logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 5

WITH all those swollened skin and tissues around the area, nagmukha siyang character sa pelikulang Avatar—sumingkit ang mata niya, lumapad ang nose bridge ng ilong niya, lumubo ang parteng malapit sa kanang pisngi niya and finally, may sinat siya.
            Iyon ang nagisingan ni Mutia makaraan ng dalawang araw. Akala pa naman niya okey na siya dahil parang namanhid ang pakiramdam niya sa tinahing sugat sa noo niya kahit paminsan-minsan ay kumikirot. Kaya sa pagkagulat niya nang makita niya ang kanyang transformation sa salamin, napatili siya kahit umagang-umaga.
            Lahat yata’y napasugod sa guest room at nadatnan siyang nag-e-emote sa ibabaw ng kama.
            “Ang pangit ko na. Ang pangit ko na…!” Hindi niya napigilan ang mapaiyak nang makita si Mommy Linda.
            Napatakbo tuloy ito na lumapit sa kanya. Agad siyang niyakap. Iminosyon nito sa mga napasugod ding kasambahay at ni Daddy Marlon na lumabas sandali. Ipina-lock ang pinto.
            Wala pang isang minuto, kumakatok na rin si Karl. “Mom, what’s wrong? Ano’ng nangyari kay Mutia?”
            “N-no. Huwag niyo po’ng bubuksan. Ayoko po’ng makita niya ako nang ganito.”
            “Sssh…Huwag ka nang umiyak, iha. Kailangan mo’ng tanggapin na sa malao’t madali ay mangyayari ito. Your body tries to actually heal itself. Proseso lang ang nangyari sa mukha mo. Mawawala din iyan,” alo ni Mommy Linda. Hinimas-himas nito ang likod niya.
            “Pero ang pangit-pangit ko pa rin,” nguyngoy pa rin niya. Talagang na-shock siya. Ang dating swan, naging ugly duckling. Baligtad.
            “Puwede ka naman dumito hangga’t gusto mo, iha.”
            “Mom!” kulit ni Karl sa kabila ng pinto.
            “Daddy, put that man away for a while, puwede? Hindi siya puwedeng makialam muna dito!” malumanay na sigaw ni Mommy Linda.
            May narinig tuloy silang nagtatalo sa kabila ng pinto bago nagsilayuan ang mga yabag doon.
            Sa loob ng isang linggo, banned si Karl sa guest room na kinaroroonan niya sa pakiusap na rin niya. Hindi rin siya lumalabas ng kuwarto. Delivered muna parati ang lahat ng kailangan niya. Dinalaw siya ni Dr. Pascua at kinompirma ang paliwanag ni Mommy Linda. Binigyan na rin siya ng gamot. Tiniis na lang niya ang sinat at sakit ng ulo. Kain, inom ng gamot, tulog. Iyon ang routine niya sa buong linggo na iyon. Si Erlyn ang tagahatid ng balita mula sa labas ng lungga niya.
            Sa ikawalong araw, okey na ang mukha niya pero may kunting singkit pa rin ang mga mata niya. Kahit paano, nakahinga na siya nang maluwag. Nang may kumatok sa naka-lock na pinto, akala niya si Erlyn iyon. Pero nang buksan niya, si Karl ang nabungaran niya roon na haggard-looking. Parang isang buwang nakipaglamay sa haba ng balbas nito.
            Napigil niya ng paghinga. Dagli ang ragasa ng emosyon sa damdamin niya. On impulse, bigla niyang niyakap ito. Pero nang matanto kung ano ang kanyang ginagawa, napapatili siyang bumitaw kaagad at tarantang ipininid ang pinto sa pagmumukha ng lalake!
 
“S-SANDALI!”
            Pero hindi siya naging maagap. Naisara na kaagad ni Mutia ang pinto sa mukha niya. Nang pihitin niya ang seradura nu’n, naka-lock na rin.
            And then, it hit him. Niyakap siya nito!
            “Yes!” Ngising-kabayo siyang bigla na napatalon sa ere. Those past days are pure torture. Pinipiga niya sa impormasyon sina Mommy Linda at Erlyn para i-update siya sa kalagayan ni Mutia. Pero dahil naiintindihan ng mga ito nang husto ang tinatawag na woman’s vanity, paihi lang ang nakukuha niya. Alalang-alala siya tuloy. Guwardiyado pa ng kasambahay nilang si Aling Myrna ang pinto ng guest room at walang takot siyang isinusumbong kay Mommy Linda kapag nagpipilit na papasukin siya nito tuwing dadalhan ng pagkain ang dalaga.
            But now, may milagro talagang nangyari. Hallelujah.
            Kay lalaki ang hakbang at abot-langit ang ngiti na nagtatakbo siya pababa ng hagdanan. Nang makita niya si Aling Myrna sa puno ng hagdan, bigla niya itong hinila saka isinayaw-sayaw.
            “Santisima!” reaksiyon nito na hindi malaman kung tatawa o hindi. “Ano ba’ng nangyayari sa’yong bata ka? Tama na at ang rayuma ko,” reklamo nito.
            Pero tawang-tawa lang siya na niyakap pa ito at hinalikan sa pisngi. Napasugod ang mga magulang niya mula sa verandah nang mapansin marahil ang komosyon sa loob.
            “Ano’ng nangyari?” takang-takang tanong ni Mommy Linda.
            But he charged right on them. “Mom, she hugged me. She hugged me! At hindi ako nananaginip lang sa lagay na ito, ha? Read my lips: she-hugged-me!” Halos maalis na yata sa hugpungan sa ginawa niyang pagyugyog sa kaliwang kamay ng mommy niya.
            Napatawa na rin tuloy ito. Nahawa na ito sa excitement niya. “Sino?”
            “Ang diyosa sa guest room!”
            Nagkatinginan bigla ang mga magulang niya.
 
“GISING ba talaga ako?” Tila loka-loka’ng tanong ni Mutia sa kanyang repleksiyon sa salamin matapos hilamusan ng malamig na tubig ang mukha. Kinurot pa ang sarili. Noon niya natanto na talagang gising siya. Anlabban, the Isnag deity who looked after the welfare of the people, might be smiling at her. “So, it’s for real. Niyakap ko siyang talaga!” Nasapo niya ang noo. Umalis na lang tuloy siya sa harap ng salamin at dumako sa balcony.
            Ano na ngayon ang iisipin ng lalakeng iyon? Napahinga siya nang malalim.
            Uy, gumaganda ka na kaya ulit. Keri na! tila may nagbubulong sa kanya.
            Sukat doon, bigla na din siyang napahagikgik.
 
KINAHAPUNAN tamang nagbibihis siya pagkatapos niyang maligo nang katukin siya ni Aling Myrna.
            “Pasok po. Bukas po iyan,” yaya niya. Pumasok nga ito pero may tangang pumpon ng sari-saring bulaklak na nakaayos. Bigla tuloy na natigil sa ere ang suklay nang doon siya napatingin.
            “Para sa iyo, iha,” kinikilig na saad nito sabay abot sa kanya ang bulaklak. Ngiting-ngiti.
            “Salamat po. Kanino po galing?” Sinamyo niya iyon. Lutang ang amoy ng peace lily; mabango at masarap sa ilong.
            “May card, iha,” nguso nito sa isang panig ng bouquet. “Sige, lalabas muna ako.”
            “Sige po,” aniya na agaran nang tinignan ang card. Gaya ng naisip niya, galing nga iyon kay Karl at iniimbita siyang magsimba daw sila mamayang bandang alas-tres. Dagli tuloy siyang napatingin sa alarm clock, thirty minutes before three ang nakasaad doon.
            Agad siyang nagpasya.
           
“KUNG puwede siguro’ng buksan ang dibdib ko, makikita mo kung gaano ako kasaya ngayong kasama ka. Salamat,” iyon kaagad ang namutawi sa labi ni Karl nang sabay silang maupo ni Mutia sa upuan ng simbahan. Nasa panghuli silang upuan. Ang totoo, hindi siya nagdasal. Para siyang pusang nakalulon ng isang buong ibon sa kakontentuhan habang nakatingin siya kay Mutia kaninang nakaluhod sila.
            “No, don’t. Dapat nga ako ang magpasalamat sa’yo sa pag-iimbita mo sa akin at doon na rin sa bulaklak. Hindi araw-araw na nangyayari iyon. I appreciate it a lot,” may ngiting sagot nito na lumingon sa kanya.
            “Wala iyon. I can do it everyday kung gusto mo.”
            Umiling ito. “Huwag kang mangako. While fate has so much in its hand, maaari ka pa ring paglaruan to check you out.”
            “Ang lalim nu’n, ah. May pinaghuhugutan ka siguro.”
            “Ganu’n lang naman ang buhay. Things come and go. Even people. And you’ll learn from there.” Doon ito huminga ng malalim kasabay ng pagtudla ng tingin sa altar. Lumamlam ang ekspresyon nito. Something in his guts told him that she was hurting.
            Parang natural lang nang gagapin niya ang kamay nito at pinisil iyon upang iparating dito ang pakikiisa anuman ang nararamdaman nito. Lumingon ito sa kanya. And then, a tear fell.
            Bigla niya tuloy itong nayakap. “Let it out. I will be here.”
            “I-isang araw, malalaman mo rin. At kung hindi man—“
           “Ssshh…Naiintindihan ko.” Lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap dito at hinayaan ang tahimik nitong pag-iyak.
            ‘Di naglaon, nakayakap na rin ito sa kanya.
             
IT felt so right. Iyon ang pakiramdam ni Mutia habang yakap siya ni Karl. Wala siyang nararamdamang malisya kahit nang ilang beses siyang hinaplos-haplos sa likuran at hinalik-halikan ang ituktok ng ulo niya. Napapalagay lang ang loob niya roon.
            At ngayong yakap niya ito, pakiramdam niya’y dati na nila iyon ginagawa kaya kahit kunti ay hindi man lang siya naasiwa. It was only later on nang mag-subside na ang emosyon niya saka niya nadama iyon. Tuloy, nahihiya siyang kumalas dito.
            “I-I’m sorry. Nabasa tuloy ng isang timbang luha ang damit mo.” Sinikap niyang magbiro kahit luhaan ang mukha.
            Ngumiti lang sa kanya ang lalake. “Okey lang.” Tumayo na ito. “Come on. Pasyal muna tayo sa gilid ng dagat. At this hour, hindi na masakit sa balat ang init ng araw. Mag-e-enjoy ka roon.” Hinawakan nito ang kamay niya at halos hilahin siya palabas ng simbahan. Sa pagtataka niya, Harley Davidson motorcycle ang nilapitan nila.
            “Hindi ko alam na mahikero ka na din, ha? Saan na napunta ang SUV mo?” nakangiting tanong niya. Iyon kasi ang sinakyan nila kanina papuntang simbahan.
            Natatawang lumulan ito sa motor at pina-start iyon. “Kay Derrick ito. Iyong isa ko pang pinsan. Tineks ko kanina habang hinihintay kita para makipagpalit.” Saka ito tumitig sa kanya. Naging seryoso ang anyo “Gusto ko’ng malapit ka sa akin. Iyong magkadikit tayo. Okey lang ba sa’yo?”
            “O-oh…” Hindi niya mawari kung ano ang dapat niyang maramdaman. Pero alam niyang may tuwang-tuwa kahit na nakakulong iyon sa dibdib niya. At kumakaba naulit iyon ngayon. Gumuhit sa gulugod niya ang nakakakiliting sensasyon na hindi niya alam na posible din pala niyang maramdaman! Kung corny na iyon, nasa kanya na ang korona.
            “Mutia…?” untag nito sa kanya.
            “I-it’s okey.” Goodness, gracious. Ang haba ng buhok mo, Lola! Tila may kumakantiyaw sa kanya. Pero hindi na lang niya iyon pinansin na sumakay na rin nang pahalang. Iniyakap niya ang isang kamay sa baywang ni Karl habang ang isa’y kumapit naman sa pasimano ng upuan.
            Nang matiyak naman ng lalake na okey na siya, pinaandar na din nito iyon ng tuluyan. Pagdating nila sa baybayin, malapit nang magtago ang araw sa gilid ng bundok na tumatanghod sa dagat kaya anag-ag na lang ang nakasilip nang husto doon. Palibhasa tag-ulan na at minsan-minsan na lang kung maganda ang panahon na gaya ng araw na iyon. Itinabi lang ni Karl ang motor sa gilid ng Claveria Beach Boulevard at sabay na silang naglakad pahantong sa dalampasigan. In companionable silence, sabay pa silang nag-alis ng kanya-kanyang sapin sa paa at parang natural lang din nang magkahawak-kamay silang naglakad sa parteng abot ng dila ng alon.
            Napapangiti siya mayamaya kasabay ng pagsulyap sa lalake. “It felt good. Ang gaan-gaan ng pakiramdam ko. Ang simpleng mga bagay talaga, kung marunong kang mag-appreciate, mas may dating pang di hamak kaysa mga bagay na tinatapatan ng halaga.”
            “Iyan din ang nararamdaman ko ngayon,” nakangiti ding ayon nito matapos siyang sulyapan bago ulit tumingin sa malayo. “Nadinig mo na ba ang istorya sa likod ng mga stone formations doon?” turo nito sa dako’ng hilaga.
            “Minsan. Pero hindi masyadong maliwanag,” sagot niya na dumiretso ng tingin sa sinasabi nito. Nakatayo ang mga stone formations sa tabi na mismo ng dagat. “Curious nga din ako roon. Ikaw, alam mo?” lingon niya rito.
            “Oo naman. Ang tawag diyan dito ay Apo Lakay-lakay at Apo Baket-baket. May anak pa sila pero nakahiwalay sa kanilang dalawa. Nandoon siya sa D. Leaño Beach,” turo naman nito sa dakong silangan, “at tinatawag namang Apo Ubing-ubing.”
            “Ano’ng nangyari?”
            “Ayon sa kuwento, dati daw mahirap ang pamilya ng mga ito pero yumaman sila dahil sa pangingisda. Iyon nga lang, naging masama ang kanilang ugali simula noon. Naging mapangamkam. Dumating sa punto kung saan may isang matandang babae na nagpapatulong sa ina ng tahanan at humihingi sa kanila ng pagkain. Bukod sa walang nangyari sa pagmamakaawa niya, pinalayas pa. Kaya sinabi nito na may hindi magandang mangyayari sa pamilya nito. Kaya ayon, sa sumunod na araw, pinatatawag ng ginang ang asawa nito sa anak para kumain na pero walang bumalik kahit isa sa kanila…” Tumigil ito bigla. “Baka pagod ka na sa kalalakad natin. Upo muna tayo.”
            “Sige.” Inalalayan siya sa pag-upo. May sumirit na naman kaya dagli siyang napaupo sa buhanginan at patay-malisyang lumayo ng kunti. “I-ituloy mo na.”
            Ngumiti ito na nagkuwento ulit. “Iyon nga, hindi na bumalik ang asawa at anak. Hanggang sa ito na ang kusang naghanap pero wala. Napansin na lang niya ang isang bato na anyong-tao sa dalampasigan. Doon niya na-realize na iyon ang asawa niya. Sumumpa ito na kahit sa anong paraan ay babawiin niya ang asawa at anak. Hindi pa siya tapos sa pagsasalita, ito naman ang naging bato. And finally, naganap nang buong-buo ang sumpa ng matandang babae.”
            Napatango-tango siya. “Ganoon pala iyon. Greed can really cause your own downfall kung hindi ka nagiging maingat.”
            “Sinabi mo pa.”
            “Kung papalaring mananalo akong alkalde sa amin, isusulong ko nang husto ang accountability and transparency. Matagal na rin na inaakusahan ng namayapa ko’ng lolo na corrupt daw siya. Pero kahit kailan, wala silang mailabas na pruweba. Gawa-gawa lang iyon ng mga kalaban niya sa pulitika. Sa tingin ko, hindi naman marumi talaga ang pulitika. It’s just the politician who actually make it dirty.”
            “Ikaw na, Mayora!” bigla nitong sabi na sinabayan ng pagkiliti nito sa kanya. “Sana dadami pa ang lahi mo.”
Inirapan niya ito sabay iwas sa pangingiliti nito. “Pero mukhang mabubulilyaso pa yata. Ayon sa sarbey, mas pabor daw ang mga kababayan ko na may asawa na ang mamumuno sa kanila.”
Napatingin ito sa kanya nang kung ilang sandali kaya bigla siyang nag-iwas ng tingin at itinutok iyon sa dagat. Sa gilid ng kanyang mga mata ay nakita niya itong umiling. “Pag ba may asawa na, nagiging mas madali ba ang trabaho ng isang alkalde? I don’t think so. It is how you perform the job well and do things for the common good.”
“Iyan din ang katwiran ko. Sa ngayon, gusto ko’ng isipin na pinapahalagahan nila ako. Na nais nilang maging masaya ako.”
“A happy mayor makes a happy town,” he concluded.
“Ayaw ko’ng mag-asawa nang labas sa pag-ibig ang dahilan,” katuwiran niya na ngumuso pa.
Doon na natigilan si Karl.
 
“MUTIA?”
“Hmmm…” Nabitin sa ere ang paglalagay niya sana ng dried chili at dahon ng suha na hiniwa ng pinong-pino na isasahog niya sa nilulutong pinalatan, isang spicy Isnag cuisine. Wala naman sana siyang balak magluto niyon pero bigla niya kaninang nasilip ang laman ng freezer nang magkamali siyang buksan iyon sa pag-aakalang pinaglalagyan doon ng container ng malamig na tubig dahil nauuhaw siya. May tumitigas doong laman-loob ng baboy particular ang intestine at atay and the inspiration just clicked in right there and then. Nang sabihin niya iyon kay Karl, agad-agad ang pagpayag nito kaya kapwa na silang nakaharap sa mesa at tulong-tulong na inihanda ang kakailanganin niyang ingredients. She looked at him inquiringly.
            Malamlam ang mga mata nitong tumitig sa kanya kaya bahagya siyang napakurap and tried to avoid his eyes only to looked at him again. “Salamat.”
            “Para saan?”
            “Oh…” Napaisip ito. “For being with you, I guess. And those spontaneous things we did together kanina. I’m just so glad I shared it with you. Are you as happy as I am?”
            Itinago niya ang pagngiti sa pamamagitan ng pagbaling ng tingin sa niluluto at tuluyang inilagay ang isasahog. “Siguro. Bakit?”
            “I like how you smile and laugh. Pero parang may kulang.”
            Nawala ang ngiti niya. Natitigilan tuloy siyang napaharap ulit dito. “A-Ano ang ibig mo’ng sabihin?”
            Bumuntong-hininga ito na naniin sa ibabaw ng mesa matapos umupo sa stool. “Hindi ko alam kung bakit ganoon ang dating nu’n sa akin but you are holding back. Iyon ang nararamdaman ko dito.” Itinuro nito ang tapat ng puso. “Bakit ganoon? May maitutulong ba ako?”
            Bago pa niya natanto, pigil-pigil na pala niya ang paghinga sa deklarasyon na iyon ng kaharap. My God, ganoon ba siya ka-halata sa lalakeng ito? Iniwasan tuloy niya ang mga mata nito. Parang gusto niyang maliyo na unti-unting pumihit paharap sa niluluto niya. Kumuha siya nu’n at tinikman. Papalutong na ang pinalatan. Ramdam niya ang anghang. “H-Here. Tikman mo.” Lumapit siya sa kinauupuan nito.
            “W-What…?” He was surprised.
            “Tikman mo. At sabihin mo sa akin pagkatapos kung sobrang maanghang o hindi,” agap niya sa sasabihin sana nito.
            Kita ni Mutia ang pagdadalawang-isip ng lalake; nahihiwagahan. Pero kumuha na rin sa nasa sandok. Isinubo nito iyon at ngumuya. “Just enough.”
            Tumango siya. “Ganyan ako noon. I am never spicy. Ni hindi ko nga naisip na ikumpara din ngayon ang sarili ko sa niluluto ko ngayon. But I did it anyway.” Bumalik siya sa harap ng lutuhan at hininaan ng kunti ang apoy bago niya ulit ito hinarap. “Sanay na din akong kumain ng ganito. Pero hindi ako magluluto ng sobrang anghang kung sa bandang huli, ayaw ko ring titikman. If I dare do it, I also betrayed my own self. Ganoon ang tingin ko sa ginawa ng mga magulang ko sa akin. Nu’ng iniwan na lang ako at sukat, it felt enough of a betrayal that I learn to hold back. Tapang-tapangan ang peg. At itong pinalatan na ito, it showed something about me. Timplado pa rin—tamang luto, may tamang anghang, hindi mapait dahil hindi rin naman nasunog. You taste the goodness of the crunchy meat. Yes, it is good. Sa katotohanan nga lang nu’n, pisak na ako.
            “Bata pa ako noon nang mangyari iyon. Marami akong naging hinanakit at katanungan sa mundo. Nakakatakot din pala ang walang magulang. You battled your own demons on your own. Buti nga, mapagmahal ang lolo at lola ko. Inuunawa ako. Pinapahalagahan ako. Itinatangi. Pinapasaya. So, with enough guts and willpower, I tried tooth and nail to fight back still and become what I am today.”
            Napatango-tango ito. “Pero nahihirapan ka pa ring intindihin ang lahat dahil may kahungkagan nang naiwan sa dibdib mo sa pangyayaring iyon.”
 Hindi iyon tanong kundi konklusyon kaya bigla siyang napatingin kay Karl. Pang-unawa ang nakasulat sa buong mukha nito. The tenderness was enough to make her eyes misty. She was touched.
Tumango siya. Kasabay nu’n ang unti-unti nang pagsargo ng emosyon niya. Agad niyang ini-off nang tuluyan ang niluluto sabay takbo sa pinto ng kusina at doon pinakawalan. Iglap, sinundan siya nito at niyakap. “J-just enough spicy. Just enough. And I will try to keep it that way. I have to. Kung hindi, lalo lang akong mamumuhi sa kanila. Kung ganu’n ang mangyayari, baka hindi ko na rin maramdaman sa puso ko ang pagpapatawad sakali mang dumating ang panahong iyon.”
“Ssshhh…it’s okey. It’s going to be okey.”
 
HINDI alam ni Karl kung gaano sila katagal sa ganoong posisyon. Ang maliwanag sa kanya ay ang kaalamang sinusubukan ni Mutia na paghilumin ang sarili subalit nagnanaknak pa rin ang sugat hanggang ngayon. Dama niya sa dibdib ang kagustuhang makasama ito on her healing process. Hindi na siya nasorpresa sa pag-amin niyang iyon sa sarili. Aminado naman siya na una pa lang niya itong nasilayan ay may nabuo nang damdamin niya para dito. Iyon ang paliwanag niya sa nararamdaman niyang iyon. Holding her close to his heart felt right.
            Nang bigla na lang may maramdaman siya sukat para siya mapangiti. “Mutia…?”
            Dama niya ang pag-aatubili nito nang kumawala ito sa kanya. Nagtatanong ulit ang mga mata nitong tumingin sa kanya.
            Ngumiti siya ng mas maluwag. “Nagugutom ka na, ‘no? May nagrerebulosyon habang yakap-yakap kita.”
            Umingos ito. “So, naramdaman mo rin!” Pero natatawa na itong tuluyang kumawala sa kanya. “Gutom na ako, eh.”
            “’Lika, ikain na nga lang natin total mukhang abutin pa tayo ng siyam-siyam kung hihintayin natin sina Mommy.”
            Pero sa gitna ng pagkain nila, natigilan din siya nang mapansing mukhang hindi naman yata ito kumakain.
            “O, kain na. Baka mukhang lasing na ang mga alaga mo diyan sa gutom.”
            Nangiti itong muli. Tuloy napatitig siya sa mga labi nito. The pull was so great he have to look away at agad-agad siyang uminom ng malamig na tubig.
            “Loko-loko. But really, Karl, I’m just thankful.”
            “Hey, linya ko ‘yan, ah. Pero okey lang. May mga pagkakataong kailangan mo’ng umiyak minsan talaga hindi dahil mahina ka at sumusuko na. Kundi iyon lang ang tanging paraan para mapakawalan ang bigat ng damdamin. So that when we are spent and calm enough, we already build up the momentum to face the fight again. You are a strong woman, Mutia,” he said seriously.
            “Idiin mo pa.”
            “Na ano?”
            “Na matibay ako. Kailangan ko ng lahat ng kapositibuhan na maaaring ibigay sa akin ang deklarasyon mo’ng iyan. Low bat ako sa ganyang bagay sa ngayon.”
            “What’s in it for me?”
            “Sabihin mo muna.”
            “All right. You are a strong woman, Mutia. You are. Believe it, okey?”
            Sa pagkabigla niya, tumayo ito agad at nilapitan siya. Walang sabi-sabing hinalikan siya sa pisngi at namimilyang iniwan na lang siya roon!
 
 
 
 

Komento sa Aklat (8)

  • avatar
    Gianna Sta Maria

    Must read

    17/07

      0
  • avatar
    r Yn

    Kakdjvjdjskdkfkfkffkfkfkfkfkfjfjfjfjfjfjfjfjvvmcmcmcmcmcmcmcncncncc sndjfjcj jsjfjcv jsjdjf

    21/06

      0
  • avatar
    JoevedJoeven

    nice

    27/11

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata