“Matagal na, Mia,” mahinang tugon ni Missy. “…High school pa lang ako, alam ko nang anak lang ako ni Papa sa labas. Matagal ko nang alam na bunga ako ng pagkakamali ng mga magulang ko. No’ng una, tuwing makikita ko si Papa, kinokontra ko siya… pero ayaw niyang umamin. Pati si Mama, hindi rin nagsasabi ng totoo.” Huminto saglit si Missy, nanginginig ang boses. “Alam mo ba kung saan ko nalaman lahat? Sa tita ko—kapatid ni Mama. Siya ang nagsabi ng buong katotohanan. Tapos… isang beses, naiwan ni Papa ang cellphone niya sa bahay. Dahil alam ko ang password, binuksan ko. Doon ko nakita ang mga pictures mo kasama si Tita, pati ang Facebook ni Papa—kayo ang nandun. Alam mo ba ang naramdaman ko noon, Mia? Para akong sinakluban ng langit at lupa…” Hindi na nakapigil si Missy. Humagulhol siya, at hinayaan lang siya ni Mia. Tahimik siyang nakinig, alam niyang kailangan din ni Missy na mailabas ang lahat ng hinanakit niya. “Pakiramdam ko wala akong tahanan… kasi isa lang akong bunga ng pagkakamali,” tuloy ni Missy, humahagulgol. Doon unti-unting naramdaman ni Mia na mas mabigat pala ang pinagdaanan ng kapatid niya. Kaya hindi siya puwedeng magalit kay Missy. Hindi naman talaga sa kanya ang galit niya—nasa ama nila ito. Pero ngayon, hindi iyon ang oras. Kailangan niyang pagaanin ang damdamin ng kapatid. “Pasensya ka na, Missy, kung hindi kita agad kinausap… Mas mabigat pala ang pinagdaanan mo kumpara sa akin,” tugon niya, sabay patak din ng luha. “Hindi, Mia… Mas masakit ang pinagdaanan mo. Dahil anak ako sa pagkakasala ni Papa…” tuloy ni Missy, umiiyak pa rin. “Missy, huwag kang magsalita nang ganyan. Kapatid pa rin kita. Kung may dapat sisihin dito, walang iba kundi si Papa,” sagot ni Mia, gigil ang tono habang hinawakan niya ang kamay ng kapatid bilang tanda ng pakikiramay. “Alam mo bang galit na galit ako kay Papa, Mia?!” sigaw ni Missy, halos nanginginig na sa sobrang galit at sama ng loob. Sila ang nagdurusa, sila ang nagbabayad para sa kasalanan ng kanilang ama. Bakit sila ang kailangang masaktan sa mga kagagawan nito? “Pero Missy… wala na tayong magagawa. Nangyari na ang lahat. Oo, galit ako kay Papa, pero mahal ko pa rin siya. Sana… balang araw, maayos niya lahat ng kagagawan niya,” mahina pero matatag na sabi ni Mia. Kahit sa loob niya’y nagngangalit siya, kailangan niyang magpakalakas para kay Missy. Nanginginig pa rin si Missy sa iyak. “Pero Mia… may dapat ka ring malaman.” “Ano yun?” tanong ni Mia, nakakunot ang noo. “Hindi ko sana sasabihin… pero kailangan mo ring malaman.” “Missy, ano yun?” “Bukod sa ating dalawa… may isa pa tayong kapatid. Lalaki.” “Ano?!” nanlaki ang mata ni Mia, mas lalong sumikip ang dibdib niya. Isang malaking kalokohan. “Nalaman ko ulit sa tita ko,” dagdag ni Missy. “Babaero talaga si Papa! Sa pagiging babaero niya, tayo—mga anak niya—ang nagsa-suffer!” sigaw ni Mia, galit na galit. “Mia…” mahinang boses ni Missy, patuloy ang pag-iyak. “Akala ko mabuti siyang ama sa akin noon…” protesta ni Mia, halos hindi makapaniwala. “Alam mo, gusto ko ring makilala yung kapatid natin,” sabi ni Missy, may halong pag-asa sa gitna ng luha. “…Balita ko, kinakawawa daw siya sa school. Binubully. Wala raw nag-aalaga sa kanya.” “Kanino mo nalaman yan?” tanong ni Mia, nanlalamig ang pakiramdam. “Sa tita ko. Guro kasi siya sa school nila. May sakit din daw ang nanay ng kapatid natin…” Wala nang nagawa si Mia kundi huminga nang malalim, pilit na kumakalma. “Inhale… exhale… Missy, kung meron mang pwedeng mag-ayos ng lahat ng ito—walang iba kundi ang magaling nating ama. Kasalanan niya lahat ito.” Hindi siya puwedeng ma-stress, lalo na’t malapit na ang National Meet at kailangan niyang pag-igihan ang training. Pagkatapos ng 100-meter dash, saglit muna siyang nagpahinga kasama ang mga teammates niya. “Tubig?” alok ni Joven. Magalang niyang tinanggap ang bote. Ayaw niyang magpakita ng inis o taray sa ngayon. “Salamat,” sagot niya, sabay higop ng kaunting tubig. “Sana manalo tayo,” sabi ni Joven habang humihingal pa. “Hindi sana?mananalo talaga tayo,” mariin niyang tugon, puno ng determinasyon. Tiwala siya sa sarili. Para saan pa ang lahat ng hirap at pawis kung hindi siya maniniwalang kaya nilang manalo? “Huwag tayong maging kumpiyansa, Mia. Magaling din ang mga kalaban. Baka ngayon pa lang, pinaghandaan na nila tayo,” kontra ni Bea, na nakaupo katabi ni Elver. “Alam ko yan,” sagot niya habang tinatakpan ang bote at pinupunasan ang pawis sa mukha gamit ang tuwalya. “Kaya nga nagsasanay tayo nang maigi.” Huminga siya nang malalim at tumingin sa teammates. “Sa totoo lang… malaki ang pangarap ko. Hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa karangalan ng bansa.” “Tama ka, Mia. Kaya mananalo tayo. Gagawin natin ang lahat para maabot yun,” dagdag ni Sheila, na kita ang lakas ng katawan dahil sa matinding training. “Ako rin. Kailangan nating manalo,” segunda ni Bea. Nabuhayan ng loob si Mia. Sa kabila ng bigat ng kanyang dinadala, sumilay sa kanya ang isang matamis na ngiti. “Gagawin natin ang lahat para sa pamilya, at para sa bansa,” wika niya, puno ng tiwala at ngiti sa labi.
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
great
08/12
0hi bro
04/12
0go higher mia
01/11
1Tingnan Lahat