logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

SCHWERT ACADEMIA Crestria Series 1

SCHWERT ACADEMIA Crestria Series 1

Plumarie02


CHAPTER 1: GUILDESTERN

HISTORIA SNAPE'S POV,
Tunog ng kutsara at tinidor na sumasalpok sa babasaging plato lamang ang maririnig sa buong dining area. Lahat kami ay tahimik na kumakain, walang nagtatangkang magsalita. Ganito ang laging senaryo sa aming kusina na nakasanayan ng aming pamilya. Ngunit sa oras na ito, iba ang nararamdaman ko. Hindi ko mawari ang kabang lumulukob sa akin. Napabuntong-hininga ako.
"Anong problema Historia?" tanong ni daddy. Pumikit ako at nagbuntong-hininga na naman.
Napatigil sa pagkain ang mga kasama namin sa lamesa at hinihintay ang sagot ko.
"Alam kong may gusto kayong sabihin sa amin. Ano po 'yon?" magalang kong tanong. Inilapag ni daddy ang hawak n'yang kutsara at tinidor tsaka pinunasan ng tissue ang kan'yang bibig.
This time, si daddy na ang nagpakawala ng buntong hininga. Tinitigan ako nito sa mata na ginawa ko rin sa kan'ya. Nakipagsukatan ako nang tingin kay daddy hanggang sa s'ya na mismo ang sumuko. Umiling-iling s'ya sa katigasan ng ulo ko.
"Alam mo ang lihim ng ating pamilya, 'di ba? Katulad ng kuya mo, kailangan mo ring mag-aral sa Schwert para mahasa at mailabas ang kapangyarihang mayroon ka," kalmado n'yang saad. Kinuyom ko ang kamao ko at napayuko.
"N-Nakalilimutan n'yo na ba ang nangyari kay Kuya Angelo? Nakikita n'yo ba ang kalagayan n'ya ngayon? He's in coma, for Pete's sake! Dahil sa lintek na eskwelahan na 'yan!" hindi ko napigilan ang sarili ko sa pagsigaw na nakapagpasinghap sa lahat.
"You're shouting, Historia!" kalamadong sita ni daddy. Sinenyasan naman ako ni mommy na kumalma.
"S-Sorry," tanging naiusal ko.
"Unang-una sa lahat, isa kang Snape. Ang pamilya natin ay may kapangyarihang tinataglay. Tayo ay nakatalaga upang protektahan ang bansa ng Avangard laban sa mga gustong sumira at umangkin sa yamang nakatago doon. Pangalawa, isa kang itlog na hindi pa napipisa. Hindi mo pa alam ang lahat nang dapat mong malaman at matutunan. Pangatlo, paano natin malalaman kung anong tunay na nangyari sa kuya mo kung tutunganga ka dito? Wala kaming makalap na impormasyon dahil may pilit na pumipigil sa pag-iimbistiga ng mga tauhan ng pamilya natin. Alam kong hindi sapat ang mga naituro ko sayo pero alam kong isa ka ng ganap na babae, handa ka na. Alam kong kaya mo na," mahabang paliwanag ni daddy.
Tila nagising ang natutulog kong utak sa lintanya ni daddy. Tumahimik ang paligid at walang nagtangkang gumawa nang ingay.
"Kung gayon ay nakahanda na ang lahat, tama po ba?" tanong ko.
Tumango si daddy at mommy. Pinasadahan ko nang tingin ang mga kasama namin dito sa dining- buong angkan ng Snape. Sigurado akong makakasama ko ang mga pinsan ko sa eskwelahan na 'yon. Napabuntong-hininga na naman ako.
"Excuse me po, busog na ako." Tumayo ako at dumiretso na sa kwarto ko.
Pabagsak akong humiga sa kama ko at tumitig sa kisame. Pumasok sa isipan ko ang imahe ng aking kuya noong inuwi siya rito nina daddy. Sobrang putla n'ya at nangulubot ang balat na animo'y isang matanda.
'Paano at saan ba ako dapat magsimula Kuya Angelo? Naguguluhan ako. Ano ba talaga ang totoo?' saad ko sa isipan ko. Napapikit ako at napabuga ng hangin. Dumapa ako at sinubsob ang mukha sa unan. Kumuyom ang kamao ko at nagsimula nang magtangis.
Hindi ko pwedeng bisitahin ang aking kuya sa kabilang kwarto. Nang unang beses na nagplano akong hawakan siya ay bigla akong napaso at nagmarka ang hawak ko na nagmistulang sunog sa kaniyang balat. Walang makapagbigay ng paliwanag sa nangyari kaya ngayon ay hindi ko magawang sulyapan ang aking kapatid.
Kung pagpasok sa eskwelahan na 'yon ang kailangan kong gawin upang malaman ko ang totoo ay gagawin ko. Gagawin ko ang lahat para mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kuya ko. Aalamin ko ang sikretong nakabalot sa aking hawak na apelyido.
Biglang pumasok sa isipan ko ang kwento ni daddy tungkol sa kanila ni mommy.
Sebastian Snape at Florida Hist ang pangalan ng magulang ko. Sikat at malakas na couple sa eskwelahan na nagngangalang Schwert Academia. Sa sobrang tunog ng mga pangalan nila, marami ang may galit sa kanila. Kung gayon, may posibilidad na ang mga kaaway ng magulang namin ang gumawa no'n kay kuya. Hindi ko lang maintindihan, bakit kailangan din namin pumasok doon kung may banta sa pamilya namin?
Nahulog na ako sa malalim na pag-iisip hanggang sa lamunin ako ng antok.
Kinabukasan, maaga akong ginising ni Manang Rosa upang mag-ayos ng aking sarili. Ngayong araw din na ito ang aming pag-alis. Nakahanda na ang lahat ng bagay na kailangan namin. Halatang sigurado na si daddy tungkol dito. Pinaliwanag ni daddy ang mga dapat naming malaman simula sa portal na aming papasukan hanggang sa Academia. Bumuntong-hininga ako at muling sinilayan ang bahay.
'Babalik ako. Sa pagbabalik ko sinisiguro kong babalik sa ayos ang lahat... Kuya Angelo.'
Sumakay na ako sa Van at hindi na muling nilingon ang labas. Kasama ko ang mga pinsan ko dito sa Van. Tama nga ang iniisip ko.
"Historia, ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Ate Felicia- ang panganay sa aming magpipinsan.
Tumango naman ako. "Ayos lang ate."
"Gusto mo bang matulog muna? Mahaba raw ang biyahe patungo sa Tree of Portals," saad naman ni Herecie- kaedad ko lamang siya.
Tumango ako at hindi na muling nagsalita. Ipinikit ko ang mata ngunit hindi ako makatulog. Iniisip ko kung anong buhay ang naghihintay sa akin sa eskwelahan na iyon. Nag-ensayo ako sa paggamit ng mahika at espada ngunit hindi sapat ang aking abilidad.
'Kuya, gabayan mo ako.'
Natauhan ako sa malalim na pag-iisip ng sumigaw si Aliyana na sinundan ng halakhak ni Havoc. Hindi ako nagmulat ng mata at nagkunwari na lang na natutulog.
"Ang ingay n'yo! Natutulog sina Historia at Kinaro," sita ni Ate Felicia. Hindi ko na narinig ang usapan nila dahil nilamon na ako ng antok.
Nagising ako sa mahinang yugyog sa balikat ko. Iminulat ko ang akin mata at bumungad sa akin ang seryosong mukha ni Kinaro.
"Nandirito na tayo, bumangon ka na at ayusin ang sarili mo," sambit nito at umalis na sa harapan ko.
Huminga ako ng malalim. 'Ito na, malalaman ko na ang mga nais kong malaman.'
Bumaba ako sa Van at kinuha ang maleta ko. Dumiretso ako sa kinaroroonan ng mga pinsan ko. Nasa bukana na sila ng butas na mistulang kweba ang itsura sa katawan ng Tree of Portals- higanteng puno na kumukutitap ang paligid. Saang lugar ito? Ngayon ko lang nalaman ang lugar na ito. Napakaganda at ang sarap ng simoy ng hangin dito.
"Kompleto na tayo, wala na ba kayong nakalimutan sa Van?" paninigurado ni Ate Felicia. Tumango kaming lahat.
"Kung gayon, tara na. Naghihintay na ang gold portal patungo sa Academia," saad ni Havoc.
Pinangunahan ni Mang Caesar ang pagpasok sa puno. Namangha ako sa nasilayan pagkapasok namin sa loob. Kung titignan mo ang puno sa labas, higante subalit hindi katabaan ang katawan. Ngunit ang loob ng katawan nito ay sobrang lawak, animo'y isang basketball court ang laki.
Kitang-kita ko rin ang pagkamangha sa itsura ng mga kasama ko. Nilibot ko ang aking tingin sa paligid. Ang daming portal, iba't iba ang kulay. Pero ang sabi ni daddy ay gold ang aming dapat pasukan. Huminto kami sa tapat ng gold portal.
"Hanggang dito na lang ako mga bata. Hindi ko na kayo masasamahan sa loob. Mag-iingat kayo," nakangiting saad ni Mang Caesar. Tumango kami at ginawaran siya ng ngiti. Nauna na si Ate Felicia sa pagpasok sa portal na sinundan naman ni Kinaro hanggang sa ako na lang ang natira.
"Naniniwala ako sa kakayahan mo, Historia." Nginitian ko si Manong at sinabing, "salamat po sa paniniwala."
Pumasok ako sa portal at nilamon ako nito at nagpaikot-ikot na animo'y isang buhawi. Nakaramdam ako ng hilo bago tuluyang nawalan ng malay.
Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na nakahandusay sa damuhan. Hindi ako makatayo dahil sa hilong nararamdaman. Agad rin akong napabalikwas nang may maramdaman akong basa sa mukha ko.
"Ahh!" sigaw ko at dali-daling tumakbo papalayo sa nilalang na pinanggalin ng basa sa mukha ko.
"Aray!" Napaupo ako sa lakas ng impact nang pagkabunggo ko sa isang bagay. Nakapikit ako habang hinihilot ang noo ko na mas napuruhan.
"Ayos ka lang Historia? Bakit ka sumisigaw?" nag-aalalang tanong ng isang boses- boses ni Kinaro.
Minulat ko ang aking mga mata at inaninag kung si Kinaro nga ang nasa harapan ko. Nang mapagtanto, agad akong tumayo at dinamba ito ng yakap.
"Buti dumating ka," naiiyak kong saad. Natawa ito na nakapagpakunot sa noo ko.
"Kanina pa kami nandirito. Kanina ka pa namin hinihintay." Napakalas ako ng yakap sa kaniya at napalingon sa mga pinsan namin na na sa likod niya pala kanina pa.
Napataas ang kilay ko dahil sa itsura ni Havoc, tila natatae ang mukha dahil sa pagpipigil ng tawa.
"Anong nakatatawa?" Pagtataray ko.
"Kung nakita mo 'yong itsura mo kanina? Priceless!" Humalakhak ito na parang wala ng bukas. 'Masamid ka sana.'
Ako naman ang napatawa ng malakas nang masamid siya. "Ang bilis ng karma," saad ko. Sinamaan lang ako nito ng tingin.
Napatigil ako nang mapagtanto na wala sa amin ni Havoc ang atensyon ng mga pinsan namin. Tagos ang tingin nila sa akin, nakatingin sila sa kung anong bagay sa likuran ko. Dala ng kuryusidad, tumalikod ako sa kanila tinanaw ang tinitignan nila.
Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto na ang tinitignan nila ay ang nilalang na nagbasa ng mukha ko.
"I-Isang dragon?!" bulalas ko. Napaurong ako dahil sa titig na ibinibigay nito sa akin. Nakadirekta ang titig niya sa aking mga mata. Lalo akong napaatras nang magsimula na itong lumapit sa amin.
"A-Anong balak niya?" halata ang kaba sa tono ng pananalita ni Aliyana.
"N-Nasaan ba tayo?" kinakabahan kong tanong. Nilibot ko ang paningin ko sa buong lugar, isa itong malawak na lugar na puro damo lamang ang makikita. Walang puno at kung ano pa man. Kahit mga hayop wala, maliban na lang sa nilalang sa harapan namin.
Palapit ito nang palapit sa amin ngunit sa akin lamang ito nakatitig. Hindi ako makagalaw sa paraan ng pagtitig niya. Kahit gustuhin ng mga paa ko ay hindi ko sila mapasunod.
"H-Historia! Umalis ka na d'yan!" sigaw ni Ate Felicia.
"Hindi ako makagalaw!" sigaw ko pabalik. Binalak nila akong lapitan ngunit parang may bumubulong sa akin na pigilan sila.
"Huwag kayong lumapit. Huwag n'yo nang tangkain!" muli kong sigaw. Kitang-kita ko ang pagkabahala sa kanilang mga mata.
Nanlaki ang mga mata ko nang paglingon ko sa aking harapan ay ilang metro na lang ang layo ng dragon sa akin.
"Ano ang iyong ngalan?" Lalong nanlaki ang mga mata ko. 'Nakakapagsalitang dragon?!' tanong ko sa sarili ko. Kinalma ko ang sarili ko kahit gulong gulo na ako.
"H-Historia," utal kong sagot.
Naisalag ko ang aking mga braso sa tapat ng aking mukha dahil nakakasilaw ang biglang pagliwanag ng dragon sa harapan ko.
Nang makabawi sa liwanag, nanlaki na naman ang mga mata ko sa aking nakita. Isang napakagwapong binata na nakasuot ng puting balabal ang ngayo'y na sa aking harapan. Unti-unti ko na ring naigalaw ang aking mga paa.
"Historia! Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Ate Felicia. Tumango naman ako. Hindi ko napansin na nakalapit na pala sila.
"Sino ka?" tanong ni Havoc sa binata.
"I'm Guildestern- the guardian of White Gate. Kanina ko pa kayo hinihintay. My pleasure to finally meet you, Historia." Nagulat ako nang halikan nito ang likod ng palad ko.
Ang White Gate ay ang lagusan patungong Avanguard City, ayon kay daddy.
"O-Oy! Tsansing ka sa pinsan ko," saad ni Havoc. Napairap na lang ako sa hangin.
"By the way, bantay ka ng White Gate? Then, why are you here?" tanong ni Herecie.
Kumunot ang noo ng binata na tila naguguluhan sa tanong ni Herecie. "Dahil nandirito ang White Gate," inosente nitong sagot.
Ako naman ang kumunot ang noo. "Niloloko mo ba kami?" irita kong tanong.
"Nakahithit ka ba? Walang gate rito, see? Napakalawak! Puro damo, wala namang puno o mga bato." Lumalabas ang kasungitan ni Ate Felicia.
Napabuntong-hininga ang binatang nagngangalang Guildestern.
"Na sa'kin ang portal ng White Gate." May kinuha itong bagay sa bulsa ng kaniyang balabal- isang parisukat na kulay puti.
"White crystal- heart of the Schwert," saad ni Kinaro.
Napalingon ako sa kaniya ngunit nakapagtataka na hindi man lang nagulat ang mga pinsan namin sa sinabi ni Kinaro.
"Quit staring Historia, hindi mo ba binasa ang librong binigay ni tito?" hindi ako nakasagot sa tanong ni Kinaro. Napaiwas ako ng tingin dahil sa hiya.
'Bakit ba kasi hindi ko binasa? Grr.' sumbat ko sa sarili ko.
"Bubuksan ko na," saad ni Guildestern. Nagkumpas ito ng hugis bilog at lumabas ang portal.
"Maaari na kayong pumasok." Gumilid siya upang bigyan kami ng daan. Walang alinlangan na pumasok ang mga pinsan ko kaya sumunod na rin ako. Bago pa man ako makapasok ay huminto ako sa harapan ni Guildestern.
"Salamat!" sinsero kong saad. Nagulat ako nang hawakan nito ang kamay ko at may kung anong inilagay sa palad ko.
"Ang dragon na walang amo ay mananating malaya habang hindi pa nito natatagpuan ang kaniyang amo. Ngunit sa panahon na matagpuan niya ang kaniyang tagapangalaga, ang kanilang puso ay magiging isa. Tanggapin mo ang aking puso. Ibulong mo lang ang pangalan ko, darating agad ako." Sinara nito ang palad ko at iginayak ako patungo sa portal.
Hindi na ako nakasagot pa dahil nilamon na ako ng portal. Nagpaikot-ikot ako na animo'y tinatangay ng buhawi. Pinipilit ko mang labanan ang hilo ngunit dahan-dahan na akong nilamon ng dilim.
"Aray!" sigaw ko nang bigla na lang akong nahulog sa lupa. Tumayo ako at hinilot ang pwetan ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang mapatingin sa harapan ko.
Ang haba ng tulay! Para akong hihimatayin sa nakikita ko. Nakapapagod lakarin ang tulay na ito.
Nilibot ko ang aking tingin sa paligid ko, ngunit hindi ko makita ang mga pinsan ko. Napabuntong-hininga ako.
"Mukhang kailangan kong lakarin ito ng mag-isa," saad ko sa sarili ko. Hinablot ko ang maleta ko sa gilid ko at nagsimula nang maglakad.
'Bakit ba hindi ko binasa ang libro na binigay ni Daddy? Nagmumukha tuloy akong timang.'

Komento sa Aklat (124)

  • avatar
    Coleen Peñafiel

    amazing

    15d

      0
  • avatar
    Danan JayaWayan

    ddkfjfffff

    25/07

      0
  • avatar
    Kurt Anthony Palasol

    free gold

    24/06

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata