"Sige na, kahit ngayon lang." Niyugyog ni Suklang Malayon ang higaan ko at nagpupumilit sa kaniyang nais gawin. "Hindi nga maaari. Paano kung hanapin tayo ni ama?" Gusto niyang magtungo sa Sibu ngunit alam kong hindi papayag si ama. Hindi naman kami maaaring tumakas dahil paniguradong kapag nalaman ito ni ama ay mapaparusahan kaming dalawa. "Si Paubari at Mabu ay isama natin," pagpupumilit pa niya na talagang sigurado na sa kaniyang nais gawin. "Hindi maaari, alam mo namang magkaiba ng oras ang pagbabantay nila sa ating balwarte." Matapos ko itong sabihin ay napadabog siya sa aming higaan na parang isang batang hindi pinayagang maglaro sa labas. "Kahit saglit lang, mabilis lang tayo pangako," dagdag nito sa pambatang tono habang patuloy sa paggulo ng aming higaan. Ganito talaga siya sa tuwing may nais siyang gawin at hindi ako payag, lumalabas ang pagiging isip-bata niya. "Kahit si Paubari na lamang ang ating isama, sa palagay ko ay papayag si ama kung isa kina Mabu at Paubari manlang ang makakasama natin." Napapikit ako at kumawala ng malalim na paghinga. "Oo na, basta't siguraduhin nating sandali lamang tayo. Alam mo naman na may tungkulin na ako dito sa atin kung kaya't iiwas muna ako sa ibang gawa natin." Matapos ko itong sabihin ay umaliwalas ang kaniyang mukha na may malawak na ngiti. Lumapit ito ng mabilis sa akin at kumapit sa aking braso, habang kaunti na lamang ay mahuhulog na ako sa pagkakaupo ko sa dulo ng aming higaan. "Maraming salamat, Alunsina. Mahal mo talaga ako." "Mahal kita dahil kapatid kita. Sana lamang ay iwasan mo ang pag-akto na parang bata kapag hindi nagagawa ang iyong nais." Mamaya pang hapon ang oras ng pagsama ko sa mga nagbabantay sa aming balwarte kasama si Paubari kung kaya't malaya kami sa paggawa ng iba naming nais gawin. Si Mabu ay ngayong umaga kasama si ama. Patuloy pa rin ang aming pagpaplano kung paano namin masasagip ang mga bihag, may mga hakbang na kaming ginagawa kung kaya't alam naming malapit na rin namin malaman kung sino ang lihim na gumagawa ng pagsalakay. Bihasa na rin ako sa paggamit ng pana dahil sa araw-araw naming pagsasanay ni Paubari. Nalaman ko na si Dal'ang ang babaeng dumalaw sa kaniya noong nakaraan, ang buong akala ko talaga'y ipagpapaliit na niya ako sa babaeng iyon. "Bilisan mo, Alunsina." Halos madapa na ako sa paghila sa akin ni Suklang Malayon na halata ang pagkasabik sa aming pupuntahan. "Masaya talaga akong makapunta roon." Masayang saad nito habang ang mga kamay ay magkadikit at nakatingin sa himpapawid. Sa balangay na pag-aari ni Paubari ang aming gamit. Muli siya ang nagsagwan doon at hindi ko mapigil ang pagngiti lalo na nang bigla kong maalala ang unang araw naming mapunta roon. "Sa tingin mo ba'y maraming palamuti akong makikita roon?" Napatango na lang ako sa tanong ng aking kapatid, ngunit tutok pa rin ang tingin kay Paubari na tila pinapaaliwalas ng magandang langit. "Para akong walang kasama rito." Matapos itong sabihin ni Suklang Malayon sa pambata niyang boses ay natawa ako. Nakahalukipkip ito habang tulis ang nguso. "Dapat ay kasama si Mabu upang hindi ako maiinggit sa inyong dalawa," dagdag nito. "Masaya kaya akong kasama kita ngayon." "Talaga ba?" "Oo naman, dahil sa oras na ikasal kayo ni Mabu ay hindi na tayo madalas magsasama kung kaya't kailangan na nating sulitin ang mga sandaling magkatabi pa tayo." Tumingin ako sa mga mata nitong may namumuong luha. "Tumigil ka nga riyan, huwag mong subukang ilaglag ang luha na iyan." Hamon ko sa kaniya at sabay kaming napatawa. Napatingin ako kay Paubari na nakatingin sa amin ngayon. "Sadyang napakaganda ninyong pagmasdan dalawa. Nawa'y kahit ang inyong mga magiging anak ay ganiyan magkasundo," saad nito at muling bumalik ang tingin sa harap. "Pangako, sa mga magiging anak ninyo ay paniguradong magiging kasundo ng mga anak namin. Ikaw ba Paubari? Ilan ang nais mong maging anak?" Pinandilatan ko ng mata si Suklang Malayon na hindi manlang natinag. "Nais ko ang labing anim na anak." Agad namang nag-init ang mukha ko sa kaniyang sinabi. "Naku! Kakayanin mo ba iyon Alunsina?" panunukso pa ni Suklang Malayon. Pakiramdam ko'y pulang-pula na ang aking mukha dahil sa kanilang pinag-uusapan. Labing anim na anak? Kaya ko nga ba? Pero kung iyon ang nais ni Paubari sa tingin ko naman ay kaya ko. Napatingin ako kay Paubari na natatawa sa unahan, mukhang naisip niya rin ang kaniyang sinabi. Bakit ba kasi rito pa nila nais pag-usapan ang bagay na iyon? Nang makarating na kami sa Sibu ay nagmadali si Suklang Malayon na hatakin ako habang si Paubari ay naiwan sa balangay upang kunin ang mga ipapangalakal namin. "Nakakamangha naman dito." Malawak na ngiti ni Suklang Malayon habang ang kaniyang mga kamay ay nasa kaniyang pisngi. Natawa naman ako dahil marahil ganito rin ang mukhang nakita ni Paubari noong unang beses kaming magtungo rito. "Ang bilis ninyong maglakad." "Tingnan mo ang lalaking iyon." Pinilit kong tiningnan ang tinuturo ni Suklang Malayon. "Ang dayuhan na iyon ay hindi ko mawari kung nakakakita pa ba siya dahil sa liit ng kaniyang mata." Natatawang tukso ng aking kapatid, habang nakakapit sa aking braso. "Huwag kang maingay baka marinig ka niya. Ang tawag sa kaniyang lahi ay intyik." Napauwang ang kaniyang bibig na hudyat ng pagkamangha niya sa narinig. Ito na naman siya sa pag-aktong bata kapag natutuwa. "Hindi ka naman nila maiintindihan at hindi mo rin naman sila maiintindihan," wika ni Paubari sa aking gilid nakatayo. "Doon tayo. Maghanap tayo ng mga palamuti na tiyak ay babagay sa inyo," alok ni Paubari na siya naman agad sinundan ni Suklang Malayon na tuwang-tuwa. Iniwan ba naman nila akong dalawa. "Sandali lang–" naputol ako sa aking pagsasalita ng may dalawang babae akong nabunggo, mabuti na lamang at hindi kami natumba. "Patawad kung hindi kita nakita na paparating." Yumuko ako rito. Paalis na sana siya ng hanginin ang telang itinakip niya sa kaniyang bibig. Gulat kaming nagkatinginan, ilang kurap pa ang aking ginawa upang kumpirmahin ang nakikita ko. "Dal'ang?" Matapos ko itong sabihin ay agad niyang pinulot ang tela at nagmadaling umalis. Pipigilan ko pa sana itong makaalis ng biglang may humila sa akin palayo roon. "Alunsina, bakit hindi ka kaagad sumunod sa amin?" tanong ni Suklang Malayon na hindi pa rin ako binibitawan. Napalunok ako bago ibinalik ang tingin sa lugar kung saan tumakbo si Dal'ang. "Sino ba ang iyong hinahanap?" Napailing na lamang ako sa tanong ni Paubari. Hindi ako maaring magkamali, si Dal'ang ang nakita ko ngunit bakit ganoon ang suot niya? Galing siya sa maharlikang pamilya pero ang kaniyang suot ay parang sa mga uripon? "Wala, may napansin lamang ako ngunit marahil ay namamalik-mata lamang ako." Pilit akong ngumiti sa kanila. Hinila na ako ni Suklang Malayon patungo sa isang pwesto kung saan may mga gintong palamuti. Pumili ako ng mga nais ko habang si Suklang Malayon ay tila gusto ng iuwi ang lahat ng naroon. "Ganiyan ka rin kay Suklang Malayon noong unang beses mong nagtungo rito kasama ako, natumba ka pa nga noon sa kakamadali mo." Napatingin ako kay Paubari na tila may panunukso sa mga mata nito. "At nagalit ka pa sa akin dahil sa pag-asikaso ko kay Dal'ang." Balik ko rito na ikinatawa niya rin. Naalala ko pa ang mga usapan namin noon at ang bigay niyang medalyon na palagi kong dala. "Tingnan mo ito Alunsina, hindi ba't bagay sa ating dalawa." Agad akong napatingin kay Suklang Malayon matapos niyang ilahad sa akin ang isang palamuti na tila gawa sa pangil ng tigre. "Ilangay mo ito sa kaliwanag bahagi ng iyong kamay at sa akin naman ay sa kanan." Matapos niya itong iutos ay ginawa ko naman. "Bakit hindi na lang parehas na sa kanang bahagi natin ilagay?" Pagtataka kong tanong rito. "Dahil nais kong magdikit ang mga ito sa tuwing magkahawak ang ating kamay." Ipinakita niya sa akin ang kaniyang tinutukoy. Napangiti ako matapos kong matukoy ang kaniyang sinasabi. Sa tuwing nagkakalad kami ay sa kaliwang bahagi ko nakatayo si Suklang Malayon kung kaya't minsan ay magkahawak kami ng kamay. "Bagay sa inyong dalawa." Masayang saad ni Paubari. "Sadyang lahat ng bagay na ididikit sa inyo ay lubos na nagiging kaaya-aya sa paningin." Itinulak ako ni Suklang Malayon palapit kay Paubari, muntik pa akong natumba dahil sa hindi pantay na lupa. Mabuti na lamang ay nahawakan ako ni Paubari sa aking baywang. "Muli ka na namang nahulog sa akin. Wala ka na nga talagang kawala," saad nito na muling pumungay ang mga mata. Mabilis akong umalis sa kaniyang pagkakayakap nang makaramdam ako ng pag-init ng aking mukha. "Kung sana'y narito lang si Mabu ay may magsasabi rin sa akin ng ganiyang salita." "Tumingil ka nga riyan, Suklang Malayon!" sita ko sa kaniya matapos niya akong muling itulak kay Paubari. Ngunit tinawanan niya lamang ako na tila walang balak tumigil. "Tama na iyan, isipin niyo na lamang na isa akong hangin na nakasunod lamang sa inyo." Natatawang wika ni Paubari. Matapos noon ay nagtungo kami sa mga tela at talagang tuwang-tuwa si Suklang Malayon. Ito talaga ang pakay niya rito kung kaya't daig pa niya ang nagpapakalunod sa pagpili sa mga ito. Pakiwari ko ay nakalimutan na rin niyang may kasama siya, ngayon dalawa na kami ni Paubari ang hangin at ang mga tela na ang kaniyang bagong pamilya. "Tingnan mo ang mga batang iyon." Napatingin ako sa itinuro ni Paubari. "Sa susunod ay ganiyan na rin ang ating mga anak. Masaya silang maglalaro sa labas ng ating tahanan." Nakangiting saad nito habang sa mga batang naglalaro ang tingin. "Labing-anim ba talaga ang nais mong maging anak natin?" May panginginig sa aking boses. "Biro ko lamang iyon. Kung ilan lamang ang kaya mo iyon ay malugod kong tatanggapin." Muli akong napaiwas nang tingin sa kaniya ngunit hinawakan niya ako sa aking pisngi at iniharap sa kaniya. "Basta't lagi mong tatandaan na mahal kita. Sa kahit anong mangyari, ikaw at ako lamang ang nakatadhana para sa isa't isa." Kusang kumawala ang ngiti sa labi ko matapos itong marinig. "Hanggang kamatayan ko, ikaw lang ang pipiliin ko." Walang makakapagpabago ng pagmamahal ko sa kaniya. Handa akong ialay kahit ang buhay ko para sa pagmamahal na ito. "Maging sa huling hininga ko, ikaw lang ang magiging laman ng puso't isipan ko. Ang kaluluwa ko'y dugtong ng iyo." Hindi ko mawari ngunit kusang bumagsak ang luha sa aking mga mata matapos ko itong bigkasin. Luha ito ng pagkatuwa at nag-uumapaw na pagmamahal. "Nawa'y huwag mo akong kalimutan, nawa'y huwag mawala ang pagmamahal mo sa akin kahit dumating ang oras na hindi mo na ako makikita." Napansin ko ang pagkawala ng mga ngiti sa kaniyang labi at ang mga mata nito ay napuno na ng pagtataka. "Ano ba ang iyong sinasabi? Tila nagpapaalam ka na sa akin. Ayow ko ang ganito, Alunsina." Napalunok ako at mariin na napapikit at kasabay ng pagdilat ko ang pagbuga ko ng malalim na paghinga. "Basta't ipangako mo sa akin na kahit anong mangyari ako lamang ang babaeng magiging kahati ng iyong puso." "Pangako, ikaw lamang ang babaeng kahati ng aking puso, maging ang aking kaluluwa at buhay. Ikaw lang at ikaw ang nag-iisang babaeng bubuo sa akin." Agad niya akong hinagkan matapos itong sabihin. Napapikit pa ako dahil sa sarap ng pakiramdam na ito. Hindi ko mawari ang damdamin kong ito, bakit tila sabik ako sa kaniya. Sabik ako sa mga yakap at haplos niya na tila alam ng katawan kong matagal pa bago ko ito muling magawa. "Aahh!" Agad akong kumawala kay Paubari matapos marinig ang pag-inda ni Suklang Malayon. Napatakbo sa kaniya si Paubari at ako ay nanatiling nakatayo sa gilid, ninais kong lumapit ngunit naharang ako ng iilan at ayaw akong padaanin. Umingay ang paligid na tila may kaguluhan, may mga nagtatakbuhan at nagsisigawa. May mga iyak rin akong naririnig. Pilit kong hinawi ang mga tao upang hanapin sina Paubari ngunit lalo nila akong ginigitgit na tila ayaw akong paalisin. Napaatras ako noong magsimula ng magtakbuhan ang mga tao sa iba't ibang dako. Maraming tao kung kaya't hindi ko alam kung saan ako tutungo. Pilit ko mang hanapin sina Paubari ay hindi ko magawa, tinatangay na ako ng mga tao patungo sa ibang dako. Matutumba ako kung hindi ako sasabay sa kanila. Ano ba ang nangyayari? "Paubari!" sigaw ko sa kawalan at nagbabakasalaking maririnig ako sa kabila ng iba't ibang ingay sa paligid. Patakbo na ako sa kung saan nang may mabilis na humawak sa aking braso. Agad na nanlamig ang buo kong katawan matapos niya itong gawin. Napatingin ako sa kaniya. Matikas ang pangangatawan nito na sa wari ko ay isang bagani sa ibang pulo. "Ikaw ba si Alunsina?" Napakunot ang noo ko sa kaniyang tanong. Paano niya nalaman ang ngalan ko? Taranta at pagkalito ang nararamdaman ko ngayon kung kaya't wala ako sa tamang pag-iisip. Kailangan kong mahanap sina Paubari at Suklang Malayon. "Inihabilin ka sa akin ni Paubari. Sumunod ka sa akin." Gustuhin ko mang huwag sumama ay malakas siya. "Umalis na siya lulan ng ibang balangay kung kaya’t sinabi niyang ako na ang bahala sa iyo." Napalingon ako sa paligid habang sinasabi niya ito, nagkakagulo na ang lahat at hindi ko talaga makita sina Paubari dahil sa kapal ng alikabok na dulot ng mga buhangin. "Sumakay ka na." "Patawad ngunit–“ "Sumakay ka na!" Nabigla ako matapos nitong sumigaw. Nais kong tumakbo ngunit may dalawa pa sa kanila ang hinila ako paakyat. Sinasabi ko na nga ba. May mali sa mga nangyayari, planado ang lahat ng ito. Hindi ito nagkataon at hindi totoong iniwan ako ni Paubari. Kilala ko siya, wala siyang tiwala sa iba pagdating sa akin. Kailangan siya ang kasama at hindi ang iba. "Ano ba ang nais ninyo sa akin?" Pilit akong kumawala sa dalawang nakahawak sa aking kamay. Malakas sila kung kaya't hindi ko magawang makaalis, mabilis rin nilang naalis ang balangay sa pampang at nang masigurado nilang hindi na ako makakatakas ay binitawan na nila ako. "Ano ba ang nais ninyo?!" sigaw ko sa kanila matapos kong dumikit sa dulo ng balangay. Lima kaming narito, napukaw ng mga mata ko ang isang babae na nakatayo sa aking harap. Nakatalikod siya kung kaya't hindi ko tanaw ang kaniyang mukha. "Itayo niyo siya!" utos nito na mabilis sinunod ng mga uripon niya. Nagpumiglas ako ngunit sadyang malalakas sila, isa lamang akong hamak na babaeng walang lakas. "Hindi na sana tayo aabot sa ganito kung tinanggap niya lang ako." Halos bumigay ang tuhod ko ng marinig ang boses na iyon. Nanunuyo ang lalamunan ko at malakas ang tibok ng puso. Halos maputol ako sa paghinga ng dahan-dahan kong nakita ang kaniyang mukha. "Dal'ang…” bulong ko sa aking sarili. Tama nga ang aking nakita kanina, narito siya at ang suot ay gaya sa isang uripon. "Ikaw ang may pakana ng lahat?" Marahan siyang natawa sa aking tanong. "Hindi ko alam kung ano ang nakita sa iyo ni Paubari, nagawa niyang tumanggi sa akin ng ilang beses dahil sa iyo!" Napapikit ako matapos niyang higitin ang panga ko. Masakit iyon dahil sa pagbaon ng kaniyang kuko. Dumilat ako upang makipagpalitan sa kaniya ng matalim tingin. Sinasabi ko na nga ba. Naging ganito siya dahil hindi siya sanay sa pagtanggi at iyon ay nakuha pa niya kay Paubari, na kahit anong pilit ay hindi niya makukuha mula sa akin. "Kaawa-awa kang nilalang. Para kang isang batang nagmamakaawang akayin ng magulang mong walang pag-ibig sa iyo." Napabitaw siya sa akin matapos ko itong sabihin. Matalim pa rin ang kaniyang tingin at nangangalit ang kaniyang mga ngipin. "Masyadong matalas ang iyong dila. Ngunit hindi pa rin ito tatalas gaya ng palatim na dadampi sa iyo ngayon!" Napayuko ako matapos niyang ibaon ang matalim na bagay na iyon sa aking sikmura. Habol ang hininga ko sa mga oras na ito dahil ramdam ko na ang hapdi nito lalo pa noong idiin niya ito ng mabuti. "Siguro'y sapat na ito upang damahim mo ng unti-unti ang kamatayan mo. Huwag kang mag-alala sa piling ko'y magiging maligaya si Paubari at unti-unti ka na rin niyang malilimutan. Sinong mas kaawa-awa sa ating dalawa ngayon, Alunsina?" bulong nito sa aking tainga. Napapikit ako sa sobrang sakit ng balat kong napupunit at sa mga salitang kaniyang binibitawan. Ninais kong magsalita ngunit hindi ko kinakaya ang bawat niyang baon sa aking tiyan. Napauwang ang aking bibig at maramdaman kong tumutulo mula roon ang aking dugo. Napaluhod ako matapos nila akong bitawan. "Ano Alunsina? Hindi ba't matapang ka? Nasaan na ngayon ang tapang mo?" "Aahhhh!" Pamimilipit ko sa sakit matapos niyang sipain ang patalim na mas bumaon pa ngayon. Galit at sakit ang nararamdaman ko ngayon. Sana'y hindi pa rito matapos ang lahat, naniniwala ako sa sinabi ng mahal na Datu Mangal. Hindi lamang sa ganitong paraan ako magwawakas. Pinanghahawakan ko rin ang mga pangako sa akin ni Paubari. Alam kong kahit anong mangyari ako lamang ang nag-iisang babaeng magiging karugtong ng kaniyang buhay. Napangiti ako sa hindi ko mawaring dahilan. Nasasaktan ako ngunit tila may kusa ang mga labi at mata kong matalim ang tingin kay Dal'ang–ang babaeng salat sa pagmamahal. "Ano ang ibig sabihin ng ngiti sa iyong labi?" Muli niya akong ipinataas sa mga taong karugtong ng kasamaan niya. "H-huwag kang mag-alala dahil ang ngiting ito ay muli mong masisilayan... n-ngunit mag-iingat ka . . . -dahil sa susunod na makikita mo ito, ikaw naman ang makakaramdam –!" Agad na tumulo ang mga luha ko matapos niyang muling ibaon ang patalim. Napayuko ako at tila wala ng lakas na natitira. Pabagsak na ang talukap ng aking mga mata ng maramdaman ko ang pag-angat niya ng aking mukha. "Hihintayin ko ang tinutukoy mong araw." Matapos niya itong sabihin ay tuluyan ng bumagsak ang mga talukap ng aking mata. Dinig ko pa ang ingay ng dagat sa aking pagbagsak. Ang asul na dagat ay nahahaluan na ng dugong nanggagaling sa akin. Nakapikit lamang ang aking mga mata ngunit hindi ang aking diwa. Ramdam ko ang dahan-dahang paglamon sa akin ng dagat. Sa paglubog ko tanging ang mga mukha lamang ni Paubari ang nasa aking harapan. Ang bawat niyang ngiti, ang bawat niyang tingin. Ang mga mata niyang kinukulong ako at ang bawat niyang pangako sa akin na kahit anong mangyari ay alam kong kaniyang paninindigan. Kung ito man ang huling pagkakaton ko, kahit sa huling hininga. Tanging ikaw lamang Paubari ang magiging karugtong ng aking buhay ng aking kaluluwa at ng aking puso.
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
diamond 1000 uquwqu
17/05/2025
0maganda Ang is turya Ng kuwen to
12/12/2024
05000
30/05/2024
0Tingnan Lahat