logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

NMNL PRESENTS - MATALIK NA KAIBIGAN

NMNL PRESENTS - MATALIK NA KAIBIGAN

June_Thirteen


KABANATA 1

- AKO AT SI ISABEL -
Madalas kaming magkasama. Magkalaro at magkasabay sa eskwela. Wala kaming oras sa isang araw na pinalilipas na hindi nasisilayan ang mukha ng bawat isa.
Ako at si Isabel. Matalik na magkaibigan simula at sapul pagkabata.
Lumaki kami sa iisang lugar sa Santa Cecilia. Nagkakasundo sa lahat ng bagay at kahit minsan ay hindi nag-away, kahit pa may problema si Isabel sa pag-iisip ay hindi naging hadlang sa pagkakaibigan namin.
Si Isabel ay ipinanganak na mahina ang utak. Madalas siyang mag-isip bata at umiiyak na lamang basta kapag gusto niya kahit pa walang dahilan. Utal siyang magsalita at mahilig na lang din basta na lang tumatawa. Madalas din siyang tawaging sinto-sinto ng iba pang kaibigan namin. Ngunit hindi ito naging sagabal sa aming pagsasama. Naging parang isang ate niya ako na madalas na umaamo sa kanya sa tuwing nagmamaktol siya, ibinibigay ko ang lahat ng magustuhan niya kahit pa paborito kong kendi mapatahan lamang siya.
Ako ang tagapagtanggol niya.
Napakaespesyal ni Isabel para sa akin dahil sa siya ay espesyal din. May mga kamay siyang pinagpala na kahit simpleng lapis na pudpod ang gamit ay nabibigyang buhay ang bawat iguhit. Napakahusay ng kanyang mga kamay pagdating sa pagguhit ng kahit anong bagay. Ikinasisiya ko kapag iginuguhit niya ang aking mukha, kuhang-kuha niya ang detalye kahit pa walang tingin sa akin. Patunay lamang iyon na talagang ako lamang ang nag-iisang matalik na kaibigan sa buhay niya.
Ngunit sadyang ang lahat ay may hangganan.
Nang dumating kami sa edad na disisais ay kinailangan naming maghiwalay ng landas. Isinama na ako ng aking ina at lumuwas ng Maynila upang doo'y magpatuloy ng pag-aaral. Masakit man para sa amin ang maghiwalay ay wala kaming nagawa pareho kapag ambisyon na sa buhay ang pinag-usapan.
Ngayo'y halos limang taon na ang nakalipas mula noong ako ay lumisan sa Santa Cecilia. Halos limang taon na rin ang lumipas na wala akong balita kay Isabel.
Dahil simula nang ako ay umalis; doon na rin natapos ang lahat.
Nasaktan man ako ng labis ay nakalimot na rin sa pagdaan ng panahong walang ala-alang bitbit mula sa kanya, walang mga bagay na nakikita upang magpaalala ng aming pagsasama.
Ngunit hindi ko pa rin nakakalimutan ang maamo niyang mukha na minsa'y sumasagi sa aking panaginip, ang kanyang mga tawang nakakadala, at mas lalo na ang matatamis niyang salita kahit pa utal siya.
Si Isabel..
Kamusta na kaya siya?
__________
- ANG DALAGA SA KARINDERYA -
" Luisa, mabuti at maganda ang nakuha mong puwesto rito sa Santa Cecilia. Medyo may kalayuan nga lang sa atin. " sabi ni Elena habang nagwawalis.
" Maganda rito, para maiba naman. Puro na lang kasi mga taga-sa' tin ang nakikita ko eh.. Saka isa pa, ayoko kasi na pumupunta lang sila sa tindahan ko kapag magpapagamot.. " sagot ni Luisa.
Isang maliit na tindahan ang nabili ni Luisa. Malayo sa kanilang lugar kung kaya at magsisilbi na rin itong tahanan niya.
" Nagugutom na ako Isang, kumain kaya muna tayo.. May natanaw akong maliit na karinderya doon banda sa kanto. " aya ni Elena habang panay himas pa sa tiyan niya.
" Ate Lena naman, kabubukas pa lang natin e iiwan na natin agad ang tindahan. Paano kung may bumili?! " angal naman ni Luisa.
" At ano ginagawa ni Abel? Isang oras na nagpupukpok sa labas e 'di pa rin natatapos! Asan na ba 'yun?! Abeeeel?! " sigaw ni Elena habang nakapameywang pa.
Sadyang walang ipinagbago si Elena. Naroon pa rin minsan ang katarayan sa kanya.
Narinig namang agad ni Abel ang malakas na pagtawag ni Elena at sumagot ding agad.
" Ano ba naman?! Hanggang dito ba naman sumisirena pa rin 'yang bunganga mo! " sabi nito.
Agad siyang pinandilatan ng mata ni Elena. " Isang oras ka na halos diyan sa labas pero hindi ka pa rin tapos sa ginagawa mo! Estante lang naman 'yan e parang buong bahay na 'yang ginagawa mo! "
" Siyempre kailangan matibay! "
" Matibay?! Kamo panay lang ang tanaw mo sa babaeng nagtitinda ng turon diyan sa tapat! "
Kamot-ulo na lamang ang ginawa ni Abel at hindi na kumibo pa. Kahit kailan naman kasi ay hindi siya nananalo sa katarayan ni Elena.
" Dito ka muna sa loob at bibili lang kami ni Luisa ng pagkain, nakakahiya naman kasi sa 'yo baka gutom ka na! " pang-aasar pa ni Elena.
Natatawa na lamang si Luisa sa kanyang ate at kuya. Nasanay na kasi siya sa dalawang iyon na madalas talagang magbangayan.
" Sige kuya Abel, maiwan ka muna rito. Hindi naman kami magtatagal e! "
Matapos magpaalam ay umalis na ring agad ang dalawa. Naiwan si Abel na bantay muna sa tindahan.
***
Dalawang kanto rin ang kanilang nilampasan bago marating ang maliit na karinderyang sinasabi.
" Ito 'yun Luisa, ito 'yung nadaanan natin kanina. Tingin ko masarap ang pagkain dito. "
Isang maliit ngunit malinis na karinderya ang kanilang pinasukan. Walang masyadong kumakain kaya at nakakuha agad sila ng magandang puwesto.
Nang maupo ay agad lumapit ang matandang babae na tila ang may-ari.
" Ano po ang sa inyo mga binibini? " tanong nito.
Sandaling inilista ang kanilang mga inorder at saka pumasok na sa loob ng kusina.
Makalipas ang sampung minuto ay lumabas ang isang dalaga. Bitbit ang isang tray na may lamang kanin at ulam. Lumapit ito sa kanila at nagtanong.
" Sa- sa inyo po-po ba i-ito? A-adobo a-t pi-pritong manok? " utal na salita nito.
Ngumiti lang si Luisa at tumango. Inilapag na ng dalaga ang mga pagkain.
" Sa-sandali lang p-po at ikuku-kuha ko ka-kayo ng tubig. " muling sabi nito.
Habang naglalakad paalis ang dalaga ay tinitingnan pa ito ni Luisa.
Napansin ito ni Elena at nagtanong. " Kakaiba ang tingin mo sa dalagang 'yon a! May kakaiba ba sa kanya Isang?! May kaluluwa ba? " usisa ni Elena.
Natawa naman ang Luisa sa tinuran nito. " Aha! Grabe naman 'te, kaluluwa agad! "
" Bibihira ka kasing tumititig sa mga tao eh! "
" Nabibilib lang kasi ako sa mga taong tulad niya, sa kabila ng kapansanan ay hindi sila natatakot humarap sa buhay. "
" Mukha ba siyang may kapansanan?! Utal lang naman siya magsalita ngunit normal naman siya bukod doon.. " sabi ni Elena.
Muling lumabas ang dalaga at binigyan naman sila ng tubig.
" Ma-may ka-kailangan p-p-pa po ba ka-kayo? " tanong nito.
Umiling na lamang ang dalawa bilang tugon. At umalis na rin ang dalaga. Kumain na rin muna ang dalawa.
Habang kumakain ay pinagmamasdan ni Luisa ang serbidorang dalaga. Masipag ito at hindi tumatanggi sa lahat ng iutos sa kanya. Ikot doon at ikot dito ang ginagawa niya dahil sa nagsimula na sa pagdating ang mga kumakain. Kapansin-pansin ang tunay na kasipagang taglay niya.
Ngunit sandali pa at..
" Ay! Ano na naman 'yan Isabel?! " sigaw ng matandang babae.
Isang plato kasi ang bumagsak at nabasag. Natapon ang kaning laman nito.
" Tatlong plato na 'yan ngayong araw na ito! Wala ka nang sasahurin sa 'kin tandaan mo! " bulyaw ng matandang babae.
Hindi naman kumikibo ang dalaga habang inililigpit ang basag na plato.
Agaw-pansin sa mga kumakain ang pagbulyaw na ginawa ng matandang babae. Maging sina Luisa at Elena ay napatingin.
" Luisa, para nga talaga siyang may sakit sa isip. Kasi kanina ko pa napapansin na parang mali-mali siya, parang ako ba! " bulong ni Elena.
Nanatiling nakatingin si Luisa sa natataranta pang dalaga. Masinsil na tingin, tila sinusuri niya ang pagkatao nito.
Napansin naman ito ni Elena kung kaya at kanya itong tinapik. " Uy! Ano ba talagang meron sa babaeng 'yan Isang?! " tanong nito.
At nagsimula na ngang bumuka ang bibig ni Luisa.
" Kanina ko pa kasi nakikita ang isang magandang babae rin sa kanya, nasa isip niya lang ito habang panay ang kilos niya.. Tapos, sa tuwing tatawa siya.. Mukha ng isang batang babae ang nakikita kong nagpapangiti sa kanya.. " lahad ni Luisa.
Natigilan tuloy sa pagkain ang dalawa.
" Kaluluwa ba Luisa? " tanong ni Elena.
Umiling si Luisa at.. "Parang hindi e! Parang isang espesyal na tao lang na madalas niyang maisip. "
Nanatili silang nakatingin pareho sa aligagang dalaga habang panay pa rin ang bulyaw ng matandang babae.
Hanggang sa tila nawalan na nang ganang kumain at nagyaya na si Luisang umalis.
" Halika na 'te, ipabalot na lang natin ang mga natira at ibili si kuya Abel ng para sa kanya. "
Tumayo na ito at nauna na siyang lumabas. Lumapit naman si Elena sa matandang panay pa rin ang dakdak kahit pa maraming tao. Nanghingi na lamang siya ng plastik upang siya na lang din ang magbalot ng mga tira nilang pagkain.
Ngunit sadyang may kapilyahan talaga itong si Elena.
" Um! "
" Aray! "
Nang tumalikod kasi ang matanda ay pinilasan pa nito ng ilang pirasong buhok.
" Ano 'yun?! " nagtatakang tanong ng matanda.
Kumibit-balikat lamang ang pilyang si Elena at napapangiti pa nang tumalikod na.
Hanggang makaalis na ang dalawa ay dinig pa rin nila mula sa labas ng karinderya ang maingay na bunganga ng matandang babae.
June_Thirteen

Komento sa Aklat (115)

  • avatar
    Jhanmark Padilla

    thankyouuu po napakagandang story po ng binahagi at nabasa ko!🥰

    04/06/2025

      0
  • avatar
    Michael Lawingco

    sobrang ganda karugtong pala sya storya ng paslit

    15/11/2024

      0
  • avatar
    Lilibeth Gomez

    Ang ganda NG story

    09/10/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata