga ba ang tinutukoy ng mahal na Datu Mangal? Sila na nga ba ang tinutukoy nilang pangkat ng mga dayuhang magagapi ng aking ama?
Kung sila iyon, maari ngang nalalapit na rin ang kanilang mga pangitain patungkol sa huling palasong aking binitawan.
Pilit ko mang magpakatatag, ang totoo ay takot na takot ako sa mga pangyayari na maaaring maganap sa araw na iyon.
Ayokong maging saksi, ngunit ang tadhana na ang nagpasya. Hindi ko ito kaya pang baguhin at takasan.
Natapos ang araw na nasa itaas lamang ako ng puno habang sinasamsam ang malamig na hangin at nagmumuni-muni ng mga bagay-bagay hanggang sa napansin ko ang isang lalaki na pilit humuhuli ng baboy ramo ngunit hindi niya ito matamaan.
Agad akong bumaba ng puno upang lapitan siya. Inagaw ko ang hawak niyang sibat matapos niya itong itaas upang ako ang pumuntirya. Matapos ko itong matamaan ay napatingin ako sa kaniya na halata ang pagkabigla.
"Ako ang nakahuli niyan. Ngunit ibibigay ko sa iyo iyan dagdag pa ng isa pa, kapag sinagot mo ang aking katanungan," hamon ko sa kaniya na mukhang hindi naman niya aatrasan.
"Ano naman ang nais mong itanong?"
Umayos ako ng tindig at humarap sa kaniya. "Napansin ko ang mga dayuhan kanina, nais ko lamang sana na malaman kung ano ang mga naging usapan kasama si Rajah Kolambu?" Pansin ko ang pagkunot ng kaniyang noo matapos ko itong itanong.
"Sa aking palagay ay nabibilang ka sa ibang pulo at sa klase ng iyong kasuotan ay hindi ka lamang basta. Kung kaya't ano para sa iyo ang usapan na iyon?"
"Kaya kitang bigyan ng higit sa dalawang baboy upang ibigay sa iyong pamilya o malamig mong katawan ang maaari kong ipadala sa kanila? Mamili ka lamang sa dalawa." Napatingkayad siya matapos kong itutok sa kaniyang leeg ang dulo ng palaso.
"S-sasabihin ko na." Matapos niya itong sabihin ay inilayo ko sa kaniya ang palaso.
"Nagtungo ang mga dayuhan na iyon upang makipagkaibagan. Ang kanilang pinuno raw ay kapitan ng pinakamakapangyarihang hari sa buong mundo. Nais din nilang makipagkalakalan ng mga pagkain at mga kagamitan,” panimula niya at umayos ng tindig.
"May dala rin silang ibang klase ng Anito at tinatawag nila itong Diyos. Nais nilang itayo ang krus na kanilang dala sa isang dako para sa aming kapakanan. Sapagkat sino mang makakita nito ay hindi na kami gagalawin. Maging ang kulog, kidlat at bagyo ay hindi kami magagapi."
Kung ganoon ay tama nga ang aking iniisip. Malakas ang Rajah Kolambu at sadyang ipinagmamalaki niya ito, ngunit ganoon na lamang siya kung pumayag magpasailalim sa mga dayuhan? Sa aking palagay ay sadyang malakas ang mga iyon na alam niyang hindi niya makakaya kung sila'y makikipaglaban.
"Sandali lamang." Paalis na sana ako nang bigla niya akong pigilan.
"Ang sabi mo ay dalawang baboy ramo ang ibinigay mo sa akin?" Umikot ang mata ko sa hangin at muli siyang hinarap. Inagaw ko ang isa pa niyang hawak na sibat at mabilis itong ibato sa baboy ramo na nasa kaniyang likuran. Nabigla pa siya matapos ko itong gawin kung kaya't halos bumigay ang kaniyang tuhod, mabuti na lamang ay napahawak siya sa puno na nasa kaniyang gilid.
Tinalikuran ko na siya upang maghandang umalis ngunit nagsalita muna ako upang bigyan rin siya ng babala.
"Bukas ay bumalik ka rito at bibigyan kita ng dalawa pa. Basta't ibalita mo sa akin ang ano mang kaganapan ang mangyayari, kasama ang mga dayuhan na iyon. Ngunit huwag kang magtangka na ipaalam ito sa iba, itinala ako ng mga Anito rito upang maging bantay ng kagubatan. Kung ito'y malalaman ng iba mawawa ang mga buhay na hayop rito na magiging dahilan ng inyong pagkagutom."
Hindi ko na siya nilingon matapos ang pagsisinungaling ko. Agad na rin akong umalis doon upang sa ibang parte naman magtago. Muli akong umakyat sa isang puno na naghihimutok sa bunga upang dito na rin kumain. Dito na ako magpapalipas ng gabi hanggang sa pagsapit ng umaga.
Alam kong babalik ang lalaking iyon dito upang kunin ang ipinangako ko sa kaniya. Nais ko lamang malaman ang mga nangyayari, hindi ako maaring makalapit sa kanila sapagkat malalaman nilang hindi nila ako kasapi at ayaw kong magsimula ng digmaan. Hindi ko nais na may dumanak na dugo sa lupain na ito.
SUMAPIT ANG UMAGA. Nagising ako sa isang ingay na tila isang kidlat na nanggagaling sa pampang. Agad akong bumaba sa puno upang lumipat kung saan mas matatanaw ko ang mga nangyayari doon.
Nakita kong muli ang pangkat ng mga dayuhan na puno ng mga bakal na kalasag ang katawan. Lahat ng nasasakupan ni Rajah Kolambu ay naroon. Pinagmamasdan ko kung paano nila itarak ang krus na kanilang tinutukoy. Ito marahil ang ibang Anito na kanilang tinatawag na Diyos.
Napansin ko ang mga tao ni Rajah Kolambu na nagtitipon habang ang puting dayuhan ay tila nangangaral sa unahan. Kasama ang ibang dayuhan ay iniluhod nila ang kanilang mga tuhod at inumpisahang hawakan ang kanilang noo pababa sa tiyan at sa kaliwang balikat patungo sa kanan. Matapos nito ay ipinagdikit nila ang kanilang mga palad at tila taimtim ang pagdarasal.
Matapos nito ay muli silang tumayo at may inabot ang dayuhan na ito na isang klase ng Anito, hindi ko ito masyadong tanaw dahil sa nahaharangan nila ito.
Inilibot ko ang paningin ko sa mga naroon at natanaw ang lalaki na aking kausap. Lumilingon pa siya sa paligid upang tingnan kung may makakapansin sa kaniya kung sakaling aalis siya roon.
Bumaba na ako upang humuli ng tatlong baboy ramo. Dinala ko iyon sa isang dako kung saan kami unang nagkita, alam kong babalik siya ngayon dito.
Maramdaman ko na may papalapit sa aking kinatatayuan. Dahil sa kaguluhang ginagawa ng nga dahon at ibon alam kong nagmamadali ito.
Itinaas ko ang pana sa dako kung saan ko nararamdaman ang papalapit na iyon. Napalunok ako habang tutok na tutok sa dakong iyon. Dahil pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko kasabay din ang mabilis nitong pagtungo sa aking puwesto.
"Sandali."
Agad kong ibinaba ang pana matapos itong magsalita na nakataas ang dalawang kamay, tanda ng kaniyang pagsuko. Hapong-hapo siya sa kaniyang hininga at napahawak sa dalawang tuhod.
Lumapit ako sa kaniya upang marinig ang kaniyang mga sasabihin. Napaangat siya ng tingin sa akin matapos makita ang tatlong baboy ramo na nasa aking gilid.
"Ano ang nangyari kanina?" tanong ko rito. Umayos siya ng tindig.
"Ang pulo na ito ay tatawagin ng Isla San Lazaro at mapapasailalim sa kapangyarihan ni Carlos Primero ng Espanya at ang lahat ng narito ay nagpalit na ng paniniwala. Kristyano na ang tawag sa amin ngayon. Kanina ay tulong-tulong ang iba sa amin habang pilit na sinisira ang mga rebulto ng mga Anito, habang isinisigaw ang Relihiyon de katolika."
Napasinghap ako sa kaniyang tinuran. Tunay ngang pati ang paniniwala ay kanilang babaguhin.
"Kunin mo na ang lahat ng iyan. Salamat sa lahat ng iyong sinabi at nawa'y walang makaalam nito." Matapos ko itong sabihin ay agad din akong umalis doon.
Kailangan kong bumalik ng Mactan upang makausap si ama. Sa aking palagay ay dapat ko ng itigil ang pagpapanggap na ito, kailangan kong masabihan si ama sapagkat maaring ang Mactan na ang susunod nilang puntahan.
Pinalipas ko muna ang araw dahil kung ngayon ako aalis ay mas mabilis akong mapapansin at maaari pang mahuli, lalo na't marami ang pwersa ng mga manlulupig na puting dayuhan.
Nalalapit na ang kasal ni Paubari at sa pagbabalik ko sa Mactan ay sisiguraduhin kong magkikita kaming muli ni Dal’ang, katulad ng aking pangako sa kaniya.
Iniisip ko kung ano ang dapat kong gawin sa kaniya upang hindi niya nakalimutan ang aming pagkikitang muli. Nais kong iwanan din siya ng palatandaan na nakita niya ang taong minsan niyang inakalang napatay na niya.
Lumubog na ang araw kung kaya't mga sulo na lamang ang nagbibigay ng liwanag sa iilang parte ng pulo na ito. Napansin ko na tila may pagtitipon kung kaya't alam kong walang gaanong naglilibot sa paligid.
Mabilis akong nakakuha ng pagkakataon upang kumuha ng isang balangay upang doon sumakay.
Habang binabaybay ko ang payapang karagatan ay hindi ko mapigilan ang kaba na aking nadarama. Sa bawat hampas ng alon ay sing bilis ng tibok ng puso ko.
Sadyang hindi maalis sa aking isipan si Paubari. Hindi siya ang dahilan kung bakit ako babalik, pero bakit parang siya ang kauna-unahang tao na nais kong makita? Bakit ganito ang mangyayari sa akin? Nagagalit ba ako sa kaniya? Pero dapat… dapat akong magalit sa kaniya.
Bakit tila hawak nito ang puso ko at kayang manipulahin ang utak ko.
Dapat galit ako sa kaniya, dapat ay wala na ang damdamin na ito.
Ngunit masyadong hanggal ang pag-ibig ko para sa kaniya. Maging ang sarili ko ay hindi ko na makasundo.

Komento sa Aklat (48)

  • avatar

    diamond 1000 uquwqu

    17/05/2025

      0
  • avatar
    Marlon Vergara Lozano

    maganda Ang is turya Ng kuwen to

    12/12/2024

      0
  • avatar
    Reymond Cinco Almencion

    5000

    30/05/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata