logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Tilted Rays of Sunshine

Tilted Rays of Sunshine

agnostystories


PROLOGUE

"Mama! Hinahanap na ako ni Ma'am Tolentino!"
Napakamot ako ng ulo nang marinig ang boses ni Mama at sinabing sandali lang. Ngayon ang laban ko ng poster making at alas otso na! Kanina pa tumatawag sa akin si Ma'am Tolentino na ako na lang ang hinihintay sa school!
"Mama!" Tawag kong muli dahil late na late na kami!
Sa wakas at lumabas na si Mama na nakabulaklaking damit at faded na jeans. Hawak ang kaniyang lumang lipstick ay nakangisi itong lumapit sa akin at nilagyan ako sa labi. Napailing ako at hinatak na siya sa tricycle ni Papa.
"Kanina pa tayo late! Baka naiwan na tayo!" Reklamo ko kay Mama habang binubugbog kami sa loob ng tricycle dahil sa pangit ng daan sa amin.
"Ikaw naman, Cia Cia! Nag-ayos lang ang mama eh..." anito at ipinusod ang buhok na may kaunting hibla na ng puting buhok.
Madalas kaming mapagkamalan ni Mama na maglola. Mukha raw kasing ang tanda na ni Mama tapos ang bata ko pa. Grabe kaya sila! Mukha lang matanda si Mama dahil siguro sa pagod sa trabaho at stress pero 50 pa lang siya, noh!
Kahit si Papa kaya rin akala ng iba ay lolo't lola ko sila.
"Sorry po, Ma'am! Ito kasing si Leticia ay naihi pa!" Dahilan ni Mama nang makarating kami sa eskwelahan.
Napasinghap ako. Ako pa talaga, Mama?!
Nagpaalam na rin naman kami kay Papa na binigyan ako ng 50 pesos para naman daw baon ko sa laban. Laging ganito si Papa tuwing lumlaban ako kaya gusto ko laging lumalaban kahit hindi nananalo!
Dahil nanalo ako nitong nakaraang laban, ilalaban ulit ako at sa ibang lugar na. Nakajeep kami ngayon at patungo sa lugar na iyon. Nakipagkwentuhan lamang ako sa mga ibang batang kasama at nakikinig minsan sa usapan ng teacher tungkol sa mga malalaking school na makakalaban.
"Karamihan na ay private schools panigurado. Baka dumugo ang ilong ni Leticia kapag may nakatabi siyang isa" biro ni Ma'am Tolentino sa akin.
Napanguso ako at kinamot ang ilong. "Ma'am naman! Marunong din po ako!"
Natawa naman sila at kahit ang iba naming kasama ay nakausyoso. Nagkatuwaan pa na magbibigay sila ng sentence tapos itranslate ko raw sa English!
"Sige nga. Practice tayo!"
Tumango-tango naman ako at nagsimula na kami.
"Hi! Do you know what category you are? You must be from Science!" Boses bata ni Ma'am Tolentino.
Mayabang naman akong tumingin at tumawa pa. "No, I'm from my mother! And my category is drawing!"
Naghagalpakan naman sila ng tawa sa sagot ko. Tama naman ah! Siguro't natuwa sila dahil magaling ako!
"Mama, ang galing ko, 'di ba?" Nakangisi kong hinarap si Mama na natatawa na lang ding tumango sa akin at niyakap ako.
Nakarating kami sa paglalabanan at hindi ko maiwasang mamangha sa ganda ng school. Ang linis! Tapos ang mga room ay malalaki at may mga aircon pa! May malaking fountain pa sa gitna kung saan naroon nakasulat ang pangalan ng school.
"Mama, ang ganda dito! Gusto kong mag-aral sa ganito!" Patalon-talon sa tuwa kong sabi habang hindi pa rin natitigil sa paglibot ng aking mata sa paligid.
Ang ganda talaga! Ang gaganda ng mga bulaklak at iba rin ang mga puno! Sa amin kasi Mahogany lang tapos 'yung mga bulaklak sa plant box ay ubos na dahil laging pinipitas ng mga kaklase ko!
"Kapag highschool ka na, anak" nakangiting sabi ni Mama sa akin na ikinatango ko naman at sumunod kina Ma'am Tolentino.
Highschool ako? Nakakaexcite tuloy! Panigurado maraming magagandang gamit doon at malamig din kapag may klase dahil may aircon! Nakakatuwa naman!
Sa isang malaking kwarto kami nagtipon-tipon. Kwarto ba ito? Parang gym na sarado at marami ring aircon sa paligid! Grabe naman ang school na ito!
Hindi ko rin maiwasang mapatitig at mapangiti habang pinagmamasdan ang ibang estudyante na tulad ko ngunit sila'y galing sa malalaki at private na school. Ang ganda ng uniform nila! Pati ang mga bag nila ay ang laki rin at ang gaganda.
Umupo na kami sa mga inihandang monoblock chairs at nagsimula na ang paunang programa. Nakangiti lamang ako buong oras dahil nakakatuwang makita ang ganito kagandang school. Ang dami ring magaganda at gwapong bata! Buti na lang at nilagyan ako ni Mama kanina ng lipstick at mukhang kasali rin ako sa kanila! Hindi ako mukhang maputla!
"Galingan mo ah? Kapag nagchampion ka, bibilhan kita ng cellphone!" ani Mama na ikinalaglag ng panga ko at napatili sa kaniyang sinabi.
Magkakacellphone ako kapag champion ako? Gagalingan ko talaga!
Kaya naman nang iwan na ako nila Mama at Ma'am Tolentino sa room ay hindi na nawala sa aking labi ang ngiti habang bumabati sa ibang estudyante na naroon. Ang iba'y bumabati pabalik at iba naman ay masungit akong tinitignan.
"Talaga? School niyo 'to?!" Hindi ko makapaniwalang sabi sa katabi ko nang kausapin ko ito.
Para naman itong natakot at nainis sa akin at tinawag ang isang teacher. Hindi ko marinig ang binubulong nito kaya naman nanatili lang akong nakangiti dito at hinintay na matapos kausapin ang teacher. Alangan naman ngumiti sa akin ang teacher at tinanguan ang kausap ko.
"Teacher, she's noisy..." rinig ko bang reklamo nito at sumulyap sa akin.
Napataas naman ang dalawa kong kilay nang tumayo ito at kinuha ang kaniyang bag. Sinundan ko lang ito ng tingin hanggang sa makitang umupo ito sa isang bakanteng upuan sa kabilang linya ng upuan.
Ayaw niya ba akong kausap? Grabe naman siya!
Napasimangot na lamang ako at nailing sa sarili. Siguro hindi lang siya sanay makipag-usap? Baka iyakin!
Inabala ko na lamang ang aking sarili sa kung anong magandang gawin sa aking poster mamaya. Ayoko nang gawin 'yung kamay na nakahawak sa mundo! Ang common na noon! Lalo na 'yung mga batang mukhang star na magkakahawak kamay?
Napatigil ako sa pagsusulat sa papel nang may naramdaman akong gumalaw sa bag ko. Nilingon ko ang nasa likod ko at nakitang dalawang batang babae na tinatawanan ako. Napangiti naman ako at baka gusto nila akong kausapin.
"Hi! Saang school kayo galing?" maligalig kong sabi at ipinatong ang baba sa likod ng upuan. Parehas namang nawala ang ngisi ng dalawa at napilatan ng inis na tingin ang binigay sa akin.
"You're so epsi! Are we even talking to you? We don't even know you!" Anito na ikinaawang ng labi ko.
Totoo ngang dudugo ang ilong ko sa mga bata dito!
"U-uh, my name is Leticia! Nice to meet you!" masaya kong sabi rito at inilahad ang kamay.
Tinignan nila ako na tila ba'y disgusto at umirap. Nanatili naman akong nakaabang sa kanilang pagtanggap ng aking kamay ngunit tinampal lang ng isang babae ang kamay ko.
"Yuck! Look at your nails! You colored them? So dirty!" anito na akala mo'y dismayadong dismayado.
Napatingin ako sa sariling kuko at napakunot ang noo. Grabe naman sila! Maganda naman ang kulay ah? Malinis naman!
"Ayaw niyo ng rainbow?" nakanguso kong sabi at iniangat ang tingin sa kanila.
Umirap lamang ang mga ito at patuloy sa pagbulong at pag-irap sa akin. Napailing ako at binaling ang katawan sa harap. Ganoon talaga siguro ang mayayaman? Grabe! Bakit sila Kyran hindi naman maarte kahit mayaman sila?
Nagsasalita na ang teacher sa harap at mukhang magsisimula na kami. Binibigay na ang dapat gawin at mga panuto nang biglang may dumating na isang lalaki na iba rin ang uniform.
Napaawang ang labi ko nang makita kung sino ito. Pamilyar siya lalo na't madalas ko rin siyang nakikita sa mga laban. Medyo bilog ang mga mata, maputi, malaki ang ngipin sa harap, at mukhang bao ang buhok.
"S-sorry po, late..." nahihiya nitong sabi at kinagat ang labi. Nanatili lang ito sa pintuan habang may ilang lalaki sa likod nito na napangiwi sa kaniya.
Ngumiti ang teacher sa kaniya. "You may come in. Magsisimula pa lang naman..."
Tumango naman ito at bahagya pang natagal s apagpasok dahil ang mga lalaking kasama nito ay ginulo pa ang kaniyang buhok at niyugyog siya.
"Go Lomi!"
"Dito lang kami sa labas, Lomi!"
"Panoorin ka namin, baby!"
Namula naman itong lalaki at naiiling na pumasok nang tuluyan. Nilibot pa niya ang tingin bago makarating sa akin. Ngumiti naman ako at kumaway. Nanlaki ang mata nito at kagat labing lumingon sa labas ng bintana kung saan naroon ang mga lalaki kanina.
"You may sit beside number 3, anak" anang teacher na nakapagpabalik sa kaniya ng tingin at tumango. Hinanap ulit ang numero hanggang sa makarating ulit siya sa akin.
Dahan-dahan itong tumungo sa akin at pumwesto sa bakanteng upuan sa tabi ko. Para pa itong nahihiya at iniiwas ang tingin sa kahit kanino. Nakayuko lang at itinatago ang mga mata sa kaniyang buhok.
Tinapik ko naman siya at kumaway. Gulat pa itong napalingon sa akin na akala mo'y nakakita ng multo.
"Hello! Magkatabi tayo!" sabi ko at tumawa. Hindi naman ako nito pinansin at nakinig lamang sa sinasabi ng nasa harap na teacher. Ganoon na rin ang ginawa ko dahil baka mapagalitan ako sa sobrang ingay ko.
Nang magsimula na at binigay na ang oras ay kinuha ko na ang bag ko para sa aking mga gamit. Habang kinakalkal ang aking bag, unti-unting kumunot ang aking noo nang makitang nawawala ang bag ko kung saan naroon ang mga gagamitin ko.
"Hala..." naiiyak kong bulong nang makitang nawawala talaga ang gamit ko. Nilibot ko ang tingin at napansing nagsisimula na ang lahat. Napakagat ako ng labi at napalingon sa likod ko kung saan narinig ko ang hagikgikan ng dalawang batang babae kanina.
"N-nakita niyo ba 'yung gamit ko?" nanginginig kong sabi ngunit tinaasan lang nila ako ng kilay at umirap.
Naiiyak naman akong bumaling sa harap at hinawakan ang card board ko na wala pang sulat. Paano akong magsisimula nito kung wala akong gamit? Naiiyak na ako!
Lalo akong naiyak nang maalala ang sinabi sa akin ni Mama kanina. Hindi na ako mabibilhan ni Mama ng cellphone! Saan ko ba kasi iniwan ang gamit ko?!
"U-uh, bakit ka u-umiiyak?"
Napalingon ako sa katabi ko na natigil sa kaniyang ginagawa at nakatikom ang bibig na nakatingin sa akin.
Suminghot ako. "N-nawawala 'yung g-gamit ko eh..." sabi ko at pinunasan ang mga luha sa pisngi.
Umawang ang labi niya at tila ba'y naawa lalo sa akin. Naiyak ako lalo dahil sa kaniyang tingin sa akin.
"T-teka, meron akong extra..." aniya na nakapagpatigil sa aking pag-iyak.
Natigilan ako nang maglabas siya ng isang katulad ng kaniyang oil pastel na ginagamit. Pati ang lapis at pambura ay inilagay niya sa aking mesa. Pinasadahan ko ng tingin ang mga gamit at napasinghap nang makitang mga bago at mamahalin ang brand nito!
"M-magsimula ka na..." aniya at ibinalik ang tingin sa ginagawa.
Napangiti naman ako bigla at tinignan siya. Wala sa sarili akong yumakap sa kaniya.
"Thank you!" sabi ko at humiwalay sa kaniya. Natawa naman ako nang makitang nanlalaki na ang mga nitong nakatingin sa akin na akala mo'y may ginawa ako sa kaniyang nakakatakot.
Hindi ko naman alam na mawawala ang gamit ko pero nagpasalamat na lang din ako dito sa katabi ko dahil may extra siya. Sa gitna rin ng paggawa namin, sa sampong tanong o daldal ko sa kaniya, sinasagot naman niya ako nang dalawang beses.
Siguro mahiyain lang? Ewan. Basta mabait siya at close na kami!
"Sa tingin mo mananalo ka? Ang ganda ng gawa mo!" Puri ko sa kaniya habang nagliligpit ng gamit.
Tahimik siyang umiling at nang iangat sa akin ang tingin ay namumula na ang kaniyang pisngi.
"H-hindi naman. Prinactice ko lang din 'yon..." aniya at kinuha na ang bag.
Tumatango-tango naman ako at ngumisi sa kaniya. "Nakita mo ba 'yung akin? Maganda ba? Mananalo ba?"
Nagulantang naman siya sa paglapit ko sa kaniya at nakita ko pa ang paghigpit ng hawak niya sa kaniyang bag. Naglibot-libot pa ang nga mata bago bumaba sa akin.
"M-maayos naman." Aniya na ikinasinghap ko. Ayos?! Ang ganda kaya ng gawa ko tapos ang ganda pa ng quality ng ginamit ko na galing sa kaniya.
"Maayos lang? Grabe ka! Ang ganda naman ah?" Sabi ko at nakangusong sinulyapan ang aking gawa na nasa harap kasama ng mga teacher. Magkatabi ang aming gawa at kung pagkukumparahin, pareho namang malaki ang tyansang manalo.
"A-ah..." he chuckled. Nahihiya na ring kinamot ang batok. "Oo. Maganda nga. Mananalo" tsaka siya ngumiti.
Napahagalpak naman ako ng tawa dahil sa kaniyang ngiti. Ang laki ng ngipin niya sa harap!
"Lomi!"
May tumawag sa kaniya mula sa pintuan kaya naman sabay pa kaming napalingon doon. Nakasilip ang kaninang mga lalaki na ngayo'y nakasuot na ng mga mapang-asar na ngisi. Ang isa ay nakita ko pang nasa akin ang tingin at tumataas-taas na ang kilay. Ngumiti naman ako at kumaway. Nang tumungo sa kaniya si Lomi, sumunod naman ako.
"Mukhang ibang panalo ang meron ka ngayon ah. Yieee" ang lalaking nakatingin sa akin na ngayo'y ginugulo na ang buhok nitong si Lomi.
Halos kaedaran lang din namin sila pero may tatlo na mukhang natanda sa amin ng isa o dalawang taon. Sa mga suot pa lang, nakakamangha na dahil alam mong mamahalin ang mga suot. Malambot at mabango. Tulad ng pagkayakap ko sa katabi ko kanina.
"Ano naman?" Si Lomi na mukhang hilo na sa pagsalakay sa kaniya ng iba pang lalaki.
Nakamasid naman ako sa kanila sa gilid habang sila ay kinakamusta na si Lomi sa nangyari at inaasar. Tinignan ko sila isa isa. Kaya naman pala napapangiti na rin ako noong makita ko sila kanina dahil ang gagwapo! Lahat naman sana maganda ang buhok ngunit itong si Lomi lang ang bunot ang ayos.
Nahuli naman ng lalaking matangkad na mula sa pagkakagulo sa buhok ni Lomi ay ngumiti sa akin.
"Hi. Magkatabi kayo ni Lomi?" Aniya kaya naman napalingon sa akin ang lahat.
Ngumiti ako at lumapit. "Hello! Oo, ang bait ni Lomi! Pinahiram ako ng gamit kasi nawala ang akin..." sabi ko at sabay-sabay rin ang pagngisi nila kay Lomi na akala mo'y may ginawa itong maganda ngunit may kababalaghan.
"Pinahiram ko lang..." rinig kong bulong ni Lomi.
May lumapit sa akin na isang matangkad din na iba naman ang kagwapuhan. Para siyang isang prinsipe na tinakbuhan ng kaniyang prinsesa!
"Anong pangalan mo?" Anito at bahagya pang umakbay sa akin.
Namula naman ako. "Leticia"
Tumango ito at kumindat sa akin bago bumaling sa karamihan. "Mag-hi na kayo kay Leticia. Para naman hindi mahiya si Lomi"
Namayani naman ang ingay mula sa kanila na binati ako sa kakaibang paraan pa at puro biro. Nagagalak naman akong ngumiti dahil ang babait naman pala nila! Minsan kasi, ang mga mayayaman na gwapo, akala mo kung sino kung magsungit! Mga arogante!
"Hi, Leticia! Cute ni Lomi noh?
Nanlaki ang mata ko at nilingon si Lomi na akala mo'y nilagyan ng lipstick ang buong mukha sa sobrang pula ng mukha.
"Oo! Ang cute niya, mukhang bao" sabi ko at humagikgik.
Natawa rin naman ang ibang kasama nito. Si Lomi naman ay kumunot lang ang noo at lalo pang namula. Maya-maya lang ay bigla itong padabog na lumayo sa mga kasama at tumakbo paalis. Umawang naman ang labi ko sa gulat.
Hala! Nagjoke lang naman ako ah!
"Lomi!" anang lalaking malalim ang boses at hinabol si Lomi.
Sumunod naman itong iba at naiwan ang lalaking napakaputi at malamig ang mata. Napalabi ako nang tignan ako nito.
"Huwag mong niloloko ang buhok no'n" aniya at tumalikod at nakapamulsang sumunod sa iba.
Dinalaw naman ako ng konsensya dahil sa inasta ni Lomi. Mukha naman kasi talagang bao! Hindi ko naman alam na mahe-hurt siya sa sinabi ko!
Humabol naman ako sa kanila at nakitang nasa isang bench na sila. Kaharap ang isang babaeng sa tingin ko'y mama ni Lomi dahil nakayakap siya rito. Hinihingal akong binagalan ang takbo hanggang sa lumakad na lang ako palapit sa kania. Unang umangat ang tingin sa akin ang babaeng niyayakap ni Lomi.
Hindi ko maiwasang manlaki ang mata sa mama niya. Ang ganda ng mama niya! Para akong nakakita ng anghel sa sobrang amo ng mukha nito. Nakawhite collared dress ito. Short hair din at nang magtama ang tingin namin ay pakiramdam ko talaga'y tinignan ako ng isang anghel! Para kong nakita si Lomi sa kaniya na magandang bersyon lamang!
"Ayan tita! Siya 'yung nagsabing mukha raw bao si Lomi!" sumbong nitong malalim ang boses. Natigil naman ako sa kinatatayuan at nanginginig ang labi nilingon ito. Sinapok na siya ng lalaking matangkad na matalim ang mata.
"Art" natatawang sabi nitong mama ni Lomi at nakangiting bumalik ang tingin sa akin. Napalunok ako kahit na ngumiti ito sa akin. Baka pagalitan ako!
Hinawakan niya ang ulo ni Lomi at inangat ang ulo sa kaniya. "Lomi, kaibigan mo?" anito sa marahang boses.
Umiling si Lomi at lalong yumakap dito. Napanguso naman ako sa naging sagot ni Lomi. Hindi niya ako kaibigan?! Grabe naman itong si Lomi!
Lumapit naman akong umiiling at matamis na ngumiti. "Hi po! Hindi ko po inaway si--"
"Adi!"
Naputol ang aking sasabihin nang biglang magsalita nitong lalaking wala ng mata kakangiti. Lahat kami ay napalingon sa kaniyang tinawag at nakita ang isang babae na kasama ang kaniyang mga teacher. Nanlaki ang mata nito at nagtatakbo palapit sa amin.
Hindi ko maiwasang mapuna ang itsura niya. Maganda, makinis at maputi ang balat, ang buhok na hanggang kili-kili ay sumasabay sa kaniyang pagtakbo, at isama pa ang maganda nitong ngiti. Ang uniform ay maganda rin at kakaiba sa iba na nakikita ko.
"Hello!" bati nito sa marahang boses. Napunta naman ang tingin ko kay Lomi na ngayo'y nakahiwalay na sa yakap ng kaniyang ina at ngayo'y malapad na ang ngiti at nagpupunas ng luha.
"Lomi! Panalo ka? Panalo rin ako!" itong si Adi na ngayo'y pinapalibutan na ng magpipinsan.
Bahagya akong lumayo sa kanila dahil baka makagulo ako. Nagtatawanan at kantyawan na sila. Sinilip ko naman si Lomi na hindi na umiiyak at malaki na ang ngisi habang nakatitig kay Adi.
Napanguso ako. Akala ko pa naman takot siya sa babae! Sa akin lang kaya? Nagjojoke lang naman ako!
Lumapit naman sa akin ang mama ni Lomi kaya naman ngumiti agad ako dito. Ang ganda rin talaga nitong mama ni Lomi!
"Hi. Leticia?" anito na ikinatango ko.
"Hi po! Ang ganda niyo po, Mama ni Lomi!" sabi ko na ikinatawa naman nito nang marahan at hinawakan ang buhok ko. Nilingon niya muli ang mga lalaki bago bumaba sa akin.
"Hindi takot sa'yo si Lomi, ah?"
Nanatili ang titig ko sa mama ni Lomi. Bakit alam niyang ganoon ang iniisip ko?
"Kung gusto mong maging kaibigan si Lomi, huwag mo siyang aasarin"
Tumaas ang dalawang kilay ko. "Jino-joke ko lang po talaga siya!" depensa ko.
Tumango ito at ngumiti ulit. "I know pero huwag mo siyang ijo-joke lalo na sa kaniyang katawan, Leticia. Lomi is... sensitive" anito at hinaplos muli ang buhok ko.
Tumango naman ako bilang pagtanggap at sinilip muli sila. Kausap na nitong si Adi ang lalaking pinakamatangkad sa kanila. Hinanap ko naman ang mga mata ni Lomi at nakitang nakay Adi pa rin iyon. Kumaway naman ako para mapansin niya ako at napangiti ako nang tignan niya ako.
Kumunot ang noo niya at inalis na naman ang tingin sa akin. Nakakainis naman 'tong si Lomi! Cute naman ako ah! Lagi niyang nililihis mula sa akin ang tingin niya! Hays!

Komento sa Aklat (96)

  • avatar
    Chelse Monterde Jayme

    keep it going 😇

    9d

      0
  • avatar
    Rechelle Santa Maria

    Good

    23/08

      0
  • avatar
    Jems Arayas

    salamat

    20/08

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata