logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

The Love

The Love

jhelly_star


Simula

Simula
T-shirt
--
"Ano ba yan!?" si Celine nang bahagyang dumulas sa kamay ko ang basong hinuhugasan at naglikha iyon ng kaunting ingay.
"P-Pasensya na. Nadulas lang..." sabi ko at iningatan na ang paghuhugas ng mga plato.
"Baka naman nagdadabog ka na dyan dahil ikaw nalang palagi ang pinaghuhugas namin?" nagtaas siya ng isang kilay.
Nilingon ko siya at binalik ulit sa hugasin ang mga mata bago siya sinagot.
"Ah, hindi naman. Nadulas lang talaga, Celine. Pasensya na..."
"Mabuti nga at pinatira ka namin rito tapos nagdadabog ka pa! Magpasalamat ka nalang na may tinitirahan ka!"
Si Tita Cecilia na nasa hapag at kumakain rin ay ngumisi lang at tumingin sa akin. Hindi na ako umimik.
Hindi naman ako nagrereklamo. Nadulas lang talaga sa kamay ko ang baso kaya bahagyang nakagawa ng ingay. Tsaka ayos lang sa akin ang gumawa ng mga gawaing bahay rito dahil utang na loob ko sa kanila ang pagpapatita nila sa akin rito. Kung hindi dahil sa kanila, baka sa kalsada na ako nakatira ngayon.
Kamamatay lang ni Nanay at Tatay. Nasagasaan sila ng malaking truck habang naglalakad sa kalsada. Ang perang inipon nila para sa akin at ang perang inipon ko na rin mula sa munting trabaho ko ay nilaan ko sa pagpapalibing sa kanila. Kaunti nalang ang natirang pera sa akin kaya wala na akong pambayad pa sa inuupahan naming bahay. Pinalayas ako roon.
Mabuti nalang nandoon pa sina Tita Cecilia at Celine nung mga panahon na iyon dahil nagpunta sila sa burol nina Nanay at Tatay. Malapit lang ang bahay nila sa amin at doon nila ako pinatira. Kaya lang hindi ganon kaganda ang tungo nila sa akin pero nagpapasalamat pa rin ako na pinatuloy nila ako rito. Kahit papaano naman anak pa rin ako ng kapatid ni Tita Cecilia, ang Nanay ko.
"Wala ka pa bang pera dyan? Kailangan nang magbayad ng tubig at ilaw," si Tita Cecilia sa akin.
Tapos na ako sa paghuhugas ng pinggan at nagpupunas na ng kamay. Hinarap ko sila na masarap na kinakain ang pagkain na niluto ko. Naramdaman ko ang bahagyang pagkulo ng aking tiyan. Hindi pa ako kumakain.
"Uh... wala pa po, eh. Hindi pa po ako nakakapag bake ng cupcakes..." sabi ko.
"Kung ganon gumawa ka na at i-post mo na online! Nang nakabenta ka na agad! Mapuputulan na naman tayo sa pagmamabagal mo!"
"O-Opo. Pupunta na po ako sa simbahan..." sabi ko at nagmamadali nang pumunta sa aking kwarto para magbihis.
Naligo ako at nagpalit ng damit. Gusto ko sanang kumain muna bago magtungong simbahan pero mukhang iritado si Tita Cecilia sa akin kaya mamaya na siguro ako kakain. Iinom nalang muna ako ng tubig.
Ang kaunting perang natira sa akin ay ginamit ko para makapag bake at makapag benta online. Medyo active ako sa facebook at marami namang bumibili sa akin at marami ring naghahanap kaya hindi na mahirap makabenta. Masarap daw kasi ang bake ko kaya talagang gustong gusto nila. Tuwang tuwa naman ako lalo na dahil mga kaklase ko noon ang palaging bumibili.
Tuwing linggo palagi akong nagsisimba. Palagi rin akong bumibisita roon lalo na kapag gusto na ng pera ni Tita Cecilia, doon ako nagba-bake para makapag benta na at kumita.
Kasali rin ako sa grupo ng nagsasayaw sa simbahan. Pero minsan hindi ako nakakapag practice dahil nagde-deliver ng mga cupcakes. Pero ayos lang rin dahil nakakasabay naman ako sa kanila kahit ganon.
"Magandang araw po," nakangiti kong bati kay Pastora nang nakarating ako sa simbahan.
Maliit lang ang simbahan namin. May stage sa dulo kung nasaan ang drums, piano, gitara at iba't iba pang klase ng instrumento. Doon tumutugtog ang mga kasamahan kong lalaki rito. Kami namang mga babae ang sumasayaw sa baba lang ng stage. Tapos sa harapan namin ay ang mga taong nagsisimba, may mga upuan at tabi tabi sila. Aircon ang simbahan at maliwanag.
Sa likod ng simbahan ay may banyo, may bahay at may school para sa mga bata. May kitchen rin roon para kapag may celebration, doon rin ako nagba-bake dahil may oven sila at kumpleto sa gamit.
Matagal na ako rito kaya kilalang kilala na ako ng lahat. Close ko na halos lahat sa kanila at kilala ko na rin ang mga palaging nagsisimba.
"Oh, Sha sha, narito ka na. Magba-bake ka ulit?" nakangiting tanong ni Pastora.
Medyo matanda na siya ngunit maganda pa rin. Ngumiti ako sa kanya.
"Opo."
"Halika. Maupo ka na at nandoon na sina Lira."
Nakita ko nga sina Lira at ang iba pa naming kasamahan roon na nagtatawanan, nakaupo na sila sa mga upuan. Hindi pa nagsisimula ang pagsamba. Nagpa-practice palang ang mga lalaki sa itaas ng stage at ganon na rin ang mga taga kanta.
Ngumiti ako at tumabi sa mga kasamahan ko.
"Sha sha, tignan mo! May guwapo!" kinikilig na ani Lira sa akin sabay turo sa mukhang mayaman na pamilya sa kabilang bahagi ng mga upuan.
Kinakausap na sila ngayon ni Pastora. Nakangiti ang siguro ay mag asawang mayaman habang ang mas batang lalaking kasama nila ay ganon rin ngunit mukhang masungit. Mukha rin naman siyang mabait. Hindi ko alam. Nakangiti kasi siya kay Pastora pero mukha siyang masungit at hindi interesado.
"Grabe! Balita ko mayaman yan! Nakita ko yung malaking van nila sa labas! Ang kintab!" si Coline.
"Ang guwapo pa! Tignan mo..." halos manginig sa kilig si Lira.
Natawa na lamang ako sa kanila at nilingon na rin ang lalaking tinutukoy. Guwapo nga siya at halatang mayaman. Kahit simpleng black t-shirt at pantalon lang ang suot niya, halatang mayaman pa rin. Sa relo at sapatos na mukhang mamahalin, talagang masasabi mo ngang mayaman siya.
"Ah, sandali lang. Ilalagay ko lang ito sa likod," paalam ko sa apat na kasamahan kong hindi pa rin tumitigil sa pagpapantasya sa lalaki.
Ni hindi yata nila narinig ang paalam ko. Umiling nalang ako at natatawang umalis para pumunta sa likod ng simbahan. Nilagay ko ang mga gagamitin ko roon para sa pagba-bake ko mamaya.
Hindi tulad ng mga nagsisimba, kulay puting pantalon at puting t-shirt ang suot naming mga sasayaw. Ganon ang parang uniform namin. Hindi kami nag d-dress o nag iiba ng damit pero hindi naman kami pinagbabawalang magsuot ng ibang damit. Syempre, pwede naman.
Nakasalubong ko ang iilang kakilalang matatanda sa likod at nginitian ko lang silang lahat. Si Pastora ang nakatira sa bahay na nandito. Maliit lamang iyon at siya at ang kanyang anak lang ang nakatira. Kaso nasa ibang bansa na ang anak niya kaya siya nalang mag isa rito ngayon.
Inayos ko ang mga gamit ko at kumuha ng baso para uminom ng tubig.
Hindi lang ako nandito sa simbahan na ito para magbake o sumayaw. Nandito rin ako para syempre, sumamba sa Diyos. Palagi akong nagdadasal at gustong gusto ko siyang pinagsisilbihan. Sino ba namang hindi? Dahil sa kanya kaya nangyayari ang lahat ng mga gusto natin. At kung hindi dahil sa kanya, hindi ko malalagpasan ang mga pinagdaanan ko noon sa buhay.
Nawalan ako ng magulang at pinalayas pa ako sa inuupahan naming bahay. Pero binigay niya sa akin sina Tita Cecilia at Celine para may matuluyan ako. At ngayon, bukas ang simbahan para makapag bake ako ng kung ano ano at kumita ng pera kahit maliit lang. Para makapag patuloy ako sa buhay. Kahit wala nang mga magulang.
Napangiti ako at sumandal sa sink habang iniisip ang mga ginawa niya para sa akin. Hindi niya ako kailanman binigo at alam kong ganon rin ang iniisip ng ibang mga tao sa kanya.
Humarap ako at sumandal sa sink. Pero saktong pagkaharap ko, isang lalaki na ang nasa harapan ko. Nabura lahat ng mga iniisip ko sa kaba at gulat. Nabunggo ng basong hawak ko ang kanyang dibdib dahilan ng pagkakatapon ng laman noon sa damit niya!
Nanlaki ang mga mata ko at nag angat ng tingin sa lalaking umatras at mukhang nagulat rin sa nangyari. Pumikit siya at nagtiim bagang. Ngunit wala na yatang mas ilalaki pa ang mga mata ko nang nakita na ang lalaking natapunan ko ng tubig ay ang lalaking pinagpapantasyahan rin ng mga kaibigan ko kanina! Yung mayaman na lalaki!
"P-Pasensya na!" natataranta kong sinabi at hindi alam ang gagawin sa damit niyang basang basa na ngayon.
Binaba ko ang aking baso at hinarap siya. Hindi ko alam kung pupunasan ko ba siya o ano. Natataranta ako!
"P-Pasensya na. Hindi ko sinasadya!" paulit ulit kong sinabi.
"Oh, anong nangyari rito?" si Pastora na biglang dumating at napansin kami.
"Uh..." nanginig ang boses ko. "N-Natapunan ko po siya ng tubig at..."
Nag angat ako ng tingin sa lalaki at nakitang nakatingin siya sa akin. Madilim ang kanyang mga mata kaya alam ko agad na galit at iritado siya sa nangyari! Mas lalo akong kinabahan.
"P-Pasensya na po talaga. Hindi ko po sinasadya. Hindi ko kayo nakita at..." sobrang nanginginig ang boses ko, hindi ko na rin alam ang sasabihin sa sobrang kaba!
Mayaman siya at halatang mataas na tao. Pakiramdam ko napaka laking pagkakamali ang mabangga siya nang ganito.
"Benjamin, ayos ka lang ba?" tanong ni Pastora sa lalaki.
"Ayos lang po..." malaking boses ng lalaki habang hindi inaalis sa akin ang paningin.
Kinagat ko ang pang ibabang labi ko at yumuko. Pinikit ko ang mga mata ko at nagdasal na sana walang mangyaring masama sa akin nang dahil rito. Kaya kong maglinis ng buong simbahan sa loob ng isang buwan wag lang akong mapa alis rito!
"It's fine. I just need another t-shirt to wear," si Benjamin kaya agad akong napa angat ng tingin sa kanya.
Hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon sa kanyang mga mata. Nakatitig sa akin dahilan para kumalabog ang puso ko sa kaba.
"T-shirt? Naku! Wala kaming extrang t-shirt rito, hijo..." nag aalalang sinabi ni Pastora at nag isip.
"A-Ah, meron po ako!" presinta ko para naman mabawasan kahit papaano ang kasalanan ko.
Napatingin sila sa akin.
"S-Sandali lang po!"
Tumakbo ako at muling pumasok sa loob ng simbahan. Natataranta kong hinanap si Andrew sa stage. Kaibigan ko si Andrew at tulad ng iba, ka-close ko na rin. Agad ko naman siyang nahanap na tumutugtog ng gitara. Nagpa-practice pa rin sila para sa simba mamaya.
Dumadami na ang tao kaya sigurado akong magsisimula na ang pagsamba maya maya lang.
Nagtungo ako kay Andrew sa stage. Umakyat ako roon at binati agad ako ng mga musicians namin. Nginitian ko silang lahat at dumeretso na kay Andrew na nahanap agad ako. Sumilay ang isang ngisi sa kanyang labi nang nakita niyang sa kanya ako lalapit.
"Hey, beautiful..." bati niya.
Masyado akong nagmamadali at natataranta para punahin pa ang biro niya na naman.
"Uh... pwede bang makahiram ng extrang damit mo, Andrew?" sabi ko.
Alam kong marami siyang damit!
"Bakit? Anong gagawin mo sa damit ko? Lalagyan mo ng lason?" nakataas ang isang kilay niyang tanong.
Kumunot ang noo ko. "Anong lason?"
"Lason para kapag sinuot ko, ma-in love agad ako sayo?" ngumisi siya.
Napabuntong hininga ako roon.
"Andrew, pwede ba? Wag ngayon. Pahiram nalang ng damit mo."
Nagtaas siya ng dalawang kamay na para bang sumusuko tsaka ngumisi. "Okay, fine..."
Hinubad niya ang kanyang gitara at tinabi iyon sa isang gilid. Nagpaalam siya sa mga kasamahan na may kukunin lang at sabay na kaming bumaba sa stage. Sumunod ako sa kanya.
Nanlalamig ang mga kamay ko at parang gusto kong itulak si Andrew para magmadali na rin siya.
Nagtungo kami sa upuan kung nasaan ang kanyang bag at iba pang gamit ng mga kasamahan niya sa pagtugtog malapit lang kina Lira. Nagtatawanan pa rin ang mga kaibigan ko at may kung anong pinag uusapan.
"Aanin mo ba talaga yan?" tanong ni Andrew pagkatapos ibigay ang puting t-shirt niya.
"Basta. Ibabalik ko rin sayo ito, lalabhan ko, promise!" nagawa ko pang ngumiti sa kanya bago tumakbo paalis.
"Hey! Sha sha!" pagtawag niya ngunit hindi na ako lumingon.
Nagmamadali akong tumakbo pabalik sa likod kung saan iniwan ko si Pastora at iyong lalaking nagngangalang Benjamin. Kabado ako pero mas determinado akong ibigay ito sa kanya para may maisuot siyang damit. Baka mamaya lamigin pa siya mamaya dahil sa basa niyang damit, aircon pa naman ang buong simbahan.
Pero natigilan ako nang pagkarating ko sa likod ay iba na ang suot niyang damit. Nakasuot na siya ng grey na t-shirt, mas nadepina pa ang muscle sa kanyang braso dahil sa bagong suot. Kausap niya si Pastora at nakita kong lumabas ang dalawang siguro ay tauhan nila na nagdala ng damit para sa kanya. Napatingin ako roon bago dahan dahang lumapit kina Pastora. Nahanap agad ako ng mga mata ni Benjamin.
"Uh..."
Napatingin si Pastora sa akin at agad siyang ngumiti. "Hija, ayos na. Nagpadala na siya ng damit sa kanilang tauhan."
Oh! Nakahinga ako ng maluwag roon.
"M-Mabuti naman pala kung ganon. Ito sana ang ipapahiram ko sayo. Uh... pasensya na ulit sa nangyari..." sabay angat ng tingin sa kanya.
"It's okay," malamig na sinabi ni Benjamin habang hindi inaalis sa akin ang paningin.
Napangiti si Pastora. "Oh, siya. Papasok na ako sa loob. Hija, tapusin mo na ang ginagawa mo dyan at magsisimula na maya maya ang pagsamba. Ikaw rin, hijo. Mauna na ako sainyo," ngumiti siya sa amin bago kami iniwan roon.
Naiwan kaming dalawa ni Benjamin sa tahimik at maliit na kitchen. Nakaramdam ako ng awkwardness ngayong mag isa nalang ako kasama siya. Lalo na nang nag angat ako ng tingin sa kanya at nakitang titig na titig siya sa akin. Humalukipkip siya.
Tumikhim ako. "Uh... pasensya na po ulit sa nangyari, S-Sir..." medyo nag alangan akong tawagin siya ng ganon. "Hindi ko po talaga sinasadya..."
Tumango siya. "It's fine," malamig niya pa ring sinabi.
Ilang sandali niya pa akong tinitigan. Hindi naman na ako makatingin sa kanya sa sobrang pagka guilty sa nagawa. Pakiramdam ko talaga ang laki ng kasalanan ko. Siguro mabait lang siya kaya pinalagpas niya ako ngayon. Kaya lang sa riin ng titig niya at sa sobrang pagkaseryoso niya, pakiramdam ko iritado pa rin siya.
Pagkatapos ng ilang sandaling pagtitig sa akin ay naglakad siya palapit at nilagpasan ako. Pumasok siya sa loob ng simbahan at naiwan akong mag isa roon.

Komento sa Aklat (91)

  • avatar
    Fontelara Alvin

    okey

    4d

      0
  • avatar
    Annalou Soliba Limosnero

    excellent

    20d

      0
  • avatar
    MI KE

    nakakaiyak

    16/08

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata