logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Ikatlong Kabanata

NAPATAKIP ako sa aking bibig sa pagkagulat. Hindi ko alam kung paano ako biglang nakarating dito sa banyo. Umurong yata ang pananakit ng tiyan ko dahil wala na akong ibang maramdaman ngayon kundi ang takot na sumasakop sa sistema ko.
Dali-dali kong binuksan ang lahat ng mga cubicle at totoo ngang nasa loob na ako ng comfort room ng school.
Paano nangyari ‘yon?
Naagaw lang ang atensyon ko nang tumunog ang phone ko. Tumatawag si Pracy. Wala sa sarili ko iyong sinagot.
“Hello, Quinn? Nasaan ka na?” tanong niya sa kabilang linya habang ako ay nanatiling walang imik dahil natanga na sa nangyari. “Hoy, Quinn? Are you still there? Hello?”
“P-Pabalik na ako…” Iyon lang ang tanging nasabi ko bago pinatay ang tawag.
Tulala ako habang naglalakad pabalik sa hall kung nasaan ako kanina. Napatigil ako nang matanaw si Pracy sa malayuan. Namataan niya ako sa paghahagilap niya kaya dinaluhan kaagad ako nito.
“Saan ka nanggaling?” pagsalubong niya. “Ang sabi ko ay bibili lang ako saglit pero wala ka na nang bumalik ako rito. Bakit ka ba umalis?”
Kaysa sagutin siya ay napahawak lang ako sa balikat niya at sa tuhod ko. Mababaw ang naging paghinga ko at pakiramdam ko ay hingal na hingal ako sa hindi ko malamang dahilan. Alam kong nagtataka na siya ngayon sa inaasta ko.
“Pracy…” mahinang tawag ko sa kaniya. “May kakaibang nangyari sa akin…”
Inalalayan niya akong maupo sa isa sa mga bleachers na malapit sa pwesto namin.
“Anong kakaiba? Bakit? Ano ba ang nangyari?”
“Nandito lang ako kanina. Hindi ako umalis. Pumikit lang ako at pagdilat ko ay nasa cubicle na ako,” seryosong paliwanag ko.
Ilang minuto niya akong tinitigan bago siya tumawa nang malakas. Halatang hindi siya naniniwala sa sinasabi ko.
“Nahihibang ka na ba?” natatawang anas niya. “Nag-teleport ka, gano’n? Ano ‘yon, magic?”
“Hindi ako nagbibiro, Pracy. Maniwala ka sa akin! Nagsasabi ako ng totoo!”
“Kailangan mo pa yata ng pahinga, Quinn,” giit niya. “Hindi ka muna dapat pumasok. Kung ano-ano ang na-i-imagine mo.”
Napabuntong hininga na lang ako nang tapikin niya ako sa braso bago siya nagpatuloy sa ginagawa. Imposibleng paniwalaan niya ako. Para sa kaniya ay isang malaking kalokohan lamang ang mga ‘yon.
“Let’s go back to the classroom,” yaya niya nang maubos ang kinakain. Tanging tango lang ang naitugon ko at hindi na nagsalita pa.
Nang makabalik kami sa room ay hindi ako makapag-focus nang maayos sa klase. Iniisip ko pa rin ang nangyari kanina. Kung paano ako napunta sa comfort room. Masyadong nakakabigla.
“Ms. Naveen, pinapatawag ka ng Principal.”
Napaangat ako ng tingin sa Professor namin nang marinig kong tinawag niya ako. Nilingon ko pa saglit si Pracy bago ako tumayo at sumunod.
“Bakit daw po, ma’am?” tanong ko sa Professor namin habang naglalakad kami papunta sa office ng Principal.
Wala naman akong naaalalang ginawa o nilabag kong rules. Ngayon lang ako pinatawag ng Principal sa ilang taon ko nang nag-aaral sa paaralang ‘to.
“I don’t know,” tipid na sagot nito sa akin.
Huminto kami nang makarating na kami sa tapat ng office. Hinarap niya ako.
“Go inside, Ms. Naveen,” utos nito.
Magalang ko siyang tinanguan bago ako tuluyang pumasok sa loob.
Napakunot ang noo ko nang pagkapasok ko ay wala akong nakita ni isang tao sa office. Maski ang Principal ay wala. Kaya naupo na lang ako at nagpasyang hintayin siyang dumating.
Habang naghihintay ay naglibot-libot ako sa loob ng office niya. Puro trophies at mga awards ang nakikita ko. Puro mga achievements ng school sa nakalipas na mga taon.
Maya-maya pa ay napako ang tingin ko sa desk niya. May napansin akong nakasingit na papel doon at litrato. Hindi ko naiwasan ang ma-curious sa kung ano ang laman no’n kaya nilapitan ko iyon at tinignan.
Nakita ko ang litrato ng isang mestisang babae. Sa tingin ko ay matagal na ang kuha ng larawan na ‘to dahil sa vintage na filter at lukot. Napaisip ako habang hawak-hawak ang litrato.
Sino naman kaya ang babaeng ‘to?
Nasagot lang ang tanong ko nang mapabaling ako sa nakasulat sa pinakababang bahagi ng papel.
Varri Cuevas.
Ang pangalan na ‘yon… Malakas talaga ang kutob kong may kakaiba sa kaniya, pati na rin sa paaralang ‘to. Alam kong may hindi sila sinasabi sa aming lahat. May tinatago sila at dapat kong malaman kung ano ‘yon.
Mabilis kong ibinalik ang papel na hawak ko nang marinig ko ang pagpihit sa pinto. Iniluwal no’n ang Principal.
“Kanina ka pa ba naghihintay, Ms. Naveen?” tanong niya.
Defensive akong umiling. “Hindi naman po masyado.”
Lumapit siya sa desk niya at pasimpleng inipit ang papel na hawak ko kanina sa folder na nandoon. Umupo siya sa swivel chair ng table niya bago muling bumaling sa akin.
“Kaya kita ipinatawag ay dahil nabalitaan ko ang nangyari sa ‘yo,” panimula niya. “Na-confine ka raw sa ospital ng tatlong araw. Okay ka na ba ngayon?”
“Opo, ayos na po ako, Ms. Principal. Thank you for your concern.” Nginitian ko ito nang matipid.
“Well, good to know you’re fine,” nakangiting sabi nito. “Makakabalik ka na sa klase mo. Kinamusta lang talaga kita.”
“Maraming salamat po. Aalis na po ako.”
Magulo ang isip kong naglalakad pabalik sa classroom. Masyadong maraming bumabagabag sa akin. Ang mga hindi pangkaraniwang pangyayaring nararanasan ko, ang babae sa litrato, ang paaralang ‘to, at ang Principal.
Napabalik lang ako sa ulirat nang biglang may pumisil sa balikat ko.
“Ayos ka lang, Quinn?” tanong ni Alora at sumabay sa akin sa paglalakad.
“Huh? A-Ah, oo.”
“Parang ang lalim ng iniisip mo. Malunod ka n’yan,” biro niya.
Hindi ako nakaimik. Kailangan ko munang mapag-isa para makapag-isip-isip. Sobra akong naguguluhan. Hindi ko na alam. Sari-saring tanong ang lumulutang sa isipan ko ngayon at lahat ng ‘yon ay gusto kong mabigyan ng kasagutan.
“I-share mo naman ‘yan,” daldal pa ni Alora. “Dali! Makikinig ako.”
“Sa atin lang muna ‘to, pwede? Huwag mong ipagsasabi sa iba ang sasabihin ko sa ‘yo,” nag-aalangan kong bulong sa kaniya.
“Noted. Your secrets are safe with me, Quinn,” paniniguro niya at nag-pinky promise pa.
Ikinuwento ko sa kaniya ang nakakagulat na nangyari sa akin kanina.
“Oh my gosh!” bulalas niya.
Napasinghap akong tumango-tango. Mukha namang naniniwala siya sa akin dahil wala itong naging pagkontra o ano pa. Wala sa sariling napatitig ako nang diretso sa mga mata niya.
May magaganap na car accident. Highway. Dalawang tao. 11:30 PM. May 13…
Napaatras ako sa pagkagitla. Nanlalambot ang tuhod ko na tila ba malulumpo ako anumang segundo. Hindi ko maintindihan kung bakit biglang umakyat ang pangamba sa dibdib ko. Mabilis na napalitan ng pag-aalala ang reaksyon sa mukha ni Alora at kaagad akong inalalayan.
Ano ‘yong nakita ko?
***
Tahimik lang kaming bumalik ni Alora sa classroom. Wala ni isang nagsalita pa sa aming dalawa. Ramdam kong gusto niya akong tanungin pero hindi niya ginawa dahil alam niyang ayaw ko muna ng kausap.
Nang makapasok kami sa room ay kaagad akong nilapitan ni Pracy at hinila paupo sa upuan ko.
“Bakit ka pinatawag ng Principal?” pang-iintriga niya pero tinapunan ko lang siya ng tingin.
Hindi ko magawang sagutin ang tanong niya dahil naba-blangko ako. Nang may maalala ako ay mabilis kong kinuha kay Pracy ang phone niya at tinignan ang date ngayon.
May 13…
Napahilamos ako sa mukha ko at natatarantang kinagat ang ibabang labi. Nagtatakang hinablot ni Pracy ang cellphone niya mula sa kamay ko.
“Problema mo, Quinn? Pinagpapawisan ka na, oh,” puna niya sa itsura ko.
Hindi na ako nag-abalang punasan pa ang namumuong pawis sa noo ko. Nilingon ko si Alora na masayang nakikipag-usap sa iba pa naming mga kaklase. Napabuga ako ng hangin dahil hindi ko alam ang gagawin ko.
Anong ang ibig sabihin ng nakita ko?
Natapos ang klase namin ng araw na ‘yon na para bang wala ako sa sarili. Ni hindi ko man lang namalayan na uwian na pala namin.
Pagkalabas ko ng school ay natanaw ko kaagad si Mama na nag-aabang sa akin sa kotse.
“Hi, sweetie,” bati niya sabay kuha sa bag ko. “How’s your day?”
“It went well, Ma,” pagsisinungaling ko.
“Mabuti naman kung gano’n. Uwi na tayo?” yaya niya at pinasakay na ako sa loob ng kotse.
Umabot ng isang oras ang byahe namin dahil sa haba ng traffic. Nang makarating sa bahay ay kaagad kaming dumiretso sa dining room dahil nakahanda na raw doon ang dinner.
“Nasa dining area na ang Papa mo,” banggit ni Mama.
“Magpapalit muna po ako.”
Umakyat ako sa kwarto ko at mabilis na nagpalit ng damit. Bago ako makalabas ay napasilip pa ako sa orasan na nakapatong sa maliit na lamesa sa tabi ng kama ko. 10:45 PM na.
Napailing-iling ako at isinara na lang ang pinto ng kwarto ko. Hindi ko na pinansin pa ang oras.
Nagmadali akong pumunta sa dining. Naabutan ko sina Mama at Papa na naghihintay doon. Umupo na ako at nagsimula na kaming kumain.
“How’s your grades? Walang problema?” tanong ni Papa. Napahinto naman ako sa pagkain.
“Wala pong problema,” maikling sagot ko.
Tumango ito at nagpatuloy na kami sa pagkain. Inubos ko iyon nang mabilisan para makapagpahinga na ako nang maaga dahil nakakapanghina ang mga nangyari sa akin ngayong araw.
Pagkatapos kumain ay hinugasan ko na kaagad ang mga pinggan na ginamit namin at umalis na sa kusina. Paakyat na sana ako sa kwarto nang bigla akong tawagin ni Mama sa sala.
“Quinn Emerald!” sigaw niya. “Halika, manood ka ng balita.”
Magkasalubong ang kilay kong pinuntahan siya sa sala. Itinuro niya kaagad sa akin ang TV.
“Bakit po, Ma?” naguguluhang tanong ko.
“Panoorin mo.”
Mas lalong nangunot ang noo ko sa pagtataka kung bakit ganoon ang reaksyon ni Mama. Ibinaling ko ang atensyon ko sa balita at taimtim na nakinig.
Ngayong ikalabing-tatlong araw ng Mayo, pasado alas onse y media, isang senior highschool student sa paaralang Mystica Elementa High na nagngangalang Alora Leona ay natagpuang patay dahil sa naganap na car accident sa gitna ng Mystica highway kasama ang isa pang lalaki na nakilalang mistulang kaniyang driver—
Nanginginig kong hinablot ang remote at pinatay ang TV nang mapakinggan ang balita. Napatakip ako sa bibig ko at pakiramdam ko ay nanigas ako sa kinatatayuan ko.
“Hindi ba’t kaibigan mo si Alora?” tanong ni Mama sa akin.
Hindi ko siya tinugunan bagkus ay muli akong tumingin sa TV. Pagkaalarma at nerbiyos ang nag-uunahang maghari sa dibdib ko. Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha ko at mahinang humihikbi. Bigla akong kinilabutan at nangatog sa sobrang takot.
Nangyari nga ang nakita ko sa mga mata ni Alora kanina…

Komento sa Aklat (39)

  • avatar
    Dandan Dela Cruz

    that was so awesome

    20/07

      0
  • avatar
    Hanna Winx

    high school life. probably the happiest times in our lives many considers their collage life to be the best,but for me high school is better

    20/07

      1
  • avatar
    Misha Yuri

    ganda ng story

    30/05

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata