Sabi nila, kapag may tyaga, may nilaga. Pero bakit ganon? Kahit anong tyaga ko, wala pa rin? Sabi rin nila, marunong bumalik ang karma. Bakit ako babalikan ng karma? Ano ang nagawa ko? Wala naman, hindi ba? Ang tanging nagawa ko ay ang alagaan at mahalin ang pamilya na meron ako. Sina mama at Mortala. Katulad ngayon, pagod, puyat, gutom, at uhaw. Ilan sa mga nararamdaman ko ngayon. Ilang oras na akong umiikot-ikot dito sa Avenida. Nagbabakasakaling mayroong trabahong makuha. Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit dito pa? Maaaring mayroon malapit sa'min, pero bakit dito ako dinala ng tadhana? Walang sino man ang nagsabi na dito ako maghanap ngunit iyon ang ginagawa ko. Parang may kung sinong nagtulak sa'kin na pumunta rito. Iba sa pakiramdam. Para bang mayroong babago sa buhay naming mag-iina kapag dito ako nagtrabaho? Lagi namang ganito ang iniisip ko. Kahit alam kong walang pag-asa, itutuloy ko. In the end, napagod lang ako. Iba talaga ang kamangmangang di matatalo. Alam mo na ngang hindi pwede, walang pag-asa--pinilit mo pa. Wala pa sana akong balak umuwi. Kaso anong oras na rin kasi. Kanina pa nag tetext si mama. Mayroon na rin naman akong nahanap na trabaho ron sa mall. Janitres. Pwede na rin. Basta may kita. Pero hindi iyon sapat. Sinusubukan ko pa rin maghanap ng iba pa. Hindi pa rin naman sigurado kung matatanggap ako doon. Sabi tatawagan na lang ako. Sana nga. Kadalasan kasi hindi na nila tinatawagan kapag ganoon ang sinabi nila. "Lord, kailan ba ako may mahahanap na trabaho?" pagod na pagod kong tanong habang nakatingala sa madilim na kalangitan. Gabing-gabi pero ang init ng simoy ng hangin. Naglalakad ako papunta sa sakayan ng jeep. Siksikan na rin dahil sa uwian na ng mga nagtatrabaho. Wala akong balak makipagsiksikan kaya gumilid na muna ako. Hindi mauubos ang pampasaherong jeep, pero ang pasensya ko, madaling maubos. Ilang oras pa bago ako makasakay. Masyado silang nag-uunahan. Baka makasapak ako kung nagkataong nakikipag-unahan din ako sa kanila. Biruin mo 'yon, matandang babae ang itinulak ng isang lalaki para lang makasakay siya? Kung ako iyong matanda, baka naibato ko na yung dala kong paninda. Makalipas ang mataglal na paghihintay ay sa wakas nakasakay na rin ako. Mabilis lang na napuno ang jeep na nasakyan ko. Kaya naging mabilis lang din ang byahe. Nang makababa, bumili muna ako ng softdrinks sa tindahan malapit sa bahay. "Ate neng, saan ba nag-apply ng trabaho si Marie? Baka pwedeng makaextra don." pakiusap ko sa tindera. Ang usap-usapan kasi, maganda raw ang trabaho ni Marie. Hindi na rin ako nahiyang mangulit dahil kumare naman ito ni mama. Ninang ng kapatid ko. "Itatanong ko mamaya pagkauwi. Bukas na bukas din, sasabihin ko sa'yo kung saan. Hindi ko lang sigurado kung mayroon pang trabahong maiooffer sa'yo." Sagot nito. Nagpasalamat ako atsaka nagpaalam na rin. Sa totoo lang, gustong-gusto ko ibalik yung softdrinks na binili ko. Ang sabi kasi niya, malamig daw. Yung lamig, halatang hindi nalagay sa ref. Sa daan, may mga nag-iinuman nanaman. Sila na lang ang maingay; sila naman lagi ang maingay. Nang makalagpas sa mga nag-iinuman, lumingon-lingon ako. Madilim na kasi sa parte ng nilalakaran ko. At madalas, may naririnig akong sumisigaw rito. "ma, si kuya inaaway nanaman ako." Minsan naman ganyan. Para bang nagsusumbong. Wala namang bahay rito, kaya saan manggagaling yung bata? "Mahal, huwag mong gagawin 'yan!" Pero mas madalas ang sigaw ng isang lalaki. Tanaw ko na ang kapatid ko. Pagkatapak na pagkatapak ko sa gate, nagsimula agad siyang mang-asar. "O pak! umalis ng fresh, excited at maaga pa sa manok, umuwing pagod, gutom, haggard at umuwi ng madilim na!" Wika niya habang hinahawi-hawi pa ang buhok ko at may awa effect pa. "Ashushu, dun ka nga! Tigilan mo ako ngayon, baka kung ano magawa ko sa'yo! ." Sagot ko naman at inambahan pa siya ng suntok. Napatawa na lamang ito nang malakas. Tawa. Ang matatamis niyang ngiti. Hanggang kailan kaya ito? Lagi siyang nasa panaginip ko, noong bata raw si Mortala, nakita ko siyang umiiyak sa isang gilid. Kapag tinatanong ko si mama Sabel, ang sabi niya, masiyahin si Mortala. Kung iiyak man, madali lang patahanin. Takot din daw sa sulok si Mortala, kaya baka gawa-gawa lang daw ng isip ko. Sinusubukan kong makahanap ng trabaho para matustusan ang pag-aaral namin ng kapatid kong si Mortala. Hindi naman na pwedeng umasa kami sa paglalaba ni mama, si Papa naman, ayun sumakabilang pamilya na. Mahina ang kita sa labada ngayon, halos lahat kasi de automatic na ang mga gamit. Mahina na rin si mama, lumalala na yung sakit niya. Ayokong masyadong mahirapan si mama kaya hanggat kaya, sinusubukan kong tumulong. Itong si Mortala naman, natatakot akong patigilin sa pag-aaral. May mga panahon kasi na walang-wala tapos biglang sasabay yung school projects, kaya naisip naming patigilin muna kahit isang taon. Kaso hindi ko tinuloy. Umuutang na lang ako kung minsan. Masyadong madaming pangarap. Ayoko namang magtampo iyon sa amin. Hanggat kaya at may bagong umaga, naniniwala akong may bagong pag-asa ring darating para sa amin! pagpasok sa bahay, nagbless lang ako kay mama tapos dumeretso ako sa aking silid. Balak ko lang sanang mahiga saglit kaso ayun pagpikit ko, 'di ko namalayang nagdere-deretso na ang tulog ko. Hindi ko na rin kasi ramdam ang gutom dahil sa nag-uumapaw kong pagod. Nagising akong madilim pa ang kalangitan. Naririnig ko na rin ang paunti-unting tilaok ng mga manok. Lumabas ako para maghilamos, pero bago yon binuksan ko muna ang aming durungawan at nakangiting bumati ng: "Magandang bagong umaga! Masaganang bagong pag-asa!" Nakapikit pa ako habang ninanamnam ang malamig na simoy ng hangin. Sa aking pagdilat nanlaki ang mga mata ko at napasigaw ng: "ma, may aswang!" Napatakbo ako pabalik sa'king silid at nagtaklob ng kumot. Sa edad kong 'to, ang hirap itangging takot ako sa aswang. Maya-maya lang may narinig akong mga katok. Mas lalo akong natakot, sa isip-isip kong baka nakapasok ang aswang dahil hindi ko sinarado yung bintana. Gayon pa man, takot na takot kong binuksan ang pinto. Narinig ko kasing sumigaw si Mortala ng "Ate" May dala itong pagkain. Pulang pula ang itsura nito dahil sa kakatawa. Takot pa rin sana ako, dahil baka nag-aanyong kapatid ko lang yung aswang. Pero napagtanto kong, walang maglalakas-loob na gayahin ang itsura ng kapatid ko dahil sa pangit ba naman? Huminga ako ng malalim. Kinuha ko lang yung dala niyang pagkain. "Aga mo hoy! Matulog ka pa nga." "Kamo, hating-gabi ka na nagising. Anong magandang umaga magandang umaga ka riyan? mag aalas-dose pa lang ng gabi. Kumain ka na!" Sabay talikod nito sa'kin at may paghawi pa sa buhok niya. "Hmm, hilain ko yang buhok mo" Bulong ko. Ang haba na ng itim niyang buhok. Napahawi tuloy ako sa buhok kong hanggang balikat lang. Isasara ko na sana ang pinto nang bigla siyang sumigaw. "Pasalamat ka, nakaligtas ka sa hugasin!" Nginisian ko lang ito. Hindi ko naman sinabing hugasan niya ang mga hugasin. "Salamat!" Hindi pa man ako nakakaupo, may malakas na kalabog na ang narinig ko mula sa labas. Taranta kong binitawan ang pagkain ko at saka tumakbo palabas ng aking silid. Hinanap ko pa kung saan nanggalin yon. At nang makarating ako sa harap ng pintuan ni mama nakita kong lumuluha ang aking kapatid at sa hita nito ay ang walang malay naming ina. "Tulong!" Sigaw ko. Sinundan pa ito ng madaming sigaw bago may tumulong sa amin. Wala kaming hawak na pera para dalhin sa hospital si mama. Pero, wala nang ibang paraan para maligtas si mama. Nung una, akala ko nahimatay si mama kaya kinuhanan ko siya ng tubig. . At saka ko lang nalaman na hindi na humihinga si mama noong nilapitan ko siya at nilagay sa hita ko. Habang nakasakay sa tricycle, hawak ko ang kamay ni mama at wala na akong maramdamang pulso. Gustong gusto kong umiyak pero hindi ko magawa. "ate, wala tayong pera" Para akong mabibingi. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, kung saan ako kukuha ng pera. "Ang importante madala muna natin si mama sa hospital. Mamaya pagsapit ng umaga, maghahanap agad ako ng trabaho. Yung kikita agad. Susubukan kong magbantay sa tindahan doon sa kanto. O kaya doon sa ihawan." Niyakap ko nang mahigpit si Mortala. Mahigpit na mahigpit. ***** Parang himala ang nangyari. Biglang nagising si mama at ako ang pilit niyang pinapagising kahit gising naman talaga ako. Ilang araw akong nagpabalik-balik dito. Hindi pa pwedeng lumabas si mama. "Uwi na tayo, nak" Ang laging winiwika ni mama kahit hirap na siya sa pagsasalita. "Gustuhin mo man, mama, hindi ka pa pwedeng lumabas. Hindi ka pa magaling. Mas gagaling ka kung andito ka, diba?" Nasa kalagitnaan kami ni mama ng pag-uusap nang biglang pumasok ang isang doctor. Ipinaalam niya ako kay mama. Kakausapin niya lang daw ako tungkol sa kondisyon ni mama. Pumayag naman na rin ako. Inabot niya sa'kin ang isang papel. Medical check-up at bill pala ni mama. Napatingin ako sa doctor. "Mas madadagdagan ang bill niyo neng" Nagtaka naman ako. "Kailangan niyong paoperahan ang mama mo ngayon, masyado nang mababa ang tsansang mabuhay siya kung paaabutin niyo hanggang bukas." Napahinga ako ng malalim. "Doc" Magsasalita pa sana ako, nang biglang pumasok ang kapatid ko. "Opo, papaoperahan namin si mama!" Sabat niya. Tinignan ko naman siya na may pagtataka. "Ang kaso nga lang, kailangan niyo munang magbayad ng kalahati bago siya operahan. May hawak ba kayong pera ngayon?" Doon, kaming dalawa ni Tala ay nanlumo. Sabay kaming napailing. Agad kaming pinalabas ng doctor. Perahan pala rito. Nagbabanggaan na kami ni Mortala sa paglalakad. Para na kaming zombie rito. Sino ba naman kasi ang hindi manghihina kung kailangang operahan ang mama niya pero wala siyang pera pampaopera? Nang malapit na kami, bigla akong napatakbo papasok sa loob ng emergency room. May mga doctor kasing nagpapanic sa loob. Kinakabahan na baka kung anong nangyayari na sa loob. Nakahinga ako ng maluwag dahil nasa sulok at nakahiga ang aking ina. Agad ding nabawi iyon. Madaming doctor ang lumapit sakaniya at maya-maya lang: mula sa pwesto ni mama, mayroon nanaman silang inilabas na walang buhay. Kasunod ko ang kapatid ko ngayon. Ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso nito. "Ate, tawagan natin si papa?" Sabi niya. Kailanman ay hindi niya nakilala si papa; hindi nga rin niya alam kung ano'ng tunay na nangyari kina mama at papa. Ang alam niya, mahal na mahal siya ni papa kaya naghanap ng trabaho sa ibang lugar para mapaaral siya. Lahat ng natatanggap niyang padala, akala niya galing kay papa. Pero sa totoo lang, ako lang gumagawa lahat ng 'yon. Siguro, kung hindi ko sinumbong si papa na may kasama siyang ibang babae, buo pa rin sana kami ngayon. Kasi nung time na nalaman ni mama 'yon, wala na sila nung kabit niya. Pero nasaktan na si mama e. Mas pinili na niyang palayain si papa kaysa raw maulit 'yon. Mabuti na lang din. Dahil tignan mo siya ngayon, nasa mayamang pamilya na siya. Sikat na sikat ang pangalan niya. Idol nga siya ni Mortala e. Pero walang kaalam-alam si Tala. Niyakap akong mahigpit ng kapatid ko. Yung yakap na "sana hindi magbago ang lahat". Maya-maya lang ay nilapitan ko si Mama. Mahigpit ang hawak niya sa kamay ko. "T-tao...p-p-patay." Si Mama. Paulit-ulit lang siya. O paulit-ulit sa utak ko? Napasalampak ako sa gilid ng hospital. Wala na si Mama. Si Mama ko. Hindi ko maintindihin, siguro iyon ang ibig sabihin ng sinasabi niya. Ang paglisan. Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko. Para akong tinakasan ng sarili kong lakas. Hindi ko na maintindihan. Ang gulo! Si Mortala, bigla ring nawala. Baka hindi ko lang narinig na nagpaalam siya. Pero wala siya sa tabi ko! Natahimik ako saglit. Huli na para humingi ng tulong kay papa. Ang kaninang sana'y hindi mabago, sa tingin ko'y may mababago. Sanay si Mortala na kasama si mama. Masakit isipin na mas nasanay siya kay mama, pero mas masakit kung yung dating Mortala na kinikilala akong ate ay biglang magbago dahil sa isang dahilan. Pananatilihin ko ang ganitong sitwasyon naming magkapatid. Mananahimik ako hanggat kaya. Kakayanin ko. Sana kayanin niya ring mabuhay nang wala si mama. Hindi na namin pwedeng ibalik ang panahon. Ito ang ibinigay ng pagkakataon. Pahirap at pasakit para sa akin. ***** Tunghayan ang kwento nila Nikini at Mortala.
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
good plot
20/05
0Tingnan Lahat