logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

The Job

LOVE
Pagka-retouch ko ng makeup ay binalik ko na ang maskara agad sa mukha ko. Mabuti ngang may ganito dahil anu’t ano man ang mangyari sa ‘kin at least naka-cover ang mukha ko. Pero hindi pa ako nakakalabas ng pintuan ng CR ay tumunog ang cell phone ko.
“Love, anak? Kumusta ka na d’yan? Uuwi ka na ba?” dire-diretsong tanong ni ninang sa kabilang linya. Siya lang nakakaalam ng ginagawa ko at kahit paano ang tawag n’ya at ang boses n’ya ay naghatid sa akin nang kaunting ginhawa.
Namamasa na naman ang mga mata ko at nakaramdam ako ng panghihina. Kaya ang ginawa ko ay naupo akong pasandal sa pader.
“Ang hirap po pala. Hi-hindi ko yata talaga kaya…”
“Umuwi ka na lang. Huwag mo nang pilitin. Baka hindi para talaga sa ‘yo ang trabahong ‘yan. Ipasusundo na kita—”
“Pero sayang naman po. May ilan na akong nakilala—”
“Hindi! Hindi na! Nagsisisi akong pinadala kita d’yan. Gagawa tayo ng ibang paraan para tulungan ang bayaw mo, ha. Hindi ang bagay na ‘yan, anak. Umuwi ka na ha! Lumabas ka na d’yan!”
Kanina ay pinipigilan ko pang maluha pero nang tawagin n’ya ako ulit na anak ay napaiyak na naman ako. Matagal-tagal na ring panahon na walang tumatawag sa akin no’n. Nakakamiss din pala!
Parang nag-tag of war ang isip ko. Susundin ko ba si ninang o mags-stay ako para tuparin pa rin ang plano? Pero sa huli ay pinili ko ang sinabi ni ninang. Napatango-tango ako saka suminghot. “Sige po. Ipasundo niyo na po ako, Mama Giovan.”
Narinig ko s’yang napahikbi. “Sorry, ‘nak. Hindi ko dapat ginawa ‘to. Ang laki ng kasalanan ko sa nanay mo. Patawarin niyo ako!”
Matapos na magba-bye sa isa’t isa ay binaba ko na ang telepono at pinunasan ang mga luha ko. Hintayin ko na lang daw sa labas ang sasakyan, mga twenty minutes ay narito na raw ito.
Pero ibang sasakyan ang kinalalagakan ko ngayon. Hala! Kanina pa ba ako wala sa sarili? Ano sasabihin ko kay ninang nito? Napalingon naman ako kay Mr. Sun, kita kong nakatingin s’ya sa akin kahit parang tatlong tao ang pagitan namin. Pero walang emosyon ang mata niya. Nananatili kaming nakamaskara kaya wala kaming ideya sa mga hitsura ng isa’t isa. Sa aming dalawa, tingin ko ay mas lugi siya dahil hindi naman ako maganda. At ako, para lang ba akong nahihipnotismo niya? Kanina pa ako parang atat na atat lumapit sa kaniya. Una ay nang ayain ko siyang sumyaw at ngayon ay ito, mas pinili ko s’ya kaysa sa bilin ni ninang na umuwi na.
“Anak ng araw!” hiyaw kong napaiktad pa nang magulat dahil sa pagtunog ng telepono ko. Iyon ang tanging nakapaghiwalay sa mga tingin namin. Ano! Kanina pa ba kami magkatitig? Dahil sa pagkapahiya ay pinili ko na lang pindutin ang end call at pinatay ko ang cell phone ko. Bahala na mamaya mag-explain kay ninang, pakiramdam ko nasa mahalaga akong misyon ngayon at hindi ako puwedeng pumalpak.
Sa wakas naman ay mula nang ialis niya ang tingin sa akin ay hindi na niya ako ulit nilingon. Nalulungkot kasi talaga ako kapag tinitingnan niya. Inaliw ko na lang ang sarili sa pagtingin-tingin sa labas pero nalilito ako at kinakabahan. Napahawak ako nang mahigpit sa laylayan ng dress ko.
Hindi nagtagal ay narinig ko na ang tila pagtunog ng mabigat na bakal, at nang aking sipatin ang labas ay nakita ko ang isang malaking gate na kulay gray na parang kusang nahati sa gitna. Napa-Wow ang mga mata ko’t nanlaki! Hanggang pumasok ang sinasakyan naming limousine sa parang malaking garden na ang mga halaman sa paligid ay hindi yata nauubos. May kadiliman man ay hindi problema sa sinag na nanggagaling sa mga ilaw na hindi ko matanaw kung saan nagmumula. Basta maliwanag ang paligid na parang hindi naman sa impyerno ang punta, parang sa langit pa nga. At pumarada ang sasakyan sa tapat nang malawak na pinto. Para ko nang nakita ang kaharian ng langit sa laki ng mansyon na nasa aking harapan, isama pa ang hagdan papanhikan na parang nasa pitong baytang.
Bumaba ako ng sasakyan pagkabukas sa akin ng pintuan ng lalaking nakaitim na tuxedo.
“He is my butler, Uryu,” pakilala ni Mr. Sun sa lalaki nang makababa ito.
Nakita kong yumuko ang tinawag niyang Uryu sa kaniya. “Good evening, sir,” bati naman nito kay Mr. Sun na hindi ko na ulit nakitang ngumiti.
Kung may bayad ang pagngiti sigurado ako marami siyang pambili no’n e pero bakit ang tipid niya pa ring ngumiti? At ano ang meron bakit ang tahimik nila? Gano’n lang ba talaga sila mag-usap? Baka kaya gano’n ka-aloof si Mr. Sun ay dahil wala itong nakakausap sa langit-langitan niyang ito? At lalo na akong napasimangot nang tumalikod na ito. What! Hindi man lang niya ako pinakilala? Sa bagay, pa’no nga naman niya ako ipakikilala? Sino ako, si Mercury na bumaba galing galaxy at guest niya ngayon?
Hindi ko na lang inintindi at sumunod na lang ako na pumasok sa kanila. Gaya ng gate ay kusa ring bumukas ang double door na malaking pintuan na sa tantya ko ay sobra ring bigat, kaaya-aya rin ang nakaukit na design nito. Kung sa amin ang mansyon na ito, baka nanakaw na ang pintuan na ito. Mukhang mamahalin! Ang lahat ng maganda sa mata at puwedeng ibenta ay ninanakaw sa lugar namin. Napapikit pa ako nang maamoy mula sa pintuan ang samyo ng mansyon, ang sarap sa ilong, amoy mayaman talaga! Hindi gaya sa ‘min na amoy luma na e inaanay pa.
Sinimulan kong magpalinga-linga, wala akong makitang sofa, ‘yun pala sa lawak ng kinatatayuan ko ay hindi pa pala iyon ang loob. Naglakad pa kami papasok, at nang makarating sa bandang gitna ay doon ko lang nakita ang malaki at mahabang hagdan. Iniisip ko kung ilan ang room doon sa taas. O kung iyon na ba ang langit. Sobrang nakakamangha ang lugar na tanging nakikita ko lang sa mga fairytale movies. At tumingin ako sa bandang gilid pa at doon ko nakita ang malaking sofa na sa tingin pa lang ay masasabi nang malambot at maganda. Parang ang mga hari at reyna lang ang puwedeng maupo ro’n e. Pero buti pa iyon parang nang-iimbitang umupo. Hanggang matanaw ko sa bandang taas ang nakasabit na portrait. Nakita kong agad si Mr. Sun na ang ganda-ganda ng ngiti sa larawaan at malamang ay katabi niya ang asawa n’ya na may kalong na batang lalaki—at may isa pang lalaki—at mag-asawa na sa tingin ko ay magulang niya. Ang ganda ng larawan. Ang ganda nilang tingnan at ang ganda ng lahi nila.
“Did you prepare the room?” dinig kong tanong ni Mr. Sun kay Mang Uryu.
Tumingin naman ako kay Mr. Sun. Tila pinaalala ng boses niya kung ano ang gagawin ko sa magarang bahay na ito. Hindi naman ako masahista na pinatawag lang para tanggalin ang lamig niya sa katawan, at lalong hindi ito field trip na parang nasa museum lang ako para magtanaw-tanaw ng mga bagay-bagay.
Napalunok ako ng laway.
Gusto ko ng buksan ang telepono ko at tawagan si ninang saka magpasundo.
“Yes, sir,” magalang na sagot pa rin ni Mang Uryu.
“You can leave us now!”
At mabilis na nawala sa harapan namin ang sa tingin ko ay nasa fifty plus ng matanda, nakasalamin at maputi na ang buhok, gano’n din ang bigote nito. Puwede ko na nga siyang tawaging tatay.
Parang nawala ang dugo ko nang maalala na dalawa na lang pala kaming nandirito. Luminga ako ulit. Wala ba siyang ibang kasama sa bahay at dito na ba ako mamamatay?
Nagkatinginan kami. Patay malisya ako, lumunok muli ng laway. “Gusto mo ba ulit sumayaw?” parang tangang tanong ko.
“What do you think you will do here?”
Nasapo ko ang ulo ko. Para akong nahilo.
‘Ano nga bang gagawin ko rito?’
SUN
This is my first time to ever hire a woman like her. I can see her innocence so I don’t see any reason to doubt her. I think she’s four or five-years younger than I am and I can say she looks fine—maganda ang katawan, maliit ang bewang. Teka payat ba s’ya o gan’yan lang talaga ang katawan niya? Damn! What’s wrong with you, Light, nagpapasok ka ng tao sa bahay mong hindi mo alam ang hitsura n’ya? Tumingin ka na naman sa katawan. Akala ko ba nagbago ka na?
Ang dami kong tanong, hindi kasi ako nagdadala talaga ng ibang tao sa bahay. Sa mga event na gaya ng kanina kapag kinakailangang baunin ang babae ay sa hotel ko lang dinadala. Pero iba na ngayon.
Hindi ako sigurado sa mga nangyari kanina pero I found this girl amusing. How she offered me a dance made a difference.
Ngayon ay nasa harapan ko s’ya. Isang metro ang layo ko sa kaniya but by the look on her eyes alam kong kinakabahan siya. First time niya lang ba itong ginawa sa buhay niya? I also wonder bakit siya iyak nang iyak kanina. At ngayon nga ay kahit natatakpan ng maskara ang mukha niya ay nakikita kong may likidong umaagos sa mata niya pababa.
“Remove now your mask,” utos ko. Hindi ko mapigilang hindi tingnan ang maganda niyang collarbone halos ka-level ito ng mukha ko dahil nga nakaupo ako.
Nagyuko siya ng ulo saka ginawa ang sinabi ko. Hindi ko maayos na makita ang mukha niya, sobra siyang makayuko.
“Show me your face.”
Bigla naman siyang nag-angat ng mukha. Ewan ko bakit bigla akong kinabahan, siguro ay dahil nagulat ako. Nagulat na hindi inaasahang ganoon pala siya kaganda. Nalunok ko bigla ang laway ko. Tiningnan ko s’ya mulo ulo hanggng paa na ikinatakot naman nito at napayakap sa sarili. Hindi nakawala sa mga mata ko ang gasgas sa bandang tuhod niya na, nakunot ko ang noo ko.
Mabuti pa lang hindi ko s’ya hinusgahan sa pananamit at kilos n’ya. Hindi gaya ng ibang babae sa event. Ang isang ito kung itatabi sa kanila ay mukhang mumurahin. Ang pananalita at galaw ay hindi kasing sosyal ng mga babae roon at ng mga babaeng nakilala ko, pero may kung ano rito na nagpapaganda ritong lalo at nagsasabi sa aking kupkupin ko s’ya.
Dahil hindi ako umimik at nakatitig lang sa kaniya ay para siyang nahiya at binalak na ibalik ang maskara sa mukha niya.
“No. Don’t. It’s OK. Nandito ka na. Hindi mo na kailangang itago ang mukha mo.”
At para naman patas ay tinanggal ko na rin ang maskara ko.
Hindi ko alam ang nangyayari basta hindi kami nag-imikan at mga sampung segundo rin kaming nakatingin lang sa mukha ng isa’t isa, until I saw again the tears coming down from her eyes.
“Sir, sabihin niyo na po sa akin kung ano ang gagawin ko. A-ayoko na magtagal dito. G-gusto ko nang umuwi.”
I scoffed. Bakit ba nalimutan ko ang pakay ko? Kaya ba s’ya umiiyak ay ayaw niya ang gagawin niya? E bakit nando’n s’ya sa event?
“Follow me,” muli ay utos ko, pinaandar ko na ang wheelchair ko.
Sa elevator sa gilid ay pumasok ako kasunod s’ya, pumasok ako sa isang room.
“Come. Sabi mo gusto mo na itong matapos,” pag-aaya ko sa kaniya sa loob.
Kita kong parang hirap na hirap ang mga paa niya sa paghakbang. At kung kanina ay parang bata na excited siya sa hitsura ng mansyon ay wala na siyang pakialam sa hitsura ng room ngayon. Nanatili lang itong nakatayo sa tapat ng kama at katapat ko.
“Sorry pero sa tingin ko matapos kita bayaran tonight hindi ka muna makakauwi.”
“Po?” takang tanong n’ya, punas-punas ang luha. “G-gagawin niyo ba akong slave?” Nangangatog ang boses na tanong ulit nito.
“Slave?” mabilis at kunot-noo na tanong ko. Pinagsasabi n’ya! Kung ano-ano siguro pinanonood nito kaya kung ano-ano na ang iniisip. Kaya ba s’ya iyak nang iyak ay akala niya gagalawin ko s’ya. The hell!
“Hey, can you please put yourself together. Pinili kita hindi para sa iniisip mo, OK?” Napabuga ako ng hangin. Gusto kong matawa lalo dahil sa hitsura n’ya na lalong napahagulgol ng iyak. Parang may halo na ngang sipon ang luha n’ya. Pero pinigilan kong matawa. Hindi na ako ang Light na gaya noon. “Nandito ka kasi may iba akong kailangan sa ‘yo. Nagtataka nga akong nando’n ka. You don’t belong there.”
Natahimik naman siya at napahikbi na lang nang tahimik.
“Here.” Kinuha ko ang maid uniform na nakalupi nang maayos at nakapatong sa kama at inabot sa kaniya. “My son needs a nanny and I think magkakasundo naman kayo.”
Napaatras naman ang ulo niya at nagkamot ng ulo. Nakakatawa rin talaga mga reaction ng babaeng ‘to eh.
“Bakit naman hindi niyo ho sinabi agad? Muntik na akong atakihin ng nerbiyos! Saka bakit sa event pa kayo na ‘yon naghanap ng yaya? Bakit hindi na lang sa mga agency?”
“Kailangan ko bang sagutin ang mga tanong mo?”
“Sabi ko nga hindi. E pero…”
“Itanong mo na lahat ng gusto mong itanong sa akin pero hindi lahat ay maipapangako kong sasagutin ko. Pagkatapos ngayong gabi ay bihira mo na akong makakausap at ang anak ko na ang lagi mong makakasama.”
“Uhm, opo. Noted po. Kaya lang…ano pong itatawag ko sa inyo? Mr. Sun? Sir Sun? Sun po ba ang tunay niyong pangalan?”
“Light. Light Derafera.”
“Ay, parang wala namang pinagkaiba, parehong maliwanag. At bagay na bagay po sa inyo sir ang pangalan niyo! Ako naman po si Love—Love Santos po,” pagpapakilala niyang nagkakamot na naman ng ulo.
May kuto ba s’ya?
Mabuti naman na sa mga huling pag-uusap namin ay nakita kong napanatag na s’ya. Tumigil na ang pagragasa ng luha at sipon n’ya.
Pagkarinig ko sa pangalan niya, gamit ang wheelchair ay umalis na ako ng room niya.

Komento sa Aklat (54)

  • avatar
    GabrielleJhairy

    a highly recommended story to read,☺️☺️

    23/06/2022

      0
  • avatar
    Chard Tamayo

    500

    11/07

      0
  • avatar
    يصل برنابا

    ang ganda

    24/08/2023

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata