logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Suplado

Kabanata 3
Suplado
--
"Kulang pa 'to!" sigaw ni Tita Cecilia.
Nagulat ako. Buong akala ko matutuwa siya na medyo malaki na ulit ang ibibigay ko na pera sa kanya pero mukhang nagkamali ako. Tumayo si Celine mula sa sofa at nakahalukipkip na lumapit sa amin.
"T-Tita... iyan lang po kasi talaga ang--"
"Kulang pa nga ito! Anong gagawin ko sa 260 na pera?! Kulang pa ito sa mga bayarin natin! Talo na nga ako sa sugal, dadagdag ka pa!"
"Pinang susugal niyo na naman ang mga binibigay ko sainyo?" kunot noo kong tanong.
Bahagyang natigilan si Tita Cecilia sa sinabi ko pero agad rin namang nakabawi. Hindi naman ako makapaniwala dahil sa naging reaksyon niya, mukhang tama ako.
"Eh, ano naman ngayon? Noong nakaraan nanalo ako kaya hindi na kita hiningan masyado! Ngayon natalo lang kaya dapat magdagdag ka pa!"
"Pero Tita, hindi niyo po dapat pinang susugal ang mga binibigay ko na pera. Pinag hirapan ko po iyon!" hindi ko na napigilan.
Nagulat siya roon. "Aba't sumasagot ka na ngayon? Ito na nga lang ang naitutulog mo sa bahay nagrereklamo ka pa? Mabuti nga pinatira ka pa namin rito!"
Iyon ang palaging binabato niya sa akin kapag nagkakasagutan kaming ganito. Hindi na ito ang kauna unahang beses na nalaman kong pinang susugal niya lang ang mga binibigay ko na pera. Palaging nangyayari ito at hindi ko magawang masanay dahil pinag hirapan ko talaga ang mga pera na iyon. Tapos ipang tatalo niya lang sa sugal?
"Bakit kasi hindi mo nalang ibigay sa amin ang iniipon mo na pera? Nang makatulong ka naman rito!" si Celine.
"Oo nga, ano? Nasaan ang ipon mo?" si Tita Cecilia kaya agad akong umiling.
"Tita, wag niyo na pong pakialamanan ang ipon ko. Ipon ko po iyon kaya--"
"Ha! Kaya ano? Hindi mo na pwedeng ibigay sa amin? Hindi ka tutulong rito sa bahay?!" sigaw niya.
"Gagawa po ako ng paraan! Wag niyo lang pong kunin ang ipon ko. Pinaghirapan ko po iyon. Please po, Tita. Gagawa po talaga ako ng paraan. Magba-bake po ulit ako bukas at mas marami na," nakikiusap kong sinabi.
Umirap si Celine. "Wala ka namang mapapala dyan sa pinag iipunan mo. Akala mo naman makakapag patayo ka ng shop nang ganyan lang ang pera mo."
Binalingan ko siya. "Kaya nga nag iipon ako, Celine."
Umirap lamang siya muli at hindi na nagsalita. Tumingin ako kay Tita na galit na galit pa rin ang paningin sa akin.
"Siguraduhin mo lang na makakapag bigay ka ng malaki bukas! Kailangan na nating magbayad at kapag naputulan tayo, papalayasin kita rito, kita mo!" banta niya at padabog na umalis ng bahay.
Nakahinga ako ng maluwag na hindi nadamay ang ipon ko. Ngumisi si Celine habang nakatingin sa akin at muling bumalik sa sofa para manood ng tv at magpasarap. Napabuntong hininga ako at napapikit nalang.
Pagod akong nagtungo sa kwarto ko at naligo. Medyo pagod ako ngayong araw pero kaya ko pa naman. Muli akong kumuha ng kaunting pera sa ipon ko at lumabas para makabili ulit ng ingredients para sa cupcakes.
Inubos ko ang oras ko sa pagbili ng kakailanganin. Nang nakauwi ako ng hapon ay nagluto ako ng hapunan para naman kahit papaano mabawasan ang galit sa akin ni Tita Cecilia. Hindi naman na ganon kainit ang ulo niya kaya tahimik pa rin kaming nakakain nung gabing iyon. Hindi nga lang nila ako masyadong kinakausap.
Sanay naman na ako dahil palagi talagang silang dalawa lang ang nag uusap kapag kumakain kami nang sabay sabay. Ayos lang rin naman sa akin iyon dahil nalilibang ako sa mga pinag uusapan nila kahit hindi naman ako kasali. Nakikitawa rin ako minsan at sinasali ang sarili kahit pa tinatarayan lang ako ni Celine.
Kinabukasan nagtungo ulit ako sa simbahan para syempre, makapag bake. Palagi akong nagdadasal na sana lumaki na nang lumaki ang ipon ko nang sa ganon ay makapag pagawa na ako ng shop at maahon ko na sa hirap sina Tita Cecilia at Celine. Alam ko namang mangyayari rin iyon, kailangan ko lang maghintay.
"Magandang umaga po, Pastora," nakangiti kong bati kay Pastora nang nakarating ako sa simbahan.
"Sha sha... nandito ka ulit. Hindi ka nagsabi," anya at nilapitan ako.
"Oo nga po, eh. Nakatulog agad ako kagabi sa pagod."
"At bakit ka naman napagod?" nagtaas siya ng kilay.
"Ah..." natigilan ako. "Syempre po... nagbake ako kahapon kaya... napagod..." palusot ko at pilit na tumawa.
Nadulas ako roon, ah.
Nagdududa ang kanyang mga mata nang tignan niya ako. Itinawa ko nalang iyon.
"Totoo po," natatawa kong sinabi.
"Aysus. Oh, siya. Sige na at nang maaga ka nang matapos. Nang hindi ka na mapagod..." makahulugan niyang sinabi at umiling.
Ngumiti ako. "Salamat po, Pastora!"
"Walang anuman," tumango siya at hinayaan na ako sa kusina.
Inayos ko ang mga gamit ko roon at habang ginagawa ko iyon, narinig kong may sinalubong si Pastora sa labas. Naisip ko na baka sina Benjamin na naman iyon ngunit nang nakita ko si Andrew, napangiti pa rin ako.
"Sha sha? What are you doing here?" tanong niya nang nakita ako.
"Oh, siya. Maiwan ko muna kayo..." si Pastora at tumango lang kaming dalawa ni Andrew.
"Magba-bake. Ikaw? Anong ginagawa mo rito?" tanong ko at nagpatuloy sa ginagawa.
"Balak kong i-practice mag isa ang gitara ko para sa susunod na samba sa linggo. Napapadalas yata yang pagba-bake mo?" lumapit siya sa akin.
"Oo, eh. Kailangan dahil magbabayad na kami ng ilaw at tubig."
"Anong flavor ang iba-bake mo ngayon?"
Ngumiti ako sa kanya. "Marami ngayon! Apat na box! May chocolate, strawberry, mango at cookies and cream!"
"Cookies and cream? Bago yan, ah?"
"Mmm!" tango ko. "Tsaka masarap kaya mahal ito. Kaya mo bang bumili?"
Ngumisi siya. "Of course. Magkano ba?"
"100 isa."
Nanlaki ang mga mata niya. "What? Isang cupcake 100? Walang bibili sayo niyan, Sha sha."
Tumawa ako. "Biro lang! 20 isa."
"Hmm..." tumango tango siya. "12 ulit ang laman ng isang box?"
Tumango ako habang nakangiti.
"So... 240 isang box?"
"Yup!"
"That's good. Ako na ang bibili ng cookies and cream."
Nanlaki ang mga mata ko. "Talaga? Thank you!" hinawakan ko siya sa braso at inalog alog. "The best ka talaga!"
Tumawa siya at kinurot ang pisngi ko. Sakto natanaw ko ang paparating na si Pastora kasama ang dalawang pamilyar na lalaki sa likod ni Andrew. Nanlaki agad ang mga mata ko nang nakitang sina Mr. Abelardo iyon at si Benjamin!
Buong akala ko hindi na sila ulit pupunta rito! Ang akala ko tuwing linggo nalang sila pupunta!
"Aww!" daing ko nang mas kurutin ni Andrew ang pisngi ko.
Hinampas ko ang kamay niya. Humalakhak siya at binitawan ako. Napatingin na rin siya kina Pastora dahil nag uusap usap na sila. Narinig na sila ni Andrew.
Nakita kong nakatingin na sa akin si Benjamin at mukhang kanina pa kami nakitang dalawa ni Andrew! Hindi ko agad sila nakita dahil malayo ang pintuan sa kusina.
"Who's that?" tanong ni Andrew at tumingin sa akin.
"Uh... mga bisita ni Pastora. Hindi ko pa alam kung anong gagawin nila..." sagot ko at muling sumulyap kay Benjamin.
Nakita ko siyang nag iwas ng tingin. Sayang. Ngingitian ko sana siya bilang pagbati pero nag iwas ng tingin.
Tumango tango si Andrew at bumaling sa akin pagkatapos muling tignan ang mga bisita.
"Tulungan na kita sa pagba-bake mo."
"Huh? Akala ko ba magpa-practice ka?"
"Oo pero mamaya na. Tutulungan muna kita."
"Oh. Okay..." lito kong sagot at hinayaan nalang siyang tumulong sa akin.
Mas mapapadali kung may katulong ako kaya ayos lang ito. Tsaka magaling na siya sa gitara kaya siguradong sandali lang siyang magpapractice. Hindi ko siya maaabala.
Sumulyap ako sa gawi nina Pastora. Kausap niya si Mr. Abelardo habang nakahalukipkip at seryosong nakikinig lang si Benjamin. Napatingin ako sa suot niyang damit. Simpleng white t-shirt, pantalon at mamahaling sapatos lang ang suot niya. Ang mukhang rolex na relo niya ay mas lalong nagsasabi na mayaman siya. At sa laki ng katawan niya, sa mga muscle niyang kitang kita sa kanyang braso at hita, hindi na ako magtataka kung bakit kilig na kilig ang mga kaibigan ko sa kanya.
"Kailan ang practice nito ng sayaw?" tanong ni Andrew kaya napabaling ako sa kanya.
"Sa friday pa at sabado. Hindi ba palagi namang ganon," sabi ko.
"I thought you're gonna practice today. So ito lang talaga ang gagawin mo ngayong araw?"
Tumango ako. "Oo. Tsaka magbebenta na rin. Ipo-post ko ulit ito online kapag natapos na."
"Ang sipag mo talaga, noh? Hindi ka ba napapagod sa ginagawa mo?"
Natawa ako sa sinabi niya at tumingin sa kanya. "Bakit naman ako mapapagod? Gusto ko naman itong ginagawa ko."
Nagkibit siya ng balikat at hindi na nagsalita. Binasag niya ang itlog at siya na ang naghalo noon. Napangiti ako dahil determinado talaga siyang tumulong sa akin.
"Ba't mo naman naisipang tumulong sa akin ngayon?" tanong ko at nagtaas ng kilay kay Andrew.
"Bakit? Bawal ba? Is it forbidden to help you now, Miss beautiful?"
"Tigilan mo nga ang pagtawag sa akin ng ganyan!" natatawa kong sinabi.
"Kunwari ka pa. Gustong gusto mo naman."
Tumawa ako at himampas siya sa braso. Ngumuso ako. Palaging ganito si Andrew. Kung hindi nagiging mabait, nambubwisit naman. Pero ayos lang. Isa siya sa mga kaibigan kong nandyan palagi para sa akin. Kaya titiisin ko nalang ang mga pang aasar niya.
Ilang minuto pa ang lumipas at puro kwentuhan at tawanan lang kami ni Andrew roon. Tsaka ko lang naalala ang mga bisita ni Pastora nang narinig ko muli sila. Marami na kaming nagagawa ni Andrew at patapos na rin. Ang ibang cupcakes na nagawa ay nasa fridge na ni Pastora.
Lumingon ako sa likod namin at nakita na nandoon pa rin si Pastora at sina Benjamin. May mga kasama na silang tingin ko'y pinag aaralan ang bawat sulok ng simbahan. Meron pang lumabas galing sa loob ng simbahan at marami silang pinag usapan. Naisip ko na baka balak nilang palakihin ang simbahan. Iyon siguro ang itutulong nila para sa amin.
Nagtama ang mga mata namin ni Benjamin at agad akong ngumiti at kumaway sa kanya. Bahagyang magkakasalubong ang kanyang mga kilay at mukhang suplado siya ngayon. Napawi ang ngiti ko nang nag iwas lamang siya ng tingin kahit nakita niya ang pagngiti at pagkaway ko. Hindi niya sinuklian ang ngiti ko.
Ngumuso ako nang naisip na hindi naman kami close kaya bakit ngingitian niya ako pabalik? Bakit nga ba ako ngumiti at kumaway pa talaga? Nakakahiya!
Pero naisip ko lang naman na may napag usapan na kami kahapon, sinabi niya pa nga na Benj nalang ang itawag ko sa kanya kaya inasahan ko na magbabatian na kami simula noon. Pero mukhang nagkamali ako.
Mataas siyang tao kaya bakit ko ba inisip na magkaibigan na kami? Bumili lang siya sa akin kahapon! Naging mabait lang siya nang inalok ko siya pero wala naman talaga siyang balak bumili!
Mas lalo akong ngumuso. Mas mabuti pang wag ko nalang itong isipin.
Natapos kami ni Andrew sa ginagawa at nagpaalam siyang magpapractice na sa loob ng simbahan. Hinayaan ko siya at tumulong nalang kay Pastora sa pagdadala ng tanghalian sa mga bisita.
"You must be Sha sha. Yung nagba-bake?" nagulat ako nang kausapin ako ni Mr. Abelardo.
"Ah, opo," nasagot ko habang binababa sa hapag ang mga ulam na niluto ni Pastora kanina.
Ngumiti si Mr. Abelardo. "Natikman ko ang cupcakes na gawa mo kahapon. You're good at baking, huh?"
Napatingin ako kay Benjamin na umiinom ng tubig. Bumili siya sa akin kahapon kaya siguradong natikman rin nila ang cupcakes ko.
"Uh, t-thank you po. Masaya ako na nagustuhan niyo," ngumiti ako kay Mr. Abelardo.
"Meron ka ba ulit ngayon? Balak ko sanang bumili, hija."
Nanlaki ang mga mata ko. "Talaga po?"
Tumango siya at ngumiti.
"M-Meron po. Pinapalamig ko pa po..."
"Kung ganon bibilhin ko na lahat. Ilan ba iyon, hija, at magkano?"
"Uhm..." nabili na ni Andrew ang isa kaya tatlo nalang. "Tatlong box po iyon," sinabi ko sa kanya ang presyo.
"That's good. Bibilhin ko na ang tatlo."
"Maraming salamat po!" masaya kong sinabi.
Nalaman ko na magkakilala pala talaga si Pastora at si Mr. Abelardo. Parang anak na daw ang turing ni Pastora sa kanya. Kakilala niya daw ang mga magulang ni Mr. Abelardo at naalagaan niya ito noon.
"Pakibigay nalang sa tauhan ko ang cupcakes, hija, kapag ayos na," ani Mr. Abelardo sa akin.
"Sige po!" nakangiti kong sinabi.
Tapos na silang kumain at muli na namang maglilibot sa buong simbahan. Pinag aaralan nga talaga yata nila ito.
Ngumiti ako kay Andrew na lumabas ng simbahan at papunta na sa akin.
"May bumili na agad ng cupcakes ko!" masaya kong balita sa kanya.
"Oh? That's good. Sino?" tanong niya at kumuha ng tubig. Uminom siya roon.
"Si Mr. Abelardo! Binili niya lahat at tuwang tuwa ako!"
"Yung tumitingin sa simbahan?"
"Mmm!" tango ko.
"That's good! Pero baka naman pati yung pina reserve ko binigay mo?"
"Hindi, ah. Yung tatlo lang dahil syempre sayo na iyong cookies and cream."
Ngumiti siya at tumango. Sandali pa kaming nag usap roon nang balikan ko na ang mga cupcakes ko sa ref. Sigurado akong ayos na iyon dahil kanina pa iyon nandoon. Nakita ko si Andrew na nakaupo sa lamesa habang nagtitipa sa kanyang cellphone nang lumabas ako. Dumeretso nalang ako sa labas para sana maghanap ng mga tauhan ni Mr. Abelardo.
Kaya lang... wala akong makita.
Binigay na ni Mr. Abelardo ang bayad niya sa akin. Kailangan ko nalang ibigay ito sa kanya. Umuwi na kaya sila? Dati kasi nagkalat lang ang mga tauhan nila na nagbabantay. Ngayon wala akong makita!
Hindi pwedeng umuwi na sila dahil nagbayad na siya sa akin! Kailangan nilang makuha ang cupcakes!
Binuksan ko ang pintuan papasok sa simbahan at nagulat ako nang saktong pagbukas ko si Benjamin ang nakita ko. Naka angat ang kanyang kamay at mukhang bubuksan na rin ang pintuan ngunit naunahan ko lang.
"Uh... ikaw pala..." nasabi ko.
Seryoso lang siyang tumingin sa akin at sa mga box na dala ko, walang sinabi.
"Uh... ito na pala ang mga binili ni Mr. Abelardo. Wala kasi akong mahanap na tauhan niyo kaya... pwede bang..." kinagat ko ang labi ko sa sunod na sasabihin. "Sayo ko nalang ito ibigay?"
"Sha sha!" narinig kong pagtawag ni Andrew sa likod ko.
Napalingon ako sa kanya at nakitang nakalapit na siya at nakita na rin si Benjamin sa harapan ko. Mukhang may ipapakita siya sa akin sa cellphone niya pero natigilan nang nakita kung sino ang kausap ko.
"Give me that," narinig ko ang malamig na boses ni Benjamin dahilan para mapatingin ulit ako sa kanya.
Mabilis kong naibigay ang tatlong box ng cupcakes sa kanya nang nakitang nakalahad na ang kamay niya. Tumingin ako sa kanya at nakita ang pgatingin niya kay Andrew at sa akin bago siya umalis, nang wala manlang paalam.
Sinundan ko siya ng tingin nang umalis na. Ngumuso ako. Lumingon nalang ako kay Andrew para sa gusto niyang ipakita sa akin.
"You know him?" tanong ni Andrew.
"Ah, oo. Anak siya ni Mr. Abelardo," sabi ko.
"Hmm," tumango siya. "Let's go. May ipapakita ako sayo," sabay ngiti.
Tumango ako at sumunod na sa kanya. Pero hindi pa rin mawala sa isipan ko ang pagiging seryoso ni Benjamin samantalang nakapag usap na kami ng kaswal kahapon.
Bakit parang ang suplado niya ngayon?

Komento sa Aklat (91)

  • avatar
    Fontelara Alvin

    okey

    3d

      0
  • avatar
    Annalou Soliba Limosnero

    excellent

    20d

      0
  • avatar
    MI KE

    nakakaiyak

    16/08

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata