“Bakit siya nahilo, Doc, at ngayon nilalagnat na?” nagtataka at nag-aalalang tanong ni Jana. “Patawad ngunit hindi pa namin masasabi ang dahilan. Hindi namin maintindihan kung bakit ganiyan ang reaksyon ng katawan niya,” sagot ng doktor. “Hindi kaya ito na iyon?” ani ng nanay nina Jana. Napalingon sila sa kaniya. “Ang alin po?” tanong ng doktor. “Wala po, Doc. Limutin n’yo na lang ang aking nasabi.” Napatango na lang ang doktor at nagpaalam na saka lumabas kasabay ng iba niyang kasama. “Ano ang inyong ibig sabihin kanina, tita?” tanong ni Kasper. “Hindi ba’t nalaman natin noon na siya’y pagkakalooban ng Diyos ng isang magandang regalo.” “Oo nga pero ngayon na ba talaga ang araw na nakatakda?” tanong ng ina ni Kasper. Napabuntong-hininga ang ina nina Jana. “Hindi natin alam, baka nga nagsimula na. Wala ba kayong nahalata sa kaniya na kakaiba?” “Noong araw na nagising siya at nalaman niyang nakatali siya, nagalit siya noon at nakawala siya e ang tibay ng pagkakatali sa kaniya,” pahayag ni Kleo. “Napunta pa siya sa labas ng ospital,” dagdag ni Lance, pangalawang kapatid ni Kleo. “Ano naman kinalaman niyan?” tanong ni Nimpha. “Siguro ang alam lang natin ay may lakas siya na hindi natin kayang mapigilan. Ang lakas ng katawan niya,” sabi ni Lance. “Gabayan na lamang natin si Hanna. Iparamdam natin na nandito tayo para sa kaniya. Huwag natin siyang sukuan,” sabi ng ama ni Hanna, ang umampon sa kaniya. “Ang taas pa rin ng lagnat niya,” sabi ni Nimpha na ngayon ay nasa tabi na ni Hanna. Mayamaya’y may pumasok na doktor, ang unang doktor na tumingin kay Hanna. “Doc Raven, ikaw pala. Kumusta po?” sabi ni Kasper. “Mabuti naman.” “Nais ko kayong makausap nang masinsinan.” Naupo siya sa isang bakanteng upuan. “Tungkol saan po?” tanong nila. “Kay Hanna,” sagot niya. Napatango naman ang iba. “Tinignan na ba siya ng psychiatrist?” “Opo,” sagot ng ama ni Kleo. “Anong sabi?” “May DID siya,” sagot ni Lance. “Naipaliwanag na ba iyon sa inyo?” Tumango siya. “Sa tingin ko’y hindi lang iyon ang mayroon siya ngunit hindi ako eksperto para magsalita tungkol dito.” Tumikhim siya. “May ikukwento ako, sana ay makinig kayo.” “Makikinig kami, Doc,” ani ng ina nina Jana. “Bago nangyari ang araw ng aksidente ni Hanna ay nagkausap muna kami sa telepono. Paumanhin kung ngayon ko lang ito sasabihin. Nangako kasi ako na hindi ko sasabihin sa pamilya niya ang napag-usapan namin ngunit kagabi lang ay may nag-udyok sa akin upang magsabi sa inyo. Isa pa ay panganib na niya kasi ang nakaabang sa kaniya.” Tumikhim muna siya bago magpatuloy. “Sobra ang iyak niya noong araw na iyon. Galit na galit siya at ramdam ko iyon. Nasabi ko na sa inyo noon, ‘di ba Kasper at tita Julie?” Napatingin si Julie, ina ni Kasper, sa doktor. “Sinabi ko noong pangalawa naming pagkikita ng anak n’yo na malalim ang lungkot niya at punong-puno siya ng galit ngunit tila hindi kayo nakinig at hindi n’yo sinunod ang sinabi ko na ipatingin n’yo siya sa aking kaibigan na nagtatrabaho rin dito.” “Patawad, Doc,” sabi ni Kasper. Tumango si doc Raven kay Kasper. “Alam n’yo ba ang sinabi niya bago ang araw na maaksidente siya?” Umiling sila. “Sabi niya sa akin na iyon na raw ang huli naming pag-uusap dahil isasakatuparan niya ang kaniyang plano kapag may masasabi kayong makakasakit sa kaniya.” Naalala nina Kasper at ng kaniyang magulang ang nangyari bago maaksidente si Hanna. May kirot silang naramdaman at tila sinisisi nila ang sarili nila. “May napagkwentuhan ba siya sa inyo tungkol sa nangyayari sa kanilang paaralan?” Nagtaas ng kamay si Nimpha. “Ako po.” “Ano’ng naikwento niya sa iyo?” tanong ni doc Raven. Tumikhim nang mahina si Nimpha bago magsalita. “Sinasabi ng ibang kaklase niya na bakit siya raw lagi ang may mga awards. Nasabi niya rin na lumalayo na siya sa halos lahat ng mag-aaral doon dahil baka raw makapatay siya. Baka rin daw masaktan siya kapag nakipagkaibigan o kaya naman ay makapanakit.” “Iyan lang ba ang nasabi niya?” Tumango naman si Nimpha. Napabuntong-hininga si doc Raven at nagsimulang magsalita ulit. “Hindi niya pala nasabi sa inyo na muntik na siyang makapatay.” Nagulat naman sila. “Pero muntik na ring may makapatay sa kaniya.” Naiiyak na ang mga magulang ni Hanna. “Nasabi niya ba sa inyo ang nangyari noong bata pa siya?” “Wala siyang nakwento tungkol sa sinabi mo Doc na hinaharas siya.” “Sa totoo lang, hindi ko siya naunawaan nang lubos noong nagkwento siya.” “Doc, ano pa po bang nasabi ni Hanna bago ang araw na maaksidente siya?” tanong ni Jana. “Hindi niya na talaga maramdaman ang pagmamahal n’yo at tila’y wala na rin siyang nararamdaman na pagmamahal para sa inyo.” Nakadama sila ng kirot. “Kulang pa ba ang mga ipinakita namin?” naiiyak na tanong ni Julie. “Ang masasabi ko ay oo kung pagbabasehan ang mga kwento niya ngunit alam n’yo ba ang sinabi sa akin ni Hanna?” Tinignan ng doktor ang pamilya ni Hanna. Labag sa kaniya ang magsabi ng ilang salita pero naisip niya rin na minsan ay kailangan nilang makarinig ng mga ito. “Siya daw itong nagkulang. Nagkulang siya sa pag-intindi ng mga bagay-bagay. She wishes that she had never been born or sana natuluyan na siyang namatay noong nasa grade 8 siya. The day na halos ‘di na siya makahinga.” “Ano pa, Doc, ang sinabi niya sa inyo? Gusto naming malaman,” maluhaluhang sabi ni Kleo. “Nagpapasalamat siya sa akin at paalam na raw. May isa siyang napakahalagang hiniling noon sa akin. Iyon ay kung sakaling mabubuhay pa talaga siya at hindi na makaalala, ipapaalala ko raw sa kaniya ang mga naikwento niya sa akin.” “Ngunit Doc, mukhang ayaw na niyang maalala ang nakaraan,” nag-aalalang sabi ni Jana. Napangiti si doc Raven. “Natatakot ba kayo sa posibleng mangyari? Sinasabi ko sa inyo, kailangan niyang makaalala dahil kung hindi lahat din kayo ay mahihirapan.” “Pero Doc, ano po ang aming gagawin?” tanong ni Nimpha. Tumayo si doc at nilingon si Hanna na nakatulog na ngayon. “Sabayan n’yo lang ang lahat ng personalidad niya. Kung magtatanong siya ay sagutin n’yo. Wala kayong dapat na itago sa kaniya.” Tinignan ni doc ang relo siya. “Iyon lamang ang aking sasabihin. Paalam na at may pasyente pa akong dapat tignan.” Napatango naman sila at nagpasalamat sa doktor. “Paano kapag huwag na lang nating subukang ipaalala sa kaniya?” tanong ni Jana. Napaisip silang lahat at sabay na umiling. “Hindi pwede,” sabi ng iba. Ang iba naman ay tahimik lang.
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
Sana all
30/05/2025
0sino nga ba si Hanna
10/03/2025
0hava
17/10/2024
0Tingnan Lahat