logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 4

Sinamahan niya si Mutya sa pagtatanim. Wala naman siyang gagawin kaya tutulong na lang siya para sa ikauunlad ng bansa ay este ng tribo pala. 
Habang sila ay nagtatanim dumating ang grupo ni Marikit. Pansin niya magmula nang umalis sina Halom ay palagi na niyang nakikita ang bruha at ang dalawang frog na alalay nito. Hindi naman siguro siya sinusundan ng tatlo. O baka sobrang bilib ang mga ito sa ganda niya kaya gano'n.
"May silbi rin pala ang pagpapaiwan sa iyo rito nina Amang Nilo," ani Marikit habang pinapanood ang ginagawa nila ni Mutya. Nagkunwari na lamang siyang hindi narinig ang sinabi nito.
Mayamaya ay dumating ang isang batang babae. "Ate Mutya, ipinapatawag ka ni Inang Sita," ani nito.
Tumayo ang dalaga, "sasama ka ba?" baling nito sa kanya.
"Hindi, pagkatapos nito ay baka bumalik na rin ako sa aking kubo."
"Sige, maiwan na kita."
Tango lang ang kanyang naging tugon sa pamamaalam nito. Itinuloy niya ang ginagawa, pansin niya hindi pa rin umaalis ang grupo ni Marikit. Sa kasamaang palad ay lumapit ang mga ito sa kinaroroonan niya.
"Kawawa ka naman, iniwan ka na ng kasama mo. Hindi na babalik 'yon, sigurado akong maraming ipapagawa roon si Inang Sita."
"Katunayan lang na mas may silbi siya kaysa sa inyo. Akalain n'yo si Inang Sita na mismo ang nagpatawag sa kanya, because she sees her value and worth. Kayo minsan ba ay kinailangan niya ang tulong n'yo? O sabihin na nating hindi kayo maaasahan sa paningin niya." Tinaasan niya ng kilay ang mga ito. Hindi niya lang pinatulan ang sinabi ni Marikit kanina dahil nasa tabi niya si Mutya at hindi niya gustong madamay ito.
"Ano'ng sinabi mo?" ani isang frog na kung hindi siya nagkakamali ay Silana ang pangalan. Lulusubin na sana siya nito ngunit pinigilan ito ni Marikit.
"Tingnan lang natin kung saan aabot ang tapang mo. Sa lugar na ito ay wala kang maibabatbat."
"Bakit hindi n'yo subukan nang magkaalaman tayo," paghahamon niya. Tumayo siya at nakipagtagisan ng tingin sa tatlo.
Biglang isinalampak ni Marikit ang katawan sa lupa, "Awww!" agaw pansin nitong hiyaw. Mula sa ‘di kalayuan ay lumapit sa kanila si Limo kasama ang binatang si Sapiro. Inalalayan nitong tumayo si Marikit.
"Anong nangyari rito?" tanong nito pagkatapos ay tumingin sa kanya.
"Itinulak niya si Marikit, Limo," turo sa kanya ni Kamila, isa pang alalay ng bruhang dalaga.
Nagpakawala siya ng mahinang tawa, akala niya nasisiraan na ng ulo ang dalaga nang bigla itong sumalampak sa sahig, 'yon pala ay na-activate na ang acting mode nito.
Tumingin ang mga ito sa kanya.
"Ano? Titingnan n'yo lang ba ako riyan," pamimilosopo niya. 
"Hindi ka ba hihingi ng tawad sa ginawa mo?" ani Limo na hindi natuwa sa inasta niya.
Hinarap niya si Marikit, "patawad, hindi ko sinasadyang ITULAK ka," diniinan niya ang salitang 'itulak' para naman dama ang sinsiridad niya.
"Ayos lang 'yon basta mangako kang hindi mo na ito uulitin," ani nito sa maamong boses. 
Nais niyang maduwal sa paraan ng pagkakasabi nito pero pinigilan niya ang sarili. Ngumiti siya nang pilit, "pangako, hindi na mauulit."
"Hindi ba siya parurusahan sa ginawa niya?" tanong ni Silana na tila gusto pa siyang pahirapan. 
"Gayong pinatawad na siya ni Marikit hindi na kailangang umabot pa ito kay Amang Nilo," ani Limo. "Pasalamat ka kay Marikit at hindi ka maparurusahan sa ginawa mo," baling nito sa kanya.
'Wow ha! May utang na loob pa talaga ako sa bruhang 'yan. Siya ang magpasalamat at nakapagtimpi pa ako, kung hindi mata niya lang ang walang latay,' gigil ng kanyang isipan.
"Salamat," aniya sa bruha. 
Kita niya ang ngiti nito, ngiting tagumpay. Nakita pa niya ang pag-alalay dito ni Limo nang umalis ang mga ito. Hindi niya maiwasang sumimangot nang mapag-isa na siya. Naging masama na naman siya sa harap ng crush niya.
'Bakit hindi mo sa kanya sinabi ang totoo?' anang isipan.
"Nakita mo naman kung paano kampihan si Marikit ng mga frog friends niya. May maniniwala ba na hindi ko siya itinulak, gayong kita mo naman ang pag-arte niya."
'Kung sabagay.'
Nang sumunod na araw ay inaya siya ni Luna na mag picnic sa tabi ng ilog. Naroon din si Limo, kumpleto na sana ang araw niya ngunit nakita niya si Marikit kaya agad itong nasira. 
"Maruno ka bang manghuli ng isda, Ate Eunice?" tanong sa kanya ng batang si Isagani. Mabibo ito at nakatutuwang kausap.
"Hindi, tuturuan mo ba ako?"
Willing naman ang batang turuan siya kaya nagtungo sila sa ilog. Hawak ang panghuli ay itunuro ni Isagani kung paano ito gamitin na agad niyang nasundan. Sa tingin niya ay mas magandang ilaan ang oras sa panghuhuli ng isda kaysa naman makita ang nang-uuyam na tingin sa kanya ni Marikit. Nang mapagod siya sa panghuhuli ay umahon siya at nahiga sa may damuhan. Mataas ang sikat ng araw pero may malaking puno na lumilim sa kanyang kinaroroonan. Ipinikit niya ang mga mata at dinama ang pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang mukha.
"May problema ba?" tanong sa kanya ni Luna. Iminulat niya ang mga mata, hindi niya namalayan ang paglapit nito.
"Wala naman, bakit mo naitanong?"
"Pansin kong ang tahimik mo kanina pa."
"Kung makapagsalita ka parang ang daldal kong tao," biro niya.
"Slight lang naman."
"Che!" 
Sabay silang tumawa.
"Ang ganda pala dito sa lugar n'yo," pag-iiba niya sa usapan, "sariwa ang hangin, tahimik at payapa. Naalala ko noon ganito ang buhay na pinangarap ko, malayo sa siyudad."
 "Ngayon, ganoon pa rin ba?"
Nagkibit-balikat siya, "I'm not sure. Siguro kung saan masaya ang taong mahal ko, doon din ako. Ganoon naman kapag nagmahal ‘di ba, nagiging kasiyahan mo ang kasiyahan ng iba."
Sabay nilang pinanood ang panghuhuli ng isda ng ilang kalalakihan. Naiinis man siya kay Limo ay hindi niya maiwasang pagmasdan ito. Naalala niya ang gabing nakita niya itong hubad na nakababad sa tubig, ano na lang kaya kung tanghaling tapat nito ginawa iyon.
"Namumula ka," puna ng kasama.
Sinapo niya ang magkabilang pisngi, "wala 'to."
"Hindi mo naman siguro pinagsasamantalahan sa iyong isipan ang isa sa kanila."
"Hindi ah!"
"Sus kunwari ka pa! Kanina ka pa kaya nakatingin sa kanila."
"Ewan ko sa'yo!" 
Tinawanan lang siya nito. 
Matapos iihaw ang mga nahuling isda ay kumain na sila. Sa dulo siya umupo malayo kay Marikit para maiwasan ang pagkulo ng kanyang dugo, buti na lang at hindi nito kasama ang dalawang asungot.
Sa bandang hapon ay sinamahan niya si Isagani sa paglangoy sa ilog. Iniwasan niya si Marikit hanggang kaya niya, pero hindi ibig sabihin niyon na magpapatalo na siya. Sabihin na lang nating nasa peace mode siya ngayon at say no muna sa gulo.

Komento sa Aklat (1)

  • avatar
    Aleli Biniza

    super Ganda ng story

    13d

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata