logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Ikatlong Kabanata

Natitigilan akong napatitig sa taong kaharap ko. Nakasuot ito ng maharlikang kasuotan na tanging may pinakamataas na posisyon lang ang mayroon. Napalunok ako at napaiwas ng tingin.
"Anak mo siya, Ministro Roque?" Nagugulat na tanong nito kay Ama.
"Opo, kamahalan. Pinag aral ko siya sa ibang bansa upang mas humusay sa larangan ng paggagamot. May tiwala ako sa anak ko at sana'y pagkatiwalaan mo siya."
Tumikhim ito kaya nasalubong ko ang kanyang tingin.
"Magpakilala ka," utos nito kaya napaangat ang tingin ko kay Ama. Tinanguan naman ako nito.
"Ah.. Ako po si.. Lili Roque."
"Ministro Roque, alam niyong wala akong tiwala sa mga doktor na pumapasok dito sa palasyo kaya pilit ko silang pinatatanggal." Anito na may malamig na boses kaya nagtaka ako.
Napatingin ako sakanyang mukha at nakita ang seryoso nitong tingin. Naalala ko pa kung paano siya mamula sa galit kahapon. Yung paraan ng pagsigaw niya na animong inis na inis. Yung panlalaki ng mga singkit niyang mata. Parang bigla nalang nagbago. Masyado siyang seryoso at nararamdaman ko ang maotoridad niyang boses.
"Kamahalan, bakit hindi niyo bigyan ng pagkakataon ang aking anak?"
Napuno ng tensyon ang paligid. Nararamdaman kong hindi ito papayag. Nakakatakot ang paraan ng pagtingin niya. Buti nagagawang makipag-usap ni Ama sakanya.
"Sige."
Natigilan ang lahat sa naging pasya ng Prinsipe. Napaangat naman ang tingin ko sakanya ngunit hindi nagbago ang reaksyon ng mukha nito. Masyadong seryoso at malamig katulad ng lalaking nakatayo sa tabi nito.
"Talaga po, kamahalan?" Nagugulat na tanong ni Ama.
Pinagkrus ng Prinsipe ang kanyang mga braso at seryosong tumingin sakin. Agad kong iniwas ang aking tingin dahil bawal salubungin ang mga mata nila.
"Tignan natin kung magaling nga ba siyang doktor."
Nginitian ako ni Ama.
"Kailan magsisimula ang anak ko?"
"Ngayon na."
Natigilan ako. "Hindi po ba pwede sa susunod na araw?"
Sinenyasan ako ni Ama na itikom ang bibig.
"Pagpasensyahan niyo na ang aking anak."
"Pwede niyo na siyang iwan. Makakaalis na kayo Ministro Roque."
Nginitian ako ni Ama at hinimas ang aking buhok. "Mag-iingat ka." Anito at nagpaalam na.
Nakasimangot ako habang nakatingin sa papalayong si Ama. Halos tumulis na ata ang nguso ko sa sobrang inis dahil hindi man lang niya tinanong ang Prinsipe kung pwedeng sa susunod na araw nalang. Gusto kong pumunta sa kaarawan niya bukas.
Paglingon ko sa Prinsipe ay nanliliit na ang mga mata nito. Nagulat naman ako ng iangat niya ang dalawang daliri. Itinuro nito ang kanyang mata at itinuro sakin. Itinuro rin niya ang kanyang bibig at itinuro sakin. Umakto pa itong ginugunting ang sariling bibig gamit ang dalawang daliri.
Nang makuha ko ang ibig niyang sabihin ay inalis ko ang aking pagkakanguso. Nang mapatingin naman ako sa katabi nito ay nagpapalitan ang tingin nito sakin at sa Prinsipe. Pero nanatili parin ang blangko nitong reaksyon sa mukha.
"Master Ken,"
"Kamahalan?"
"Ihatid mo na siya sa kanyang silid." Aning Prinsipe at taas noong lumisan.
"Sumunod ka," utos ng tinatawag na Master Ken.
Nakasunod lamang ako sakanya habang pinagmamasdan ang paligid. Napakatahimik ng palasyo. Iginiya ako ni Master Ken sa isang silid.
"Ito ang iyong magiging silid."
Hindi kalakihan ang aking silid. Mayroon na itong higaan at mesa. Meron pa itong dalawang malaking kabinet. May malaki ring salamin.
"Ang isang kabinet ay para sa mga damit mo. Ang isa ay nilalaman ng mga materyales sa paggagamot."
"Ngunit wala akong dalang damit. Kailangan ko pang umuwi."
"Wag kang mag-alala, nagdala si Ministro Roque ng ilang mga gamit mo. Nasa loob na iyon ng isang kabinet."
Nagugulat akong binuksan ang isang kabinet at naroon na nga ang ilang mga damit ko. Nasisigurado kong akin nga ito dahil karamihan sa mga damit ko ay pulos puti. Pero bakit hindi ko iyon napansin kanina na may dala pala si Ama?
Itinuro pa sakin lahat ni Master Ken ang mga dapat at hindi dapat gawin. Lahat ng daan ng palasyo para hindi ako maligaw. Wala siyang ibang pinalampas na pati paghilik ay kulang nalang ipagbawal niya.
"Naiintindihan mo ba? Sabihin mo kung may kailangan ka. Magtanong ka kung may iniisip ka."
Napaisip ako, "Ayos lang ba kung sa susunod na araw na ako magsimula?"
Nanatiling blangko ang mukha nito kaya hindi ko tuloy alam kung matatakot o ngingiti.
"Hindi."
Napabuntong hininga ako. Bakit nga ba ako nagtanong kung alam ko naman ang sagot. Hindi na ako nakaimik ng tuluyan ng umalis ito.
Inayos ko ang aking silid at walang buhay na humiga. Lumilipad na naman ang aking isip. Maraming mga bagay na naman ang tumatakbo dito.
"Pag inimbitahan ko ba ang mga guwardiya sa labas, pupunta kaya sila sa kaarawan ni Ama?"
Napabangon ako ng makaisip ng ideya. Lumabas ako ng silid at binati lahat ng mga tagasilbi pero binigyan lamang nila ako ng nagtatakang tingin. Nang makita ko naman ang mga guwardiya sa labas ay napailing ako. Hindi ba sila napapagod kakatayo?
Lumabas ako at nakangiting napatingin sa naggagandahang mga halaman. Habang nag-iikot ay nakita ko ang hardin na tinutukoy ni Master Ken. Yun ang hardin na laging tinatambayan ng Prinsipe.
Mas lalo akong namangha ng makita ang ilog na puno ng nagliliparang mga paru-paro. Napakaganda lalo na't iba't iba ang kulay nito. Gusto ko sanang sumakay sa munting bangka kaso bawal.
Habang naglalakad at nagmumuni-muni ay narinig ko ang mga putok mula sa malayo. Dali dali akong lumapit at nakita ang mga nag eensayo sa paggamit ng baril. Nakita ko pa ang mga babaeng tagapaglingkod na lihim na tumitili habang nakatingin sa mga nag eensayo. Ngunit ang mas nakaagaw ng pansin ko ay si Master Ken.
Nasa gitna siya at nagtuturo sa mga ito. Nakakahangang naiiwasan niya ang bawat pagtama ng bala ng baril. Akala ko talaga ay matatamaan siya pero napakahusay niya. Pinapagalitan niya ang mga palpak kung magpaputok. Pero blangko parin ang kanyang mukha, tanging sa boses niya lang masasabi na galit siya.
"Napakagwapo ni Heneral Alfonso."
"Napakahusay niya."
"Ang galing galing ni Master Ken."
"Gustong gusto ko na talaga siya."
Narinig ko sa mga babaeng tagapagsilbi. Posible rin pala itong ginagawa nila. Akala ko bawal sa Palasyo ang kiligin katulad ng ginagawa ng kaibigan kong si Mara.
Napailing ako ng magtama ang tingin namin ng Prinsipe. Nakaupo ito sa dulo na animong pinapanood ang pag eensayo ng mga lalaki. Pero paanong nakita niya ako?
Napatingin ako sa paligid. Wala naman ibang tao maliban sakin. Nang ibalik ko ang tingin sakanya ay wala na siya sakanyang kinauupuan.
"Saan nagpunta yun?"
"Hinahanap mo ako?"
Natigilan ako ng may magsalita sa likuran. Malamig ang mukha nito. Napayuko ako bago pa magtagal ang pagsalubong ko sa mga mata niya. Ang bilis naman niya mapunta sa gawi ko.
"Kamahalan."
"Nakaputi ka," natigilan ako sa sinabi niya.
Napatingin ako sa aking damit saka nagtaka.
"Po?"
"Wala." Aniya at umalis na.
Napatingin naman ako sa sarili. Hindi ko maintindihan ang kanyang sinabi. Wala namang dumi sa damit ko, ah."
Nakayuko akong sumunod sakanya kaya natigilan siya.
"Bakit mo ako sinusundan?"
"Kamahalan, personal na doktor mo ako."
"Alam ko, pero hindi kita alalay." Anito at tuluyan na akong iniwan.
Napakamot naman ako ng ulo. Kung wala rin naman akong gagawin sa araw na ito edi sana sa susunod na araw nalang ako pumasok.
Natapos ang araw ko ng wala man lang akong ginawa. May sariling tagapagsilbi ang Prinsipe na naghahatid ng pagkain nito. May mga tagasilbi rin ito na magbibihis sakanya. Wala naman akong ibang gagawin kundi gamutin siya.
Ngunit ano nga ba ang sakit niya?
Nakatulog ako ng marami ang iniisip.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Nang silipin ko sa labas ay nakita ko na ang ibang tagasilbi. Napakaaga naman nilang magising.
Kaarawan ngayon ni Ama. Kailangan kong pumunta.
Nagbihis ako at inayos ang sarili. Hinay hinay akong lumabas ng silid at napapatingin sa paligid.
Tatakas ako.
Pagkalabas ko ay may mga guwardiya na sa labas. Hindi ako basta basta makakaalis sa tamang daanan dahil bawal. Mukhang kailangan kong maglaan ng oras para humanap ng daan para makatakas.
Masyadong matataas ang pader ng palasyo. Ilang oras din ang nilaan ko pero pagod lang ang naipon ko. Baka hinahanap na ako sa palasyo, pero sino namang maghahanap sakin? Wala naman akong ginagawa.
Nakahinga ako ng maluwag ng makita ang tahimik na lugar. Hindi gaanong mataas ang pader dito. At kung aakyat ako gamit ang bahagdan ay magagawa ko. Walang tao tao sa lugar lalo na't kagubatan narin ang nasa kabila.
Umakyat ako at napangiti ng tuluyan na akong makaupo sa tuktok ng pader. Dinamdam ko ang preskong hangin at nakangiting pumikit.
"Ama, maligayang kaarawan. Hintayin mo ako at parating na ang magaling mong anak."
"Anong ginagawa mo diyan?"
Natigilan ako ng marinig ang pamilyar na boses. Pagtingin ko ay ang Prinsipe nga. Nanliliit ang mga matang tinignan ako nito habang nakahalukipkip.
Patay.
Anong gagawin ko?
"Kamahalan," naiilang akong ngumiti. "May nakita akong gagamba, hinabol ko lang."
Napailing ako sa nasabing palusot.
"Ahh ganun ba. Eh bakit ka nakaupo diyan sa taas?"
Natigilan ako, "Ahh.. Sa kakahabol ko sa gagamba ay napansin kong may magandang tanawin kaya hindi muna ako bumaba."
Nangunot ang noo nito, "Pwede rin ba akong umakyat at pagmasdan ang magandang tanawin na tinutukoy mo?"
Hindi na ako nakapagsalita. Wala na akong ibang palusot. Bumaba nalang ako at nakayukong humarap sakanya.
"Delikado po."
"Bumalik ka sa loob."
Natahimik ako.
"May lakad pa ako."
Natigilan ako at napaangat ng tingin.
"Saan kayo pupunta?" Napayuko ako ng sumeryoso ang mukha niya. "Pasensiya na po."
"Saan paba? Edi sa kaarawan ni Ministro Roque. Inimbita mo ako kaya kailangan kong pumunta."
Nanlaki ang mata ko.
"Sama ako."
Kumunot ang noo nito, "Bakit ka sasama? Dito ka lang." Anito at dinuro pa ang noo ko.
Napasimangot ako ng talikuran niya na ako. Ako ang nag imbita sakanya pero ako pa itong hindi makakapunta. Gusto kong kumain ng nilagang itlog. Paborito ko iyon, maganda sa kalusugan yung kulay dilaw nun. Masarap iyon.
"Nakaputi ka parin,"
Napaangat ang tingin ko sa Prinsipe. Akala ko umalis na siya. Napatingin ako saaking suot.
"Lahat ng damit ko ay kulay puti."
Nangunot ang noo nito, "Anong meron sa kulay puti?"
"Pag nakasuot ako ng puti ay malinis akong tignan. Maaliwalas at magaan ang pakiramdam ko. Saka doktor rin ako, dapat lang na puti ang aking suot. Maganda at bagay daw sakin ang puti sabi ni Ina."
Natahimik ako sa rami ng aking sinabi. Nakalimutan kong prinsipe pala ang kausap ko. Napayuko ako ng magsalita siya.
"Hindi bagay sayo ang puti." Natigilan sa sinabi niya. "Para kang unggoy na nakasuot ng puting damit."
At umalis siya ng hindi man lang ako binigyan ng tsansang makapagsalita.
Napabuga ako ng hangin.
"Buong buhay ko, ngayon lang ako tinawag na unggoy."
Napahawak ako saaking mukha hanggang sa bandang puso.
"Ganito pala ang pakiramdam? Parang mawawasak ang mundo ko."
Nakasimangot akong bumalik saaking silid.
"Madamot siya,"
"Hindi niya ako sinama,"
"Bakit ko ba siya inimbitahan?"
"Saka ano bang problema niya sa suot ko?"
"Ano naman kung kulay puti ito?"
Napabalikwas ako ng bangon ng marinig kong may kumatok. Binuksan ko ito at bumungad sakin ang may edad ng babae. Ngunit maganda parin ito kahit may katandaan na. May kasama rin itong tatlong babae na hindi nalalayo ang edad sakin. Lahat sila ay may dalang damit.
"Binibining Lili, narito ang inyong mga kasuotan."
Nangunot ang noo ko, "Damit ko?"
Ngumiti ito, "Utos samin ng Prinsipe na baguhin niyo daw ang kulay ng inyong kasuotan. Wag kayong mag-alala, makukulay ang mga kasuotang ito. Naglalaro sa kulay dilaw, kahel, rosas at asul na katulad ng kalangitan."
Napatingin ako sa saaking suot, "Hindi naman pulos puti ang suot ko. May nahahalo naman itong ibang kulay bilang disenyo."
"Ngunit mas lumilitaw parin ang puti nitong kulay."
Napakamot ako.
"Ilalagay na po namin dito, Binibining Lili."
Wala na akong nagawa ng tuluyan na nilang ilagay sa kabinet ko ang mga damit. Tinanggal narin nila ang mga dati kong kasuotan.
"Ngayon po ay suotin niyo itong kulay rosas."
Nagtaka ako, "Ngayon na?"
Tumango ito.
"Bakit?"
"Dahil hinihintay ka na po ng Prinsipe sa labas." At ngumiti na hindi ko maintindihan.
"Bakit niya naman ako hinihintay?"
At dahil nga wala naman akong magagawa sa utos ng Prinsipe ay sinuot ko nalang ang damit. Maganda ito at bagay saakin. Naninibago nga lang ako dahil hindi ako sanay magsuot nito.
Pagkalabas ko ay hinanap ko ang Prinsipe. Naabutan ko siya sa labas na may dalang espada sa kabilang kamay. Nagulat pa ako ng mapansing nakaitim ito.
Nanliliit ang mga matang tinignan ako nito mula ulo hanggang paa.
"Mukha ka ng tao."
"Kamahalan, hindi po ba kayo pupunta sa kaarawan ni Ama?"
Tinignan ako nito ng may malagkit na tingin.
"Bakit ako pupunta ng walang kasamang doktor?"
Natigilan ako.
"Eh, si Master Ken po?"
"May pinagawa ako sakanya. Bakit ayaw mo?"
"Syempre, gusto." Nakangiti kong sagot.
Nagtaka ako ng makitang natigilan siya.
"Isasama kita dahil baka malason ako. Kailangan mong tignan kung masustansiya ang kakainin ko."
Yumuko ako, "Masarap magluto ang Ina at kapatid ko. Hindi sila naglalagay ng lason."
"Malay mo," nauna na itong maglakad kaya hinabol ko.
"Kamahalan, hindi ba't delikado pag may nakakilala sa inyo?"
"Ano satingin mo ang suot ko ngayon?"
"Damit na kulay itim."
Natigilan ito at binigyan ako ng hindi makapaniwalang tingin.
"Alam ko."
Pagkalabas namin ng palasyo ay nanatili parin akong nakasunod.
"Kamahal---" hindi ko natapos ang sasabihin ng ilagay niya ang kanyang hintuturo saaking labi.
"Tawagin mo akong Master Ken."
Nagulat ako, "Kama... Master Ken, bakit po?"
Humalukipkip ito, "Kailangan ko bang ipaliwanag sayo? Tawagin mo akong Master Ken. Utos ko iyan."
Hindi na ako nakaangal ng ginamit niya ang otoridad niya. Pinagmasdan ko siya habang nakasunod sakanya. Ang tangkad niya at kahit nakatalikod siya ay lumilitaw parin dito ang magandang pangangatawan. Maayos ang tindig na animong isang magiting na mandirigma.
Tumigil ito sa paglalakad at hinarap ako.
"Mainit ang panahon kaya wag mong sabayan ng pagtitig mo. Mahirap na, baka matunaw ako."
Anito kaya natigilan ako. Tumalikod na ito at nagpatuloy sa paglalakad. Naiwan akong hindi alam ang sasabihin at gagawin. Ang lakas naman ng pakiramdam niya.
Ilang oras rin kami sa paglalakad bago matanaw ang aming bahay. Nang mapalingon ako sa Prinsipe ay kita ko ang pagtulo ng ilang butil ng kanyang pawis. Napalunok ako ng makitang mula sa sentido ay dumaan ito sa kanyang pisngi pababa sakanyang panga at leeg.
Ano ba itong iniisip ko?
"Napakainit ng panahon, pinandigan mo talaga ang pagtitig sakin ano?" Aniya.
Natigilan ako.
"Sana man lang kumuha ka ng payong para hindi ako naiinitan. Anong klase kang doktor kung wala kang pakialam sa pasyente mo."
Napakamot ako.
Bakit ba hindi ko naisip yun?
At dahil mababakas na sakanya ang pagod ay hinila ko siya papasok samin. Marami ng tao at maingay narin sa loob. Binati ako ng iba ng makita ako saka sinuklian ko naman sila ng ngiti.
Pumasok kami sa loob ng bahay sapagkat maraming tao sa labas. Baka malaman pa ng mga ito na siya ang Prinsipe. Natigilan ako ng hindi ko na siya mahila. Paglingon ko ay napakaseryoso ng mukha ng Prinsipe.
"Tama bang hilain ako?"
Napabitiw ako sakanyang braso at yumuko.
"Pasensya na po kam..." Hindi ko natapos ang sasabihin ng pumasok si Cris.
Nakataas ang kilay nito at pabalik balik ang tingin samin ng kamahalan.
"Sino ang kasama mo?" Tanong nito kaya natigilan ako.
Napatingin ako sa Prinsipe na pinanlalakihan ako ng mata.
"Siya si... Master Ken."
Napaisip si Cris.
"Bakit magkasama kayo?"
Napatingin ako sa Prinsipe. Blangko ang mukha nito. Walang reaksiyon sa mukha ang makikita.
Ginagaya niya ba si Master Ken?
"Dahil magkaibigan kami."
Natigilan ako sa aking sinabi pero hindi ko pinahalata. Ngumiti ako tulad ng lagi kong ginagawa. Pero nang mapatingin ako sa Prinsipe ay nakangiwi na ito. Mukhang ayaw niya akong maging kaibigan. Kunsabagay, prinsipe siya tagapagsilbi lang ako.
"Hindi ako magtataka kung nakakilala ka ng bagong kaibigan sa palasyo. Pero bakit mukhang naiilang kayo sa isa't isa?"
Napalunok ako. Diretsahan talaga kung magtanong at sumagot itong si Cris.
"Bakit kami magkakailangan?" Inakbayan ko ang Prinsipe kahit hirap akong abutin siya. "Magkaibigan kaya kami."
Tumango-tango si Cris, "Mabuti naman." Anito at ngumiti pa.
Nginitian niya ako? Bago iyon ah.
Nang lingunin ko ang Prinsipe ay natigilan ako. Nahirapan nga akong akbayan siya dahil sa tangkad nito. Ngunit mukhang mas nahirapan siya sa pagyuko. Malagkit ang tingin niya sakin. Nagugulat.
Nailang ako bigla ng mapagtantong hindi ko dapat siya inakbayan. Hindi makatarungan ang ginawa ko.
Natigilan ako ng magsipasukan si Ton, Mara at Aboy. Nagugulat rin silang napatingin saaming dalawa ng Prinsipe.
"Sino siya, Lili?"
Napalunok ako. Hindi ko alam ang gagawin. Ayokong ulitin ang ginawa ko kanina.
"Tawagin niyo nalang akong Master Ken." natigilan ako ng magsalita ang kamahalan. "Magkaibigan kami ni... Lili."
Mas lalo akong natigilan. Nagugulat akong napatingin sakanya. Malumanay ang kanyang mga matang sumalubong sakin.
Ito ang pinakaunang beses na tinawag niya ako sa pangalan ko. Hindi niya ako tinatawag na Binibini pero tinawag niya akong unggoy kanina. Pero sa pagkakataong ito, parang gusto kong marinig ulit ang pagbigkas niya sa pangalan ko.
Napailing ako sa naisip.
Bakit ko nasasabi ito? Hiniram ko lang naman ang pangalang iyon.
Gabi na ng magbukas si Aboy ng alak. Maingay sa paligid at nagkakasiyahan. Maraming hinahanap ang aking Ama upang batiin ito ng maligayang kaarawan.
Napatingin ako sa Prinsipe na katabi si Aboy at Ton. Katabi ko naman si Cris at Mara. Syempre ang nasa gitna ay si Mara dahil ayaw tumabi sakin ni Cris. Ipinag-aalala ko naman ang sitwasyon ng kamahalan dahil napapagitnaan siya. Bakas sa mukha nito ang pagkailang pero kinailangan nitong makisabay.
"Alak ka diyan, Master Ken." Aning Aboy kaya nagulat ako.
"Ako nalang ang iinom para sakanya." Aniko kaya nagtatakang napatingin ang lahat sakin.
"Bakit ikaw? Kaya ko naman." Aning Prinsipe at nilagok ito.
"Oo nga naman, kaya naman to ni Master Ken."
"Paano nga pala kayo nagkakilala ni Master Ken?" Tanong ni Ton kaya kinabahan ako.
Anong sasabihin ko?
"Siguro sa pamamagitan ng Prinsipe ano?" Aning Mara kaya natigilan ang kamahalan.
"Bakit naman napasok ang Prinsipe sa usapan?" Aning Aboy.
Tinitigan akong maigi ni Mara, "Gwapo ba ang Prinsipe?"
Natigilan ako. Dahan dahan akong napalingon sa kamahalan pero kita ko ang pagngisi nito.
Pag sinabi ko bang hindi, mapaparusahan ako?
O pag sinabi kong oo, lalaki ang ulo nito?
"Wag na nga natin siyang pag usapan," aning Aboy kaya tumahimik nalang si Mara, "Basta masaya ako at may kaibigan ka sa loob." Nilingon niya ang kamahalan, "Alagaan mo ang kaibigan namin."
Nagkatinginan kami ng Prinsipe at agad nagkaiwasan.
"Oh, Lili bakit naririto ka?" Natigilan ako ng lumapit si Ama. Nagulat ito ng mapatingin sa Prinsipe.
Patay...
"Nandito ka rin kama---"
"Oh Ministro Roque!" Biglang tumayo ang Prinsipe at tumabi kay Ama. "Ako nga ito, si Heneral Alfonso. Narito ako para sana batiin kayo ng maligayang kaarawan."
Natigilan si Ama at binigyan ako ng nagtatanong tingin. Sinenyasan ko naman ito na makisakay nalang.
"Oo nga, H-Heneral Alfonso. Salamat at pumunta ka."
Nabunutan ako ng tinik sa dibdib ng hindi nahalata ng mga kaibigan ko. Pagkaalis ni Ama ay bumalik narin sa upuan ang Prinsipe.
"Ikaw pala si Heneral Alfonso?" Nagugulat na tanong ni Aboy.
"Bakit, kilala mo siya?" Tanong ni Cris.
"Pamilyar ang pangalan niya."
"Isa siyang magiting na heneral. Siya ang alalay ng Prinsipe."
Napasinghap ang lahat.
"Tama ba ako?" Tanong ni Aboy sa kamahalan.
"Oo," napipilitang sagot ng Prinsipe.
"Sabi na ngaba eh, nagkakilala sila dahil sa Prinsipe." Aning Mara.
"Ibig sabihin, ang tunay mong pangalan ay Ken Alfonso?" Tatango tangong ani ni Ton. "Kilala ng lahat ang alalay ng Prinsipe bilang Heneral Alfonso. Pero ginamit mo ang Master Ken para walang makakilala sayo. Tama?"
"Hindi ko akalaing makakatabi ko ang kanang kamay ng Prinsipe. Pakiramdam ko, katabi ko narin ang Prinsipe." Namamanghang ani ni Aboy.
"Napakagwapo mo naman." Aning Mara kaya hindi na kami nagulat.
Nakita ko naman ang pagpipigil ng ngiti ng Prinsipe.
"Napakagwapo mo katulad ng iyong pangalan. Ken Alfonso na ata ang pinakagwapong pangalang narinig ko."
Nawala ang ngiti ng Prinsipe.
"May mas gwapo pa sa pangalang yan." Naiinis na aniya kaya natigilan kami.
"Ayaw mo bang ang pangalan mo ang pinakagwapong pangalan?" Tanong ni Ton.
Nanlikot ang mata ng Prinsipe kaya hindi ko maiwasan mapangiti sakanyang inakto.
"Basta, may mas gwapo pa diyan. Ang pangit kaya ng pangalang Ken Alfonso."
Nagkatinginan nalang ang mga kaibigan ko at napailing.
"Kung hindi ang Ken Alfonso, edi ano?" Tanong ni Mara.
"Hindi niyo pwedeng banggitin."
Napailing na lamang ako. Pati pala pangalan ay nalalagyan na ng lebel. Paano naman kaya ang pangalan ko? Natigilan ako sa naisip.
Matapos ng kasiyahan ay unti unti ng nagsialisan ang mga tao. Si Aboy lang ang sobrang nalasing saamin kaya si Ton ang maghahatid sakanya pauwi. Hinatid naman kami sa labas ni Cris at Mara.
Napatingin ako sa katabi ko. Nasa harapan lang ang tingin niya. Napansin ko rin ang minsang pagngiti nito.
"Naging masaya po ba kayo kanina, kamahalan?" Tanong ko sa Prinsipe kaya natigilan siya.
"Hindi. Masyadong nakakaantok ang mga kwento ng mga kaibigan mo. Mga tsismoso't tsismosa pa."
Hindi na lamang ako kumibo. Kahit naman hindi niya aminin ay bakas parin sa mukha niya ang saya. Hindi siya si Master Ken para maitago ang nararamdaman.
"Kamahalan?" Natigilan kami ng dumating si Master Ken.
Patay...
"Master Ken..."
"Kamahalan, kaya kaba may pinagawa sakin dahil pupunta ka dito? Alam mo bang delikado at kailangan laging kasama mo ako?
Umayos ng tindig ng Prinsipe, "Alam ko ang ginagawa ko saka wala kang magagawa kung ito ang gusto ko."
Natigilan ako ng humabol saamin si Cris at Mara.
"Buti hindi pa kayo nakakalayo, Master Ken." Aning Mara kaya natigilan kami.
"Naiwan niyo ang iyong espada, Master Ken." Aning Cris at nilahad ito.
Anong gagawin ko?
Wala mang mababakas na reaksyon sa mukha ni Master Ken ay paniguradong nagtataka ito.
"Sinong Master Ken?" Tanong nito kaya natigilan ang lahat.
"Hindi ba't siya?" Aning Cris sakanya.
"O siya, aalis na kami. Mag iingat kayo sa pag uwi."
Naiwan kaming tatlo. Ramdam ko ang tensyon. Pero wala akong magawa.
"Umalis na nga kayo ng walang paalam, ginamit niyo pa ang pangalan ko."
Napatingin ako sa Prinsipe pero mukhang hindi niya rin alam ang gagawin.
"Inaasahan ko na 'to, pero ngayon lang naman 'to."
"Ilang beses mo na itong ginawa."
"Ito na ang huli."
Ang Prinsipe... Para siyang batang may ginawang kasalanan at nalaman ng kanyang magulang.
"Lagi mo iyang sinasabi, kamahalan."
"Yah~ Master Ken, ayusin mo ang pananalita mo."
Yumuko si Master Ken, "Kamahalan, simula bukas ay hindi kana lalabas ng palasyo ng wala ako."
Hindi na nakaangal ang Prinsipe ng nagpaumuna na si Master Ken. Naiiling nalang ako na sumunod sa kanila.
Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil sa maingay na katok. Bumungad sakin si Master Ken.
"Samahan mo ang Prinsipe ngayon."
Napakamot ako. Bakit hindi nalang siya?
"Tandaan mo, nakatingin ako mula sa malayo."
Wala akong nagawa kundi magbihis at lumabas. Natagpuan ko ang Prinsipe na may kaharap na hindi ko kilala.
"Guro, hindi ba kayo nagsasawa sa pagtuturo sakin?" Tanong ng kamahalan.
"Kamahalan, hinding hindi ako magsasawang magturo sapagkat ito ang pinili kong propesyon."
Ngumiwi ang Prinsipe, "Ang rami mong alam."
Nang malingunan ako ng Prinsipe ay itinuro niya ako at tumingin sa guro. "Makikinig ako sa iyon ngayon basta kasama siya."
Nagulat ako. Nagtataka naman ang guro. Parang bata ang prinsipe. Kailangan ba talagang kasama ako?
Walang nagawa ang guro at pumayag na lamang. Napatingin ako sa Prinsipe. Nakasimangot na ito.
"Ang Ken Alfonso na 'to talaga," anito at lumingon sakin, "tinitingin-tingin mo diyan?"
Napaiwas ako ng tingin.
Umupo kami sa harap ni Gurong Fok. Nagsimula itong magturo kaya nakinig naman ako. Maswerte ang mga taong nakakapag-aral. Tanging galing lang sa mayayaman at makapangyarihang pamilyar ang may kakayahan makapag aral at makapunta sa ibang bansa.
Maswerte ako dahil pinag-aral ako ni Ama. Maswerte ako dahil natuto ako ng ibang wika. Wika pa ngalang ang natututunan ng tao ay matalino na.
Napatingin ako sa Prinsipe. Nakaupo nga ito pero maayos parin ang tindig. Napakaswerte niya dahil guro na mismo ang lumalapit sakanya.
Matapos magbigay ng eksplenasyon ay nagtanong saamin si Gurong Fok. Sinabi niyang isulat namin ito sa papel na nasa aming harap. Humanga naman ako sa panulat na gawa sa balahibo ng manok. Napatingin ako sa kahon na puno ng mga panulat.
Napakamahal niyan at hindi basta basta mabibili. Pag gumagamit ako niyan noon ay kailangan kong magtipid. Meron naman kasing mumurahin pero mabilis masira.
"Marunong kaba magsulat, Binibini?" Tanong ni Gurong Fok kaya pilit akong napangiti.
"Marunong naman po ako pero hindi ako ganun kagaling."
Totoo naman. Minsan ay isinasaisip ko na lamang lahat ng dapat matutunan.
Maingat kong hinawakan ang panulat at nagsimulang magsulat. Nakangiti ako ng napakaganda ng kinalalabasan ng sulat. Talagang mamahalin ito at hindi ibinibenta. Para sa Prinsipe lang ito pero maswerte at nagamit ko.
Maayos kong nasulat ang sagot. Maganda rin ang pagkakaguhit ng alpabetong alibata. Nakangiti ako matapos kong isulat lahat ng sagot.
Nang iangat ko ang tingin ay hindi saakin nakatingin ang Guro. Laylay ang balikat nito. Napatingin naman ako sa Prinsipe na siyang tinitigan siya. Nagulat ako.
Maayos ang tindig nito habang nakaupo. Magkakrus ang parehong braso at nakapikit. Walang sagot sa papel niya.
"Nakatulog na naman ang kamahalan."
Napatingin ako sa Guro.
"Walang klase na hindi siya natutulog." Anito at tumayo.
Kinuha nito ang aking sagot at nakangiting sinalubong aking tingin. "Tama ang sagot mo, Binibini."
Sinuklian ko na lamang ito ng ngiti. Hinatid ko siya sa labas pagkaalis niya. Pagbalik ko ay ganun parin ang sitwasyon ng Prinsipe. Nakakatulog talaga siya sa lagay na 'yan?
"Tama pala talaga si Ton. Palaging natutulog ang Prinsipe."
Napailing ako.
"Sinabi niya talaga yun?"
Natigilan ako at napatingin sakanya. Nanatili siyang nakapikit.
"Gising kayo?"
Dahan dahang nagmulat ang mata nito at malumanay na tumitig sakin.
"Ginising ako ng iyong boses."
Natigilan ako, "Pasensya napo, kamahalan."
"Matutulog ako ulit, wag kang maingay."
Hihiga na sana ito ng pigilan ko.
"Saglit lang, kukunan ko kayo ng unan at kumot, kamahalan."
Tatayo na sana ako ng hilain niya ako paupo. Nagulat ako.
"Hindi nakakapaghintay ang antok, Binibini." Anito at tuluyan ng humiga sa aking kandungan.
Hindi ako nakapagsalita sa takot na magising siya. At mas lalong hindi ako nakagalaw dahil sa ginawa niya.
Ugali niya bang gulatin ang tao sa mga salitang lumalabas sa bibig niya? Ito ang unang beses na tinawag niya akong binibini.
Napalunok ako ng mapatitig sakanyang mukha. Napakakinis nito at napakaperpekto ng pagkakaukit ng bawat parte ng kanyang mukha. Mula sa mata, kilay, ilong, panga at labi.
Hahawakan ko na sana ang kanyang mukha ng idilat niya ang kanyang mga mata't hinawakan ang aking kamay.
"A-akala ko... tulog na kayo." Kinakabahan kong wika.
"Nang ipikit ko ang mga mata ko, hindi ka gumawa ng ingay sa takot na magising ako." Naging malagkit at malumanay ang paraan ng pagtingin niya sakin. "Pero paano ako makakatulog kung pati sa pagpikit ng mga mata ko, ikaw ang nakikita ko."
Bakit... kinakabahan ako?
Takot ba itong nararamdaman ko?
Tama, takot nga.
Takot na baka masayang ang ilang taon kong paghahanda ng dahil lang sa pag-ibig.
Pag-ibig na hindi dapat pumagitan sa isang Prinsipe at tagapaglingkod nito.

Komento sa Aklat (29)

  • avatar
    Tisoy Mandeoya Laquip

    thank you

    13/07

      0
  • avatar
    Kristen Talaban

    It's good

    10/07

      0
  • avatar
    Ken Ken

    Nice one

    24/06

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata