logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter Five

♧♧♧
Tahimik lang kami habang nakasakay sa lumang karwahe. Mabagal lang din ang usad nito pagkat tatlo kaming nasa loob at tingin ko ay dalawang kabayo lang ang nasa unahan. Hindi ko pa alam kung sino ang nagmamaneho.
Tahimik lang si Kuya Barrett habang nakasilip sa mga siwang. Si Thaft naman ay pinapahinga ang binti niyang sugatan. Habang ako naman ang hindi mapakali.
Alam kong ang humabol sa amin kanina ay hindi ordinaryong tao. Sa laki ng pangangatawan ni Kuya Barrett, duda akong tatakbuhan niya ang kung sino mang magtatangka sa buhay niya. Pero iba 'yung kanina, kasi kahit ako, nakaramdam din ako ng matinding takot.
“Saan tayo papunta?” tanong ko, matapos tingnan silang dalawa.
“Pauwi,” maikiling tugon ni Thaft.
“Sa Tierra Cota?”
“Oo. Gabi na, baka hinahanap ka na nila.”
"Pero pa'no ka? Saan ka uuwi?"
“Tingin mo ba wala akong bahay, ha?” sarkastiko niyang tanong sa akin. “Tsk, ihahatid muna kita sa mansion ng mga Ignacio bago ako umuwi.”
Hindi na ako sumagot matapos no'n, tumahimik muli ang paligid namin. Hinintay ko na lang na makarating kami sa Tierra Cota.
Hindi naman nagtagal ng maramdaman kong tumigil ang karwahe. Naunang lumabas si Kuya Barrett at inalalayan naman nito sa pagbaba si Thaft, at ako ang nahuli.
“Salamat, Conie! May utang ako sayo,” sambit ni Thaft sa nagmamaneho.
Tinanggal naman ni Conie ang balabal nito at saka ko nakita ang kaedaran naming lalaki na may kulot na buhok at morenong balat.
“Walang anuman, pre,” sagot nito. Kumaway muna ito sa amin bago pinatakbo ang dalawang kabayo papalayo sa bayan.
Sa arko pala kami binaba ni Conie. Nakita ko na naman sa ikatlong ulit ang arkong gawa sa bato na may nakasulat na ‘Welcome’ na siyang kinakalawang na rin.
Nang pumasok kami sa bungad, may mga tao pang nasa labas. Hindi pa naman kasi malalim ang gabi. May mga nagtatawanan habang nag-iinuman pa nga sa gilid ng kalye.
“Thaft, nakabalik ka na pala. Magaling na ba ang binti mo?” tanong nung isang lalaki na may hawak na bote ng alak.
“Hindi pa ho, Mang Kanor. Umuwi na ho ako kasi baka tumaas ang bayarin sa ospital,” sagot ni Thaft sa kaniya. Halata namang nagsisinungaling siya.
“Aba'y hindi 'ba sabi ng hepe, sila na raw ang sasagot sa pagpapagamot mo? Sayang naman, magaling pa naman ang mga doktor sa Arcana.”
“Naku, Mang Kanor, hayaan mo na ho. Tutal, sinundo rin naman ako ni Juniper sa hospital. Siya na ang bahalang mang-gamot sa akin,” biro ni Thaft.
“Aba'y si June na ba 'yang kasama mo?” Tumayo ang lalaki saka pagewang-gewang na lumapit sa amin.
“Oho, hindi niyo ho pala nakilala.”
“Aba'y dalagang-dalaga na pala si June. Parang dati lang ay mga sipunin pa kayong nagtatakbuhan sa may kakahuyan. Tapos makikiinom sa kubo ko tuwing tanghali.” Nakangiting saad ni Mang Kanor habang inaalala ang nakaraan. “Kailan ka pa umuwi, ineng? Hindi namin alam na bumalik na pala kayo, hindi tuloy kami nakasalubong sa inyo.”
Napangiti naman ako sa sinabi ni Mang Kanor. Hindi ko aakalaing siya pala si Mang Kanor na naglalako ng taho noon, dahil hindi naman ito umiinom dati.
“Kaninang madaling araw pa lang po kami nakarating dito, Mang Kanor. Kasama ko pong bumiyahe sina Mama at Papa. Tulog pa ho siguro kayo kaya hindi niyo kami nakita,” sambit ko sa kaniya.
“Saan naman kayo tumutuloy ngayon? Hindi ba't binenta niyo na sa kapitan ang bahay niyo rito?”
“Sa mansion po ng mga Ignacio, pansamantala po kaming tumutuloy doon hanggang sa araw ng libing ni July.”
Natigilan naman si Mang Kanor sa sinabi ko. Lumungkot ang kaniyang mukha nang mapagtantong may namatay nga pala sa lugar namin.
“Oo nga pala, namayapa na ang kababata niyong si July. Ke-bata bata niyo pa, nabawasan na agad ang barkadahan niyo,” malungkot niyang sabi. “Oh siya, pakihatid na rin sa mga Ignacio ang pakikiramay ko. Pagpalain kayo ng Panginoon.”
Nakababa ang mga balikat nitong bumalik sa mga kainuman. Habang kami naman ni Thaft ay nagpatuloy sa paglalakad. Hindi naman kalayuan ang mansyon mula sa bukana ng bayan, lalo na't parehas kaming may alam na short cut ni Thaft.
Sa may ikalimang kalye ng Mabini, sa likuran ng paaralan ng elementarya, doon malapit ang bahay nila Thaft at doon din ang short cut na sinasabi ko.
Tahimik lang ulit kaming naglalakad hanggang sa makarating kami sa kanto ng Mabini. Nagpaalam si Kuya Barrett na mauunang pumunta sa bahay nila Thaft.
“Mag-ingat kayong dalawa, madilim pa naman ang daan,” muling paalala sa amin ni Kuya Barrett habang tinatahak ang daan pauwi sa bahay nila Thaft.
Ngayon, kaming dalawa na lang ang magkasama. Naglalakad papunta sa likod ng eskwelahan.
Bitbit pa rin niya ang saklay at paika-ikang naglalakad. Handa naman akong alalayan siya pero tumatanggi lang ito. Hindi naman daw siya pilay.
“Alam mo, Thaft, ako ang nahihirapan sa kalagayan mo. Bakit kasi hindi ka nanghingi ng wheelchair sa clinic kanina?” tanong ko sa kaniya.
“Hinabol na nga tayo kanina sa Lumban tapos pasasakayin mo pa ako sa upuang de gulong. Sana ayos ka lang, June,” sagot nito.
“Arte mo, ako naman ang magtutuklak sayo.”
“Binuhat ka nga kanina kasi ang bagal mong tumakbo, tapos magrerepresenta ka pang magtutulak sa 'kin? Wag na, uy!”
“Napaka-choosy mo, hindi ka naman yummy.” Napairap na lang ako sa kaniya kahit pa hindi niya naman ito nakikita.
Ito yung dahilan kung bakit walang gustong kumausap sa kaniya, eh. Masyado siyang maangas.
“Mag-ingat ka, may nakalitaw na ugat ng puno riyan.”
Huli na ng sabihin niya iyon. Hindi ko agad napansin ang nausling ugat na siyang naging dahilan kung bakit ako nadapa.
“Aray ko, putik!”
“Haha, bobo!” pang-aasar ni Thaft. “Ginagawa mo? Halika nga rito.”
Inaalalayan niya akong makatayo, pinagpag ko naman agad ang dumi sa tuhod ko.
“Tumingin ka kasi ng sa dinadaanan mo nang hindi ka natatalisod. Lampa ka ba? Hindi ka naman gan'yan dati, June ah? Humihina na ba ang tuhod mo?”
“Madilim kaya!” reklamo ko.
“Pailawin mo 'yang mata mo para makita mo yung daan.” Natatawa niyang sabi.
Napasimangot na lang ako. Bigla akong napatalon nang maramdaman ang mainit niyang palad na pumulupot sa bewang ko. Nang tingnan ko siya ay sa daan naman siya nakatuon.
“Habang hindi pa natin nakikita si July, ako munang bahala sayo,” saad niya.
Dahil sa tulong ng liwanag ng buwan, naaaninag ko ang kaniyang mukha. Neutral lang ang ekspresyon nito pero ang dating sa ibang tao ay mukha itong bugnot. Hindi naman sila nagkakamali dahil bugnutin naman talaga si Thaft. Hindi ko nga alam kung paano kami nagkasundong tatlo.
Imbes na ako dapat ang umalalay sa kaniya dahil siya ang may sugat, siya itong nakahawak sa akin para hindi ako ulit madapa. Tanging liwanag sa buwan lang ang gumagabay sa amin. Nakakaramdam na nga ako ng pangamba dahil ang lalago ng damo sa likod ng paaralan. Baka may ahas rito at bigla kaming tuklawin.
“Itigil mo 'yang iniisip mo, June, mukha kang tanga.”
Nanlaki naman ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Saka ko lang naalala na kilala nga pala ako nito. Pati mga kinatatakutan ko, kabisado nilang dalawa ni July. Kung hindi siguro kami lumipat, pati pagkakabuhol ng bituka ko kabisado rin nila.
Hindi nagtagal, nakakita na kami ng ilaw na paniguradong mula sa mansion. Patuloy lang naming tinahak ang daan hanggang sa narating namin ang hardin. Mabuti na lamang at pakalat-kalat ang mga maliit na lamp post sa paligid kaya naman kitang-kita ko na ang dinadaanan namin.
Umikot kaming dalawa ni Thaft sa pangunahing pintuan ng malaking bahay kung saan nakita naming nag-aabang si Mama.
Agad itong napatayo nang makita niya kaming dalawa ni Thaft.
“June, anak!” Nagmamadali itong lumapit sa aming dalawa. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala kaya naman nang makarating ito sa pwesto namin, mabilis niya akong niyakap.
“My goodness, June! Where have you been? We've been looking for you, kulang na lang ipahanap ka namin sa barangay. Sinabi mong bibisitahin mo lang si Thaft sa hospital, bakit naman napakatagal mong umuwi?!”
Hindi pa ako nakakatapak sa loob ng mansion, sermon na agad ni mama ang sumalubong sa akin. Hindi ko naman siya masisisi dahil gabi na akong nakauwi. Kumukulo na rin ang tiyan ko dahil sa gutom at pagod.
“Sorry, Ma,” ang tangi kong nasabi sa kaniya.
“Pasensya na po, Tita. Hinintay po kasi ni June na matapos ang pag-aasikaso na mga papel sa hospital para makalabas na ako,” pagpapalusot ni Thaft.
Napatingin naman si mama sa kaniya ngunit mabilis ding bumaba ang tingin nito sa kaniyang binting may bandage pang nakapulupot.
“My gosh, Thaft! Bakit ka naman nagpa-discharge, eh hindi pa okay ang sugat mo sa paa. Naku, kayong dalawa talaga! Pumasok tayo sa loob at sesermunan ko talaga kayo,” nanggigigil niyang sabi.
Inalalayan ni mama si Thaft sa pagpasok sa loob ng mansyon habang ako naman ay nakasunod lang sa kanilang dalawa, tinitingnan ang mukha ni Thaft na nahihiya. Bihira lang siyang makitang ganito, ang maging malabot sa harapan ng ibang tao.
“Nandiyan na ba si June?” rinig kong tanong ni Papa mula sa loob.
“Nako, Calcifer, come here and scold your daughter! Gabi na kung umuwi tapos nagpahatid pa sa kaibigan niya kahit alam niyang injured.”
Nakita naman agad ako ni papa at agad na lumapit sa akin.
“June, explain why you're late? Lagpas alas sais na!” maotoridad na sabi ni papa.
“I'm sorry, pa. Hinintay ko po kasing ma-discharge si Thaft,” I lied.
Wala na akong ibang choice kun'di sakyan ang palusot ni Thaft. Baka akalain pa nila akong baliw kapag sinabi kong hinabol kami ng mga halimaw sa hospital knowing it's located near the sacred place. They won't believe me.
Matapos kong tanggapin ang tila walang katapusang sermon ni mama at papa na akala mo mga pari silang dalawa, umakyat na agad ako sa kwarto ni Jessie para makapagpalit ng damit. Iniwan ko si Thaft sa baba dahil pinapalitan ni mama ang bandage ng sugat niya. Hindi na rin naman siya iba sa mga Ignacio kaya okay lang iyon.
Naabutan kong walang tao sa loob ng kwarto ni Jessie. Agad akong kumuha ng towel at saka nagtungo sa banyo para maligo kahit gabi na. Masyadong malagkit ang katawan ko dahil sa pawis. Idagdag mo pa kung saan-saan kami nagsususuot kaya naman nangangati na rin ako.
Matapos makapagbihis, bumaba na ako para maghapunan. Naabutan kong kumakain na rin sa hapag si Thaft habang nakapalibot sa kaniya sila mama, tinatanong kung maayos na ba talaga siya.
Umupo na lang ako sa tabi niya at tahimik na kumakain. Maya-maya naman ay nagsialisan na rin silang dalawa sa hapag dahil nagsisimula na ang pagdadasal sa labas kung saan nakaburol ang pekeng patay.
Sumunod kami roon at saka nagmasid lang sa mga nangyayari. Paniwalang-paniwala ang lahat na si July talaga ang nasa loob ng kabaong. Kahit pa man ilang araw na itong nakaburol, may mga umiiyak pa rin at naglalabas ng kanilang mga hinanakit tungkol sa pagkamatay ng kaibigan namin. Isa na roon ang mama ni July, si Tita Julieta na maya't maya ang lunas ng luha.
Nilapitan ko ito at saka hinawakan ang dalawa niyang kamay. Tumingin ito sa akin nang may bahid na pagkalugmok ang mga mata. Nang ngitian ko siya ng may halong pakikiramay, naging sunod-sunod ang buhos ng kaniyang luha.
Hindi ko na alam ang gagawin ko kaya naman niyakap ko na lang ito at saka hinagod ang kaniyang likuran.
“Diyos ko, bakit anak ko pa? Napakabait na bata ng anak ko. Diyos ko, bakit si July?” Humagulgol sa balikat ko si Tita Julieta, nilalabas lahat ng saloobin tungkol sa pagkamatay ni July.
Habang pinapakinggan lahat ng iyon, hindi ko rin mapigilang maluha. Kahit pa man may alam ako na hindi iyon si July, masakit din sa parte ko na makitang nagkakaganito ang ina ng kaibigan ko.
‘Napakasakit para sa isang ina na mawalan ng anak’, yan ang laging sinasabi sa akin ni mama at nasasaksihan ko iyon ngayon.
Napatingin ako sa gawi ni Thaft, nakatingin lamang ito sa kabaong. Nang maramdaman niyang nakatingin ako, lumingon siya sa gawi namin at nakitang umiiyak si Tita Julieta kaya naman lumambot ang ekspresyon nito. Pati siya, ayaw niyang makitang may umiiyak at nasasaktan. Bugnutin at maangas si Thaft pero malambot ito pagdating sa mga ina, dahil hindi niya naranasang magkaroon nito.
Nagawa kong mapakalma si Tita Julieta, inalalayan naman ito ni Jessie papasok sa mansyon para makapagpahinga na dahil lumalalim na ang gabi. Nanatili kaming nasa labas ni Thaft habang paunti-unti na ring umaalis ang mga tao hanggang sa kami na lang dalawa ang natira.
“June,” tawag niya sa akin. “May ipapakita ako sa 'yo.”
Tumayo ako at sumunod sa kaniya sa tapat ng kabaong ni July. Mula sa kinatatayuan namin, pinagmasdan ko ng maigi ang ayos ng burol.
Unang tingin ko pa lang, masasabi ko nang marami ang nakikiramay sa pamilya dahil sa rami ng mga bulaklak na nakapalibot sa burol. Hindi ko rin sila masisisi. Mabuting tao si July, matulungin at maasahan. Halos lahat ng tao rito sa bayan ay nasaksihan kung paano kami lumaki. Bawat sulok ng Tierra Cota ay alam kung ano ang pag-uugali ng binatang laging tambay sa kakahuyan.
Lumingon si Thaft sa kaliwa't kanan, tinitingnan kung may tao pa bang natira rito sa labas. Na para bang may gagawin siyang krimen na ayaw niyang makita ng iba.
Itinabi niya ang saklay at saka niyaya akong lumapit pa.
“Tulungan mo akong iangat ang cap,” saad niya.
“Baliw ka ba? Pa'no kung may makakita sa 'tin? Papagalitan tayo!” sagot ko.
“Kaya nga bilisan mo na habang wala pang tao!”
“Ano ba kasing gagawin mo?”
“Ipapakita ko sayo ang kamay niya, kaya bilisan mo!”
Inangat namin pareho ang cap ng kabaong na siyang nagtatakip sa kalahating katawan ng pekeng July. Hindi ko na itatangging takot ako, iniisip ko na baka bigla itong bumangon at hahampasin kami ni Thaft dahil sa panggagambala namin. O kaya naman may makakita sa amin, aakalaing pinaglalaruan namin ang patay.
“Tingnan mo 'to.” Tinaas ni Thaft ang kamay ng patay. Puting-puti na ito dahil wala nang natirang dugo sa katawan, pero hindi ito ang kinagimbal ko.
Napatitig ako sa markang nakaguhit sa likod ng mga palad niya. Mabilis na lumatay ang matinding takot katawan ko. Napatras ako habang hindi maalis ang tingin sa markang nasa kamay ng katawan.
Hindi ako pwedeng magkamali, ito 'yon.
Nagsibalikan lahat ng ala-ala ko noong bata pa na siyang pinaka-kinakatakutan ko noon... hanggang ngayon.
Ang kakahuyan, ang cabin, ang mga taong nakakulong, ang mama at ang mga humahabol sa amin.
Hindi ako pwedeng magkamali! Ang inverted triangle na may pulang star sa loob, iyon symbolo ng forbidden knowledge! Iyon ang mga nakaguhit sa mga puno na nasa pinakapuso ng kakahuyan.
Biglang nanlaki ang mga mata ko nang bumangon ang patay na nasa kabaong habang si Thaft ay nakahawak pa rin sa kamay nito. Pero bago pa man ako makasigaw, isang malakas na hampas ang tumama sa ulo ko. Natumba ako sa sahig at bago ko pa malaman ang nangyayari, nandilim bigla ang paningin ko.
Ngunit bago ko maipikit ang aking mata, may isang tao akong nakita. Si Auntie Lucy na hawak na stool habang masamang nakatingin sa akin.
♧♧♧

Komento sa Aklat (9)

  • avatar
    neranji_aziloth

    haven't had time to read this fully, but this novel is highly recommended! simula pa lang, hooking na. more readers to come, Creeps!

    23/05/2022

      0
  • avatar
    m******1@gmail.com

    Basahin nyu guys maganda to, d sayang oras nyu mag basa

    28/03/2022

      0
  • avatar
    shirooo

    nakarating na pala to ditooo babasahin ko to laterrr

    18/03/2022

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata