logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Finding Brocolli Man

Nagtungo siya sa isang palengke. Tila nag-hugis puso ang mga mata niya dahil mayroon siyang natanaw na mga kumpulan ng broccoli. Nararamdaman niyang malapit na silang magkita ng kanyang Broccoli Man. Konting tiyagaan lang pasasaan ba at malalasap na rin niya ang forever niya.
Nilapitan niya ang isang ale na nagbebenta ng broccoli sa daan na nasa bungad lamang ng palengke.
“Ate, kilala niyo po si Broccoli Man?”
Kumunot ang noo ng babaeng pinagtanungan niya. “Haan taka maawatan.” Sagot nito.
Nanlaki ang singkit niyang mga mata sa isinagot ng babae sa kanya. Pinahaba rin niya ang nguso. “Ate, huwag mo naman akong i-alien talk. Tagalog lang po sana. Ta-ga-log. Tagalog.”
“Haan taka maawatan. Haan nak makaawat iti Tagalog. Ilocano lang.” Dagdag na wika pa ng babaeng pinagtungan niya.
Napakamot siya ng bumbunan. Nalaglag ang mga balikat niya. Suko na siya. Maghahanap na lang siya ng ibang mapagtatanungan na hindi siya i-e-alien talk. Wala siyang alam sa salitang Ilocano bukod sa Awanti Kwarta na ang ibig sabihin ay ‘walang pera’ dahil madalas niyang marinig iyon sa isa niyang ka-dorm.
“Hindi ka daw niya maintindihin dahil wala siyang ibang alam na lenguwahe kundi Ilocano lang.” May isang ginang ang nagsalita mula sa kanyang likuran. Nang lingunin niya ang ginang ay malugod siya nitong nginitian.
Sinuklian din naman niya iyon ng ngiti at muling nanumbalik ang saya sa dibdib niya. Hinawakan niya ang kamay ng matanda at nagmano na rin siya bilang paggalang at pagbati dito.
“Lola! Thank you, marunong kang mag-Tagalog. Kilala niyo po ba si Broccoli Man?”
“Wala akong kilalang ganun.” Nakangiti pa rin ang matanda. Tila ba napakagaan ng aura nito. Kaya naman gumaan na rin kaagad ang loob niya para dito. Naalala niya ang Lolo Gideon niya. Na-mi-miss na tuloy niya ito.
Bakit ba kasi Broccoli Man siya ng Broccoli Man? Gayong may pangalan naman yung taong hinahanap niya.
“Ang ibig ko pong sabihin, si Matthew Soriano. Iyong poging kargador ng mga gulay katulad nitong broccoli. Kilala niyo po ba siya? Alam niyo po ba kung saan ko siya makikita?”
Tumango-tango ang matanda. “Kilala ko na ang tinutukoy mo. Sumama ka sa akin nang makita mo siya sa hasyenda. Bakit mo nga pala siya hinahanap?”
Bakit nga ba?
Nagningning ang mga mata niya. Ang bait talaga ni Lord sa kanya dahil mabilis niyang natunton ang pakay niya. “Siya po kasi ang forever ko.” Masaya ang tonong ginamit niya. Excited na siyang makilala ang lalaking nakatakda para sa kanya.
Natawa ang matanda sa naging sagot niya. “Ikaw na bata ka. Huwag mo masyadong paasahin ang sarili mo, hane at baka magulat ka sa makikita mo.”
Naglalakad na sila ng matanda patungo marahil sa ‘hasyenda’ na sinasabi ito. “Ano pong ibig niyong sabihin?”
“Galing ka ba ng Maynila?” Balik-tanong nito.
“Opo.”
“May matutuluyan ka na ba rito?”
Ipinakita niya ang bag sa matanda. “May dala po akong tent.” Ang balak niya kasi ay magkakampo siya malapit sa Kiltepan Peak. Bukod sa nakatipid na siya dahil libre lang ang pagtatayo ng tent doon ay makikita pa niya ang magandang tanawin sa pagsikat ng araw.
“Doon ka na tumuloy sa amin at mas ligtas ka.”
Natuwa siya sa narinig. “Talaga, Lola? Hindi mo ako sisingilin? Wala kasi akong pambayad.”
Muling natawa ang matanda. “Nakakatuwa kang bata ka. Hindi kita sisingilin at ituturing kitang bisita.” Ang bait-bait talaga ni Lord sa kanya. Ngayon nga ay may aampon pa sa kanya. Hindi na siya mangangamba sa loob ng tent dahil mag-isa lamang siya kung saka-sakali na matutulog sa loob niyon.
Kahit pa na sabihing ligtas naman at zero crime rate ang Ganduyan ay iba pa rin iyong nag-iingat.
“Thank you po, Lola. Ang bait niyo po sa akin. Pagpapalain po kayo ni Lord.”
TAMA SI Lola Henaria. Hindi dapat siya umasa nang lubos. Masyado siyang nagpadalos-dalos sa mga naging desisyon niya. Nabasag tuloy ang puso niya nang makita at personal na makilala si Matthew Soriano o mas kilala sa tawag na Broccoli Man. May asawa na ito na ang pangalan ay Selaine. Wala pang tatlong segundo nang makadaupang palad niya ang lalaki ay nawala nang parang bula ang mga pangarap niya sa piling nito.
Lumapit sa kanila si Selaine at ipinakilala ito sa kanya ni Matthew bilang asawa nito.
“Hi!” Plastic niyang bati sa mag-asawa. Pinuntahan niya ang bahay ng mga ito sa tulong ng direksyon na ibinigay ni Lola Henaria. “Gu-gusto ko lang sana interview-hin si Matthew. Isa akong blogger.” Pagpapanggap niya. Kaysa naman ipamukha niya pa sa mga ito na isa talaga siyang malaking Hopia - lubos na umaasa na si Matthew ang forever niya, ay nagsinungaling na lamang siya. Sikretong malupit na lamang nila ni Lola Heneria ang bagay na iyon.
Trabahador sa Hasyenda Suarez si Matthew at ganun na rin ang buong pamilya ni Lola Heneria kaya kilala nito ang lalaki.
“Katulad ka ni CAD?” Tanong ni Matthew sa kanya.
Speaking of CAD, gusto niyang sakalin ang blogger na iyon. Bakit hindi nito alam na may sabit na pala ang poging kargador ng Ganduyan? O, maaari ring alam nito na may asawa na si Matthew ngunit hindi lamang nito isinulat ang tungkol sa bagay na iyon.
Bakit?! Ang sakit! Masyado siyang umasa na single and very much available ang destiny niya. Iyon pala ay nakatali na ito.
Siya rin kaya? Itali na kaya niya ang sarili sa puno.
“Ah, oo. Pareho kami. Idol ko nga ang babaeng iyon, eh.” Muli ay pagsisinungaling niya. Hindi niya idol ang bruhang iyon! Bagkus ay kinamumuhian niya ang walanjong blogger na iyon. Masyadong paasa! Bakit nito pinalampas ang isang pinakaimportanteng bagay?
Wala na. Nangyari na ang dapat mangyari. Nandito na siya sa Ganduyan. Kaya imbes na magmukmok siya sa isang sulok para ipagluksa ang basag niyang puso ay sasamantalahin na niya ang oportunidad na makausap ito. Sa paraang wala ng malisya na nga lang at respeto nalang sa asawa nito na nagtataglay ng maamo at magandang mukha. Oo at naniniwala siyang maganda siya pero aaminin din niya sa sariling mas maganda si Selaine sa kanya. Napaka-inosente ng mga mata nito. Mahahaba ang mga pilikmata nito at perpekto ang mga labi ng babae na hindi tulad ng sa kanya na laging dry. Hindi hamak na mas maputi rin ito sa kanya. Sa buhok lang sila nagkatalo. Mahaba at kulot na kulay itim ang kay Selaine, habang ang kanya naman ay kulay pula at tuwid na tuwid at hanggang leeg lamang ang haba niyon.
“Kailan ka pwede ma-interview?”Tanong niya sa lalaki. Buti nalang at dala niya ang laptop niya. Meron siyang props. Dala niya ang laptop dahil kailangan niyang magpasa ng output mamaya sa boss niyang naka-base sa America. May internet naman sa probinsyang pinuntahan niya. Maghahanap nalang siya ng computer shop o bahay na maaari siyang makisagap ng wifi.
“Magpapaalam muna ako kay Boss.” Sagot ni Matthew.
“Sinong boss?”
Itinuro ng lalaki ang malawak na hasyenda. “Iyong may-ari nito.”
“Ah, okay.” Aniya habang tumatango-tango pa. “Sabihan mo nalang ako kung kailan ka pwede. Andun lang ako sa bahay ni Lola Heneria. Alis na ako at nakakaabala na yata ako sa panananghalian niyong mag-asawa.”
“Kumain ka muna. Sabayan mo na kami.” Paanyaya ni Selaine sa kanya. Kahit makapal ang mukha niya ay nungkang papayag pa siya para harapang madurog ang puso niya. Hindi niya kakayanin na makasabay sa hapag kainan ang mag-asawa.
Nakangiti siyang umiling. “Salamat. Busog pa ako. Pinakain na ako ni Lola Henaria ng almutang kanina.”
Nagsinungaling na naman siya. Sa totoo lang ay hindi pa siya kumakain dahil sa sobrang pagkasabik na makita kaagad si Matthew. “Bye guys! See you around!” Paalam niya sa mag-asawa.
Lulugo-lugong bumalik na siya sa tahanan ni Lola Heneria.
“Lolaaaaaa! Bakit ho hindi niyo sinabi sa akin na may asawa na pala si Broccoli Man?” kaagad niyang bungad sa matanda nang makabalik na siya sa tahanan nito.
“Mas maganda na iyong ikaw mismo ang makadiskubre, Apo.” Nakangiting sagot ng matanda. Kasalukuyan itong nag-iisa sa bahay dahil ang anak nito at manugang ay nagtatrabaho sa hasyenda bilang mga magsasaka. Ang tatlong apo naman nito ay nasa eskwelahan at nag-aaral sa elementarya at hayskul. Kaninang pagdating niya sa tahanan ng matanda ay malugod siyang tinanggap ng buong pamilya. Mababait palang talaga ang mga tao sa lugar na dinayo niya. Isang pamilya ang umampon sa kanya at habambuhay niyang tatanawing utang na loob iyon.
“Ang sakit, Lola Henz. Pinaasa niyo ako. Hu-hu-hu.” Pag-iinarte niya. Bakit naman kasi hindi ito kaagad sinabi ni Lola Heneria sa kanya?
“Hindi totoo iyang nararamdaman mo para kay Matthew. Huwag kang mag-aalala, makakalimutan mo rin siya kaagad. Hindi siya ang nakatadhana para sa’yo.” Tila ba siguradong wika ng matanda.
Gulat siyang napatingindito at napatigil siya sa OA na pag-eemote. “Manghuhula ka ba, Lola? Kung ganon, sino po ang forever ko?” Iniabot niya ang dalawang palad kay Lola Henaria. “Sige na, Lola Henz. Hulaan mo na ako.”
Malawak ang ngiti ng matanda na tila ba aliw na aliw ito sa kanya. “Hay naku, apo. Huwag ka na kasing umasa. Kaya marami ang nasasaktan dahil umaasa sa bagay na hindi sila sigurado. At para sa ikakapanatag mo, hindi ako manghuhula.” Hinawakan ni Lola Henaria ang mga nakabukas niyang palad at isinara iyon. “Ang tadhana ng tao ay walang sinuman ang makakadikta maliban sa Diyos.”
“Wow, Lola Henz, hugot po ba iyon?”
Natawa lamang ang matanda. Ginusot rin nito ang buhok niya dahil nakaupo na siya sa bandang paanan nito.
“Masama na ho ba ang magtiwala sa tadhana, Lola?”
“Hindi naman. Minsan kasi, ang akala nating tadhana ay nakalaan pala talaga sa iba at dahil diyan, nabubulag tayo at hindi na natin nakikita ang totoong nakalaan para sa atin.”
Napanguso siya. “Ang lalim nun, Lola. Nalunod ho ako.” Tinawanan siyang muli ng abuwela.

Komento sa Aklat (119)

  • avatar
    Jojo Valeros Suaso

    it's a nice story..I love it so much

    12/02

      0
  • avatar
    Melinda Regalado Oña

    nice story

    11/01

      0
  • avatar
    Rica Indino

    nice story

    11/01

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata