Pinagpatuloy ko ang buhay na wala si mama. Inaruga ko ang nag-iisa kong kapatid. Pansamantala akong huminto sa pag-aaral. Natanggap ako bilang cashier sa 7/11. Nag-apply rin ako bilang kasambahay. At gaya ni mama noon, tumatanggap na rin ako ng labada. Paminsan-minsan lang. Sinubukan kong sumama sa trabahong binigay ni Marie, ang anak nung kumare ni mama. Yung pinagtanungan ko noon sa tindahan. Pero hindi ko masikmura. Hanggang ngayon, nandidiri ako sa sarili ko dahil pinatos ko ang trabahong 'yon. Isang-araw lang 'yon pero halos hindi ko na hawakan ang sarili ko. Walang alam si Mortala tungkol sa naging trabaho ko na 'yon. Hinding-hindi na ako uulit sa pagsasayaw na ganoon lang ang suot. Malaking halaga ang binibigay nila, pero hindi ko kayang tanggapin. Tumakbo ako non sa parking ng bar at doon ko nakabangga si ma'am Clara. Ang nagpasok sa'kin bilang janitres sa isang mall. Sinabi niyang magtiis muna ako sa ganoong trabaho at babalikan ako kapag may nakita na siyang trabaho na mas maayos. Hindi ko alam paanong nalaman niyang kailangan ko ng trabaho. Pero, salamat na rin. Agad niya akong binigyan ng pantakip dahil may suot nga ako, pero parang wala rin. Napakaiksing maong short lang 'yon at yung damit, halos maging bra ko na lang. Kahit may pagtataka, tinanggap ko ang trabaho. Mayroon nga ring kaba. Ngunit, mas maayos na 'yon kaysa sa wala. Ang sinasahod ko ay sapat na para sa pag-aaral ni bunso at sa pang-araw-araw naming gastusin. Nakakapagtabi rin ako kung minsan. Pasalamat na lamang at binigyan ako ng kapatid na matipid at kayang umintindi at makuntento sa kung ano lang ang kaya kong ibigay. Hindi na niya ako masiyadong hinihingan kung tungkol sa school project niya. Ang pang-araw-araw na baon niya ay kusa niyang itinatabi para panggastos sa school. Yung iniipon ko, para naman 'yon sa pagpapatuloy ko sa kolehiyo. Hindi pa kasi sapat, baka mga dalawang taon pa bago ako makabalik sa pag-aaral. Patatapusin ko muna siguro si Mortala ng senior high school at saka ako papasok ng college. Isantaon nalang sana graduate na ako sa psychology. Pero ayos na rin. Sa totoo lang, parang hindi nga ako apektadong hindi ko natapos 'yon. Na para bang wala lang sa'kin yung mga pagod na pinagdaanan ko. Pakiramdam ko nga, maiinggit ako sa sarili ko kung sakaling matapos ko ang kurso na 'yon. Gusto sanang mag working-student ni Mortala para daw hindi masyadong maraming trabaho ang kunin ko. Pero hindi ko pinayagan. Masyado pa siyang bata para magsakripisyo sa mga bagay-bagay. Gusto ko, magfocus siya sa pag-aaral niya. Ayun lang ang gusto ko. Kahit pa magkandarapa akong magtrabaho dyan, huwag lang syang magtrabaho sa murang edad niya. Yung pagkawala ni mama? Maraming nabigla, ewan ko lang dun kay papa. Hindi ko naman sinubukang tawagan si papa para malaman niyang wala na si mama. Nakikita kong gusto niyang bumalik kay mama pero parang mas masaya naman siya sa buhay niya ngayon. Ewan ko lang kung kumusta yung kambal ko. Wala na akong naging balita simula nung pinili niyang sumama kay papa. Masakit noong una. Para akong mawawala sa sarili kong katinuan. Yung pakiramdam na nawalan ka ng sentimental sa'yo. Yung pakiramdam na nawalan ka ng buhay. Ang sakit. Pero habang tumatagal, natututunan kong tanggapin. At ngayon, masaya akong patuloy siyang lumalaban sa sakit niya. Nakakatakot lang dahil maaari siyang makasakit. Kahit ako, muntikan na niyang madali noong bata pa kami. Ang alam ko, may pamilya na siya ngayon. Madalang na lang kung sumpungin siya ng sakit. Ayun nga lang, bali-balita, may nasaktan nanaan siya. Mga taong malapit sa kaniya. Parang pinipira-piraso ang puso ko. Hindi ko alam kung awa sa kaniya o sa sarili ang nararamdaman ko sa tuwing naririnig ko ang mga sabi-sabi. Paminsan kasi, napagkakamalan na ako ay siya. At ngayon, kailangan ko ding tanggapin at unawain na iniwan kami ni mama sa mundong 'to dahil tapos na ang kaniyang misyon. Sobrang sakit. Si mama kasi yung akala kong makakasama ko kapag nagtagumpay na ako sa buhay. Pero kailangan kong kumayod agad kasi pagsapit ng umaga at wala pa akong trabaho? Baka pulutin nalang kami sa kung saan. Kasalukuyan akong naghahanda ng umagahan, may pasok kasi si Mortala. Sa ganitong paraan, maiparamdam ko manlang sa kaniya na kaya kong pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aalaga sa kaniya. Sa ganitong paraan din ay maipararamdam ko sa kaniya na hinding-hindi ko hahayaang maiwan siya mag-isa. "Ate, pasok na ako!" Sigaw ni Mortala. Nagmamadali pa itong kinuha ang bag niya at nagsuot ng sapatos. Pero agad ko siyang pinigilan. "Hindi ka pa nakain,balik! Wala akong pake kung malate ka, kumain ka riyan." Hila-hila ko siyang dinala sa lamesa. Minsan talaga, napakatigas din ng ulo nito. Ayaw niya raw nang inaasikaso pa siya kaya siya nalang daw bahala sa sarili niya. Pero syempre, sa'kin nagmana ng katigasan ng ulo iyon, kaya hindi na sya uubra sa'kin. Pinilit ko siyang maupo at hinainan ko siya ng niluto kong tortang sardinas. Paborito niya ito kaya siguradong hindi to aatras. Bukod sa crush niyang walang pake sakaniya, tortang sardinas: ang isa pa niyang kahinaan. Hindi talaga nagkakamali ang mga nanay, pati ang tumatayong nanay. Kahit pa trenta minutos na siyang late, aba! ninanamnam pa rin ang pagkain. Lubha ko naman itong ikinatuwa. Nag-alala lang ako sapagkat naalala kong naikwento niya sa'kin na masungit ang first subject teacher niya. Baka kapag pumasok pa siya ng ganito kalate sa subject na iyon, ay baka mabungangaan lang sya. Minabuti kong papasukin na lang siya sa second subject niya. "Siya nga pala, may makukuha pa akong scholar ngayong buwan." Wika ko. Napatingin siya sa'kin na puno ng pagtataka. Scholar 'yon galing sa dati kong school. Nakakuha ako nung first sem kaya makakakuha ulit ako ngayong second sem. Mas mababa nga lang ang makukuha ko ngayon. Kahit may scholar, hindi 'yon sapat para mapag-aral kaming magkapatid. "Saan mo gagamitin 'yon, ate? Ipansarili mo 'yon ha? Baka mamaya kaya mo sanabi sa'kin e dahil may balak ka nanamang ibili ako ng kung ano?" "Alam mo ikaw? Ang advance mo! Pero oo. Ibibili kita ng-" "O diba diba?" Pagpuputol niya sa sinabi ko. "Patapusin mo ako!" Pabiro kong sigaw. Agad siyang nanahimik. Ganito ang madalas naming eksena. Sa tuwing magkasama kami, pakiramdam ko, hindi totoo ang lahat. At hinihiling kong hindi na lang totoo ang lahat. "O ano nga?" Wika niya. Natatawa na lamang ako dahil sa itsura nito. HIndi bagay sa kaniya ang pagtataray. "Ibibili kita ng bagong uniporme. Kapag totoong may nakuha ako. Pero kung wala, next month na lang?" Paglalambing ko sa kaniya. "Hindi pa sigurado, ate. Pero kung mayroon nga talaga, itabi mo na lang. O kaya ibili mo ng mga gusto mo." Ilang pagpapaliwanag ang sinabi ko bago siya nag-ayang pumasok. Humalik ako sa kaniyang noo at nagpaalam na. Parang balewala sa kaniya na nalate na siya. Iba talaga ang batang 't0. Mabuti na lamang at lalakarin na lamang niya papuntang skwelahan.Hindi na kailangang gumastos sa pamasahe. Pero kung susumpungin ng katamaram, maaari din naman siyang sumakay. May kalayuan din naman, pero kayang lakarin. Pagtapos ko siyang maihatid, dumiretso ako sa sakayan ng jeep. Mamayang gabi pa naman ang trabaho ko sa 7/11. Sa umaga, nangangatulong ako doon sa kapitbahay ng tita namin. Mabuti na lang nga't naiintindihan niya ang sitwasyon naming magkapatid. Plus, kablock-mate ko rin noon yung anak niya kaya agad niya akong tinanggap sa trabaho. Mukha rin naman daw akong katiwa-tiwala. Pagsabado-linggo naman, pumapasok ako sa isang mall bilang janitres. Hirap na hirap akong ihandle yon nung una, pero nung tumagal naman na ako , nasanay na rin. Pandagdag din kasi ang sasahurin ko sa pag jajanitres kahit pa dalawang araw lang sa isang linggo ang pasok ko doon. Tapos pagkauwi ko, saka ako tumatanggap ng labada. Hindi pala talaga uso ang pahinga kapag ikaw na ang nagtataguyod sa pamilya. O sya, basta para kay Mortala at sa pangarap niya. Saka na yung akin. Ika nga nila "hindi karera ang buhay." Sumakay ako sa jeep na napakasikip. "Na scam ako ni kuya ah" Pinipilit kong kunin ang pamasahe kong nasa bulsa. Ito namang kaharap ko grabe makatingin. "Hoy! ikaw bastos ka ah? panget panget mo na nga gumaganyan ka pa!" Inis kong bulyaw. May pakagat-labi pa kala mo naman kinagwapo niya. "Pakiabot nga ho ng bayad!" ilang minuto na akong nag-aabot, wala pa ring kumukuha. Ano to? mga multo? Kahit patuloy na umaandar ang jeep, tumayo ako ng kaunti at naglakad papunta sa driver. Padabog ako kung maglakad. "Dahan-dahan naman-" Reklamo ng isang pasahero. "Aba! kung inaabot niyo sana ang bayad ko, edi sana mabait ako ngayon?" Malayo pa ako sa bahay ng amo ko pero bumaba na ako. Akala mo naman sa kanilang sasakyan? Muntik ko pang maapakan yung paa nung nagreklamo, sayang! Nang makababa ako, gumilid lang ako at pinagmasdan ang jeep na nasakyan ko. May mga gamit sa bubungan nito. Ngayon ko lang din napansin na madaming gamit sa ilalim ng upuan at ang iba naman ay nakapanswimming pa...."ha? nakapanswimming?" Sigaw ko. Nasapo ko ang aking noo nang marealize kong sa outing ang punta ng jeep na nasakyan ko. "Bakit kasi pinasakay ako nung chuper? Di rin naman nila ako sinabihang outing yon! kasalanan na nila yon. Ayst, sayang yung pamasahe ko!" Busangot kong nilakad na lang ang daan papunta sa bahay nung amo ko. Nanghihinayang pa rin sa pamasaheng binayad ko. Nagbantay lang ako ng bata dahil may lakad ang mga magulang nito. Di naman mahirap alagaan yung tatlong anak nila eh. Kaya ko yan. Fighting! Meaniwhile: "Oyy no, that's bad for you! it will uhm ano it will fire you. Don't touch that." "Hala ka! Anie can you look for your siblings?" "No!" Takbo doon, takbo rito, habol doon, habol dito. Hindi ako pagod. Hindi nakakapagod. Pagkadating na pagkadating ng mga magulang nila, umalis ako agad. Grabeng 'yan, ang basic alagaan ng anak niya.Hindi man lang ako pinagpawisan. Kulang pa, kulang pa ang nag-iisang ako! Kailangan ko nang kasama pag-magbabantay sa kanila. Sa lagay namin kanina, mas pipiliin ko na lang linisin ang isang buong mall kaysa alagaan sila. Ano ba namang araw to? Ang bait-bait ko ngayon! "Antagal ng jeep-" Biglang bumuhos ang malakas na ulan. Napatingin-tingin ako kung saan pwedeng sumilong. "Napakalayo!" Nagrereklamo pa ako, tatakbo rin naman.....At nadulas pa nga. May narinig akong nagtawanan sa likod ko. Mga batang naliligo pala sa ulan. Sinamaan ko sila ng tingin. "Magkasakit sana kayo!" Tumayo na lang ako at inayos ang bag. Hindi na ako tumakbo, basang-basa na ako. Edi maglakad nalang, kaysa madulas nanaman. Pagkasilong ko, agad kong binuksan ang bag. "Ano ba yan! Bakit naman basang-basa pati loob ng bag ko?" "Waterproof ba 'yang bag mo?" "Hindi!" "Then why do you react like gulat na gulat ka riyan nang makita mong basang-basa mga gamit mo sa bag?" "Ah bas-" sasagot na sana ako pero bigla akong napalingon din. "Hoy! pakielamera ka kuya. Di ka naman inaano. E ano kung ganon reaksyon ko? Sumbong kita sa mama ko eh." Bakas ang gulat sa mukha ng lalaki. Nakasandal ito sa bakal at nakatayo habang naghihintay siguro na tumila ang ulan. Ang gaan ng presensya ko sa kaniya. "May kahawig ka." Sabi ko. "Sino? Artista ba?" Tanong niya naman. "Siguro" "Meron bang ganon?" "Oo" "Siguro artista siya, kilala ng lahat. Hindi niya ako kilala, pero kilalang kilala ko siya. Hindi niya ako mahal, pero pakiramdam ko, mahal na mahal niya ako at hinihintay niya ako. Pero hindi dapat ako 'yon. Yung kam-" "Kung ganoon, weird ka. Gumising ka kaya?" Biglang sabat niya. "Gigising? Gising na gising ako!" Tinignan ko siya, tagos sa buto. "Mama ko o, multuhin mo nga yang papansin na yan!" May padabog-dabog pa ako. Tapos paglingon ko kung nasaan yung lalaki, ayun sumama na ata kay mama. Biglang nawala e. "Nu'yon? Ginaya ka ata ma. Biglang nawala." Naupo na lang ako. Tinataktak ang cellphone ko at sinasabing "Hoy bukas!" Para akong sira na kinakausap ang cellphone ko para bumukas. Taktak lang nang taktak, hanggang sa may dumating na tricycle. Hindi sana ako sasakay, mapilit lang tong si kuya. Mahal kasi sa tricycle. Kaso ang sabi, wala nang dadaan na jeep dahil hinarang doon sa unahan. No choice. Kailangan kong magbayad ng 50 pesos, or else, maglalakad ako pauwi sa bahay.
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
good plot
20/05
0Tingnan Lahat