logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 5

Sumama siya kina Mutya sa pangangaso sa silangan. Ilang araw na rin siyang walang ginagawa kaya naman nang ayain siya ng dalaga ay hindi siya tumanggi. 
Kasalukuyan silang nasa ilalim ng malaking puno at hinihintay ang ilan nilang kasamahan.
"Sino ba ang hinihintay natin?" tanong niya kay Mutya. Nayayamot na siya, tingin niya ay kalahating oras na sila roon. Mukhang sa tribo na 'yon ay uso rin ang Filipino time.
"Nariyan na pala sila," turan nito habang nakatingin sa ibang direksyon.
Agad niyang tiningnan kung saan ito nakatingin at halos mapamura na siya nang makita si Marikit at ang dalawang frog na alalay nito. Kasama rin nila si Limo at Sapiro. 
Nang makalapit ang lima sa kinaroroonan nila ay nagsimula na silang maglakad patungong silangan.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin na sasama pala ang grupo ni Marikit?" bulong niya kay Mutya.
"Hindi ko rin alam, Ate Eunice. Baka inaya sila ni Kuya Limo," sagot nito.
Pagkarating nila sa silangan ay nagkanya-kanyang grupo sila. Magkasama sila kay Mutya.
"Marunong ka bang gumamit niyan," tukoy ng dalaga sa hawak niyang pana. 
"Oo naman," aniya. Pareho silang miyembro ng archery club kay Luna noong nag-aaral pa lamang sila. Pero bata pa lang siya ay kinahiligan niya na talaga ito dahil sa tuwing bumibisita siya sa probinsiya ng kanyang lolo ay isinasama siya nito sa pangangaso at kadalasang pana ang hawak niya. Hindi niya na rin mabilang ang mga pagkakataon na iniripresenta niya ang kanilang school sa archery. Madalas siyang pagkamalang boyish dahil mga panlalaki ang kinahiligan niyang sports at sa medyo magaslaw niyang kilos. Sa totoo ay bilang lang sa kanyang mga daliri ang nagtangkang manligaw sa kanya dahil ang akala ng mga ito’y babae ang kanyang hanap. Nagka jowa naman na siya pero walang tumagal. Sabihin na nating walang tumagal sa ugali niya.
May nakita siyang ibon na nakadapo sa may sanga, dahan-dahan siyang lumapit dito saka pinana. Natamaan ang kawawang ibon at nahulog. Buhay pa naman ito nang lapitan niya pero tiyak niyang oras lang ang itatagal nito sa mundo. 
Naglibot pa sila ng kasama, gaya niya ay bihasa rin ito sa paggamit ng pana. Ikaw ba naman ang lumaki sa kagubatan at pangangaso ang inyong pangkabuhayan, tingnan na lang natin kung hindi ka magiging expert sa paggamit nito.
Sa isang yungib sila nagpalipas ng gabi. Inihaw nila ang ilan sa kanilang nahuli at iyon ang kanilang kinain. Kay Mutya siya tumabi sa pagtulog dahil ito lang naman ang babaeng kasundo niya roon. Siniguro niyang malayos siya sa grupo nila Marikit at baka masakal niya ang mga ito sa kanyang pagtulog.
Pagkagising ni Eunice kinaumagahan ay agad siyang nagtungo sa ilog upang maghilamos. Pagkatapos niyang maghilamos ay nagtungo siya sa itaas na bahagi ng ilog, sa may malaking bato at doon naupo habang pinagmamasdan ang malinaw na tubig sa ibaba. 
"Nagkamali ka ng desisyon nang sumama ka rito sa silangan," anang isang tinig. "Sabi ko naman sa iyo, wala kang maibabatbat sa lugar na ito dahil dito nasa akin ang simpatiya ng mga tao."
"Hindi kita pinapansin pero kusa kang lumalapit sa akin. Attention seeker ka ba? Kung attention ang hanap mo, huwag ako! okay?" aniya, "doon ka! shoo~" ikinumpas niya ang kamay na parang nagtataboy ng aso. 
Sa halip na lumayo ay mas lumapit pa ito sa kinaroroonan niya. Tumayo ito sa gilid ng bato.
"Ano kaya ang iisipin nila kapag nahulog ako rito?" mapang-uyam nitong wika.
Hindi makapaniwalang hinarap niya ito, "huwag mong sasabihin na magpapahulog ka riyan sa tubig? Baliw ka na nga!"
"Tingnan natin," saad nito at binigyan pa siya ng nakalolokong ngiti bago nagpahulog.
Narinig niya ang pagbagsak nito sa ilog kaya agad siyang tumayo. Nang tumingin siya sa ibaba ay nakita niya ang pagkumpas ng mga kamay nito sa tubig. Noong una, akala niya ay uma-acting lang ito pero nagpatuloy ang pagkumpas ng mga kamay nito habang pilit nitong iniaahon ang ulo sa itaas. 
Teka! hindi ba ito marunong lumangoy? Sa isiping hindi nga ito marunong lumangoy ay nagsimula na siyang makaramdam ng takot. Agad siyang tumalon sa tubig upang tulungan ito ngunit patuloy pa rin ang pagkumpas ng mga kamay nito kaya naman nahirapan siyang i-rescue ang dalaga, na baka sa halip makatulong siya ay pareho pa silang malunod.
"Tulong!" sigaw niya baka sakaling may makarinig na kanilang kasamahan.
"Tulong!"
Nang mapansin niyang nanghina ang katawan ni Marikit ay inalalayan niya ito at nagsimulang lumangoy sa may pampang.
"Tulong!" 
Patuloy siyang humingi ng saklolo, puro bato ang nasa gilid nila at medyo malayo pa sila sa pampang. Sa bigat ng katawan ng dalaga ay nahihirapan na rin siyang ilangoy ito lalo na't pansin niyang wala na pala itong malay.
Mukhang narinig nila ang sigaw niya. Agad sumaklolo sa kinaroroonan nila si Limo at Sapiro. Bakas ng pag-aalala ang mukha ni Limo nang kunin nito sa kanya si Marikit at dinala ito sa pampang. Inalalayan naman siya ni Sapiro.
Inihiga ang dalaga sa damuhan at sinimulang i-pump ang dibdib nito. 
"Anong nangyari rito?" tanong ng kararating na si Kayan kasama nito ang dalawang kaibigan ni Marikit at si Mutya.
"Huwag mong sabihin na itinulak mo siya sa tubig?" asik sa kanya ni Silana nang makita siya nito.
"Bakit ko naman gagawin 'yon? May pruweba ka ba?"
Sasagot na sana ito pero biglang umubo ng tubig si Marikit pagkatapos ay iminulat ang mga mata.
"Salamat naman at ayos ka na," ani Limo na naginhawaan nang makitang ayos na ang dalaga.
"Limo," ani Marikit na parang isang bata at niyakap ang binata pagkatapos ay umiyak ito.
Yumakap naman ito pabalik, "tahan na..." pagpapatahan nito habang hinahaplos nang marahan ang basa nitong buhok.
Nakaramdam siya ng kirot sa nakita. Sa tuwing nakikita niya si Limo ay lagi itong walang emosyon, na kung minsan naman ay laging salubong ang kilay nito tuwing kaharap siya. Pero nang lumapit ito sa kanila sa tubig upang kunin si Marikit, nakitaan niya ito ng pag-aalala at takot na noon niya lang nakita. Ngayon ay nasasaksihan niya kung paano nito i-comfort ang dalaga, bagay na sadyang nagpadurog sa kanyang nagmamahal lang namang puso.
"Anong nangyari, Marikit? Itinulak ka ba ng taong-labas na 'to?" itinuro siya ni Silana.
Itinaas ni Marikit ang luhaang mukha at tumingin sa kanya, "wala akong ginagawa pero bigla niya na lamang akong itinulak sa tubig. Limo, natakot talaga ako, akala ko... akala ko~" hindi na nito itinuloy ang sasabihin at muling umiyak. Niyakap ito ng binata.
"Nasisiraan ka na ba ng ulo?" hindi makapaniwalang tumingin siya kay Marikit. "Ikaw ang kusang tumalon sa ilog. Magpasalamat ka nga at sinagip pa kita!" 
Sa halip na sumagot ay mas nilakasan pa nito ang pag-iyak bagay na kanyang ikinarindi.
Matalim ang tinging ipinukol sa kanya ni Limo. "Itinulak mo ba siya?" diin nito.
"Naniniwala ka sa babaeng 'yan? Nahihibang na 'yan eh! Dapat nga riyan dinadala na sa mental para hindi makapaminsala." 
"Ikaw ang nahihibang! May takot si Marikit sa malalalim na parte ng ilog kaya bakit siya tatalon kung ikapapahamak niya ito? Hindi ka lang sinungaling, mapanakit ka pa," mababanaag mo sa boses nito na nagpipigil ito ng galit.
Tila siya na estatwa sa huling sinabi ng binata. Nang maglandas ang luha sa kanyang pisngi ay agad niya itong hinawi. "Tinawag mo akong sinungaling?" sarkastiko siyang tumawa at tumingin sa binata. "Eh ano ang tawag sa'yo? Bulag? May favoritism?" asik niya. Kung kanina sakit lang ang nararamdaman niya ngayon ay galit na rin.
"Husto na, Eunice," si Kayan na ang nagsalita. "Tama si Limo, may takot si Marikit sa malalalim na parte ng ilog kaya imposibleng tumalon siya rito."
Saglit siyang natahimik sa sinabi ni Kayan. Maging ito ay nagdududa rin sa kanya.
"Kung itinulak ko siya at gusto ko siyang saktan. Sana hindi ko na siya sinagip at humingi ng tulong sa inyo. Sana hinayaan ko na lang siyang mamatay para naman may saysay ang pambibintang ninyo," diin niya. Hindi niya na kayang kontrolin ang kanyang galit.
"Ano'ng sinabi mo?" ani Limo na hindi natuwa sa sinabi niya. Inalalayan nitong tumayo si Marikit pagkatapos ay lumapit sa kanya. Madilim ang mukha nito, "sana hinayaan mo na lang siyang mamatay," ulit ng binata sa sinabi niya. Walang pasabi nitong hinatak ang kanyang braso at madiing hinawakan. Ramdam niya ang sakit pero mas masakit pa rin ang katotohanang hindi man lang siya nito pinakinggan, at tinawag siyang mapanakit at sinungaling.
"Limo, nasasaktan mo siya," awat ni Kayan. Ito na mismo ang nagtanggal sa pagkakahawak ng binata sa kanyang braso.
Hinimas niya ito upang maibsan ang kirot. Pakiramdam niya pinagtutulungan siya nang oras na 'yon. Nanatili siyang nakatingin sa baba habang hawak ang nasaktang braso. Hindi niya na kayang tingnan ang binata lalo na't galit para sa kanya ang makikita sa mga mata nito. "Wala man lang ni isa sa inyong nagtanong kung ayos lang ako. Agad n'yo akong hinusgahan kahit na hindi n'yo naman nakita ang totoong nangyari. Taong-labas lang naman kasi ako kaya bakit n'yo pa pag-aaksayahan ng panahon ang paliwanag ko kung noong una pa lang ay masama na ang tingin n'yo sa mga gaya ko," mahina niyang turan pagkatapos ay tumalikod. "Babalik na ako sa tribo at sasabihin ko kung ano sa tingin n'yo ang ginawa ko at tatanggapin ang parusang ibibigay sa akin. Hindi rin naman sila maniniwala kung sasabihin ko ang totoo." Hindi niya na hinintay na magsalita ang mga ito at naglakad na siya palayo.
Nang makalayo na siya ay saka niya hinayaang maglandas ang mga luha na kanina pa niya pinipigilan. Lakad at takbo ang kanyang ginawa sa pagnanasang tumigil ang kanyang luha, at tumigil naman ito kalaunan. Nakaramdam siya ng hilo at pagod pero hindi niya iyon pinansin.

Komento sa Aklat (1)

  • avatar
    Aleli Biniza

    super Ganda ng story

    13d

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata