logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Bitiwan Mo

"Kainis! Nakatulog ako, 'di ko natapos 'yong Jack 'n Popoy!" iritadong anas ni Ailyn habang naninipa ng liit-liit na bato sa 'ming paglalakad.
"Wala ngang nakatapos sa atin, e. Arte mo naman." Umikot na naman ang mga mata ni Lyca.
"E, bakit ka ba nakikisabat? Kausap kita?"
"Pake mo? Maganda ako kaya sasabat ako!"
"Sino'ng nagsabi sa 'yong maganda ka? Asa ka naman!"
"Ha! Inggit ka lang kasi!"
"Wala kaming pakialam ng bangs ko sa 'yo!"
"Wala kang bangs, tanga!"
"'Di ka maganda, puwe!"
"Puwede bang manamihik na muna kayong dalawa? Please!" Iyon at napakli na nila ang pasensiya ni Jhoma.
Umiling na lang ako at tahimik na nanguna sa paglalakad. Aywan ko ba kung bakit pinakikisamahan ko pa rin ang mga nilalang na 'to. Panahon na siguro para kalimutan ko na sila.
Sabi nang sabi si Lourdell; nagkukuwentuhan pa rin yata silang dalawa ni Isabelita. Tahimik na iyong dalawang nag-away kanina. Nang lingunin ko sila ay halos nasa magkabilang dulo ng kalsada ang dalawa at parehas na nakasimangot.
"Pangatanda na, 'di pa umayos," narinig kong bulong ni Jhoma nang makasabay siya sa 'king paglalakad. Tulad ko ay nakatingin din siya sa dalawa.
"Hayaan mo. Hindi sila sina Lyca at Ailyn kung hindi gan'yan ang mga ugali nila." Yumuko na lang si Jhoma sa tinuran ko. Marahil ay na-realize niya rin iyong gusto kong iparating.
"Saan ang lugar na 'to? In all fairness, tahimik, a?" nakasibing komento ni Ailyn habang inililibot ang paningin sa tahimik na kalsadang binabagtas namin, lahat kami ay sa sementadong kalsada nagmamartsa.
Mga talahiban lamang ang makikita sa magkabilang bahagi ng daan. Liblib na ang lugar na binabaan namin at madalang na lang na puntahan ng mga tao lalo pa't wala kang makikitang bahay kahit saan ka tumingin.
"Saan ba tayo magka-camping?" tanong ni Jhoma. Hindi ko siya sinagot. Natatanawan ko na iyong kanto at ang malaking karatula sa bungad niyon.
"Saan ba rito, Sania? Parang wala naman tayong patutunguhan dito!" bulyaw ni Lyca na siyang sumabay na sa akin sa paglalakad.
Tulad nina Ailyn at Jhoma ay hindi ko rin siya pinansin.
May kalayuan ang nilakad namin mula sa kanto, kaya ang apat sa mga kasama ko ay panay ang reklamo at halos ayaw nang tumuloy, liban kay Isabelita na tahimik lang. Napapangiti na lang ako. Mabuti pa ang isang 'to.
"Ano? Dito na ba?" Pinagtaasan ako ng kilay ni Ailyn noong huminto ako't hinarap ko sila.
Ngumisi ako at pinalingon silang lima sa kanilang gawing kanan. Isang malapad at matayog na posteng kahoy na may nakapakat na malaking karatula ang bumungad sa mga mata nila.
"Forest of Wonder!" sabay-sabay nilang sigaw, animo'y aatakihin ang apat dahil sa nabasang mga salita sa malapad na karatula. Si Isabelita nga lang yata ang nagulat na hindi nag-ingay.
"Yes!" Halos mapapalakpak pa ako sa tuwa dahil sa mga reaksyon n'ong apat. It was so amusing!
"Sania ... Sania!" Naii-stress na hinilamos ni Ailyn ng palad niya ang kaniyang mukha. "Sadista ka bang talaga, ha!"
Mukhang balak niya pa nga na magwala at pigil lamang ang kaniyang sarili na pagbuhatan ako ng mga kamay.
"Alam mo bang delikado sa lugar na 'to?" kunot-noong sabi ni Jhoma.
"Oo nga! Hindi mo ba alam iyong mga bali-balita? Na lahat daw ng pumasok sa gubat na 'to, hindi na raw nakabalik!" bulyaw naman ni Lyca, tumango-tango si Ailyn sa kaniyang tabi habang kagat-kagat ang hinlalaki nito.
"Uwe?" Napaurong akong bigla. "Talaga?"
Pakiramdam ko ay nagkislapan pa ang mga mata ko dahil sa mga impormasyong narinig mula sa kanila.
E, kaya naman pala "The Forbidden" ang isa pang tawag sa lugar na 'to! I knew I should've done more research!
"Dapat alam ko na 'to, e! Dapat ... dapat alam na natin na kapag si Sania na talaga ang nagpasya, either mapapahamak tayo o dadalhin tayo sa delikadong lugar!" sikmat ni Ailyn. "Pinapasakit mo ang bangs kong babae ka!" gigil pang dagdag niya.
"Guys, please. Para naman 'to sa documentary compilation natin, e." Nagkibit-balikat ako at inakbayan si Jhoma. "Kailangan nating maiangat ang bandera ng club natin para mas marami pa'ng sumali! After all, malapit na ang graduation natin. This will be our last travel as senior high students."
Tumayo ako ng maayos at mahinang dinibdib ang aking sarili ng kaliwa kong kamao at mas lalong idinikit sa akin si Jhoma.
Nilingon ko ang katabi ko at masamang tingin niya kaagad ang sumalubong sa akin. Nginitian ko lamang siya at muling binalingan ang iba.
"Bilang seniors, kailangan nating iwanan ng magandang istorya't halimbawa ang mga maiiwanan nating miyembro sa 'ting club! Let us be a good role model!" dagdag ko pa na puno ng determinasyon.
"He! Baliw ka, Sania! Baliw!" Pinanlakihan ako ng mga mata ni Lyca. "May pa-role-model-role-model ka pa, e, kung matigok tayo sa lugar na 'to, ha?"
"Basta ba, tuloy ang pangako natin sa isa't isa na tabi-tabi tayo sa kabaong na paghihimlayan natin," sabi ko at pagak na tumawa nang may sumagi sa isip ko.
Naalala ko tuloy ang mga kabaliwan naming kasunduan sa isa't-isa. Mga loka-loka kasi 'tong kasama ko noong mga panahong nasa elementarya pa lang kami ay gumawa na ng bucket list para sa aming magkakaibigan.
Gusto kong sabihin na gumagawa kami ng mga gsnoong kasunduan, hindi dahil ayaw naming magkahiwa-hiwalay kami, kundi dahil sa kaisa-isang kasabihan sa aming grupo na hindi puwedeng maputol...
"Kamalasan ng isa; kamalasan ng lahat."
At isa na sa mga kasunduan namin ay ang tabi-tabi raw kami sa kabaong kapag namatay kaming lahat sa iisang aksidente. Si Lyca ang pasimuno n'on.
"Payag ako, basta, kulay pink ang kabaong natin." Sabay-sabay kaming tumingin kay Ailyn noong sabihin niya iyon.
We are all wearing our straight face.
"Iyan na naman ang pinkeuphilia niya," pabulong na sinabi ni Lyca.
Sa sobrang kaadikan ni Ailyn sa kulay pink ay napangalanan ko nang 'pinkeuphilia' ang adiksyon niya. Hindi na kasi normal at nakakaumay na ang pagkahilig niya sa kulay rosas. Ang sakit sa mata kapag naka-overall pinky pop siya.
"Oo ba! Basta, tara na!" nakangising saad ko na lang. Pinilit kong alisin ang tonong-tagumpay sa aking boses.
Ayos! Madali talagang utuin ang mga 'to.
Ako ang unang nakabawi at nauna nang pumasok sa masukal na daanan patungo sa loob ng gubat, nahihinuha ko sa 'king likuran ang pagsunod nila.
"Kapag may nangyaring masama sa 'tin dito ay alam n'yo na ang dapat na pagbuntunan ng sisi," anas ni Lyca sa bandang likuran, ramdam ko rin ang kapit ni Ailyn sa aking balikat.
"Oo! Basta ako, gagawa na ako ng dying message mamaya. Si Sania ang ituturo kong salarin," sabi ng huli at mas lalong humigpit ang kapit sa akin nang may nagdaanang grupo ng mga maiingay na ibon sa itaas namin, halos mapaupo kaming lahat sa sobrang gulat.
"Sania, umuwi na lang tayo! Ayoko na rito!" mangiyak-ngiyak nang sabi ni Lyca, nakayakap na siya ngayon kay Jhoma.
"O, sige. Mauna na kayo, tutuloy ako," saad ko at muling ipinagpatuloy ang paglalakad, pero sa kabila ng pagmamaktol nila ay nagawa pa rin nilang sumunod sa akin.
Iyan! Gan'yan ang mga tunay na kaibigan!
'Tsaka, hindi ba nila maramdaman na napaka-exciting ng nangyayaring 'to? Wala pa man ay naiisip ko na ang ilalagay na pamagat sa issue na ilalabas namin matapos ang camping namin.
"Baliw ka talaga! Anong tingin mo sa amin, mang-iiwan!" Hindi ko na pinansin si Ailyn noong hinampas niya ang balikat ko at baka magantihan ko siya ng 'di oras.
Kailangan kong maging kalmado sa lahat ng oras. Kung delikado ang lugar na 'to, puwes, mas delikado sila sa akin. Maraming nagsasabing mabigat daw ang mga kamay ko.
Rinig na rinig ang malulutong na pagkabali ng bawat tuyong dahon at sanga na madaraanan namin sa masukal na daanan sa gitna ng gubat. Katanghaliang tapat pa lang ay makulimlim na sa loob ng gubat dahil sa rami at pagkakakumpol ng mga puno sa paligid. Ang mga dahon niyon ay maiging ikinukubli ang araw upang hindi makasilip sa loob ng gubat. Suwerte na nga lang at may iilan pa ring liwanag ang nakakalusot sa mga malilit na espasyong natitira.
"Putragis naman, Ailyn! Layuan mo nga ako!" narinig kong sinabi ni Lyca sa likuran, mukhang nag-aaway na naman sila. Napabuntonghininga na lamang ako at pilit na nagbingibingihan.
"Aba! Ikaw 'tong didikit-dikit sa akin, e!"
"He! Binabaliktad mo pa 'ko! Putragis ka!"
"Aba! Hayop na 'to, ano ba talagang hanap mo? Away o gulo?"
"Sige! Magsapakan na kayo! Pinaghihintay n'yo pa kami, e!"
"Hoy! Magtigil na nga kayong dalawa riyan! Sania, o!"
Hindi ko pinansin ang tawag sa akin ni Jhoma at mas inigihan pa ang paghahanap ng matitigilan namin kung saan ay p'wede kaming magtayo ng aming tent.
Aywan ko ba kay Jhoma kung bakit hindi siya masanay-sanay sa dalawa. Maganda nga ay magkarambolan na lang iyong mga 'yon para may entertainment naman kami kahit na paano.
Inangat ko ang itim na camera na kanina pa nakasabit sa aking leeg para manguha ng litrato sa bawat madaraanan namin. Ito na lang ang pagkakaabalahan ko dahil halata namang malayo-layo pa ang lalakarin namin.
I saw various piece of beauty inside this forbidden place. Ang iba't ibang kulay ng ibon sa itaas ng mga sanga, mga malilit na hayop at insekto, at iba pang kakaibang bagay ay nakasalubong namin sa paglalakad. They were all so adorable and beautiful that I couldn't stop myself from clickin' and clickin' the button of my camera.
Now, I'm wondering why did they forbid this forest? It's so beautiful and I don't even sense any danger in it.
Pero kahit gayon ay hindi pa rin ako kuntento. Gusto ko pang makakita ng mas maganda-mas mahiwaga sa lugar na ito.
"Sania ... ayoko na," naiiyak nang maktol ni Ailyn sa aking tabi.
Pare-parehas na lang kaming napahinto sa paglalakad noong tuluyan na itong napaupo sa maruming sahig ng gubat.
"Hindi na namin kaya." Suminghap si Lyca at maluha-luhang tumabi sa pagkaka-squat ni Ailyn.
"Ano nang gagawin natin? Tingnan mo, wala pang signal." Itinapat ni Jhoma sa akin ang screen ng kaniyang cellphone, wala ngang signal at halos ala-siete y medya na ng gabi.
Hindi ko man lang napansin ang oras na nagdaan sa sobrang pagkalibang ko sa mga bagay na nakikita ko sa paligid namin.
"Uy, huwag naman kayong ganiyan, kaunti na lang, magtiis pa kayo," pamimilit ko sa dalawang nakaupo at ginaya rin ang pagkaka-squat nila.
"Ang bigat na nga ng mga dala ko, ganito pa kalayo ang nilakad natin. Sa tanang-buhay ko, ngayon lang ako nakalakad ng gano'n kalayo! Ikaw ang may kasalanan nito, Sania!"
Pinangunutan ko ng noo si Ailyn. Ba't ko naman kasalanan, e, willing siyang sumama?
"Sige na, Sania. Iwan mo na kami, iligtas mo na ang sarili mo-aaack!" Umakto si Lyca na naghihingalo, nagawa niya pang mahiga sa sukal sa ginagawa niyang pagda-drama. Dinaganan siya ni Ailyn at mas lalo siyang isinubsob sa lupa.
"Mga sira!" Natatawa ko siyang hinila patayo, pati na rin si Ailyn. Muntik na namang mag-away iyong dalawa.
Tumayo ako at nag-inat-inat. Nagtatakang nakatitig sa akin iyong lima.
"D'yan lang kayo, saka magpahinga na kahit sandali. Ako na lang muna ang hahanap ng open field para makagawa na tayo ng camp fire natin at makapagtayo na rin ng tent," sambit ko habang ibinababa ang dala kong bagahe.
Nang maibaba ko nang tuluyan 'yon ay doon ko pa lang naramdaman ang kirot sa balikat ko dulot ng ilang oras kong dala 'yon sa 'king balikat at likuran.
"Sure ka? 'Di mo na kailangan ng kasama?" tanong ni Isabelita, halata na sa tono niya na nag-aalala siya.
"Oo naman. D'yan na lang kayo," sagot ko at nag-unat-unat pa.
Matapos kong makapag-stretch ay tumango at nagpaalam ako sa kanila na tanging dala lamang ay ang cellphone ko na kasalukuyang nakabukas ang flashlight para mailawan ko ang madilim kong dinaraanan.
Gabing-gabi na at iba't ibang huni ng kung anu-anong hayop, ibon o kulisap ang naririnig ko sa paligid, but that didn't faze me a bit, it actually excites the living daylight out of me.
Ang pagdampi ng malamig na simoy na hangin sa naka-expose kong balat sa aking leeg at mga braso ay nagpapataas ng mga balahibo ko.
I am completely enchanted in this adytum...
Eight thirty-seven...
Napabuntong-hininga na lang ako nang makitang magkakalahating-oras na nang iwan ko ang mga kaibigan ko, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong napatutunguhan. Paniguradong natatakot at nag-aalala na ang limang 'yon.
Tumingin ako sa langit nang makita kong pagtagal ay bahagyang lumiwanag ang paligid ko, iyon at may malaking siwang na pala ang mga puno at nakatutok sa kinatatayuan ko ngayon ang bilog at napakalaking buwan.
Napangiti akong bigla at walang pag-aalinlangang kinuhanan ng litrato ang napakagandang tanawin.
Sabay sa paglalakad ko ay nakasunod sa akin ang buwan, parang binabantayan talaga ako niyon at pinapagaan ang paningin ko sa paligid sa kabila ng flashlight na itinututok ko sa daraanan. Para bang itinuturo ng liwanag nito ang tamang landas na dapat kong tahakin.
Lalo pang tumatagal ay napapansin ko nang paubos at pakaunti nang pakaunti ang mga puno sa magkabilang gilid ng patyong dinaraanan ko. At nang maubos na nang tuluyan ang mga madaraanan kong matatayog na puno ay alam kong narating ko na rin ang isang hangganan ng gubat. Mukhang tagumpay kong narating ang isang dulo nito.
I was in complete awe nang isang mababang burol ang bigla ay sumalubong sa 'king mga mata. The view of the bright moon behind the hill that came in a silhouette ... it was so enchanting.
Hindi ko napigilan ang sarili ko at itinapat ko na naman ang lens ng camera mula sa 'king harapan para makuhanan ang magandang tanawin.
Napakurap-kurap ako at tinitigang maigi ang tanawin sa harapan ko at ang litratong aking kinuhanan.
Am I seeing things?
The moon ... its light is in the color of blue.
Excitement rushes in every route of my veins. Lima? Anim? Pito? Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong kinuhanan ng litrato ang tanawin sa 'king harapan. Lahat ay sa iisang anggulo lang nakatutok, ngunit pakiramdam ko ay sapat na iyon para mapigilan ko ang bawat kong paghinga.
Sobrang ... ganda.
Hindi ko mapigilang hindi mapangiti habang tsine-check ang mga litratong nakuhanan ko-
Kumunot ang noo ko nang may mapansin akong kakaiba sa litratong aking nakuha.
May nakatayong isang puno sa itaas ng burol, pero hindi iyon sa mismong tuktok nakapunla kundi ay nasa gilid lang. Bukod pa ro'n ay may kakaiba pa sa mismong tuktok ng burol.
Pakiramdam ko ay nagtaasan ang balahibo ko sa batok, nakagat ko pa ang ibabang labi ko sa sobrang pananabik ko sa pag-akyat ng burol.
Hindi mahirap umakyat sa burol dahil hindi naman madulas doon at hindi gano'n katayog. Dali-dali kong ibinulsa ang cellphone kong kanina ay nakaipit sa kaliwa kong kili-kili at mahigpit na hinawakan ang camera sa 'king mga kamay habang tinutunton ko ang tuktok.
Totoong nagbunyi ang loob ko nang makita ko nga ang mali sa burol, dahil sa liwanag na dala ng buwan ay kitang-kita ko ang may kalalimang hukay roon, perperkto ang pagkakahukay na ang hugis ay tama lang para sa isang tao. Pero ang pananabik ko ay nawala nang mapagtanto kong may labing nakahimlay roon. Halos mapahiyaw ako sa gulat.
Halos buong parte ng aking katawan ay nanginig dahil sa nakita ko sa mga oras n iyon. Ang kamay ko'y nanlamig at malakas na dagundong ang narnig ko sa 'king tainga.
Noong una ay hindi ko alam ang dapat kong gawin, pero sa huli ay napagpasiyahan ko pa ring mas lalong lumapit sa hukay at mas maiging titigan ang katawang nakahimlay sa lupa.
P-Patay?
Samut-saring katanungan ang nasa isip ko habang mariing pinagmamasdan ang katawan sa 'king paanan.
Gaano na ba katagal ang katawang ito rito? Patay na ba ito? Pero parang hindi naman! Wala akong makitang senyales na humihinga pa ito, pero mukhang wala naman ito sa stage ng decomposition. Mas mukha pa akong nakakakita ngayon ng isang tulog na mannequin.
Nag-squat ako para mas lalong matitigan ang mukha ng taong nakahiga sa harapan ko, at sa pagkilatis ko ng kabuuan nito ay noon ko pa lamang napagtantong may mali...
Kasi puti ng niyebe ang buhok ng nilalang na ito, may mga kakaibang tainga sa tutok ng kaniyang ulo. Aside from that, there were these fluffy and furry things around his body, embracing him protectively.
Hinawakan ko ang mababalahibong bagay mula sa kaniyang nahihigaan at binilang iyon.
Siyam. Siyam na puting mababalahibong bagay ang nakapulupot sa katawan nito na parang nagpoprotekta rito.
I fought against my mind ... kalahating porsiyento ay gusto kong tumakbo na lang paalis, at ang kalahati ay pinagagana at kinokontrol ng kuryosidad ko sa 'king katawan. Gustong-gusto kong malaman kung tao ba talaga 'tong nasa harapan ko ngayon o kung totoo ba 'tong patay na ... at kung hindi man...
Anong klaseng nilalang siya? Sino siya?
Magkahalong takot at pananabik ang bigla ko na lang naramdaman. Unti-unti ... hinawakan ko ang isa sa puting tainga ng nilalang na nakahimlay.
Halos takasan ako ng buhay nang maramdaman kong gumalaw 'yon. Sa isang iglap ay isang mahigpit na bagay ang kaagad na lumukob sa aking kamay galang-galangan.
My eyes almost fell out of their sockets, especially, when I clearly saw how this creepy-looking dead creature opened his eyes, in which, a pair of golden eyes were revealed through the light of the round moon from above. It froze me.
Nagkatitigan kami nito.
That deep smokey golden orbs didn't even spare a single blink, samantalang ako ay ulit-ulit ang pagmulat at pagpikit, lalo pa nang ang kaninang akala ko ay patay ... ay tuluyang nagsalita.
"Hoy, mortal ... bitiwan mo ang tainga ko."

Komento sa Aklat (40)

  • avatar
    delMundosusan

    deserve mo ng 500 tip Kasi maganda

    25/05/2025

      0
  • avatar
    Cristy San Felipe Buenaventura

    Thank you for the help with me

    12/10/2024

      0
  • avatar
    Justin Adap

    nice stodyt

    14/07/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata