logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Kabanata 3

ALAS nuebe na ng gabi nang marinig ng mayordomang si Nora ang paghagulgol na nagmumula sa kwarto ni Ana na nadaanan niya kaya siya huminto. Upang makumpirma kung doon nga nanggagaling talaga ang naririnig niya, inilapit niya pa ang tainga sa pinto. 
Nitong mga nakaraang araw ay pansin niyang may kakaiba sa dalaga. Ganoon din ang sabi ng mga kasambahay na narinig niyang nagchi-chismisan nang madaan siya kanina sa kusina. Napuna rin niya ang kadalasang pagduwal nito mula pa kaninang umaga, tanghali, at ngayong gabi habang inihahain ng mga cook ang pagkain para sa alaga niyang si Rallion. 
“Ana…” 
Nang makumpirma ay kumatok siya ng tatlong beses at nakiramdam. Hindi naman niya gawain na makialam sa buhay ng ibang tao pero iba si Ana sa lahat ng kasambahay na naroon lalo na’t personal maid ito ng amo nila. Umatras siya nang marinig ang pagpihit ng seradura at dahan-dahang pagbukas ng pinto.  
Nakasilip ang dalaga na magang-maga ang mga mata dahil sa kaiiyak. 
“Pwede bang pumasok?” tanong niya. 
Tumango lang ang dalaga at niluwangan ang pinto upang makapasok siya sa loob. Siya na rin ang nagsara at nag-lock ng pinto upang makausap niya ito nang masinsinan. 
“P-pasensya na po kayo kung ganito ang naabutan ninyo sa akin…” 
Nagkalat ang mga gamit nito sa kama na nakatupi. Ang iba naman ay nasa bukas na mga maleta na. 
“Ano bang nangyayari? Bakit parang nag-aalsa-baluta ka na? bakit ka umiiyak?” nag-aalala at sunod-sunod nitong tanong saka naupo sa gilid ng kama. 
“M-Miss Nora, may sasabihin po ako sa inyo pero sana huwag n’yo na po sana akong pagalitan. Please…” 
Kilala si Nora sa pagiging masungit na mayordomang naninilbihan sa mga Altamirano. Ilang dekada na rin ang tinagal niya sa pamilyang iyon kaya naman may dahilan kung bakit ganoon niya pakitunguhan ang mga kasambahay na baguhan. 
Mukhang alam niya na ang ibig nitong ipahiwatig ngunit mas maganda pa ring sa dalaga mismo niya marinig iyon. 
“Ano ‘yon?” 
“A-alam ko po na marami na ang nakapansin ng pagbabago ng kinikilos ko nitong mga nakaraang araw. Naririnig ko rin po na pinagchi-chismisan ako ng mga kasama natin. Gusto ko na po sana kayong kausapin pero alam ko naman na palagi kayong abala at wala rin akong lakas-loob na gawin ‘yon. Hindi ko rin po alam kung saan ko sisimulang sabihin ang tunay na sitwasyon ko.” Nagpunas na ito ng luha. 
“Ano bang nangyayari sa ‘yo?” 
“B-buntis po ako, Miss Nora.” 
Nagkatinginan lang silang dalawa nang isiwalat iyon ng dalaga. Inaasahan niya na ‘yon pero akala niya, ibang bagay pa rin ang sasabihin nito. 
“Paano mo nalaman?” 
“Nag-day off po ako kahapon. Naglakas-loob po ako na magpunta sa isang OB GYNE clinic para magpa-checkup dahil napansin ko po na delayed ako. May mga nararadaman din po akong kakaiba kaya napadesisyunan ko nang magpatingin. Isang buwan na raw ang bata sa sinapupunan ko.” 
“Sino ang ama niyan? Alam niya na ba?” 
“Opo. May nakilala po kasi akong isang fast food crew sa kinainan ko. Boyfriend ko po siya, anim na buwan na. Pinuntahan ko po siya sa fast food chain kung saan siya nagtatrabaho pero nahuli ko na nakikipaglandian siya sa kapwa niya crew. Mas maganda po ‘yon sa akin. Mas matangkad.” 
Naawa si Nora sa kalagayan ng dalaga. Hindi biro ‘yon lalo na’t nasa probinsya ang mga magulang nito. 
“Kinausap mo ba siya? Sinabi mo ba?” 
“O-opo. Kahit na naka-duty siya, kinausap ko siya. Pinakita ko siya kanya ‘yong ultrasound ko pero tinawanan niya lang ako. Sinabi niya sa akin na hindi pa siya handang magkaroon ng pamilya. Miss Nora, mahal na mahal ko po siya, eh. Ibinigay ko ang lahat sa kanya pero ito pa ang ginanti niya. Hindi ko alam kung ano ang pagkukulang ko at niloko niya pa ako. Hindi niya na nga ako kayang panagutan, naghanap pa siya ng iba. Baka nga pinagsabay pa kami,” malungkot na salaysay ni Ana. 
Napahinga nang malalim si Nora. Ang sakit sa dibdib ng kwentong ito na napapakinggan niya lang gabi-gabi sa radyo. 
“Diyos ko, Ana…” Iyon lang ang nasabi niya. Seventeen years old lang ang dalaga kaya hindi niya maiwasang hindi manghinayang. 
Nakita niya na naman na nagpupunas ito ng luha. Mukhang kanina pa ito umiiyak at mag-isang nagmumukmok sa kwartong iyon. 
“Alam na ba ‘to ng mga magulang mo?” 
Tumango ang dalaga. “Tumawag po si Mama sa akin kanina. Dapat kahapon ko pa sasabihin sa kanila kaso natatakot ako na baka pagalitan nila ako. Iyon naman nga ang nangyari kanina nang sinabi ko sa kanila ang lahat. Pinapaalis na sila ako rito sa mansyon at kailangan ko nang umuwi ng probinsya para maalagaan ko ang sarili ko. Isang linggo lang po ang palugit nila sa akin. Gustuhin ko man na  manatili pa, baka maging sagabal lang ako imbis na pagsilbihan ko sina Young Master. Uuwi na lang ako ng probinsya gaya ng gusto nina Mama.” 
“Alam na ba ito ni Young Master?” 
“Hindi pa po,” sabi nito sabay iling. “Hindi ko rin alam kung paano ko sasabihin sa kanya. Nahihiya ako dahil naging pariwara ako. Pero tanggap ko po ng buong puso ang consequence sa ginawa kong ‘to. Hindi ko lang talaga alam kung paano ko sasabihin kay Sir na ganito ang sitwasyon ko.” 
“Ana…” Mariin niyang hinawakan ang dalawang nakadaop na kamay nito upang kahit sa ganoon lang ay maramdaman ng dalaga na hindi ito nag-iisa. “Kailangan mong sabihin sa kanya at maging tapat hanggang sa huli. Alam kong maiintindihan niya ang sitwasyon mo. Malay mo matulungan ka pa niya. Magsabi ka lang sa kanya ng totoo kung bakit ka aalis.” 
“Ikinahihiya ko po ‘tong nangyari, Miss Nora. Pero hinding-hindi ko po kayang pabayaan ang baby ko. Ayokong maeskandalo. Baka mamaya, sina Mama na ang susundo sa akin kung sakali. Ayokong lumuwas sila at ayoko rin na mapag-usapan ako kahit na wala na ako rito.” 
Muli itong humagulgol ngunit sa pagkakataong ito, niyakap na ni Nora ang dalaga. 
“Nandiyan na ‘yan, Ana. Hindi ka pababayaan ng Diyos. Alam kong kaya ganoon ang naging reaksyon ng mga magulang mo ay dahil nagulat sila. Hindi rin nila inasahan ang balitang ‘to dahil bata ka pa, eh. Napakahirap ng buhay ngayon. Kung ako ang mga magulang mo, baka hin-hunting ko pa ang lalaking ‘yon at pinabaranggay pa. Hindi ako papayag na ganoon niya kung iwan ang anak ko. Huwag lang talaga siyang magpapahuli.” 
“M-maraming salamat po. Ayoko na lang po talaga ng gulo. Gusto kong umalis ng matahimik sa mansyong ito. Napakarami ko pong natutunan sa inyo at ite-treasure ko po ang lahat ng iyon.” 
Tiningnan ni Nora ang wrist watch. 
“Ana, kung ako sa ‘yo, ngayon pa lang ay magsabi ka na kay Young Master. Huwag mo nang ipagpabukas dahil baka hindi kayo mag-abot dalawa. May flight siya bukas ng gabi at paniguradong Huwebes na ang dating noon. Puntahan mo na siya roon sa study room para masabi niya na ang mga bagay na ibibilin niya sa ‘yo habang wala siya. Nandoon pa iyon dahil sinabi niya sa akin na magpupuyat siya ngayong gabi.” 
“Nakakahiya po. Hindi po kaya maging abala ako sa ginagawa niya?” 
“Importanteng bagay naman ito. Sige na. Ayusin moa ng itsura mo. Puntahan mo na ‘yon ngayon bago pa man mahuli ang lahat.” 
Ilang beses na tumango ang dalaga bago siya tumango. 
“Ako na ang bahala sa mga chismosa bukas ng umaga. Huwag mo na silang alalahanin. Tandaan mo na bawal sa ‘yo ang ma-stress,” habilin pa niya bago nito isara ang pinto. 
Naiwang mag-isa na naman si Ana ngunit ngayon, mas guminhawa ang pakiramdam niya kaysa kanina. Mabilis niyang inayos ang mga damit na nagkalat sa sahig at inilagay iyon sa kanyang kama upang tupiin mamaya. Nagsuklay siya at inayos ang sarili saka lumabas. Dinala siya ng elevator sa second floor kung saan ihininto siya sa tapat ng study room ng lalaki. 
Ilang beses pa siyang huminga nang malalim habang nakatayo sa pinto. Kinakabahan talaga siya at nanlalamig ang kanyang mga kamay pero kumatok na siya sa pinto para matapos na ito agad. 
NAANTALA ang ginawa ni Rallion na pagpirma sa mga papeles na inuwi niya galing opisina nang marinig niya ang mahinang pagkatok sa pinto. 
“Pasok…” 
Iniluwa ng pinto si Ana na mukhang hindi maganda ang pakiramdam dahil sa maga nitong mga mata. Huminto ito sa tapat niya at napayuko nang pagmasdan niya ang mukha ito. 
“What brings you here, Ana?” 
“A-alam ko pong busy kayo ngayon pero pwede po ba akong huming ng kaunting oras para kausapin kayo sa isang importanteng bagay?” 
“Kung hindi ‘yan makakapaghintay bukas ng umaga, maupo ka.” 
Agad siyang naupo sa isa sa mga upuang nasa tapat nito. 
“Ano ang problema?” 
“Young Master, mag-re-resign na po ako.” 
Mariin niyang tiningnan sa mga mata ang dalaga upang makita kung nagbibiro ba ‘to o hindi. 
“Bakit ka mag-re-resign? May nakagalit ka bang kasama n’yo? May nambu-bully ba sa ‘yo na ngayon mo lang balak sabihin sa akin?” 
“B-buntis po ako…” 
Isang mahabang katahimikan ang namayani sa kanilang dalawa. Hindi niya alam kung tama bang i-congratulate niya ang dalaga sa balitang ‘yon. 
“K-kailan pa?” 
“Isang buwan na po.” Huminga nang malalim ang dalaga bago muling hinarap ang lalaki. “Alam na po ng mga magulang ko ang nangyari at nagdesisyon sila na pauwiin ako sa probinsya. Doon na po ako titira since hindi po kami kayang panagutan ng boyfriend ko. May ipon naman po ako na sasapat hanggang sa pagpapanganak ko. Ngayon pa lang po, gusto ko nang magpasalamat sa lahat ng tinulong ninyo sa akin at sa pamilya ko. Kung hindi po dahil sa inyo, hindi po kami makakapagpatayo ng bahay sa probinsya. May maliit na poultry business na rin po ang mga magulang ko roon…” 
“S-sorry, Ana. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko dahil nabigla talaga ako. Pero kung iyan ang desisyon mo, ipapahanda ko na bukas ang final pay mo. Dadagdagan ko na rin para makapagnegosyo ka ng sarili sa probinsya. Hindi ko alam kung ano pa ang maitutulong ko pero magsabi ka lang. Naging maganda naman ang performance mo sa dalawang taon mong pamamalagi rito. Pero, Ana, may ipapakiusap sana ako sa ‘yo.” 
“Ano po ‘yon, Young Master?” 
“Kailangan mong makahanap agad ng makakapalit mo. Hindi pwedeng wala akong personal assistant pag-uwi ko rito sa Huwebes. Please, can you do me that favor?” 
“Opo. Wala pong problema. Ako na po ang bahala riyan. Nasabi po kasi ng pinsan ko na naghahanap daw po ng trabaho ang kaibigan niya kaya ‘yon po ang irereto ko sa inyo.” 
“That’s a good news. Anyway, sige. Magpahinga ka na. Hindi ka pwedeng mapuyat. Ako na ang bahala sa lahat ng kakailanganin mo bago ka umalis.” 
Tumayo na ang dalaga. 
“M-maraming salamat po, Young Master. Hindi ko po kayo makakalimutan.” 
Ngumiti lang si Rallion na napatayo rin saka nagpaalam ang dalaga sa kanya at sinara ang pinto. Nanghihinayang siya kay Ana dahil napakasipag nitong magtrabaho. 
“Sana ‘yong makuha niya ay kasing-sipag niya rin.”

Komento sa Aklat (52)

  • avatar
    NesnihanAnnanesnihan Lawan

    hindi nakakasawa basahin

    18d

      0
  • avatar
    Lawrence Maravillia

    good

    10/08

      0
  • avatar
    MacaurogJasmine

    nice story 💓

    05/08

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata