logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Dumito Ka Muna

DAPAT AY marami talaga siyang gagawin ngayon sa hasyenda. Ang isang Mateo Do Suarez ay laging abala sa pagpapayaman at pagpapalago ng kanyang mga nasasakupan at pag-aari. Ngunit heto siya ngayon at prenteng nakaupo sa malawak niyang sala habang pinagmamasdan ang isang babae na abala naman sa paglalampaso ng kanyang sahig.
Habang pinapanuod niya ito na masipag na naglilinis sa kanyang kabahayan ay nananariwa sa kanyang ala-ala ang mga eksena nang nagdaang gabi.
Inimbitahan siya ng isa sa mga trabahador niya sa hasyenda para sa kaarawan nito. Masyado nang malalim ang gabi nang mapaunlakan niya ang imbitasyon ni Mang Harold. Marami kasi siyang tinapos na papeles at hindi niya namalayan ang paglipas ng oras. Kung hindi pa siya i-ti-next ni Mang Harold ay hindi niya maaalala na kaarawan pala nito at may kaunting pagsasalong magaganap sa tahanan nito.
Kaagad siyang nagtungo sa bahay kung saan may kasiyahan kahit pa nga dis-oras na ng gabi. At isang lasing na babae ang bumungad sa kanya.
“Anong nangyayari dito?” Tanong niya sa mga kabataan na nakapalibot sa isang mesa.
Si Jeff ang sumagot sa kanya. “Bisita po ni Lola Henaria, Boss. Nakarami na po ng inom.”
Tinignan niya ang tulog ng babae at kaagad niya itong nakilala.. Ito ang eskandalosang babae na nakasabay niya sa bus nang nagdaang gabi. Nagtungo siya ng Maynila dahil kinailangan siya sa negosyo niyang naka-base doon. Kaagad rin naman siyang bumalik ng Ganduyan dahil mas kailangan siya ng kaniyang hasyenda.
“Ihahatid na po namin diyan sa kabilang bahay, Boss.” Prisinta naman ni John at nagyaya pa ito ng ibang kasama para umalalay sa babae.
“No. Ako na ang maghahatid sa kanya.” Pagtutol at wika niya. Tsaka na niya itatanong sa sarili kung ano ba ang nakain niya at nagawa niyang magprisinta para ihatid sa kabilang bahay ang lasenggerang babae. Natural na hindi na makakapalag pa sila John dahil siya ang boss at ang bawat salita niya sa loob ng hasyenda ay batas.
Binuhat na niya ang babae at patungo na siya sa kabilang bahay.
Hindi pa man niya nailalapag ang tulog na babae sa salas nila Lola Heneria ay sinalubong na siya ng buong pamilya nito. Lahat ay may bitbit na mga gamit at sa sasakyan ng mga ito na ang tungo. “Ano hong nangyayari?” Tanong niya kay Mang Nestor na manugang ni Lola Heneria.
“Boss, naghihingalo na po kasi si Tiyo Henrico at hinahanap nito si Nanay Heneria. Kailangan naming makaluwas kaagad ng La Union.” Imporma nito.
“Sige, mag-iingat ho kayo.”
“Mateo, Iho, ikaw na muna ang bahala kay Eilaine. Iiwan nalang muna namin ang bahay. Doon sa silid ko na lang muna siya ihiga. Ang bag niya ay nandodoon rin. Salamat, Mateo at pasensya ka na sa abala ng batang iyan. Palampasin mo nalang at may matindi iyang pinagdaraanan sa buhay.” Bilin ng matanda bago ito sumakay ng sasakyan.
Dinala na nga niya ang babae sa silid ng matanda at maayos na inihiga roon. Paalis na siya nang hilahin nito ang laylayin ng kanyang damit.
“Shaan ka pupunta?”
“Sa bahay ko.”
“Dito ka lang. Wala akong kashama.”
“Wala akong pakialam sa’yo. Hindi kita kilala.”
“Magpapakilala ako. Ako shi Eilaine hik! Diaz Shamonte. Ayan kilala mo na ako. Kaya huwag hik! Huwag mo na akong iwan.”
Mapupungay ang mga mata ng babae. Halatang lutang ito sa alak. “Lahat nalang iniiwan ako. Yung mga totoo kong magulang, iniwan ako sa shimbahan. Taposh yung hik! Nakapulot sha aken iniwan na ren ako. Mag-isha nalang ako!” Tumatangis na ang babae. Nagulat tuloy siya. Hindi niya inaano ang babae para umiyak ito ng ganun kalakas. Eskandalosa talaga kahit kailan.
“Matulog ka na. Alak lang ‘yan.”
Ngunit nagpatuloy lamang sa pagpalahaw ng iyak ang babae. Kailangan na niyang bumalik ng mansion at wala na siyang ibang pagpipilian kung hindi ang isama na lamang ito.
“Sige na, tumahan ka na. Hindi na kita iiwan.”
“Talaga? Hindi mo na iiwan si Eilaine Diaz Samonte?” Sumisinghot-singhot na tanong ng lasing na babae. Tumigil na nga ito sa pagpalahaw ng iyak.
Muli niyang binuhat ang babae at isinakay na sa kanyang kotse. Bitbit rin niya ang malaki nitong backpack. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang pahabain na lamang muna ang pisi ng kanyang pasensya.
Naisip rin niya na delikado ang maiwan ito nang mag-isa sa loob ng bahay na iyon. Bagama’t ligtas naman sa loob ng kanyang hasyenda ay iba pa rin ang ibayong pag-iingat. May itsura pa naman ang babae at kahit sino ay maaaring mademonyo dito lalo pa at makinis ang kutis nito, may katangkaran at balingkinitan pa ang katawan.
Hindi pa man siya nakakarating ng mansyon ay bumulwak ng suka ang babae sa loob ng kotse niya. Nagpipigil siyang mapasigaw sa inis at galit. Naikuyom niya nang mahigpit ang palad.
“Eilaine Diaz Samonte!”
NAG-IINGAY na telepono ang nagpabalik sa kanyang diwa. Natigil ang pag-alala niya sa mga nangyari nang nagdaang gabi. Telepono pala iyon ni Eilaine na nakapatong sa ibabaw ng grand piano. Kaagad na kinuha iyon ng babae para sagutin.

“Hello, Airishdane. Bakit ka napatawag? Unli ka ba?” Bungad nito sa kausap. “Ano?!” Tila gulat na gulat nitong tanong sa kausap. “Bakit? Anong ginagawa ni Aling Liza diyan sa dorm? Hala? Bakit siya may dalang abogado?”
Hindi mapakaling naglakad-lakad ang babae habang kagat-kagat nito ang kuko. “Grabe naman siya. Kulong agad. Magbabayad naman ako ah. Uuwi na ako bukas. Tsaka na kamo kami mag-usap. Eh? Bakit hindi pa ako pwedeng umuwi? Wala na akong pera dito. Maghahanap pa ako ng mararaketan pag-uwi ko.”
Natahimik sandali ang babae at tila ba may malalim itong iniisip habang matamang nakikinig sa kausap. “Paano ko gagawin ‘yon?”
“Ano?! Sumugod rin siya sa opisina? Sige na, ba-bye. Tatawag ako sa trabaho. Salamat ha.” Ibinaba na ni Eilaine ang telepono at lumapit ito sa kanya.
Tila nag-panic naman ang kanyang loob at hindi alam ni Mateo kung papaano aasta na kunwari ay wala siyang narinig at kunwari ay wala siyang pakialam. Nagbasa siya kunwari ng peryodiko.
Inilahad ni Eilaine ang palad sa harapan niya. “Pahiram ng telepono mo. May tatawagan lang ako. Emergency lang. Mamaya na natin pag-usapan kung paano ako magbabayad ng load.”
Kaagad naman niyang iniabot ang telepono sa babae.
Nag-dial ito roon ng mga numero at maya-maya lang ay may kausap na ito. “Hello, Madam. Good afternoon. Si Eilaine po ito. Pasensya na po kayo kung nagpunta diyan sa opisina si… Ho?! Hala. Bakit naman tanggal kaagad? Hindi ba pwedeng suspension o forced leave nalang muna? Kailangan ko ho ng trabaho.”
Muli ay natahimik ang babae na tila matamang nakikinig sa kausap. Maya-maya lamang ay wala na sa tainga neto ang telepono niya. Nanlalambot na napaupo ito sa tabi niya at napatulala. Tumingin ito sa kawalan. Mukha tuloy itong namatanda.
Sunod-sunod na pagpatak ng mga luha ang dumaloy sa magkabilaang pisngi ng babae. Gusto niyang punasan iyon ngunit pinigilan niya ang sarili.
Ito na mismo ang nagpunas ng sariling mga luha gamit ang palad. “Papa Lord, grabe Ka po. Wala na nga akong trabaho tapos makukulong pa ako. Ano na ang gagawin ko sa buhay ko ngayon? Magbibigti na po ba ako?”
Binato niya ng throw pillow sa ulo ang babae. Sa tingin niya ay malaki na nga ang problema nito ay nagagawa pa nitong magloko. “Tumigil ka nga sa kalokohan mo.”
“Aray naman!” Reklamo nito habang hawak ang bumbunan. “Ikaw ba naman may sunod-sunod na problema, ano pang solusyon ang maiisip mo?”
“Dahil lang sa problema sa pera, buhay na kaagad ang naiisip mong kapalit?”
“Easy for you to say because you have it.” Seryosong tugon ng problemadong babae. “Sana lahat mayaman kagaya mo.”
Nag-iba ng tingin ang babae at tila nagpahid ng papatulong luha.
Oo nga naman. Kahit kailan ay hindi niya naging problema ang pera.
Medyo na-guilty siya.
“Simula nang magkasakit ang taong umampon sa aking hanggang sa mamatay siya, wala nang dumating sa buhay ko kundi puro problema. Hindi naman sa nagrereklamo ako ha. Kasi naniniwala naman ako na yung mga problemang kinakaharap natin ang siyang magpapatibay sa atin.” May punto ang babae.
“Pero kapag sunod-sunod na, laging Option 1 ang pagsuko na lang. Pero siyempre at the end of the day, life is still beautiful kaya laban pa rin. Tapos idadaan na lang sa joke para kahit papaano ay gumaan ang bigat ng damdamin.”
Hindi na siya nagsalita. Mukhang kailangan lamang nito ng makikinig sa mga hinaing nito sa buhay. Kaya’t hinayaan na lamang niya itong magsalita nang magsalita.
“Matapos ko lang talagang bayaran lahat ng utang ko, sisimulan ko nang magpayaman ng bonggang-bongga. Yung kagaya ng sa’yo. Yung sobrang OA sa yaman. Magpapakalayo-layo ako. Doon sa lugar na walang nakakakilala sa akin bilang ‘Utang Queen’ tapos mamamalakad rin ako ng sobrang lawak na Hacienda. ”
Pinilit niyang huwag mapailing sa mga pinagsasabi ng babae.
“De, joke lang. Ayoko ng sobrang yaman pala. Gusto ko lang yung walang utang. Tapos simpleng pamumuhay lang basta sustainable living. Iyong hindi ako magugutom at laging may pera. Simpleng bahay lang din ang gusto ko. Ayoko nang ganito kalaking mansyon. Ang hirap linisin tapos mag-isa lang ako titira. Ang lungkot masyado. Okay na nga ako sa dorm ko eh kahit maliit lang at least lagi akong may kasama at kausap. Takot ako mag-isa.”
“Ang daldal mo.”
“Salamat.”
“Dumito ka na muna.” Agresibo niyang desisyon. Lumaki tuloy ang mga mata ng kausap niya.
Mukhang maraming pang darating na mga araw na magugulo ang payapa niyang mundo ngunit tsaka na niya iisipin ang bagay na iyon.
‘Sana di ka magsisi sa desisyon mo.’ Pagbabanta ni Mateo sa sarili.

Komento sa Aklat (119)

  • avatar
    Jojo Valeros Suaso

    it's a nice story..I love it so much

    12/02

      0
  • avatar
    Melinda Regalado Oña

    nice story

    11/01

      0
  • avatar
    Rica Indino

    nice story

    11/01

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata