"Aika! Gumising ka na diyan at sasamahan mo akong mamalengke!" Rinig na rinig hanggang dito sa kwarto ko, mula sa labas ng bahay, ang sigaw ni nanay. Tinignan ko muna ang orasan sa selpon ko at nakitang 5:47 palang ng madaling araw. Tapos kong makasigaw ni nanay kala mo nasa bukid. Nakasimangot akong tumayo at tulad ng dati, nag-stretching muna ako, tuwad dito, tuwad doon. Inhale-exhale kahit wala pang toothbrush. Matapos ang ilang minuto ay pinili ko munang maligo bago kumain ng agahan. "Good morning, pamilya unggoy!" Masaya kong bati sa kanila at isa-isa silang binigyan ng halik sa pisngi. "Oh? Ba't ka naligo?" At nagsimula na naman ang kuya kong mukhang gorilla. "Birthday mo ba? May lakad kayo? Ah, alam ko na," huminto muna ito at parang nag isip-isip pa, na parang may utak. "Na engkanto ka, no?" Nanlalaki ang mga mata niya habang nakaturo pa sa mismong mukha ko. "Alam mo, Natoy! Kung kumakain ka nalang sana ay magiging maayos ang lahat. Alam mo bang maraming tao ang nagugutom ngayon?" Pagbubunganga ko sa kanya habang nagtitimpla ng gatas, "Alam mo din bang kapag nagugutom ang mga tao ay maraming natutulad kay Onay? Kaya kumain ka nalang kung ayaw mong samahan ko ang pulang araw sa pagtugis sa'yo—" "Hindi ba talaga kayo makakakain ng hindi nag-iingay? Anong klaseng bibig ba ang meron kayo? Kanino ba talaga kayo nagmana?" Pagpuputol ni nanay sa bangayan namin ni kuya. Ayy! Tinanong mo pa talaga, nay, kung kanino kami nagmana. Nahiya naman ako sa katahimikan niyo. Hindi ko inusal ang nasa isip ko dahil ayokong mawalan ng tahanan. Nagpatuloy na lang kami ni kuya sa pagkain at minsan ay patagong nag kukutusan kapag hindi sila nakatingin. Isang malakas na sabunot pa ang iginawad sa akin ni kuya ng makitang tumayo na ako para sumama kay nanay sa palengke. Masamang tingin lang ang naiganti ko sa kanya dahil hinila na ako ni nanay palabas. Hindi gaanong malayo ang palengke sa amin kaya nilalakad lang namin iyon, dala ko ang bayong na pinaglalagyan namin ng mga pinamili. "Uyy, kumare!" Bati kaagad ni nanay sa mga kakilalang nag-aayos na ng pwesto. Halos lahat ng naroon ay tinatawag na kumare si nanay, na lahat naman niya nilalapitan. Marami pa kaming pinuntahan, naglibot-libot sa palengke at sinasabayan pa ng pakikipag-chismisan. Nandito lang ako sa gilid ng isang tindahan habang hinihintay si nanay, na nakiki 'balita' pa sa iba, nang hindi ko namalayan ang lalaking nasa tabi ko na pala. Dahan-dahan kong palihim na itinaas ang ulo ko para maaninag kung gwapo ba ito, pero halos yumuko na rin sa hiya nang makitang nakatingin rin pala ito sa akin. Bwesit na Totoy 'to, pasulpot-sulpot! Nasa lupa na ngayon ang tingin ko, hindi pa rin siya umaalis sa tabi ko, na labis ko namang ikinataka. "Wag mo na akong hintayin, hindi kita crush." Naiilang man ay kinapalan ko na ang mukha kong sabihin iyon sa kanya. Hindi naman ako paasa eh, kaya dapat maaga pa lang ay sinasabi ko na sa kanya— Naputol ang pakikipag-usap ko sa konsensya ko nang marinig ang matunog niyang pagtawa. Ibinaling ko sa kanya ang tingin at pinagkunutan siya ng noo. Anong nakakatawa sa sinabi ko, dapat nga ay matuwa— "Namimili rin kami ni tatay," muli niyang putol sa pag-iisip ko, na nagpagulat pa sa akin. Iginala ko ang paningin, naninigurado kung totoo nga ang sinasabi niya, at nakita ko nga si Tatay Milo na nasa kabilang tindahan. Sobrang hiya na ang nararamdaman ko, at kahit hindi iyon obvious, ay may hiya pa rin naman ako kahit papano. Pakiramdam ko ay sobrang pula na ng aking mga pisngi at kulang na lang ay pumutok na ang ilalim ng labi dahil sa sobrang pagkakakagat. "And about the crush?" Muli niyang bulong sa akin, "We'll see about that." Hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin, at sadyang mahirap talaga akong makaintindi ng english, lalo na't ganda lang ang panlaban ko. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya, at sa bilang lang na pangyayari sa buhay ko, ay natahimik ako ng ilang minuto, habang hinihintay si nanay. Nasaan ka na kasi nanay!? Bahala ka iiwan ko dito 'tong pinamili mo! Muntik na akong tumalon sa tuwa ng makitang tapos ng makipag-chikahan si nanay at dahan-dahan na siyang lumalapit sa pwesto ko. "Uy, Totoy! Nandito ka rin pala," bati ni nanay sa katabi ko. Pilit kong iniiwas ang tingin ko sa katabi at parang hindi naman 'yon napapansin ni nanay. "Ah, namimili rin po kami ni tatay." May paggalang at animong nahihirapang magtagalog na saad ni Totoy. "Ohh, Totoy! Halika—" naputol ang pagtawag ni Tatay Milo sa kasama nang mabaling sa amin ni nanay ang paningin. "Uy, Gennie, kayo pala, tapos na ba kayong mamili? Sakto! Pauwi na rin kami." Tuloy-tuloy na ani ni Tatay Milo ng makita si nanay. Nakita kong sumilay ang maliit na ngiti sa labi ni nanay kaya muli akong kinabahan, dahil mukhang papayag pa siya na magsabay-sabay kaming maglakad pauwi. At hindi nga ako nagkamali, makalipas ang ilang minuto ay naglalakad na kami pauwi ng sabay-sabay. Nasa unahan sila nanay at Tatay Milo habang pilit ko namang binibilisan ang lakad ko sa para hindi kami maiwan ni Totoy sa likod. "Ba't ba ang bilis mong maglakad?" Bulong niya. Muntik pa akong mapatalon dahil sa ginawa niya, sobrang lapit ng mukha niya sa akin at parang pwedeng-pwedeng mapigtas ang paghinga ko anumang oras. Ilang beses pa akong napalunok bago ko ibaling ang paningin ko sa unahan, hindi kami napapansin nila nanay. "M-Mabigat 'tong dala ko, k-kaya nag-mamadali ako." Nagkanda utal-utal kong ani sa kanya. Hindi pa rin lumalayo ang mukha niya at pinasadahan pa ng tingin ang basket na hawak ko. "Let me," iyon lang ang sinabi niya bago dahan-dahang kinuha ang basket na hawak ko. Ipinatong niya ang kamay niya sa akin at hinawakan ang basket. Nakahawak na siya ngayon sa kamay ko gustong-gusto kong tumili sa hindi malamang kadahilanan, nang muli na naman siyang magsalita. "Bitawan mo yung kamay ko," bulong niya ulit. Pakshet! Ako pala yung nakahawak sa kamay niya at hindi siya. Agad-agad kong binitawan ang kamay niya at agad na tumalikod sa kanya, nagpatiuna akong naglakad na kalauna'y bumagal din nang hindi ko na siya nakita sa tabi ko. Buang! Iiwan mo tas magtataka ka kung ba't di mo na kasabay? Ay engot? Sabi ng mumunting isip na meron ako. Binalik ko sa likod ang paningin ko at nakita siyang hirap na hirap sa kabilaang basket na dala. Naglakad ulit ako pabalik sa kanya at hinawakan ang hawakan ng isang basket. "I can carry it," sabi niya pa, inirapan ko lang siya at hindi bumitaw ng hawak. "Alam ko, tutulungan lang kita sa pagbuhat," singhal ko sa kanya. May sumilay na maliit na ngiti sa kanyang mga labi kaya tinaasan ko siya ng kilay, iniling-iling niya lang ang ulo niya bago naunang buhatin ang basket. Nasa isang kamay niya ang isa habang ang isa naman ay pareho naming hawak, tinutulungan ko siya sa pagbuhat, at ilang minuto pa ang lumipas ay hinihingal na kaming nakarating sa tapat ng bahay. "Oh, Totoy! Ayos ka lang? Mukhang pagod na pagod ka ah, halika rito at magpahinga ka muna." Nag-aalala na ani ni nanay habang nakatingin sa lalaking kasama ko. Dahan-dahan naman akong lumapit kay Tatay Milo kaya nakuha ko ang atensyon nila. Nakakunot ang mga noo nila at halata ang pagtataka sa ginawa ko. "Sasama nalang ako kay Tatay Milo, nahihiya kasi ako sa 'anak' niyo," pinagkadiinan ko pa ang salitang 'anak' at ipinakita ang pagtatampo sa boses ko. Imbes kasi na ako ang lapitan ay si Totoy ay inalala niya. "Hoy Aika! Manahimik ka nga, malamang si Totoy yung aalalahanin ko kasi siya naman yung nagbuhat ng mga pinamili natin, kala mo hindi ko napansin na nakahawak ka lang sa basket pero hindi mo naman binubuhat. Naku! Naku, Aika!" Sermon sa akin ni nanay, napayuko nalang ako dahil sa hiya. Totoo naman kasi yung sinabi niya, nakahawak lang ako pero si Totoy talaga yung nagbubuhat. Nakanguso kong ibinaling ang paningin kay Totoy at nakita ang napakalaki nitong ngiti. Ang kaninang nguso ko ay napalitan ng panlalaki ng mata nang makitang naglalakad na siya papalapit sa akin. Nasa harapan ko na siya ngayon at muntik ko nang malunok ang dila ko nang yumuko pa siya para magpantay ang mga mukha namin. Sobrang lapit. "Bye, crush." Aniya at nakisabay sa pag-alis ni Tatay Milo. Naiwan akong nakatulala habang nakatingin sa likod niyang papaalis. Crush? Ako?
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
5.0
19/10/2024
0goods
09/04/2024
0nice story
29/03/2024
0Tingnan Lahat