Kahit pagod na ang buong katawan niya, para sa kanyang pangarap—lahat gagawin niya. Kalahating oras na siyang tumatakbo paikot-ikot sa track and field. Hanggang sa unti-unti, napansin ni Mia na parang dumidilim ang kanyang paningin. Pero hindi niya ininda. Siya yung tipong kahit matumba, itutuloy pa rin. At tuluyan na nga—nagdilim ang kanyang paningin, at siya’y bumagsak. “Mia! Mia! Mia!” mga boses na narinig niya bago siya tuluyang pumikit. Pagkagising niya, nasa loob na siya ng isang puting kwarto. May nakakabit na dextrose sa kanyang braso, at mga aparatus sa tabi. Sa gilid ng kama, naroon ang kanyang ina, abala sa pag-aayos ng mga prutas na dinala ng kanyang mga kaibigan. “Ma…” mahina niyang sambit habang dahan-dahan siyang bumangon. “Mia, anak! Okay ka lang ba? May masakit ba sayo?” sunod-sunod na tanong ng kanyang ina, halatang balisa. “Okay na po ako, Ma. Ano pong nangyari?” mahina niyang sagot. Bumuntong-hininga muna ang kanyang mama bago umupo sa tabi niya. “Bigla ka raw hinimatay sa track and field. Ang coach mo ang tumawag sa akin, kaya dali-dali akong nagtungo dito sa ospital.” Malungkot ang mukha ng kanyang ina habang hinahaplos ang paa niya. “Mia… huwag mo sanang pagurin ang sarili mo sa training. Alam mo namang mahalaga ka sa akin,” pagsusumamo nito. “Ano pong sabi ng doktor?” tanong niya. “Dehydrated ka raw,” sagot ng kanyang ina. Naalala ni Mia—ilang araw na silang puspusan sa training. Halos wala siyang pahinga, puro tubig at energy drink lang ang kasama niya. “Alam na po ba ni Josh?” agad niyang tanong. Ang kanyang best friend for life ang una niyang naisip. “Narito siya kanina. Kaso tulog ka pa. Heto nga, nagdala siya ng bulaklak at prutas.” “Pasensya na, Ma…” “Huwag kang humingi ng pasensya. Ang gusto ko lang, ipangako mo sa akin na iingatan mo ang kalusugan mo. Hindi ako nagkulang sa’yo, alam mo ‘yan.” Ngumiti siya sa kanyang ina at niyakap ito nang mahigpit. “Yes, Ma. I will.” Maya-maya, isang pamilyar na babae ang dumating—may dalang pasalubong. “Hello po, Tita. Magandang araw,” magalang na bati ni Missy sa ina ni Mia. “Missy?” sambit ni Mia, napangiti. Dalawang taon ang tanda nito sa kanya kaya parang ate na rin niya. “Maiwan ko muna kayo, may bibilhin lang ako,” paalam ng kanyang ina sabay kuha ng sling bag. “Sige po, Ma.” Pagkaalis ng ina niya, agad lumapit si Missy. “Mabuti naman at okay ka na,” mahinhin nitong sabi. Sa sobrang hinhin, para bang hindi makabasag-pinggan. “Salamat sa Diyos,” sagot ni Mia, sabay sandig sa headrest ng kama. “Nag-alala ako sa’yo nung nabalitaan ko,” dagdag ni Missy. “Huwag kang mag-alala, malakas ako,” tugon ni Mia na may kalahating ngiti. Sandaling natahimik si Missy bago muling nagsalita. “Oo nga pala, Mia… may sasabihin sana ako.” “Ano ‘yon?” “Yung sinabi ko dati… tungkol sa isa pa nating kapatid?” “Ah, oo. Anong meron dun?” “Nakita ko na siya. Na-meet ko siya,” masayang kwento ni Missy, pero bakas din ang lungkot sa kanyang mga mata. Napakunot ang noo ni Mia. “O? Bakit parang bigla kang nalungkot?” “Kasi, Mia… kawawa ang kalagayan niya.” Bumuntong-hininga si Missy. “Kinausap ko si Mama tungkol dito. Alam mo na, sabi niya aayusin niya raw ang lahat para magsama-sama na tayo.” “Ano?” nagulat si Mia. “Gusto kasi ni Papa na magsama-sama tayong magkakapatid,” sagot ni Missy, pilit na ngumiti. “Dapat lang, Missy. Kung ako lang tatanungin, okay lang na iniwan niya kami ni Mama. Kaya naman akong buhayin ni Mama, at scholar din ako. Pero yung kapatid natin—kawawa naman siya. Nagkasakit ang mama niya, tapos na-bully pa siya. Siya ang dapat bigyan ng pansin ni Papa. Kasi kung hindi dahil sa kanya, hindi magsa-suffer ang mga anak niya ngayon,” matigas na sabi ni Mia, halatang naiinis na naman. “Mia, kalma lang…” pinapakalma siya ni Missy. “Huwag ka nang ma-stress.” “Alam ko. Gusto ko nga siyang awayin, pero… wala eh, ama ko pa rin siya,” sagot ni Mia, sabay iwas ng tingin, pilit itinatago ang pamumula ng kanyang mata. Tahimik na tumango si Missy. “Alam kong malaki ang kasalanan ni Papa… yung Papa ko, at yung Mama niya sa pamilya niyo. Oo, galit din ako sa kanya dahil sa ginawa niya. Pero… may mas kawawa pa palang kapatid kaysa sa atin. Kaya kahit mahirap, tanggapin na lang natin.” “Yun nga eh…” mahina ang boses ni Mia. “Yun lagi—wala tayong magawa.”
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
great
08/12
0hi bro
04/12
0go higher mia
01/11
1Tingnan Lahat