logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

PAGSAPIT NG DILIM

PAGSAPIT NG DILIM
BALI-BALITA rito sa lugar namin na may aswang na gumagala tuwing gabi, pero hindi naman ako naniniwala.
At isa pa, ako 'yong tipong tao na hindi agad naniniwala kapag hindi ko nakikita. Pinanindigan ko kasi ang linyang 'yon.
Palagi akong sinasabihan ni papa na hindi magpapagabi sa daan ngunit, heto ako ngayon, naglalakad ng mag-isa sa gitna ng daan. Tanging ilaw lang ng cellphone ko ang nagbibigay liwanag sa madilim na paligid.
Galing ako sa tinatrabahuan kong Coffee Shop sa bayan. Hindi naman p'wedeng pumasok ang sasakyan o dyip sa 'ming lugar dahil masyadong maliit ang daan. Tao lang ang magkasya.
Binilisan ko ang aking paglalakad nang maramdaman kong kumakalam na ang aking tiyan. Kaunti lang kasi ang kinain ko kanina dahil sa pagmamadali.
Malapit na ako sa aming bahay nang makita ko si Yanyan na lumabas ng bahay. "Saan kaya siya pupunta? Gabi na, ah," tanong ko sa 'king isipan.
"Oh! Yanyan, saan ka pupunta?" tanong ko sa kaniya.
"Oh, kuya Mike, nandito ka na pala. Susunduin na sana kita e, inutusan kasi ako ni papa," tugon niya sa 'kin habang napapakamot pa sa kaniyang ulo.
"Gano'n ba, tara na sa loob nang makakain na ako. Gutom na gutom na kasi ako."
Sabay na kaming pumasok sa loob ng bahay. Pagdating namin, nakita ko si papa na abala sa paghahanda ng aming hapunan.
Matagal na kasing patay si mama dahil sa isang aksidente kaya tanging si papa na lang ang naiwan sa 'min.
"Mano po, papa."
"Kaawaan ka ng Dios, anak. Umupo ka na, kakain na tayo." Naghugas muna ako ng kamay at pagkatapos ay umupo na sa hapagkainan.
"Papa, kumusta na pala sina Tita at Tito? Kailan sila pupunta rito sa 'tin?" tanong ko kay papa habang kumakain.
"Darating na sila rito bukas, anak. Medyo nagkaproblema nang k'unti kaya bukas pa sila makakarating."
"Papa, isasama po ba nila si Elly?" tanong ni Yanyan habang kinuha ang baso na may lamang tubig at ininom. Si Elly ang nag-iisang anak nina Tito Felix at Tita Belly.
"Oo, anak. Isasama nila si Elly. Excited ka na bang makalaro siya ulit kagaya no'ng nakaraang taon?"
"Oo, naman po, papa." masayang turan niya.
Patuloy lang akong nakikinig sa kanilang dalawa habang abala ako sa pagkain.
"Papa, tapos na po ako." Tumayo si Yanyan at uminom ng tubig. Kinuha naman niya ang kaniyang pinagkainan at hinugasan, pagkatapos ay pumasok na sa loob ng k'warto.
Hindi ko namalayang tapos na si papa sa pagkain kaya niligpit ko na ang pinagkainan namin at hinugasan. Nakita ko si papa na nakaupo sa mahabang upuan sa labas na gawa sa kahoy. Lumabas ako ng bahay at tinabihan si papa.
"Papa, totoo po ba na may aswang talaga rito sa 'tin?"
"Oo, anak. Sabi ng kumpadre ko kahapon, may natagpuan na naman daw'ng isang bangkay do'n sa talahiban malapit sa taniman natin ng gulay. Ayon sa kaniya, wakwak daw ang tiyan at nawawala ang mga laman-loob," bakas sa mukha ni papa ang takot habang nagkukuwento.
Kahit ako sa sarili ko, aaminin kong natatakot ako habang nakikinig sa kaniya.
"Kaya ikaw, anak, 'wag kang masyadong magpapagabi sa pag-uwi mo galing trabaho."
"Yes, pa," tipid kong tugon.
"Kayo rin po papa, mag-iingat kayo palagi."
Patuloy lang kami sa pag-uusap nang may marinig kaming bumagsak sa bubong namin. Napatayo kaming dalawa ni papa dahil sa gulat.
Pumasok ako sa loob ng bahay at kinuha ang flashlight. Si papa naman ay nagmadaling kinuha ang kaniyang airgun. Lumabas kami ng bahay ni papa at inilawan ko kung ano 'yong bumagsak sa bubongan namin.
Nahagip ng mga mata ko ang isang malaking itim na pusa. Nanlilisik ang mapupulang mga mata nito habang nakatingin sa direksyon namin ni papa. Ikinasa ni papa ang kaniyang airgun at pinaputukan ang malaking pusa.
Hindi ito natamaan ni papa dahil mabilis itong tumalon sa likod ng bahay namin. Mabilis kaming nagtungo sa likuran ng bahay namin ngunit wala kaming nakitang pusa.
Nakakapagtaka lang dahil bigla itong nawala na parang bula. Inilawan ko ang paligid ng buong bahay pero walang pusang nagpapakita.
Lumapit ako kay papa at sinabihan na pumasok na lang sa loob ng bahay. Pinag-usapan namin ni papa ang pusang nakita namin.
"Pa, bakit ang laki ng pusang 'yon? Ngayon lang ako nakakakita ng gano'n kalaking pusa. Nakakatakot 'yong mga mata niya kanina. Para bang gusto tayong atakihin."
"Hindi ko rin alam, anak. Pero nakakasigurado ako na hindi ordinaryong pusa 'yong nakita natin. Hindi kaya..."
"Hindi kaya... ano, papa?" tanong ko sa kaniya.
Binuksan ko ang pintuan at pumasok kami sa loob ng bahay. Sinigurado ko munang nakasara ito nang maayos bago muling hinarap si papa.
"Hindi kaya aswang 'yong nakita natin, anak? Base sa k'wento ng yumao mong Lolo noon, ang mga matataas na uri ng aswang ay may kakayahang magpalit ng anyo. P'wede silang mag-anyong malaking itim na pusa o baboy ramo," pagkukuwento ni papa.
"Kung gan'on, aswang 'yong nakita natin kanina, Pa?" kinakabahan kong tanong.
"Maari, anak."
"Tulonggg!"
"Ano 'yon, Pa?"
Hindi namin naipagpatuloy ang aming usapan nang may marinig kaming sumigaw. Mabilis kaming lumabas ng bahay at nagtungo sa likurang bahagi ng aming bahay kung saan namin narinig ang sigaw.
Kumabog nang malakas ang aking dibdib habang dahan-dahang inihakbang ang aking paa. Nanginginig na rin ang aking mga kamay. Itinutok ko ang flashlight sa madilim na parte at nakita ko ang isang nilalang na winakwak ang tiyan ng babae.
Pinaputukan ni papa ang nilalang ngunit masyado itong mabilis kaya hindi ito tinamaan.
"Anak! Aswang!" ani papa habang patuloy na pinaputukan ang aswang na sinasabi niya. Hindi ko akalain na 'yon pala ang istsura ng aswang.
Maitim ang kulubot nitong mukha. Matutulis ang maitim na mga ngipin at ang mas nakakatakot pa'y, nanlilisik ang mga mata nito.
Hinabol namin ni papa ang aswang patungo sa talahiban ngunit hindi na namin ito nakita. Nag-aalala ako kay Yanyan dahil naiwan lang itong mag-isa sa loob ng bahay.
"Pa, si Yanyan naiwang mag-isa sa bahay."
Pagkasabi ko no'n, nagmamadali kaming bumalik sa aming pinanggalingan. Hindi pa man kami gaano nakakalayo nang bumulaga sa 'ming harapan ang aswang.
Dahil sa pagkabigla, nabitawan ni papa ang kaniyang airgun. Mabilis nitong sinunggaban si papa. Hindi ako agad nakakilos dahil sa biglaang pangyayari.
Pinilit ni papa na labanan ang aswang ngunit masyado itong malakas. Mabilis kong kinuha ang airgun ni papa at pinaputukan ang aswang ngunit hindi ko ito matamaan. Natatakot din ako na baka matamaan ko si papa kaya hindi ako makapokus sa aswang.
"Mike! Tumakas ka na! Iwan mo na ako rito! Iligtas mo na ang sarili mo!" sigaw ni papa sa 'kin habang pilit niyang nilalabanan ang aswang.
"Hindi, Papa! Hindi kita iiwan!" sigaw ko sa kaniya pabalik habang lumuluha.
Napasigaw si Papa nang kagatin nito ang kaniyang kaliwang braso. Ikinasa ko ulit ang airgun at itinutok sa aswang. Target ko na sana ang ulo nito ngunit tila binuhusan ako ng malamig na tubig ng mapagtantong, naubos na ang holen na nagsilbing bala nito.
Bumuhos nang tuluyan ang aking luha habang nangangatog ang aking tuhod. Kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano nito dukutin ang puso ni Papa.
Mabilis akong lumapit sa aswang at pinalo ko siya ng airgun sa kaniyang ulo ngunit hindi ito tinablan. Halos panawan na ako ng ulirat nang lumingon ito sa 'kin at nanlilisik ang kaniyang mga mata.
Binitawan ko ang airgun at mabilis na tumakbo. Umiiyak ako habang tumatakbo. Hindi ko masyadong maaninag ang daan dahil sa sobrang dilim. Nabitawan ko kasi kanina ang dala kong flashlight.
Nadapa ako nang paulit-ulit pero hindi ko ininda ang sakit. Ang tanging nasa isip ko lang ay makalayo at makaligtas sa kamay ng aswang.
Patuloy lang ako sa pagtakbo nang bigla akong lumagapak sa batuhan. Hindi ko namalayang may kahoy palang nakaharang sa aking harapan. Ramdam ko ang sakit ng bumaon ang matutulis na bato sa ibat ibang parte ng aking katawan.
Napaigik ako sa sakit na aking naramdaman. Pinilit kong tumayo at ipinagpatuloy ang aking paglakad. Paika-ika na lang ako sa paglakad dahil sa hapdi at sakit. Marami na ring dugo ang nawala sa 'kin.
Malapit na ako sa 'min nang may makita akong mga taong may dalang sulo papalapit sa 'kin. Dito na ako nakaramdam ng kaunting pag-asa nang makita ko sila.
"Tulong! Tulungan n'yo ako!" sigaw ko.
"Pre, may tao. Tingnan natin!" rinig kong sabi ng isang lalaki sa mga kasamahan niya.
Mabilis silang tumakbo sa kinaroroonan ko at tinulungan nila ako. Sinabi ko sa kanila kung nasaan ang bahay namin. Pagdating namin sa bahay ay agad akong niyakap ni Yanyan.
Nagpapasalamat ako sa mga taong tumulong sa 'kin at nagmamadali naman silang umalis para hanapin ang aswang.
Matagal na pala nilang tinutugis ang aswang ngunit hindi nila ito mahuli-huli. Napag-alaman nila ang nangyari sa 'min dahil kay Yanyan. Humingi pala ito ng saklolo sa kapitbahay namin.
Muli na namang bumuhos ang aking luha nang maalala ko ang nangyari kay papa.
"Kuya, nasaan si papa? Bakit hindi mo s'ya kasama?" umiiyak na tanong niya.
"Yanyan, wala na si Papa."
Niyakap ko siya pabalik at hindi ko mapigilang mapahagulhol. Nang sabihin ko 'yon kay Yanyan, humagulhol na rin siya habang isinisigaw ang pangalan ni Papa.
Hinagod ko ang kaniyang likod at pilit na pinapatahan hanggang sa makatulugan na niya ang pag-iyak.
Tiningnan ko ang orasan na nakasabit sa dingding. Pasado alas onse na pala ng gabi. Inihiga ko si Yanyan at pilit akong tumayo upang kunin ang first aid kit. Ginamot ko ang aking sugat sa buong katawan.
Habang patuloy ako sa 'king ginagawa, paulit-ulit na nanumbalik sa 'king isipan ang nangyari kay Papa. Paano na kami ngayon ng kapatid ko? Kaya pa kaya naming ipagpatuloy ang bawat bukas na darating na hindi namin kasama si Papa?
Masakit man isipin ngunit wala na. Kailangan naming tanggapin na hindi na namin makakasama pa si Papa.
Sa paglipas ng mga araw, pinilit naming dalawa ni Yanyan kalimutan ang masamang nangyari. Ipinagpatuloy namin ang aming buhay kahit palaging may kulang.
Kulang dahil nawala ang taong nag-alaga at nagmahal sa amin. Pinilit naming kalimutan ang masakit at mapait na karanasan.
Hindi man madali para sa 'ming magkapatid na tanggapin ang lahat , kailangan naming manatiling malakas upang maipagpatuloy namin ang bawat bukas na darating.
Wakas.

Komento sa Aklat (375)

  • avatar
    Heidee_

    Ang ganda ng book na ito! Ang dami ko nalaman tungkol sa mga aswang tsaka favorite ko yung chapter na may Dinuguan😍💙

    26/08/2022

      0
  • avatar
    Nicachan

    Di ako nag sising basahin tong story na to. Nakakatindig balahibo sa bawat chapter. Keep up the good work author (^∇^)ノ♪

    24/08/2022

      0
  • avatar
    rhee027

    Speechless ako sa galing sa narration ni Author! Unang kwento pa lang, ramdam mo na hindi lang yung kilabot kung hindi pati yung linaw ng pagkakalarawan sa komunidad kung saan nagaganap ang mga hiwaga.

    09/08/2022

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata