logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 3 : Pagdating ni Rafael

"Tita Salome! Uuwi na po ako!" pamamaalam niya sa matanda na nasa balkonahe at nagpapahangin. Alas siyete na ng gabi at tapos na rin sila sa paglilinis. Medyo pagod na ang katawan niya at gusto nang mahiga. Agad naman itong tumayo at nilapitan siya.
"Magdala ka ng ulam para sa inay at itay mo," sambit nito bago bumaling kay Edelyn. "Ipagbalot mo siya ng ulam, Edelyn."
"Naku, huwag na po, Tita!" pagtanggi niya pero mapilit ito. Sa huli ay wala siyang nagawa kung hindi ang pumunta sa kusina. Siya na ang nagprisintang kumuha dahil nakakahiya naman kay Edelyn kung ito pa ang gagawa.
Paalis na siya dala ng baunan ng makasalubong niya si Karen na magkasalubong ang mga kilay. "Ang kapal talaga ng mukha! Nakikain na nga lang, balak pang mag-take out!" pagpaparinig nito bago humalukipkip sa gitna ng maluwang na sala.
"Karen! Hindi kita pinalaking bastos!" singhal naman ni Tita Salome na pababa sa banidosong hagdanan. Dahan-dahan ang hakbang nito na tila takot na malaglag.
"Pero, Inay–"
"Umakyat ka na sa silid mo, Karen," mariing sambit ng matanda kaya sinamaan siya ng tingin ng dalaga. Napayuko naman siya dahil sa hiya. Sa tuwing nag-aaway ang mga ito dahil sa kanya ay hindi niya maiwasang malungkot.
"Bait-baitan, ilabas mo ang pagkamaldita mo! Maldita ka naman dati hindi ba?" singhal nito kaya lalong nagalit ang ginang.
"Karen, ako ang nagpabalot ng ulam sa kanya! Pati ba ang Tiyo Ponso at Tiya Ester mo ay pagdadamutan mo pa!" matigas ang tinig na sambit nito. Agad namang napayuko ang ulo ng dalaga bago bumulong.
"Sorry, Nay," sambit nito bago marahang naglakad paakyat sa hagdan.
"Tita,pasensya na po kung dahil sa akin ay nag-aaway kayo. Nauunawaan ko naman po kung bakit ganoon sila sa akin," pigil ang luhang bulalas niya. Malambing at mabait na bata naman noon si Karen. Hanggang ngayon ay mabait pa rin ito at katulad ng ina ay nanatiling mapagkumbaba sa kabila ng estado sa buhay. Tanging sa kanya lang nagiging maldita ang babae.
"Anak, aaminin ko sa iyo na sumama rin ang loob ko dahil sa nangyari noon. Nakita ko kung paano nasaktan at muntik mawasak ang kinabukasan ng aking si Rafael dahil dinamdam niya ang nangyari sa inyo. Pero sino ba naman ako para hindi magpatawad? Nakita ko ang pagsisisi sa mga mata mo idagdag pa ang naging paghihirap ng kalooban mo dahil sa nangyari sa iyong itay. Kung ano man ang naging kasalanan mo sa anak ko ay parte iyon ng buhay at pagkakamali at alam kong napagsisihan mo na iyon," sambit nito na marahan siyang niyakap.
Doon humulagpos ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Hindi naman niya pinagsisihan ang pag-iwan kay Rafael, pero ang dinulot niyang sakit dito ay napagbayaran na niya ng labis. Sobra-sobra pa kung tutuusin.
"Surprise!" pareho silang nagulat ng matanda nang mula sa pinto ay bumungad ang isang matangkad at matipunong lalaki. Agad siyang binitiwan ng matanda at mangiyak-ngiyak nitong sinalubong ng yakap ang bagong dating.
"Rafael, anak! Akala ko ba ay bukas pa ang uwi mo?" sambit ng Ginang habang yakap ng mahigpit ang binata. Hindi naman siya nakagalaw sa kinatatayuan habang nanlalaki ang mga matang nakatitig sa bagong dating. Kung noon ay guwapo at matikas na ito ay mas dumoble ngayon. Mas guwapo pa ito sa personal kaysa sa picture nito sa magazine na pinakatago-tago niya. Nang huli niya itong makita ay kayumanggi ang balat nito dahil sunog sa araw ngunit maputi na ito ngayon. Lumaki ang katawan nito na natitiyak niyang alaga sa gym. Ang mga mata nitong matiim kung tumitig ay walang ipinagbago kahit ang matangos nitong ilong na paborito niyang pisilin noon. Ang mga ngiti nito ay nagpasikdo sa kanyang dibdib. Tumangkad din ito at halos hanggang balikat na lamang nito ang ina.
Nakaramdam siya ng kagustuhang yumakap dito. Na-miss din niya si Rafael na halos kasabay niyang lumaki at nagbinata. Sabik siyang pumailalim muli sa mga yakap nito. Akmang ihahakbang niya ang mga paa upang lumapit nang dumako ang paningin nito sa kanya. Noong una ay parang kinikilala siya nito hanggang sa unti-unting nagkaroon ng rekognisyon sa mga mata ng lalaki. Ngumiti siya pero agad nawala ng kumunot ang noo nito at mawala ang ngiti sa mga labi. Naningkit ang mga mata nito at may nabasa siyang galit mula roon na agad ring naglaho ng mabaling ang paningin nito sa hagdan.
"Kuya! Ang daya mo! Akala ko ba bukas pa ang uwi mo! May inihahanda pa naman akong sorpresa!" nakangusong sambit ni Karen habang tumatakbo pababa sa hagdan at yumakap sa kuya nito. Natawa naman ang huli at bahagyang ginulo ang buhok ng kapatid.
"Balak kong sirain ang sorpresa mo para kayo ang masorpresa ko," nakangising sambit nito. Sinamaan naman ito ng tingin ng kapatid at bahagyang tinapik ang kamay nito.
"Kuya, huwag mong guluhin 'yang buhok ko! Dalaga na ako!" naiinis na bulyaw ni Karen. Nakanguso ito at nagmamaktol. Ito pa rin pala ang dating Karen na kilala niya. May pagkabata kung gumalaw at madaling magmaktol.
"Pero ikaw pa rin ang baby ko," sambit ng binata habang mahigpit na niyakap ang kapatid. Sumikdo ang dibdib niya dahil sa dako niya nakatingin ang mga mata nito. Hindi pa rin siya makagalaw sa pagkakatayo dahil sa pagkabigla. Akala niya ay maihahanda pa niya ang sarili bukas sa pagkikita nila pero kahit siya ay nasorpresa sa biglaang pag-uwi nito.
"Hon, walang signal!" nakasimangot na bumungad sa pinto ang isang maganda at seksing babae. Humawak ito sa braso ng binata at nang mapansin nito si Salome ay kaagad nagmano.
"Tita, kumusta po kayo?" sambit nito sa malambing na boses.
"Ate Chris!" tili naman ni Karen at mabilis na yumakap sa bagong dating habang may kasama pang pagtalon. Yumakap din naman ang babae pero halata na ilag ito. Marahil ay hindi sanay sa kagaslawan ni Karen. Mahahalatang galing ito sa mayamang pamilya base na rin sa galaw nito na tila hindi makabasag pinggan. Pamilyar sa kanya ang babae pero hindi niya gaanong matandaan.
"Oo nga pala, anak. Natatandaan mo ba si Alyssa? Iyong kababata mo?" tanong ni Salome kaya doon lamang siya nakalapit sa mga ito. Marahang humagod sa kabuuan niya ang paningin ni Rafael kaya hindi niya mapigilang mailang. Kumpara dito at sa kasama nitong babae ay nagmumukha lang siyang basahan sa harap ng mga ito.
"Oo naman, 'Ma. Sino ba naman ang hindi makaaalala sa kanya?" sambit nito sa mariing boses kaya napayuko na lamang ang dalaga. Hindi niya kayang salubungin ang nanunuring tingin ni Rafael.
Tumikhim si Karen upang basagin ang ilang saglit na pagdaan ng katahimikan sa pagitan nila. "Ahm, kuya baka hindi pa kayo kumain?" tanong pa nito.
"Alyssa? Alyssa Mendez?" bulalas naman ng babae kaya napaangat siya ng tingin. Nakita niya ang pagkabigla at takot na bumalatay sa mga mata ng babae pero agad ring napalitan iyon ng tuwa. Kunot noong tinitigan niya ito at pilit kinikilala.
"Remember me? Christalyn Verosel, Chrissy for short?" tanong nito habang malapad ang pangkakangiti sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya nang tuluyan niya itong matandaan.
"Chrissy?" bulalas niya bago pinangiliran ng luha sa mga mata.
"The one and only, girl! Saan ka ba nagsuot? Namiss kita!" sambit nito bago siya nilapitan at niyakap. Ramdam niya ang magaang pagpulupot ng braso nito sa katawan niya pero wala doon ang init. Agad itong lumayo pero hinigit niya at mahigpit na niyakap. Ito ang naging kaibigan niya noon at naging karamay nang mga panahong namomroblema siya. Naging mabuti itong kaibigan noon sa kanya.
"Na-miss din kita!" sambit niya na malapad ang ngiti. Humiwalay siya rito habang pinupunasan ang luha sa mga mata. "Si Natsumi? May balita ka pa ba?" tanong niya sa isang naging kaibigan din nila noon.
"Nahanap na niya ang tatay niyang hapon kaya nagpunta na sa Japan," tugon nito.
"Ano ba kayong mga bata, ituloy na ninyo ang kamustahan sa kusina!" natatawang sambit naman ni Salome. Si Karen ay masama ang tingin sa kanya habang si Rafa ay blangko ang emosyon.
Kumapit si Chrissy kay Rafa at hindi na siya nito pinansin pa kaya naman naisipan na niyang magpaalam. Nakaramdam siya ng saya sa kaalamang kaibigan niya ang naging nobya ni Rafael pero hindi rin niya maitatanggi ang labis na pagkirot ng kanyang puso habang nakikita ang sweetness ng dalawa.
"Dream on, girl. Naka-move on na si kuya at higit pa sa 'yo ang naging girlfriend niya," bulong ni Karen bago siya nito iwanang nag-iisa sa salas. Abala na ang mga ito kaya naman minabuti niyang umuwi na lamang. Bukas ay baka makapagkuwentuhan pa sila ni Chrissy. Sabik siyang makakuwentuhan ang kaibigan kaya naman may ngiti sa kanyang labi ng tahakin niya ang daan pauwi sa kanila.

Komento sa Aklat (124)

  • avatar
    peratercharisa

    nkakaiyak..nice ang story..relatable💕💕💕

    06/08

      0
  • avatar
    Rome Azaiah

    good

    05/08

      0
  • avatar
    John Mark Naboa Fajardo

    Huhl

    30/06

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata