logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

LAILA'S CAGE

LAILA'S CAGE

Blue Fortes


CHAPTER 1.1

“DAMN!”
Iyon ang nanulas sa bibig ni Laila nang makarinig nang sunud-sunod na katok sa labas ng kuwarto niya.
Wala sana siyang balak na pansinin iyon kung hindi lamang dahil sa halos sirain na ng sinumang kumakatok ang pinto ng silid niya. At dahil sa ingay ay hindi na rin niya magawang makapag-concentrate sa pagsusulat.
Freelance writer si Laila sa isang malaking publication ng mga romance at gothic novels. Nagsimula iyon noong subukan niyang magpasa ng manuscript na siya mismo ang sumulat at makapasa sa evaluation. Laking tuwa pa ang naramdaman niya nang malamang maliban sa may posibilidad na maimprinta ang nobelang isinulat ay may kalakip pa iyong kabayaran.
Kaya, gayon na lang ang nararamdaman niyang inis nang mabulahaw siya ng ingay na iyon sa labas ng kanyang silid. Abala kasi si Laila sa pagsusulat ng panibagong kuwento na ipapasa niya sa naturang publikasyon.
“Sandali!” Malakas ang boses na sabi niya nang tumayo siya mula sa pagkakaupo sa harap ng mesa kung saan naroon ang nakabukas niyang laptop.
Mabibigat ang mga paang naglakad siya palapit sa pinto para buksan iyon. Wala na. Ang mga senaryo sa utak ko tumakbo na. Istorbong asungot kasi, aniya sa isip nang mabuksan niya ang pinto. Hindi na rin siya nag-abalang ngumiti pa nang makitang ang kapatid niyang si Louise ang nasa labas.
Nag-iisa at bunsong kapatid ni Laila si Louise. Sa mga hindi nakakakilala dito ay mapagkakamalan itong may pusong lalaki dahil sa kilos at pananamit ngunit alam ni Laila sa sarili niya na babaeng-babae ang bunsong kapatid. Babae ito sa puso at isip, hindi nga lang talaga sa kilos at salita dahil haragan ito kung bansagan ng kanyang mga tiyuhin. Mas matapang pa sa mga lasenggero at mas matikas pa pumorma sa mga tunay na lalaki, at mahilig pang makipagbasag-ulo sa mga bumabastos sa mga kaibigan nito.
“Ate,” malambing na tawag sa kanya ng kapatid. Pinamungayan pa siya ng mga mata.
Naku! Talaga naman, ano na naman kayang kailangan nito sa akin?
“Bakit? Ano’ng kailangan mo?” tanong niya habang magkasalubong ang mga kilay na tinititigan ito.
“Samahan mo ako.” Tunog nakikiusap na nag-uutos ang dating kay Laila nang sinabi ng kapatid. Hinawakan pa nito ang mga kamay niya na para bang siya na lang ang huli nitong pag-asa.
Lumalim ang gatla sa noo niya. “Saan?”
Kahit talaga kailan, pagdating sa kapatid niya ay hindi siya makatanggi kahit pa umuusok ang magkabilang tainga niya sa pagkaasar dito dahil sinira nito ang konsentrasyon niya.
Para namang batang tuwang-tuwa na napapalakpak pa si Louise, na akala ay papayag na siya sa gusto nito. Nang ganoong kadali. Paiiyakin muna kita tutal, sinira mo ang focus ko. Pasaway ka talaga.
“Doon kina Jenna. Birthday kasi niya ngayon, eh,” anito na kumikislap-kislap pa ang mga mata habang nagsasalita.
“Eh, bakit sasamahan pa kita? Kaibigan mo naman iyon ah?” tanong niya pa.
Humaba ang nguso ng kapatid niya habang nakatitig sa kanya. “Eh, syempre, Ate, kailangang kasama ka para payagan din ako nina Mama at Papa. Please?” Pakiusap nito na pinagsalikop ang dalawang palad na parang nananalangin at tumitig sa kanya.
“Ayoko,” maiksing sagot niya na lumabas na ng silid niya at dumiretso sa kusina para kumuha ng tubig. Sumunod sa kanya si Louise.
“Sige na Ate, payag ka na,” pangungulit pa nito.
Hindi niya lang ito pinansin. Bukod kasi sa gusto niyang asarin ito dahil nasira nito ang mood niya, ay hindi talaga gusto ni Laila ang nagpupunta sa anumang okasyon na maraming tao. Kahit pa nga family reunion nila ay hindi niya gustong pinupuntahan. Pakiramdam kasi niya ay hindi siya kabilang sa mga ito.
Laila feels like she is always an outcast or out of place in any places she was in. Hindi kasi siya maka-relate sa mga pinag-uusapan ng mga ito lalo na sa business, mga brands ng damit o sapatos kahit pa mga online games.
Wala rin siyang masasabing kaibigan niya dahil simula elementarya hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo ay naging mailap siya sa mga kaeskuwela. Kalimitan kasi sa mga iyon ay naaalala lang siya at nakikilala dahil mayaman siya at mataas ang scores sa mga exam. Lahat halos ng mga itinuring niyang kaibigan ay kaibigan lang siya dahil may kailangan sa kanya. Kaya naman simula noon ay natuto na si Laila na lumayo sa mga tao at huwag basta-basta magtiwala at makipaglapit sa kahit na sino. Mabait man sila sa kanya o hindi.
Nakapagtapos si Laila nang Bachelor of Science in Secondary Education Major in Filipino at kasalukuyan nagtuturo sa isang pampublikong paaralan gaya ng nais niya na hindi na nagawa pang tutulan ng mga magulang niya.
Ang gusto kasi ng mga magulang niya ay kumuha siya nang kursong may kinalaman sa business dahil mayroon silang clothing line na kilala na sa buong bansa. Ngunit naging matigas siya noon at nangatwiran sa mga magulang kaya walang nagawang hinayaan na lang ng mga ito ang desisyon niya.
At nang mangyari iyon, iyon ang kauna-unahang pagkakataon sa buhay ni Laila na nakaramdam siya ng kalayaan sa buong buhay niya.
Nagmula si Laila sa mayamang pamilya na tinitingala sa larangan ng negosyo. Maliban kasi sa clothing line nila ay mayroon silang iba pang business na nasa ibang bansa nakatayo dahil ang kanyang Papa ay isang Australiano at ang mama niya ang Filipina.
Silang dalawa ni Louise ay parehong ipinanganak sa Pilipinas. She is in her twenty-fourth year of her existence while her sister was just only sixteen.
“Ate, sige na pumayag ka na. Nakapangako kasi ako kay Jenna na pupunta ako at kasama kita,” sabi uli ng kapatid na naupo na sa isang silyang naroon sa kusina.
Naupo rin si Laila at ipinatong sa lamesa ang nakuhang pitsel ng tubig sa loob ng ref.
“Bakit kailangan mong sabihin sa kanya na kasama ako?” balewalang tanong niya saka uminom sa basong sinalinan niya ng tubig. Mukhang abala ang mga maids dahil wala ang sinuman sa kanila ang naiwan dito sa kusina, ah, pansin niya sa paligid.
Natahimik naman ito. Mayamaya ay yumukyok sa ibabaw ng lamesa. Mukhang dinadramahan na siya.
“Magtatampo ako sa’yo kapag di mo ako sinamahan,” anitong itinatago ang mukha.
“And so?”
Biglang nag-angat ng ulo ang kapatid at tumingin sa kanya na naghihinanakit. “You don’t love me anymore.”
“Brat,” aniyang kumuha ng saging na nasa ibabaw ng lamesa at binalatan iyon.
“I hate you, Ate!” ani Louise na parang mangingiyak-ngiyak na.
“And I hate you, too. Alam mo ba’ng sinira mo ang plano kong pagsusulat ngayon? Nandoon na ako sa senaryong binubuo ko sa utak ko, pero ano’ng ginawa mo? Nag-ingay ka. Kulang na lang sirain mo ang pinto ng kuwarto ko,” aniya na pinandilatan pa ng mga mata ang kapatid.
“Then, just continue on writing that scene later,” katwiran pa nito na nakabusangot. Naka-krus pa ang dalawang braso sa harap ng dibdib.
At siya pa talaga ang galit! What a life! Napapalatak na isinubo ni Laila ang natitirang piraso ng saging saka napailing.
“Paano? Paano ko isusulat iyong senaryong iyon kung wala na? Lumipad na? Tinangay na ng hangin? Dahil sa ingay mo kanina, pati iyong mga natirang mga salita at eksena sa utak ko, tinakasan na ako,” sabi pa niya sa kapatid.
“Ate,” tawag ulit sa kanya ni Louise. Mas malambing ang boses. “Ano’ng gagawin ko para mapapayag ka?”
“Umiyak ka muna. ‘Tapos papayag na ako.” Napangisi na lang siya sa sarili matapos sabihin iyon.
Para namang handa na ang kapatid, bigla itong umatungal ng iyak sa kusina dahilan para ang Mama nila na nasa ikalawang palapag ng malaki nilang bahay ay patakbong pumunta sa kinaroroonan nila.
“What happened?” nag-aalalang tanong ng Mama niya nang lumapit ito kay Louise.
Umiiyak pa ring sumagot ang kapatid niya. “A-Ate wants me to cry Mama that’s why I am crying.”
Nagtatakang nilingon siya ng ina. “And why is that, Laila?” kunot ang noong tanong nito sa kanya.
Nagkibit-balikat lang siya saka binalingan ang kapatid. “Nagpaalam ka na ba, Louise?”
Natigilan ang kapatid niya saka masama ang tinging sinulyapan siya. “You did it for a reason!” akusa nito sa kanya.
“Ang alin ba iyon?” parang napipikon nang tanong ng ina nila. “At ano ang ipapaalam mo sa akin, Louise?”
“Ikaw ang nag-aya Louise, kaya dapat ikaw din ang magpaalam. Huwag kang abusado,” sabi niya sa kapatid. “Inistorbo mo na nga ako, eh.”
Nakita niya ang ginawang pagpapapungay ng mata ng kapatid bago ito nagsalita. Napailing na lang siya.
“Aattend po kasi ako sa birthday party ni Jenna, Ma. Can I come? Kasama ko naman si Ate. Please, pumayag na kayo ni Daddy,” si Louise iyon, nagpa-cute sa Mama nila.
Their parents are strict in every way possible. Kaya naman kailangan nilang daanin sa charm o kaya paninindigan kung anuman ang hinihiling nila. Pero lahat iyon, madalas palpak. Kumbaga fifty-fifty ang chance na mapasagot ng ‘yes’ ang mga magulang niya, lalo na ang Daddy nila.
Binalingan siya ng ina. “Kasama ka bang talaga?”
Nanlaki ang mga mata ni Laila sa tanong nitong iyon. “Really, Ma? Papayagan mo siya? Hindi ba parang unfair─”
“Kasama ka naman niya. And I believe that you are going to make sure that she is safe. Plus, may bodyguards naman kayong kasama. Ako na ang bahalang magsabi sa Daddy mo. Isa pa, it’s Jenna. Anak siya ng isa sa mga investor ng Daddy ninyo sa isa sa mga negosyo natin kaya dapat lang talaga na magpunta kayo doon.” Matapos sabihin iyon ay hinagkan silang dalawa nito sa noo saka umalis sa kusina.
“It’s unfair,” bulong niya nang makaalis ang Mama nila. “You’re lucky Louise. You are really lucky that you have me,” aniya nang lingunin ang kapatid na ngiting-ngiti habang nakaupo sa silya paharap sa kanya.
“Yes Ate. I am lucky that I have you,” anitong tuwang-tuwa. “Sigurado ako na kung hindi ka kasama, kahit kasosyo pa iyan nina Daddy sa isa mga negosyo natin, hindi papayag si Mama. This is the first time that this thing happened.”
Napailing siya. “Yeah. Ano ang meron sa birthday ni Jenna?”
Nagkibit-balikat ang kapatid. “Ewan ko. Sige na, Ate Laila, maligo ka na. Magpaganda ka na din, balita ko kasi formal ang party. As usual.”
Nilingon niya ito at tinaasan ng kilay. “Formal as in gowns ang suot? Tapos pupunta ka? Seriously, Louise, ano ang meron sa birthday ni Jenna para mapag-suot ka ng gown? It’s not your type!”
Louise just giggled and smiled ear to ear. Bahagya ring namula ang magkabilang pisngi nito.
“Nandoon ang crush mo ‘no?” panghuhuli niya dito.
Agad namang nanlaki ang mga mata nito. “No! I mean, wala akong crush ‘no. Maligo ka na nga Ate, tapos tulungan mo rin akong mag-ayos,” mabilis na sabi nito saka agad na iniwan siya sa kusina.
Tatayo pa lang sana si Laila mula sa pagkakaupo nang bumalik ang kapatid at tinignan siya. Seryosong-seryoso.
“What’s wrong with you?” kunot-noong tanong niya.
“Mas maganda nga na kasama kita Ate para naman makalabas ka na d’yan sa hawlang pinagkukulungan mo sa sarili mo. To have your own circle of friends. And to find a man who will care and love you for the rest of your life. Di ka ba nabo-bore na dito ka lang palagi sa mansyon at sa public school kung saan ka nagtuturo laging nagpupunta?” Mahabang litanya nito.
Hindi siya sumagot. At pagkaraan ng ilang sandali na nanatili pa rin doon ang kapatid, ay tumayo na siya at direstong lumabas sa kusina para iwan ito doon.
I tried a lot of times, sis. Kaso, parang hindi ako belong sa mundong ‘to. I don’t like people here either, except from you, Mama and Daddy.
ASIWANG-ASIWA si Laila habang naglalakad sa malaki at malawak na kabahayan ng pamilya Villones habang suot niya ang isang blue tube long gown. Laking pasasalamat na lang niya na mahaba ang kanyang buhok na mas minabuti niyang hayaan na lang na nakabagsak sa kanyang mga balikat bagaman nakaayos iyon at bahagyang kinulot. Napapalamutian din ang ulo niya ng isang hair pin na hindi karaniwan dahil mayroon iyong mga tunay na dyamante.
Napabuntong-hininga na lang si Laila nang sa kanyang pagdaan ay marinig ang mga bulungan ng mga taong nadaraanan niya.
“Is she the daughter of William Smith?” tanong ng isang may katandaan ng babae sa umpukan ng mga ito na sinundan pa siya nang tingin.
“Iyong panganay na anak na nagtuturo sa isang pampublikong paaralan?” tanong pa ng isa sa mga kausap nito.
“Oh! So she is Laila Smith. I wonder why she chose to be a teacher on a public school. They have a lot of businesses, am I right? In addition to that thought, she is the first born, right?” sabi naman ng isang may-edad na ring lalaki na nakatitig lang sa kinakain nito at ni hindi man lang siya sinubukang tapunan ng tingin.
Mayamaya ay naramdaman niya ang pagkapit ng kapatid sa braso niya.
“Hey, Ate Laila,” si Louise iyon. “Huwag mo na silang pansinin. Inggit lang sila sa’yo kasi ikaw, nagawa mong sundin ang kung anuman ang talagang gusto mo. For sure, some of them or maybe all of them failed on that when they were young. Mga walang buto,” bahagyang nakataas pa ang kilay at dinig ang inis sa tinig nito.
Tipid na ngiti ang itinugon ni Laila sa kapatid saka patuloy na naglakad at nagpagiya dito patungo sa naka-reserved na raw na lamesa para sa kanila kasama ang ilan sa mga kaibigan nito at ni Jenna.
“Ate Laila, don’t mind them, do you?” si Louise na napansin pala ang pananahimik niya.
“I can’t help it. Lahat sila nakatingin sa akin,” aniya. Alam niya na halos lahat ng mga mata sa okasyong iyon ay nakatuon sa kanya lalo’t hindi pa naman nagsisimula ang programa para sa ika-labing-anim na kaarawan ni Jenna Villones, ang kaibigan ni Louise. Nararamdaman ni Laila ang bawat mapanuring tingin sa kanya ng mga mayayamang naroon at ang pagkuwestiyon ng mga ito sa pinili niyang lakaran na mundo.
Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang makihalubilo sa mga taong tulad ng mga ito. They are so boastful. And judgemental as well. Maliit na bagay ay pinalalaki ng mga ito na para bang ang mga tulad niya na pinili ang mas simpleng buhay ay hindi karapat-dapat o di kaya ay walang utang na loob sa kanyang pamilya.
“Mahirap pala magsuot ng heels, ‘no?” Narinig niyang sabi ni kapatid nang sa wakas ay makarating na sila sa table nila at makaupo pagkatapos nang parang walang katapusang paglalakad. Alam niyang idina-divert lang ng kapatid ang atensyon niya palayo sa mga mapang-uring tingin ng mga tao sa paligid niya.
“Masakit na ang paa mo?” nag-aalalang tanong niya dito.
Ngumiwi ang kapatid niya. “Kung hindi lang para kay Jenna hindi ako pupunta dito, Ate. Hindi lang iyong heels ang mahirap isuot. Pati itong gown. Paano kapag nagkanakawan tapos ito ang suot, paano tayo tatakbo? O kaya may rumble, paano ako gaganti ng suntok?” kunot-noong sabi pa ni Louise habang pasimpleng minamasahe ang mga binti sa ilalim ng mesa. Nakasuot ito ng isang pink long gown na ang magkabilang dulo ay nasa leeg nito kaya hantad na hantad ang maputi at makinis nitong likod. Itinali rin ng hairstylist na ipinatawag ng kanyang Mama ang buhok nito paitaas. Saka pinagsuot ng mamahaling mga alahas.
Mahinang natawa si Laila sa sinabi ng kapatid. “Hanggang dito, rumble ang nasa isip mo? Really Louise?” aniya na naiiling-iling pa.
“Eh, kasi naman Ate,” nakalabing sabi nitong lalo niyang ikinatawa. Ngunit ilang sandali pa ay nanahimik bigla. Sa pagtataka niya ay napansin niyang nanlalaki ang mga mata ng kapatid na nakatingin sa likuran niya.
Bakit kaya?
Puno ng kuryusidad na nilingon ni Laila ang likuran niya. And there, is a handsome man standing behind her and looking at them intently. Hindi. Hindi sa kanila nakatingin ito. Kundi sa kanya lang.
Tumaas ang isang kilay niya. Who is he?
At para namang nabasa nito ang laman ng utak niya na nagsalita ang lalaking nakangiti sa kanya at inilahad pa ang kamay sa harap niya. “Nice to meet you, future wife.”
“Nice to meet you─ what?” Is he crazy?

Komento sa Aklat (7)

  • avatar
    YuGabriel

    hi I love to read this coming Thursday ok lang

    18d

      0
  • avatar
    Rhydian Chan

    very noice

    06/11

      0
  • avatar
    EligarcoSetty

    very good

    05/07/2023

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata