logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Kabanata VII: Balita

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, nanlalabo ito noong una ngunit ilang saglit lamang ay naging malinaw na.
Bumungad sa akin ang pawid na pantakip sa maliit na kubong aking kinalalagyan. Napalunok ako dahil sa uhaw na aking nararamdaman.
Inililibot ko ang aking paningin sa paligid at hindi nga ako nagkamali, tila isa itong tahanan ng salat sa pamumuhay. Maliit lamang ito at sira-sira pa ang mga kahoy na pader.
"Aahh!" Daing ko matapos piliting makatayo. Napahawak ako sa aking tiyan na may balot ng tela. Sa palagay ko ay kapapalit lamang ng halamang gamot dito.
Muli akong napahiga at napatingin sa kawalan, kumawala ng malalim na pag hinga upang kumuha ng lakas.
Napakagat ako sa aking labi matapos maramdaman ang hapdi ng aking sugat nang pilitin kong muling bumangon ngunit mabilis akong napaluhod at napakapit sa kanina kong hinihigaan.
"T-tulong!"  Sigaw ko habang iniinda pa rin ang sakit. Mariin kong piniig ang ulo ko sa matigas na higaan dahil sa sakit. Sa pakiwari ko ay dumurugo itong muli.
"Alunsina!"
Agad akong binuhat ng isang lalaki na tila kilala ko ang boses. Inihiga niya akong muli habang ako ay mariing nakapikit at namamaluktot sa sakit na dulot ng aking sugat.
"Bakit ba pilit kang tumayo?" Pag-aalala nitong tanong sa akin, hindi ko siya masagot dahil nanghihina ako sa sakit na aking nararamdaman.
"Huwag ka munang gumalaw. Masakit itong ilalagay ko."
"Aahhh!" sigaw kong umalingawngaw sa buong paligid. Umaagos na rin ang luha sa aking mga mata at habol sa paghinga, tagaktak rin ang aking pawis at lalong nanuyo ang aking lalamunan.
"T-tubig..." saad ko sa mahinang boses. Nakapikit pa rin ako ngunit ramdam ko ang pagmamadali nito.
Muli kong idinilat ang aking mga mata, napatingin ako sa dako kung saan nagmadaling bumalik sa aking kinahihigaan si... Lumad.
Inalalayan niya akong makaupo ng bahagya habang nakadikit sa kaniyang braso.
Uminom ako na natatapon pa dahil sa panginginig ng aking kamay. Magaan sa pakiramdam kung kaya't naging maayos rin ang aking paghinga.
"Huwag ka munang masyadong gumalaw upang hindi lumala ang iyong sugat,” wika nito matapos akong ibalik sa aking kinahihigaan.
"Nasaan tayo?" tanong ko sa kaniya mula sa matamlay na boses. Napatingin pa siya at umupo sa gilid ng aking higaan.
"Narito tayo sa pulo ng Limasawa kung saan si Rajah Kolambu ang namumuno. Nakita ko ang ginawa sa iyo ni Dal'ang, pabalik na kami ng Mactan noon kasama si Mayari at Bugna. Matapos kang ihulog sa dagat ay agad akong lumangoy patungo roon, hindi kami nakita ni Dal'ang kung kaya't dito ka namin dinala." Napatingin ako sa ibang gawi matapos marinig ang kaniyang paliwanag.
Galit muli ang namumutawi sa akin, naalala ko na namang muli ang pangyayari na iyon. Tama ka sa huli mong hamon sa akin, sadyang pagtatagpuin pa tayo ng tadhana, Dal'ang.
"Limang-araw ka ng walang malay. Hindi muna namin ipinaalam ang nangyari sa iyo upang isipin ni Dal'ang na nagtagumpay siya."
"Sina Suklang Malayon at Paubari?"
"Naikasal na si Suklang Malayon at Mabu, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ni Suklang Malayon ang pagkawala mo. Ang buong akala ng lahat ay nalunod ka, iyon ang pinalabas ng ilang mga nakakita. Marahil ay malaki ang ibinayad sa kanila upang magpakalap ng maling balita." Mas lalong nag-alab ang galit ko at pakiramdam ko ay hindi pa ito ang lahat.
"Si Paubari naman…" napayuko siya at humina ang tono ng kaniyang boses. "…ay ikakasal na kay Dal'ang sa susunod na limang araw."
Kung sa pagiging handa lamang ay mas handa pa akong saluhin ang hapdi ng saksak ni Dal'ang kumpara sa katotohanang si Paubari ay tuluyan ng mapupunta sa taong nagtangka sa aking buhay.
"Sa aking palagay ay nakalimutan ka na ni Paubari. Hindi manlang siya naghanap sa iyo noong mabalita na nawawala ka, nakalap ko pang madalas na silang magkita ni Dal'ang. Patawad Alunsina, kung ito ay sinasabi ko ngayon kahit alam kong hindi ka pa ganoong magaling."
"Iwan mo muna ako, nais kong mapag-isa."
Umiwas ako nang tingin upang kaniyang hindi mapansin ang mga luhang namumuo sa aking mata. Walang tanong, siya'y tuluyang lumabas at sa puntong ito ay hindi ko mapigil ang pag-iyak.
Napayakap ako sa aking sarili dahil sa pakiramdam ng pag-iisa at tuluyang nilimot. Walang ibang ingay sa paligid kung hindi ang puso kong naghihinagpis.
Mas masakit pa ang katotohanan na kinalimutan na ako ng taong buong akala ko'y kamatayan man ay ako pa rin ang kaniyang pipiliin.
Ang sugat na dulot ng saksak ay kayang humilom ngunit ang sugat sa aking damdamin ay lubhang mas masakit at walang kahit anong halamang gamot ang kaya itong pahilumin.
Wala na ako sa tubig ngunit nalulunod ako sa bawat luhang sinasamsam kong mag-isa. Buhay na buhay ako pero tila unti-unti naman akong pinapatay.
Walang maihahalintulad sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Hindi ang pagpunit ng balat ko, ni hindi ang pagbaon ng patalim o ang hapdi ng halamang gamot. Dahil halos higit dalawang beses akong pinatay at paulit-ulit pang papatayin sa mga nalalaman ko patungkol kay Paubari.
Umiyak ako hanggang sa napuno na ng galit ang puso ko. Dinama ko ang bawat sakit na ngayon ay puro galit.
Bakit nga ba ako tumatangis sa mga taong hindi alam ang halaga ng luha ko? Kailangan ko maging matatag at matapang, sapagkat hindi lamang sa kanila maaring umikot ang buhay ko.
"Nawa'y maging handa ka sa susunod nating pagtatagpo. Dahil ipararanas ko sa iyo ang talim ng galit ko!"
Tuyo na ang mga luha ko, wala na akong ibang nararamdaman kung hindi ang labis na galit.
Pinatay niyo ang dating Alunsina, ngayon ay haharap kayo sa Alunsina na pinatibay ng galit at pinatatag ng nagliliyab na damdamin.
Muli kong pinilit tumayo. Ngayon ay wala na ang sakit, hindi ko na madama ang hapdi dahil sa galit na mas nangingibabaw.
Iba nga talaga ang nagagawa ng galit.
Sinubukan kong lumabas at mula roon ay nadatnan ko si Lumad na nakatanaw sa malayo. Lumakad ako palapit sa kaniya, bahagya lamang siyang lumingon sa akin.
Narito kami sa tila tagong bahagi ng pulo, malalago ang mga nagtataasang puno. Sira-sira ang maliit na kubo at hindi mo aakalaing may nakatira rito.
"Paano tayo nakapunta rito ng walang nakakapansin?" tanong ko matapos kong tumabi sa kaniya.
"Nahanap ko ang mga magulang ko at dito sila nakatira sa pulo na pinamumunuan ni Rajah Kolambu. Paminsan ay umaalis ako sa Mactan upang magtungo rito. Ito ang lumang kubo namin at may iilan rin akong kilalang narito kung kaya't walang nagtatangka na hulihin tayo. Ngunit kailangan pa rin nating mag-ingat lalo na kapag nalaman nilang anak ka ng mahal na Datu Lapu-lapu, batid naman sa iyong kaalaman na maraming galit sa iyong ama."
Kumawala ako ng malalim na paghinga bago ibinaling ang tingin kay Lumad na ngayon ay nakatingin sa akin.
"Maraming salamat sa pagligtas mo sa akin." Napangiti siya matapos kong sabihin ang mga salitang ito.
Noon pa lamang ay hindi ko siya binibigyan ng pansin kung kaya't hindi ko napansin na may peklat pala siya sa kanang bahagi ng kaniyang kilay ngunit hindi naman kabawasan sa kaniyang gandang lalaki.
"Nagtataka ka ba kung bakit may ganito ako? Nakuha ko ito noong naglaban kami ni Paubari." Kumunot ang noo ko sa kaniyang sinabi.
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Wala lang iyon. Tapos na ang bagay na iyon kung kaya't nais ko na ring kalimutan. Ang mahalaga ay kasama na kita ngayon." Kahit hindi ko alam ang kaniyang tinutukoy ay tumango na lamang ako.
"Huwag kang mag-alala kina Marayi at Bugna dahil mananatiling ligtas ang lihim nating ito."
"Maaari kong ayusin ang ating magiging tahanan upang kalimutan na ang lahat."
Muli akong napatingin sa kaniya. Hindi ko siya maintindihan kung bakit siya ganito, noong nasa Mactan pa kami ay hindi siya lumalapit sa akin o marahil dahil sa higpit ng pagbabantay sa akin ni Paubari.
"A-ang ibig kong sabihin ay habang hindi pa tayo handang bumalik sa Mactan."
Titig na titig ako sa kaniyang mga matang hindi mapakali. Alam kong hindi tunay ang kaniyang sinasabi ngunit alam ko ring kahit anong pilit ko ay hindi niya ito sasabihin.
"Hindi pa gaanong magaling ang sugat mo, magpahinga ka muna sa loob. Ako na ang bahala sa iyo, sabihin mo lang ang nais mo, kahit na ano pa man ito ay aking malugod na susundin,” alok niya ng kaniyang kamay na tinanggihan ko, kung kaya't nabakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat.
"Kaya ko ang aking sarili. Huwag kang mag-alala para sa akin. Ngunit may nais akong ipakiusap kung iyo lamang namang mararapatin." Yumuko siya at may malawak na ngiti kahit na ako ay tila walang buhay at walang ganang kausap siya.
"Lahat ng iyong naisin ay handa kong ibigay, sabihin mo lamang kung ano ito mahal kong Alunsina."
"Nais kong kunin mo ang panang pag-aari ko. Nais kong mapaigi ang kasanayan kong gumamit nito. Maaari mo rin ba akong turuang maging bihasa sa paggamit ng sibat at kampilan?"
Alam kong hindi titigil ang buhay ko sa pagdadalamhati sa puso kong kanilang pinatay. Kailangan kong maging bihasa sa isang bagay na ni minsan ay hindi nila maiisip na kaya ko. Sapagkat, magagapi mo lamang ang iyong kaaway kung ang bagay na kahinaan mo ay ang bagay na patagong lakas mo.
Kailangan ko ito upang sa nalalapit na pangitain ng mahal na Datu Mangal ay maging handa ako. Sa magiging pagbabalik ko sisiguraduhin kong kahit si Paubari na pumapangalawa sa aking ama na pinakamalakas ay makakaya kong higitan at sa pangako ko kay Dal'ang sa magiging susunod naming pagkikita.
"Ang mga gamit mo ay sinunog sa likod ng inyong tahanan matapos ang pagbalita ng iyong pagkamatay, ngunit sisikapin kong tingnan kung naroon pa iyon upang ikaw lamang ay mapagbigyan." Tumango ako sa kaniyang sinabi kahit pa sa malayo ang tingin.
Kung gayoon ay isang kabiglaan ang magiging paghaharap namin ni Paubari. Tila na nanabik ang puso ko, hindi dahil sa labis kong pananabik sa kaniya ngunit sa kung papaano siya magugulantang sa kaniyang makikita.
"Mamayang gabi ang balik ko sa Mactan at bukas ng umaga ang balik ko sa piling mo. Nais mo bang papuntahin ko dito ang nakababata kong kapatid upang samahan ka?" Dahan-dahan kong inikot ang aking katawan paharap sa kaniya na hindi pa rin maawat sa kaniyang ngiti.
"Hindi na kailangan. Katulad ng sinabi ko sa iyo. Kaya ko ang sarili ko, nag-aral rin ako ng paggagamot kung kaya't kaya ko ng gawin ito sa aking sarili." Matapos ko itong sabihin ay doon lamang naglaho ang mga ngiti niya.
"Ngunit nag-aalala ako sa–“
"Hindi ko kailangan ang pag-aalala nino man. Utang ko man sa iyo ang aking buhay, hindi pa rin magbabago ang tingin ko sa iyo. Salamat sa lahat ng iyong ginagawa ngunit patawad sapagkat hindi ko kayang ibigay ang pag-ibig mong nais."
Matapos ko itong sabihin ay tumalikod ako upang bumalik sa kubo.
Tama lamang na malaman na niyang kahit anong gawin niya ay hindi ko kayang ibigay ang kaniyang nais. Utang ko man sa kaniya ang buhay ko ngunit hindi pa rin ito magiging sapat. Nasasaktan at nagagalit ang puso ko, ngunit alam kong hindi ko ito kayang turuan upang sa iba tumibok.
Sumapit ang dapit-hapon. Nagpaalam na siyang umalis ngunit nag-iwan siya ng mga prutas upang kung nais ko raw kumain at para tuluyang bumalik ang aking lakas.
Wala akong gana kung kaya't hindi ko na ito ginalaw. Kinuha ko na lamang ang halamang gamot na kaniyang dinikdik upang ipatong sa aking tiyan, napapikit pa ako dahil sa hapdi nito. Hindi naman nagtagal ay nasanay na ako sa sakit.
Nanatili akong nakaupo dahil sa dami ng aking iniisip ay hindi ko magawang makatulog.
Kamusta na kaya si Suklang Malayon? Marahil isa siya sa nasaktan sa kaniyang maling balita na natanggap. Hindi ko man nais pero ito lamang ang isa sa paraan upang manatili ang kaligtasan ko. Babalik at babalik pa rin ako sa kanila, hindi ngayon sapagkat may tamang oras para doon.
Pilit ko mang huwang isipin si Paubari ay hindi ko makaya sapagkat simula sa aking paggising ay siya lamang ang laman ng aking isipan.
Nais kong maniwala sa mga pangako niya ngunit paano? Paano ako maniniwala na ako lang ang tunay niyang mahal kung sa nalalapit na limang araw ay ikakasal na siya.
Ang puso ng isang tao ay nabibilang lamang sa isa kung gayoong magmamahal siya ng higit sa isa ang ibig lamang sabihin nito, hindi siya marunong magmahal at ang bawat damdamin niya ay hindi tunay. Kung kaya't lahat ng pinakita at ipinaramdam niya sa akin ay pawang kasinungalingan lahat.
Sumapit ang umaga, nasa labas ako ng lumang kubo upang maghintay sa pagbabalik ni Lumad. Hindi ako mapakali sapagkat nais ko ng mahawakan ang aking pana na tila karugtong na ng aking kaluluwa.
"Alunsina."
Agad akong lumapit kay Lumad. Hingal na hingal siya at tila ba galing siya sa isang laban.
"Anong nangyayari sa iyo?"
Noong makalapit ako sa kaniya ay bumagsak ang lahat niyang lakas sa akin. Muntik pa kaming matumba, mabuti na lamang at nakaya ko siyang alalayan.
"Ano ba ang nangyari sa iyo?" tanong ko sa kaniya habang inaalalayan siyang makapasok sa kubo. Kinuha ko muna sa kaniya ang pana upang ilagay sa isang gilid bago siya inihiga.
"Nahanap na namin ang mga kababaihang bihag, bago ako magtungo rito ay nakipagdigma muna kami. Nalaman namin na mga alagad ni Datu Zula ang sumalakay, sapagkat nais niyang masira ang iyong ama." Kaya pala ganito na lamang siyang manghina. Wala siyang ano mang sugat pero tila hirap na hirap siya.
"Ganito talaga ako, mahina ang aking katawan, mabilis akong mapagod at manghina." Pansin niya ata ang pagtataka ko kung kaya't siya na ang sumagot kahit pa hindi ko pa itinatanong.
"Kung ganoon, magpahinga ka muna. Nais mo bang ipagluto kita–“
"Wala akong ibang nais kung hindi ikaw. Maaari bang dito ka muna sa aking tabi upang mabilis bumalik ang aking lakas?" Umayos siya ng higa upang magkaroon ng puwang para sa aking pag-upo. Tumingin pa ako sa kaniyang mukha bago umupo.
"Sana'y ganito na lamang tayo. Batid kong hindi ganoon kadaling kalimutan ang taong una mong minahal ngunit narito ako, handa akong tulungan kang mahalin ako."
"Katulad ng sinabi ko sa iyo, patawad kung hindi ko kayang bigyan ng pansin ang pag-ibig mo para sa akin. Marami pang ibang nariyan na mas hihigit pa sa akin." Marami pa siyang makikitang babae na mas hihigit sa akin at babaeng kayang bigyan ng pansin ang pag-ibig niya.
"Mabait ka at maraming alam na bagay, ngunit ang isang tulad ko ay hindi nararapat sa iyo. Hindi ako ang para sa iyo, nawa'y mahanap mo ito upang ang pag-ibig na sinasayang mo sa akin ay sa kaniya mo ibuhos." Matapos ko itong sabihin ay naramdaman ko ang kaniyang pag-upo at pagkawala ng malalim na paghinga.
"Bigyan mo lamang ako ng pagkakataon, hindi ka magsisisi. Pakiusap, kahit katiting na pagmamahal lang, Alunsina." Hindi man ako nakatingin sa kaniya ay ramdam ko ang lungkot ng kaniyang boses.
"Huwag kang magmakaawa sa kahit sinong mahalin ka, doon ka sa taong handang ibigay ito sa  ito ng kusa." Tumayo ako matapos ko itong sabihin.
"Pakikipag-kaibigan lamang ang kaya kong ibigay sa iyo at maliban doon ay wala na. Kahit pa ilang libong taon ang gugulin mo sa akin, walang magbabago roon." Kasabay ng pagkuha ko ng aking pana ang paglabas ko. Hindi na ako nag-abala pang tingnan siya dahil batid kong bumalik na ang kaniyang lakas. Hindi ko gustong saktan siya, ngunit kung hindi ko ito gagawin ay maaring umasa siyang kaya kong ibigay ang pagmamahal na katulad ng inalay ko kay Paubari.
Matapos kong makalabas ay napalanghap ako sa sariwang hanging. Tahimik ang paligid at tanging kuliglig lamang ang tanging maririnig.
Masukal ang mga punong pumapalibot sa aming lugar, malalago ang mga dahon ng mga naglalakihang puno. Hindi ko maiwasan ang napangiti, sadyang napakaganda ng mga ito.
Hindi rin mawala sa aking isipan ang mga lilipas pang taon. Makalipas kaya ang isang libong taon ay narito pa ang mga ito? Marahil marami na ang mga kabataan ang aakyat at maglalaro rito ng malaya.
Narito ako, nakatayo at pilit na lalaban para kalayaan. Nais kong mapanatili ang malayang paggalaw at ito ay alam kong may basbas ng mga Anito.

Komento sa Aklat (48)

  • avatar

    diamond 1000 uquwqu

    17/05/2025

      0
  • avatar
    Marlon Vergara Lozano

    maganda Ang is turya Ng kuwen to

    12/12/2024

      0
  • avatar
    Reymond Cinco Almencion

    5000

    30/05/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata