logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Mask Princess in Revenge

Mask Princess in Revenge

zyzyang_


Unang Kabanata

ALMARIO WAR 1997
Napuno ng hiyaw at daing ang aking paligid. Bawat taong nagtatangka akong patayin ay aking sinasaksak. Daan daang mga tao ang nakahandusay at wala ng malay.
Ang aking pinakamamahal na espada ay naging masangsang na ang amoy. Ang dating makinis, matalim at kulay pilak na espada ay naging pula na.
Natigilan ako ng makita ang pamilyar na pigura. Bumaba ito mula sakanyang kulay puting kabayo. Inilibot nito ang kanyang tingin na animong may hinahanap.
Bakit kailangan ko siyang makita sa ganitong sitwasyon?
Natigilan ito ng magtama ang tingin namin. May suot man akong maskara na natatago ang aking mukha. Nasisigurado kong nakikilala na ako nito.
Tumakbo ito patungo sakin. Pilit inaalis ang mga nakaharang sakanya. Hindi nawawala ang tingin nito sakin. Bakas sa mga mata niya ang pag-aalala, takot at kalungkutan.
Bakit nasasaktan ako?
"Kamahalan!"
Natigilan ako ng marinig ang sigaw ng Punong Heneral. Agad akong nag-alala sa Prinsipe sa pag aakalang siya ang masasaksak.
Ngunit nagkamali ako.
Dahil saakin pala patungo ang espadang may tumutulo pang dugo.
Ngunit huli na ang lahat.
Tuluyan ng tumulo ang luha ko.
~~~~
ALMARIO 1996
"MAGANDANG umaga sa inyong lahat!" Bati ko sa bawat taong nadadaanan ko. Lahat naman sila ay napapalingon at nagtataka. Ang iba ay nagugulat ng makita ako.
"Binibining Lili ikaw ba iyan?" Nakangiting tanong ng ibang nakakilala sakin.
"Ako nga!" Masigla kong sagot. "Pumunta kayong lahat sa bahay, may salo-salong magaganap."
"Naku nakakahiya naman..."
"Oo nga, saka masaya kami sa pagbabalik mo."
"Mas lalo kang gumaganda."
"Aasahan ko ang pagdalo niyo," nakangiting sabi ko sa kanila at kinawayan ang ibang kababayan. "Hindi ko mauubos ang hinanda nilang pagkain kaya tulungan niyo ako." Biro ko kaya nagtawanan ang mga tao.
Lakad takbo ang ginawa ko pabalik sa aming tahanan. Sa labas palang ay naamoy ko na ang katakam takam na luto ng aming mga tauhan. Nakangiti nila akong binati na sadyang nakasanayan na ng lahat.
Ganito ko ituri ang mga tao sa bayan. Magaan ang pakiramdam ko sa kanila at ganun din sila. Kadalasan ay naiilang at nahihiya ang iba sakin pero hindi ko hinahayaang mangyari yun.
Ang ama ko ang Ministro ng Kapayaan kaya kilala siya. Mabait siya sa lahat kaya gusto siya ng mga tao. Hinding hindi niya hahayaan na may mang-api sa mga tao. Satuwing nagkakaroon ng handaan sa bahay ay imbitado ang lahat.
"Kung makapag-imbita ka, akala mo may piyesta."
Natahimik ako sa naiinis na tingin ng aking kapatid. Siya si Cris, ang pinakamaganda sa bayan. Maliban sa kagandahan ng mukha ay magaling rin siya sa pagluluto na minana niya kay Ina. Mabait siya sa lahat at pagdating naman sakin ay minsan talaga masungit siya. Pero ayos lang, mahal niya naman ako kahit ganun.
"Nasaan na nga pala sina Ton?" Tanong ko rito pero nagpatuloy lang ito sa kusina kaya sinundan ko.
"Mamaya pa sila pupunta. Naghahanda pa sila ng ihahandog sa pagdating mo."
Sumimangot ako, "Mas importante ba iyon kesa makita muna ang kaibigan nilang hindi nila nakita sa loob ng apat na taon?"
Hindi ito kumibo at nagpatuloy nalang sa pagluluto.
"Hmm, mukhang ang sarap ng niluluto mo. Ano ba iyan?"
Bumuntong hininga ito, "Kari-kari."
"Talaga? Sabi na, masarap yan. Paborito mo eh."
Tinaasan ako nito ng kilay, "Hanggang ngayon hindi ka parin kumakain ng kari-kari?"
Umiling ako at ngumiti.
"Oh, Lili andito ka lang pala."
Nginitian ko si Ina, "Ina, may lulutuin rin po kayo?"
Ngumiti ito, "Oo, lulutuin ko ang paborito mo."
Ngumiti ako ng napakalaki ng inirapan ako ni Cris.
"Ina, tulungan ko na po kayo."
Pinigilan ako nito, "Naku huwag na, narito naman si Cris at tutulungan niya ako."
"Ina naman kahit kadadating lang ni Lili ay kailangan mo rin siyang patulungin 'no. Isang dagat pa naman ng tao ang inimbita niyan."
Nakagat ko ang pang-ibabang labi.
Nagugulat na lumingon sakin si Ina, "Ibig sabihin ay napagod kang libutin ang bayan? Magpahinga kana muna sa kwarto mo para may enerhiya ka mamaya."
Napailing na lamang si Cris sa sobrang inis. Pumunta naman ako sa kwarto at doon nagpahinga. At dahil hindi naman ako makatulog ay kinuha ko ang malaking kahon na gawa sa kahoy. Nasa ilalim ito ng aking katre.
Binuksan ko ito at bumungad sakin ang mga handog pinambili ko para sa aking mga kaibigan. Sinigurado kong mas bongga ang regalo ko kay Cris para hindi niya ako sungitan.
Gusto ko rin sanang tumulong sa pagluluto katulad ng ginagawa ni Cris pero hindi ko magawa. Hindi dahil hindi ako marunong kundi dahil ayaw nila Ina at Ama na pinagagawa ako ng mga gawaing bahay.
Nang dumilim na ang kalangitan ay nagsimula na ang mga pagtugtug. Marami rami narin ang mga tao sa labas. Amoy na amoy ko ang nagsasarapang pagkain na nakahain.
Hinanda ko ang sarili at nagsuot ng magandang damit. Kulay puti ito na may bulaklak na disenyo. Sarado ang nasa bandang leeg at may itim na bulaklak na butones mula sa leeg pababa sa aking dibdib. Nababalot nito ang pareho kong braso at hanggang talampakan ang kahabaan nito. Itinirintas ko ang aking buhok at naglagay ng konting palamuti sa mukha.
"Sobrang ganda mo Binibining Lili," bati sakin ng mga tauhang babae pagkalabas ko.
Sinalubong ako ni Ina ng may ngiti sa labi, "Napakaganda mo, anak."
Iginiya ako nito palabas. Sumalubong sakin ang nagsisiyahang mga tao. Natigilan ang mga ito ng makita ako. Meron sa kanilang nagulat at bumakas ang tuwa ng makita ako. Ang iba sa kanila ay binati at pinuri pa ako.
"Napakaganda ng anak mo, Ministro Roque." Aning isang ministro kay Ama.
"Nasisigurado kong hindi lang sa paggagamot magaling ang iyong anak, kundi pati narin sa wikang Ingles."
Nginitian ko ang mga ito.
Inilibot ko ang tingin at natagpuan ang aking mga kaibigan na kumakaway at may malalaking ngiti sa labi. Yumakap ako sa mga ito at iginiya sila sa loob.
"Napakaganda mo, Lili." Aning Mara pagkapasok namin. Maganda at magaling si Mary sa pagguguhit.
Umupo kami sa sahig at bumuo ng bilog.
"Namiss ka namin Lili, ang tagal mo ring nawala. Akala namin nakalimutan mo na kami." Aning Aboy. Siya ang pinaka-kuya saaming magkakaibigan. Matangkad, mabait at mapagbiro siya.
"Bakit ko kayo makakalimutan? Kaibigan ko kaya kayo."
"Nasisiguro kong napakagaling mo ng doktor ngayon."
"Ang ganda ng iyong damit, akala ko talaga hindi ikaw si Lili. Muntik na kitang hindi makilala." Aning Ton. Sa aming magkakaibigan ay sakanya ako sobrang malapit.
"Para ka ngang isang Prinsesa." Dagdag ni Aboy kaya nawala ang aking ngiti.
Lumapit saamin si Cris. "Ibigay niyo na ang handog niyo sakanya." Utos nito kaya nahihiyang inilabas ng mga kaibigan ko ang kanilang handog.
"Nakakahiya pero ito lang talaga ang nakayanan ko."
"Ako rin,"
"Dadagdagan ko yan sa susunod."
"Sana magustuhan mo."
Hindi na ako nag abalang buksan ang kanilang ibinigay at sinuklian nalang sila ng ngiti at yakap.
"Kahit anong ibigay niyo ay sapat na sa akin." Ngumiti ang mga ito, "Saka may handog rin ako sa inyo 'no."
Pumasok ako sa kwarto at kinuha ang hinanda kong handog para sa kanila. Nang mabuksan nila ito ay namangha at nagpasalamat sila sakin. Mga palamuti ang ibinigay ko kay Mara, habang mamahaling pana naman ang kay Aboy.
"Hindi mo talaga kinalimutan ang habilin ko sayo 'no?" Aning Mara sa sobrang tuwa.
"Paano mo nalamang gusto ko 'to, Lili?" Tanong ni Aboy sakin.
"Naantig ako ng makita ko 'iyan kaya binili ko para sayo."
"Ano naman kaya itong saakin? Bat ang haba at ang bigat?" Kunot noong tanong ni Ton kaya napatingin sakanya ang lahat. Unti unti niyang tinanggalan ito ng balot kaya inabangan namin ito. Nang tuluyan na itong mabalutan ay nanlaki ang kanya mga mata at nailayo ang makintab na espada.
"Iyan ang handog mo sakin?" Nagugulat nitong tanong kaya natawa ako.
"Mamahalin yan ano,"
"Eh ano namang gagawin ko diyan?"
"Malamang kailangan mong matuto gumamit ng espada."
"Para saan naman?" Tanong ni Aboy.
"Naalala ko nung sinabi ni Ton na may nagugustuhan siyang babae mula sa mayamang pamilya. Kaya dapat matuto siya gumamit niyan para maprotektahan ang babaeng gusto niya."
Sabay napatingin ang lahat kay Ton, "May nagugustuhan ka?" Sabay sabay na tanong ng mga ito.
Naiilang na ngumiti si Ton, "Hindi ba't sekreto lang natin 'to?"
Nawala ang aking ngiti at napakamot. "Ganun ba? Nakalimutan ko."
Sumimangot si Ton at nahihiyang tumingin sa kaibigan. "Bakit ganyan kayo makatingin sakin? Masama naba magkagusto?"
"Ayaw lang namin na masaktan ka," aning Mary at hinagod pa ang likod ni Ton, "Panigurado hindi ka magugustuhan nun."
Mas lalong sumimangot si Ton, "Kaibigan ko ba talaga kayo?"
Nang buksan na ni Cris ang sakanya ay doon na naagaw ang atensyon ang lahat. Isa itong kulay rosas na bestida na pinasadya ko. Mamahalin ang tela nito at maganda ang kulay at disenyo. Bagay rin sakanya kaya mas lalong lilitaw ang ganda niya.
"Napakaganda naman niyan, Cris."
Namamangha man ay hindi kumibo si Cris. Iniwas ko nalang ang tingin sakanya dahil alam kong maiilang siya sakin.
"Maganda, gusto ko."
Natigilan ako at napatingin kay Cris. Tipid itong ngumiti kaya napangiti narin ako. Sapat na saakin na marinig ang sinabi niya.
Pagkalipas ng ilang oras ay isa isa ng nagsiuwian ang mga tao. Inihatid ko sa labas ang mga kaibigan niya. At aksidente kong narinig ang pinag-uusapan nila Ama.
"Bakit hindi dumalo si Ministro Año?"
"Talagang hindi makakapunta iyon dito,"
"Bakit daw?"
"May nangyari ba?"
"Meron,"
"Ano?"
"May natagpuan silang patay na hayop sa loob mismo ng bahay ng Ministro."
"Paano nangyari iyon?"
"Iyon na nga ang nakakapagtataka, walang basta bastang nakakapasok sa bahay nila."
Hindi ako kumibo at nagpatuloy nalang sa loob ng bahay.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Kumain ako ng pang agahan saka umalis ng bahay.
Pumunta ako sa kagubatan na minsan naming tinatambayan noon. Napag usapan namin ito kagabi ng mga kaibigan ko pero wala pa sila. Masyado akong maaga ng dating. Tulog pa nga sa bahay si Cris eh.
Inilibot ko ang tingin at nakita ang mayayamang mga puno. Iba't ibang klase ng puno at prutas ang nakikita ko. Natatakam ako.
THIRD PERSON's P.O.V.
LUMABAS ang Mahal na Prinsipe sa palasyo dahil sa kagustuhan nitong malanghap ang sariwang hangin ng kanilang bayan. Sumama rito ang kanyang kanang kamay na si Master Ken. Siya ang pinakamagiting na alalay ng Prinsipe. Tinatawag din siyang Heneral Alfonso ng hukbong sandatahan. Blangko ang reaksyon ng mukha nito pero hindi maiitatago ang magandang mukha at pangangatawan.
"Saan kayo pupunta, kamahalan?"
Natigil sa paglalakad ang Prinsipe at binigyan ng naiinis na tingin si Master Ken na nanatiling walang reaksyon ang mukha.
"Sa langit sama ka?"
Hindi na lamang kumibo si Master Ken dahil alam niyang naiinis na naman ang Prinsipe.
Nang makalanghap ang Prinsipe ng katakam takam na amoy ay pumako ang tingin niya sa tindahang may masarap na paninda.
"Bili tayo,"
Pinigilan siya ni Master Ken, "Kamahalan, maraming tao."
Napaisip ang Prinsipe, "Edi magpanggap kang hindi mo ako kilala."
"Kamahalan, may pera ba kayo?"
Natigilan ang Prinsipe at binigyan ng nanlulumong tingin si Masten Ken. Akala ni Master Ken ay wala itong pera ng ngumisi ito. Dahan dahan nitong inilabas ang maliit na piraso ng ginto kaya nagulat si Master Ken.
"Kamahalan, wala kayong barya?"
Umismid ang Prinsipe, "Sa sobrang pagmamadali ko kanina, wala na akong oras maghanap ng barya. Saka wala namang hihindi sa ginto diba?"
Wala ng nagawa si Master Ken ng umupo na ang Prinsipe. Bumili na lamang ito dahil alam niyang nagugutom narin ang Prinsipe. Hindi ito kumain dahil sa pagmamadaling lumabas ng palasyo.
Maya maya lang ay inilapag ng babaeng tindera na may katandaan na ang mainit init pang sinigang. Naglagay pa ito iba't ibang putahi ng karne at syempre may gulay rin ayon sa utos ni Master Ken.
Agad nakaramdan ng saya ang Prinsipe ng makita ang nakahain sa harap niya.
"Sariwang hangin kapares ng masarap na pagkain." Napapikit siya at napangiti. "Ang sarap ng buhay."
Pagmulat niya ng mga mata ay nginitian niya ang tindera. Dahan dahan niyang inangat ang ginto na siyang ikinagulat nito. Napatakip pa ito ng bibig habang nanlalaki ang parehong mata.
"Sakin na ito?" Namamanghang tanong nito at napatitig sa ginto.
Tumango ang Prinsipe at kinuha na ang kutsara. Magsisimula na sana siyang kumain ng tumabi sakanya ang tindera.
"Wag po kayo diyan maupo," aning Master Ken sa matanda.
"Aba eh bakit naman? Masama ba noy?" Aning Matanda at lumingon pa sa Prinsipe.
Nakaramdam ng pagkailang ang Prinsipe. Tinawag siya nitong 'noy' na hindi niya nakasanayan.
"Bawal," Nakaramdam ng pag aalala si Master Ken lalo na't hindi dapat kinakausap ng ganun ganun nalang ang Prinsipe.
"Ano kaba! Gusto ko lang naman magpasalamat. Ang saya saya ko sobra, napakagalante mo, noy."
Hindi kumibo ang Prinsipe. Hinayaan niya lang si Master Ken na magsolba ng problema.
"Manang, kakain na po kami."
Ngunit hindi natinag ang matanda.
"Oh sige lang, kain lang kayo. Sabihan niyo ako pag may kulang. Napakagwapo niyo namang dalawa." Napatitig sa Prinsipe at kay Master Ken ang tindera. "Magkaibigan ba kayong dalawa?"
Natigilan si Master Ken.
"Manang, hindi po kami makakain ng may babaeng kasama."
Nagulat ang tindera, "Ganun ba? Naku, sayang naman. Alam niyo, napakagandang lalaki niyo. Lalo ka na," napatingin sa Prinsipe ang matanda.
Natigilan naman ang Prinsipe.
"Napakagandang lalaki mo, napakagwapo at napakaperpekto."
Lihim na napangiti ang Prinsipe at nawala ang pagkailang na nararamdaman. Walang problema sakanya ang tawagin siyang noy nito basta ba palaging malinaw ang mga mata ng tindera.
Kakain na sana ulit ang Prinsipe ng magsalita na naman ang tindera.
"Bagay kayo ng anak ko."
Natigilan ang Prinsipe at tinignan si Master Ken na animong nanghihingi ng tulong. Ngunit hindi rin nito alam ang gagawin dahil mukhang walang balak na umalis ang matanda.
"Bagay na bagay kayo. Wag kang mag alala, maganda ang anak ko. Pwede kayong magpakasal. Yung mga tipo mo ang gusto kong mapangasawa ng anak ko. Galante ka, gwapo, at mukhang mabait."
Nabitiwan ng Prinsipe ang hawak hawak na kutsara.
"Sa sobrang gandang lalaki mo, paano pa kaya ang Prinsipe ano? Sabi nila, mala-porselana daw ang kutis ng Hari. Gusto ko sanang mapakasalan ng aking anak ang Prinsipe. Pero nagbago na ang isip ko, malapit kana rin naman sa salitang perpekto kung mala porselana rin ang balat mo."
Napatingin ang Prinsipe sakanyang balat. Unti-unti ng kumukulo ang dugo niya. Paano nito naikokompara siya sa Prinsipe kung siya naman mismo ang prinsipe?
"Manang, hindi po masarap ang niluto niyo." Nagpipigil ng galit na aniya kaya nagulat ang tindera.
"Aba'y bakit? Nihindi mo pa nga natitikman."
Biglang tumayo ang Prinsipe kaya ganun din ang ginawa ni Master Ken.
"Iyon na nga eh, amoy palang wala na akong gana." Pilit nitong iniwas ang tingin sa nakakatakam na pagkain.
"Teka lang noy, wala pang nakakapagsabing hindi masarap ang paninda ko. Tikman mo," nakangiting ani ng matanda pero hindi nagpatinag ang Prinsipe.
"Umalis na tayo, Master Ken."
Aalis na sana siya kasama si Master Ken ng matigilan siya. Bumalik siya at taas noong inagaw ang ginto mula sa kamay ng tindera na ikinagulat nito.
"Noy! Ibalik mo sakin yan, ibinayad mo na sakin iyan! Bakit hindi niyo nalang kainin ang binili niyo..."
Nagpatuloy lamang sa paglalakad ang Prinsipe ng may madilim na mukha. Nakasunod lamang sakanya ang kanyang alalay.
"Kamahalan, bili nalang po tayo ng bago."
Tumigil sa paglalakad ang Prinsipe. "Wala ng mas sasarap pa sa nakahain kanina."
"Kamahalan, pwede naman po tayong bumalik. Hindi pwede na gutom kayo."
Sinamaan siya ng tingin ng Prinsipe, "Babalik ako at haharapin ang matandang 'yun para lang sa pagkain?" Puno ng sarkasmo nitong tanong kay Master Ken.
"Ano po bang mas importante, kamahalan?"
Umiwas ng tingin ang Prinsipe, "Mas importante ang dignidad kesa pagkain."
Nagpatuloy ito sa paglalakad ng magtanong ulit si Master Ken. "Hindi po ba kayo nagugutom?"
"Hindi." Diretsong sagot niya ng kumulo ang kanyang tiyan.
Parehong natigilan ang dalawa.
"Ibig kong sabihin, hindi ko hahayaang insultuhin nila ako. Mas mabuti ng magutom, hindi ko kakainin ang pang iinsulto niya."
Nagpatuloy sa paglalakad ang Prinsipe kahit ramdam na nito ang kumukulong tiyan. Talagang nagugutom na siya pero nawalan siya ng gana ng dahil sa sinabi sakanya ng matanda.
Nang lumakas ang hangin ay nakaramdam siya ng preskong pakiramdam. Ngunit nakasimangot parin siya.
"Pumunta ako rito upang lumanghap ng sariwang hangin. Ngunit hangin mula sa bibig ng matandang iyon ang nalanghap ko."
Natigilan si Master Ken sa sinabi ng Prinsipe. Minsan talaga ganito ang ugali ng Prinsipe.
Habang naglalakad ay napansin ng Prinsipe ang kagubatan. Maraming puno dito na mayayaman ang bunga.
"Saan kayo pupunta, kamahalan?"
"Dito ka lang, papasok ako sa loob."
"Anong gagawin niyo, kamahalan?"
Umikot ang mata ng Prinsipe, "Mamamasyal,"
Hindi kumbinsido si Master Ken. Alam niyang may tinatago ang Prinsipe.
"Magpapahangin." Dagdag ng Prinsipe.
"Ngunit delikado po."
Umismid ang Prinsipe, "Ang rami mong sinasabi, dito ka lang." Tinaliman niya ng tingin si Master Ken. "Utos ko yan."
Pagkapasok niya ng kagubatan ay iba't ibang klase ng puno ang bumungad sakanya. Maingay ang mga humuhuning ibon at nakakaramdam siya ng mga kaliskis. Maraming lantang dahon ngunit mas nakaagaw ng pansin sakanya ang mayayamang mga prutas.
Nagpatuloy siya sa paglalakad dahil baka sundan siya ni Master Ken. Tumigil siya at napangiti sa mga makukulay na bunga. Kumakalam na ang lalamunan niya.
Napatingin siya sa paligid. Inaalam kung may ibang tao sa gubat maliban sakanya. Ngunit napailing nalang siya sa ginawa. Pagmamay-ari nila ang kagubatang ito. Wala siyang dapat na ikatakot kung sakaling may makakita sakanya.
Natigilan siya ng may tumama sa kanyang ulo mula sa taas. Napatingin siya sa balat ng saging na siyang nahulog. Napatingin siya sa katabing puno at napagtantong puno ito ng bayabas.
'Imposibleng sa puno ng bayabas tumambay ang isang unggoy.' Aning Prinsipe sa isip.
Nang mahulugan siya ulit ay balat na ito ng mangga at tumama pa ng malakas sa ulo niya ang buto nito. Nakaramdam na naman ng inis ng Prinsipe. Nagsisimula na namang kumulo ang kanyang dugo.
"YAAHHHHHHH~" Puno ng inis na sigaw nito.
Pagtingin niya sa taas ay tumama na naman sakanya ang balat ng rambutan. Naiinis niya itong tinanggal sa mukha at tumingin sa itaas ngunit wala siyang nakita.
"LUMABAS KA RIYAN! WAG KANG NANANADYA! HINDI MO AKO KILALA!" Galit nitong sigaw pero wala siya makita. "YAHHH!!! WAG KANG DUWAG, MAGPAKITA KA SAKIN!"
Buong lakas na sumigaw ang Prinsipe ngunit wala siyang nakita. Nang maramdaman niyang yumugyog ang puno ay napaharap siya sa likod. Ang akala niya'y isa itong lalaki o unggoy. Ngunit ganun na lamang ang gulat niya nang mapagtantong babae pala ito.

Komento sa Aklat (29)

  • avatar
    Tisoy Mandeoya Laquip

    thank you

    13/07

      0
  • avatar
    Kristen Talaban

    It's good

    10/07

      0
  • avatar
    Ken Ken

    Nice one

    24/06

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata