logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 1.2

ISANG LINGGONG tulala si Maya at halos hindi makakain. Binabangungot siya gabi-gabi sa sabay na pagpanaw ng kanyang mga magulang. Hindi pa rin bumabalik si Roma at nangangamba siyang hindi na itong muling magpakita pa sa kanya.
Nagbuntong-hininga si Maya habang nakatutok ang mga mata sa lata ng sardinas. Iyon ang plano niyang ulamin sa gabing iyon. Pulos de lata ang nakaimbak na pagkain sa kusina. Hindi na rin siya nagreklamo dahil mabuti na iyon kaysa wala.
“Bakit hindi mo pa buksan iyan?”
Napaigtad si Maya. Boses iyon ni Roma. “Paano po kayo nakapasok?” tanong niya. Ni wala siyang ingay na narinig.
“Pagbalik ko sa dati ninyong bahay ay sunog na iyon kasama ang mga magulang mo. Walang ebidensya, walang testigo, ni hindi pala nakapangalan sa mga magulang mo ang lugar. Abo na lang nila ang naiwan doon at mukhang malabo na ang tatakbuhin ng imbestigasyon dahil tikom ang bibig ng lahat.”
“Pero nakita niyo po! Nakita ko!”
“Pero hindi ko sila kilala at hindi ko matandaan ang mga itsura nila. At ikaw, hindi nila puwedeng malamang buhay ka. Hindi nila puwedeng malamang nag-e-exist ka sa mundong ‘to. Magpapalit ka na ng pangalan. Inaayos ko na ang bago mong titirhan, ang bago mong eskwelahan.”
“Ayoko pong mag-aral,” matigas niyang tugon. Hindi niya alam kung bakit iyon ang una niyang naisip.
Natigilan si Roma. Si Roma na hanggang sa puntong iyon ay hindi niya pa rin nasisilayan ang mukha. Balot na balot pa rin ito at nakasuot pa ng headscarf. Misteryo pa rin si Roma sa kanya.
“At ano ang gusto mong gawin sa buhay mo?”
“Maghiganti sa mga pumatay sa mga magulang ko.”
“Masyado ka pang bata.”
“Hindi pa naman po ngayon. Magpapalakas ako, kapag kaya ko na, hahanapin ko sila.” Muling dumaloy ang luha sa mga pisngi ni Maya. Napapagod na siyang maging mahina. At tulad ng sinabi ng mama niya, dapat ay matuto siyang lumaban. Iyon ang gagawin niya ngayon.
“Ano po ang trabaho ninyo?” tanong niya kay Roma nang mahimasmasan. “Bakit kaya ninyong tumalon nang mataas? Bakit ayaw ninyong ipakita sa’kin ang itsura ninyo?”
Narinig niya ang paghinga nang malalim ni Roma bago ito naupo sa tapat niya. “Hindi ko alam kung ano ang tawag sa trabaho ko. Secret agent. Alam mo ba iyon?”
Umiling si Maya.
“May mga matataas na taong nangangailangan ng serbisyo ko. Ilegal, labag sa batas, tagalinis ng kalat, hindi pangkaraniwan. Hindi mo pa rin maintindihan?”
“Medyo nakukuha ko po.” Malabo pero medyo naiintindihan niya. Isa iyong uri ng trabaho na sa pelikula lang niya nakikita.
Tumango si Maya. “Hindi normal ang buhay ko. Kung ayaw mong matulad sa’kin, mag-aral ka. Wala akong pamilya, tulad mo. Wala akong kaibigan dahil hindi puwede ang emosyon sa trabaho ko. Iyon ba ang gusto mo?”
Napaisip si Maya. Oo, iyon ang gusto niya dahil pakiramdam niya ay isang malakas at matapang na tao si Roma. Gusto niyang maging katulad nito dahil sa ganoong paraan lang siya makakaganti sa mga pumatay sa kanyang mga magulang.
“Gusto kong maging katulad mo,” tugon niya. Wala naman talaga siyang gustong gawin sa buhay kahit noon. Hindi niya alam kung ano ang kanyang pangarap. Ngunit ngayon ay alam na niya. Alam na niya kung ano ang gusto niya at iyon ay walang iba kundi ang maging katulad ni Roma.

“AKO si Megan. Ipinadala ako ni Roma rito. Sigurado ka ba talagang ayaw mong mag-aral sa isang pormal na eskwelahan?”
Isang magandang babae si Megan, sa tantya ni Maya ay nasa mid-twenties lang ito. Napakaputi, mahaba ang tuwid na buhok, sobrang amo ng mukha. Tumango lang si Maya sa sinabi ni Megan.
“Ako ang magiging guro mo para hindi ka naman maging mangmang. Kung gusto mong maging katulad ni Roma, dapat matalino ka. Hindi ka puwedeng maging illegal agent kung tatanga-tanga ka.”
Hindi man nagsasalita si Maya ay patuloy lang si Megan. Ibinagsak nito ang mga dalang libro sa center table at saka naupo sa sahig. “Magsisimula na tayo. Tuturuan din kita ng martial arts pero hindi pa ngayon.”
Tumango lang siya at naupo sa tabi ni Megan. Sa palagay ni Maya ay isang totoong guro si Megan sa paraan nito ng pagtuturo. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung paano nito nakilala si Roma.
“Katulad ka rin ba ni Roma?” Hindi niya napigilang itanong sa babae.
“Bawal magtanong ng walang kinalaman sa leksyon,” ani Megan saka tumayo. “Sagutan mo na iyang mga pinasasagutan ko.”
“Ang sungit…” bulong niya.
Lumabas ng bahay si Megan at nakita niya itong nanigarilyo. Napabuntong-hininga na lang si Maya. Napakarami niyang tanong na wala ni isa kina Roma at Megan ang gustong sumagot. Ang sabi ni Roma, basta sumunod lang siya sa mga nais nito.
Ganoon ang naging set-up ni Maya sa mga sumunod pang taon. Pupuntahan siya ni Megan araw-araw para sa kanyang pag-aaral. Tinuruan din siya nina Megan at Roma ng iba’t ibang klase ng martial arts.
“Hindi kayo gumagamit ng baril?” tanong niya kay Roma. Tatlong taon na ang nakalilipas mula noong unang beses silang magkakilala ngunit hindi pa rin niya nakikita ang mukha nito.
“Hindi.”
“Bakit?”
“Dahil hindi ako pumapatay ng tao. Iyan din ang gusto kong matutunan mo, ang gawin ang trabaho mo nang hindi mo kinakailangang pumatay ng tao.”
“Kailan ako magsisimula sa trabaho?”
“Kapag kaya mo na. Hindi mo pa kaya ngayon.” Iyon lang at muli na naman silang nagsanay. Tila walang kapaguran si Roma samantalang siya ay hapung-hapo na ngunit ganoon pa man ay masaya siya. Masaya siyang pinagbubuhusan siya nina Megan at Roma ng oras kahit na hindi naman niya kamag-anak ang mga ito.
Ang totoo ay hindi niya kilala ang mga kamag-anak niya. Namulat siya sa bahay na tinirhan niya kasama ang mga magulang na ang mga iyon lamang ang kasama. Walang dumalaw sa kanila kahit minsan na kamag-anak ng mga magulang niya. Nagtataka siya ngunit hindi na rin siya nagtanong sa mga magulang niya.
Ngayon, kahit hindi normal ang buhay na tinatahak niya ay ayos lang sa kanya. Mas maganda iyon kaysa binu-bully sa eskwelahan. Mas masarap din sa pakiramdam na alam niyang mas malakas na siya kaysa noon at wala nang kahit na sino ang puwedeng umapi sa kanya. Lalaban na siya tulad ng pangako niya sa kanyang ina.
Pagkatapos ng martial arts training ay si Megan naman ang hinarap niya para sa pag-aaral ng computer. Bilang illegal agent ay kailangan niya rin daw iyong matutunan. “Hindi ka puwedeng maging illegal agent kung hindi mo alam ang basic ng hacking,” ani Megan. “Kapag ikaw na ang humalili sa isa sa’min ni Roma, mas moderno na ang panahon. Kaya kailangan, marami kang alam sa computer.”
Tumango si Maya at inihanda ang sarili sa pakikinig. Dalawa lang ang guro niya pero sa tingin niya ay mas marami pa siyang alam kaysa sa isang pangkaraniwang estudyante. Walang pasubali sina Megan at Roma, ituturo lang kung ano ang kailangan niya.
Disi-otso anyos si Maya nang unang beses na isabak siya ni Roma sa trabaho. Madali lang ang gagawin. Magnakaw ng isang papeles sa bahay ng isang negosyante sa bayan nila. Hindi niya alam kung sino ang amo niya at kung aanhin nito ang papeles pero wala na siyang pakialam doon.
Ang kailangan niya lang gawin ay sundin ang utos nito. Hindi rin siya ang ka-transact nito kundi si Roma. Kumbaga, si Roma pa rin ang boss niya. Isa lang ang rule nila ni Roma, hindi sila papatay.
Kung magkano man ang ibayad sa kanila ay paghahatian nilang dalawa. Ginawan siya nito ng bank account gamit ang ibang pangalan. Kaya ni Romang mameke ng dokumento kaya walang problema.
Walang kabang umakyat si Roma sa pader ng bahay na papasukin. Maraming guards pero walang nakakita sa kanya. Tahimik pa sa pusa ang kanyang mga kilos. Walang hirap na nakapasok siya sa study ng negosyante at nakuha ang papeles na nais ng kanyang kliyente. Nakapasok at nakalabas siya sa bahay nang walang nakapansin sa kanya.
Napangiti si Maya. “Ganoon lang pala kadali,” bulong niya sa sarili nang makatalon na palabas ng bakuran. Naglakad lang siya palayo dahil wala namang hahabol sa kanya.
“Wala na bang mas hihirap pa rito?” nakangising tanong ni Maya kay Roma nang magkita sila. Kukunin na nito ang papeles at mag-uutos na lang ito ng tao para i-deliver iyon sa kinauukulan.
“Huwag kang masyadong mayabang, Savannah. Nagsisimula ka pa lang.”
Savannah. Iyon ang code name niya. Ang pangalang naisip niyang ibinyag sa sarili ngayong kaisa na siya nina Roma at Megan.

Komento sa Aklat (37)

  • avatar
    Maxima Abana Cabasag

    Good story :)

    19d

      0
  • avatar
    SiarotJenelou

    nice gamr

    28/06

      0
  • avatar
    Harvey S Santillan

    nice story

    31/05

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata