logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 5

Mula sa mahimbing na pagkakatulog sa malambot na kama ay biglang nagising si Cassey dahil sa tama ng sikat ng araw sa kanyang mukha na nagmumula naman sa bukas na bintana ng kuwartong kinaroroonan niya. Saglit na kumunot ang kanyang noo nang mapansin na tila hindi pamilyar sa kanya ang silid na iyon. Nang tuluyan niyang maalala ang nangyari ay mabilis siyang napabangon sa kama. Tamang-tama namang nakabangon na siya nang biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto at bumungad ang pigura ni Marcus.
"Mabuti naman at gising ka na. Kumusta na ang pakiramdam mo?" kaagad na tanong nito sa kanya.
Kung kanina habang binubuhat siya nito papasok sa loob ng kotse ay puno ng pag-aalala ang mukha ngayon naman ay seryoso ito at walang kangiti-ngiti. Nakakailang tuloy na makipag-usap dito.
"M-maayos na ang pakiramdam ko," mahina niyang sagot. " Nasaan ako? Kaninong bahay ito?"
"See? I told you. She's gonna be okay once she woke up. Ikaw lang 'tong grabe kung mag-alala sa kanya kanina," singit ng boses ni Jason na hindi niya namalayang nakatayo pala sa gilid ng pintuan. Medyo nagtatago ito ng bahagya kaya siguro hindi niya ito napansin.
"I am not worried," mariing tanggi ni Marcus sa sinabi ng kaibigan. Ngingiti-ngiti lamang si Jason at hindi pinansin ang pagsusungit ng binata.
"You're in his house and you're in his own room," ani Jason. Ito ang sumagot sa huling tanong niya.
Nakaramdam  naman siya ng munting inis  sa sinabi ni Marcus. Mariin kasi ang pagkakabigkas nito sa mga salita na para bang nais nitong iparating sa kanya na hindi ito nag-aalala sa kanya. At nasa bahay pala siya nito. Bakit ba sa bahay nito pa siya dinala? Sana ay hinintay na lang siya na magising sa loob ng kotse at hindi na dinala pa rito. Mukha kasing iritado ito na nasa loob siya ng pamamahay nito.
I got it. Hindi mo na kailangang pang ipagdiinan na hindi ka nag-aalala sa akin. At hindi ko naman ginusto na mapunta rito sa bahay mo, 'no?  aniya sa isip. Siguro ay hallucination lamang niya ang nakitang pag-aalala sa mukha nito kanina nang tinutulungan siya.
"Ano nga pala ang ginawa mo sa lugar na iyon? And why are you in that state when we saw you?" tanong ni Jason. " You seem like you're scared of something. Or should I say you're scared of someone."
Tuluyan itong pumasok sa loob ng kuwarto at umupo sa gilid ng kama. Hindi nito hinihiwalay ang mga mata habang nagsasalita. Para bang tinitingnan nito kung ano ang magiging reaksiyon niya sa sinabi nito.
"Ah, galing ako sa condo unit ni Clea," maikli niyang tugon. Pinilit niyang paglalabanan ang tila nananakit na naman niyang ulo. Lihim siyang nag-inhale at exhale para makontrol niya ang pagsakit ng kanyang ulo. Natuwa siya nang hindi na iyon sumakit katulad nang una't pangalawa nilang pagkikita. Dahil ba talaga kay Jason kaya sumasakit bigla ang ulo niya? Pero bakit?
Mabait naman ito pero hindi niya makuhang sabihin dito ang nangyari sa condo unit ni Dindy. Si Ate Dindy nga pala. Nasaan na kaya siya?
Bigla niyang naalala ang kasamang kaluluwa. Nagpalinga-linga siya sa paligid upang tingnan kung nasa loob din ba ito ng kuwarto.
"May hinahanap ka, Cassey?" nagtatakang tanong ni Jason.
"Ah, w-wala. Naninibago lang ako kasi nagising ako na nasa ibang kuwarto," pagsisinungaling niya.
"Nag-away ba kayong dalawa ng matalik mong kaibigan?" singit ni Marcus sa pag-uusap nila ng kaibigan nito.
"Hindi. Bakit naman kami mag-aaway?"
Lumapit ito sa kanya. Hinawakan ng isang kamay ang kanyang baba, inaangat at sinuri ang kanyang mukha. Sa ginawa nito ay nagkasalubong ang kanilang mga paningin. Hindi niya maiwasan ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Sa unang pagkakataon kasi magmula nang makilala at makausap niya ito'y ngayon lang sila nagkatitigan  ng higit pa sa isang minuto. Hindi niya tuloy malaman kung saan niya ibabaling ang kanyang paningin para lamang hindi makasalubong ang mga matang tila maraming isinasaad.
"Kung hindi kayo nag-away bakit may putok ka sa labi? Sino ang may gawa nito sa'yo?"
Huling-huli niya ang biglang pagdidilim ng mukha nito at ang pagtatagis ng mga bagang.
Saka pa lamang naalala ni Cassey na pumutok nga pala ang labi niya nang sinampal siya ng lalaking pumasok sa loob ng unit ni Dindy. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito kaya dagli niyang binawi ang mukha mula sa pagkakahawak nito. Umalis siya sa ibabaw ng kama at hinagilap ang kanyang shoulder bag. Mabuti na lamang at hindi iyon naalis sa balikat niya. Kung nagkataong naalis iyon at naiwan sa kuwarto ni Dindy ay tiyak na malaki ang magiging problema niya.
"Maraming salamat sa pagtulong ninyo sa akin kanina. Aalis na ako. May importante pa akong gagawin," biglang paalam niya sa dalawa.
Hindi na niya hinintay  ang dalawang lalaki na magsalita. Agad na siyang naglakad palabas ng kuwarto ngunit agad ding napahinto nang pigilan siya nito sa kanang braso.
"You're not going out in this room unless you tell us what really happened to you earlier," matigas ang tono ng boses na tanong ni Marcus.
"I'm really thankful that you saved me but it doesn't mean I have to tell you what happened to me," mariing sagot niya. Saka inalis ang kamay nitong pumipigil sa kanyang braso at pagkatapos ay tuluyan na siyang lumabas ng kuwarto.
"Cassey! Mabuti naman at gising ka na. Nag-alala talaga ako sa'yo," wika ni Dindy na biglang sumalubong sa kanya paglabas niya ng kuwarto. Naroon lang pala ito sa labas ng kuwarto at hinihintay na magising siya.
"Huwag mo akong alalahanin, Dindy. Mabuti na ang pakiramdam ko," sagot niya. "Bakit nga pala hindi ka pumasok sa loob ng kuwarto ngayon?"
Biglang nalaglag ang mga balikat nito. "Kahit gusto ko ay hindi ko magawa. Remember when I told you that my head hurts everytime I saw Jason? I feel it again earlier when I saw him. Kaya hindi na ako pumasok sa loob. Nando'n siya, eh."
"Sa labas na tayo mag-usap. Huwag dito," wika niya nang maalala na nasa loob pa pala sila ng bahay ng dati nitong fiance.
Nang makalabas sila ng bahay ay mabilis siyang pumara ng taxi. Mabuti na lamang at may dumaang taxi kaya agad na siyang nakasakay.
"You told me that you're head hurts everytime you saw Jason, right?" pagbubukas niya ng usapan nang nasa loob na sila ng taxi. Tumango lamang ito kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Me too. Ganyan din ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko siya. Lalong-lalo na kapag hinahawakan niya ako. My head hurts earlier while we are talking but I already controlled it. Naramdaman ko pa rin na masakit ngunit hindi na gaano."
"Pero bakit? Bakit tayo nakakaramdam ng ganoon kapag nakikita natin siya?" naguguluhan tanong ni Dindy.
"Sino ang kausap mo, Miss?" hindi na nakatiis ang driver ng taxi na magtanong sa kanya. Marahil ay nagtataka ito kung bakit siya nagsasalita gayong wala naman siyang kausap at kasama sa loob ng taxi.
"Ah, wala po, Kuya. Nagre-rehearse lang po ako ng linya sa gaganaping drama sa school namin," pagkakaila niya.
Napangiwi siya nang umiling-iling lamang ito na tila hindi kumbinsido sa sinabi niya. Marahil ay iniisip nito na nasisiraan na siya ng bait dahil may kinakausap siya kahit mag-isa lamang siya. Kung bakit kasi nakalimutan niyang nasa loob pala sila ng taxi. Nang sulyapan niya si Dindy ay nakangisi lamang ito sa kanya na tila tuwang-tuwa na napagkakamalan siyang nababaliw dahil sa pakikipag-usap niya rito. Inirapan na lamang niya ang multo at nanahimik habang nakatingin sa labas ng bintana at malayo ang tanaw.
                          ###
Naiinip na si Cassey habang nakatayo sa sulok na bahagi ng kanilang gym kung saan ginaganap ang victory party ng kanilang basketball team na nanalo sa katatapos pa lamang na Interhigh Basketball Competition. First place ang team nila kaya nagkaroon sila ng victory party. At dahil siya ang muse ng team kaya hindi raw puwede na mawala siya. No choice siya kundi um-attend. Kaya tuloy heto siya ngayon at sobrang bored na sa paghihintay na matapos ang party.
May mga babae rin namang naroon ngunit hindi niya close. Nakikipagplastikan lamang siya sa kanila. For sure ay nakikipagplastikan lang din ang mga ito sa kanya. Alam naman niya kasi na naiinis ang mga ito sa kanya dahil siya ang napiling muse at hindi ang kaibigan ng mga ito.
Hindi naman niya gusto na maging muse kaso nakiusap sa kanya ang coach ng team na tanggapin ang pagiging muse sa team nito. Nahiya naman siyang tanggihan si Coach Fred kaya pumayag na siya na maging muse. Hindi naman niya alam na may ibang babae pala na nangangarap sa title na iyon. Kung alam lang niya ay hindi na sana niya tinanggap pa ang pagiging muse ng basketball team ng school nila.
"Ang ganda mo naman ngayon, Cassey. Siyanga pala, puwede ba akong dumalaw sa bahay mo paminsan-minsan?"
Napalingon siya sa lalaking biglang lumapit sa kanya. Si Jearald Peralta na siyang team captain at numero unong babaero sa campus.
"Wala naman akong sakit kaya bakit mo ako dadalawin?" panunupla niya sa binata. Napakamot naman ito sa ulo na tila hiyang-hiya sa ginawa niyang panunupla.
"Kapag lumalapit ako at kinakausap ka ay palagi mo na lang akong sinusupla," may pagtatampo sa tono ng boses na wika nito sa kanya.
Well, totoo naman ang sinabi nito. Madalas ay puro panunupla lamang ang sinasagot niya rito sa tuwing kinakausap siya. Mainit kasi talaga ang dugo niya sa mga lalaking babaero na kagaya ni Jearald.
"Sorry kung palagi kitang sinusupla. Pero pa-prangkahin na kita, Jearald. Kung binabalak mo akong ligawan ay huwag mo nang ituloy kasi mapapahiya ka lang. Unang-una'y maraming mga babaeng estudyante ang tiyak na magagalit sa akin kapag pinatulan kita kasama na roon ang mga naging ex-girlfriend mo.   Ayokong maging girls public enemy number one. Second, I really don't like boys who loves to collect many ex-girlfriend. And last but not the least is..." Saglit siyang huminto sa pagsasalita at tinitigan itong mabuti. "... I really don't like you. Humanap ka na lamang ng ibang babae na talagang may gusto sa'yo ng tunay para hindi ka na papalit-palit ng girlfriend," pagtatapos niya sa mga nais niyang sabihin dito noon pa. Hindi lang niya masabi rito dahil  wala siyang pagkakataon na makausap ito ng matagal gaya ngayon.
Halatadong nalungkot ito nang marinig ang kanyang mga sinabi. Walang paalam at lulugo-lugong naglakad ito palayo sa kanya.
Pagkaalis ni Jearald ay nagpasya si Cassey na umuwi na sa bahay niya. Mabilis siyang nagpaalam sa coach na aalis na siya. Ayaw pa siyang payagan ng coach dahil may sayawan pang magaganap ngunit hindi na siya nagpaawat. Sobrang bored na talaga siya kaya hindi na niya gugustuhin pang magtagal sa party na iyon. At saka hindi naman siya sumasayaw kaya ano pa ang gagawin niya roon?
Paglabas niya sa kanilang campus ay naglakad siya patungo sa main highway kung saan nagdaraan ang mga taxi at pampasaherong jeep. Nakatayo siya sa may tapat ng street light at naghihintay ng taxi nang may puting van na bigla na lamang huminto sa tapat niya. Walang anu-ano'y lumabas ang isang lalaki na nakasuot ng itim na bonnet sa ulo at pinilit siyang ipasok sa loob ng van.
Matinding takot ang lumukob sa kanyang dibdib nang mga sandaling iyon. Pero hindi niya pinanaig ang takot sa kanyang puso. Alam niyang gusto siyang dukutin ng masasamang taong ito. At tiyak na mapapahamak siya kapag nagtagumpay ang mga ito na dukutin siya.
Nagpapalag siya,nangalmot at nangagat sa lalaking nagpipilit na siya'y ipasok sa loob ng van.
"Saklolo! Tulungan n'yo ako!" malakas niyang sigaw. Nagbabakasakali na may makarinig sa kanyang boses at tulungan siya. Kung bakit kasi walang katao-tao sa lugar na iyon. Madalas naman ay maraming tao ang katulad niya'y naghihintay rin ng masasakyang taxi at jeep tuwing ganoong oras sa lugar na iyon. Pero bakit ngayon ay nag-iisa lamang siya't walang kasama sa paghihintay ng masasakyan? Na-tsambahan tuloy siya ng mga kidnapper na ito.
"Takpan mo ang bunganga ng babaeng 'yan! Baka may makarinig sa sigaw niyan madali pa tayo ng mga pulis," utos ng lalaking driver ng van. Mabilis namang sumunod ang inutusan. Tinakpan ng palad nito ang kanyang bibig habang pilit siyang kinakaladkad papasok sa van.
"Anak ka ng— tulungan mo naman akong ipasok sa van ang babaeng ito!" sigaw naman ng lalaking may hawak sa kanya sa lalaking nakatingin lamang sa driver's seat. Pero bago pa makababa ang lalaking driver ay ubod-lakas na tinuhod na niya sa pagitan ng mga hita nito ang lalaking may hawak sa kanya. Sapo ng dalawang kamay ang sentro ng pagkalalaki na namilipit at napaluhod ito sa kalsada sa sobrang sakit. Hindi ito makapagsalita sa tindi ng tama sa ginawa niyang pagtuhod sa pagkalalaki nito.
Nang pakawalan siya ng lalaking tinuhod niya ay bigla siyang tumakbo. Hindi niya alintana kung wala man siyang suot na sapin sa paa. Sadya niyang iniwan ang suot na sandalyas na two inches ang taas para makatakbo siya ng mabilis. Hindi siya tumigil sa pagtakbo dahil alam niyang hinahabol siya ng dalawang kidnapper. Kahit namimilipit naman sa sakit ang lalaki ay nagawa pa nitong makapasok agad sa loob ng van para lamang mahabol siya.
At dahil tumatakbo lamang siya ng nakapaa pa kumpara sa mga kidnapper na nakasakay ng van kaya mabilis siyang naabutan. Agad na bumaba ang driver at mabilis na nahawakan nito ang mahaba niyang buhok. Nagsisigaw siya sa sobrang takot.  Ngunit tila bingi ang mga tao nang gabing iyon. Walang nakakarinig kahit gaano pa kalakas ang boses niya na humihingi ng saklolo.
"Talagang pinapahirapan mo kami, ha?" nanlilisik ang mga matang wika nito sa kanya.
Isang malakas na suntok sa kanyang sikmura ang pinadapo nito sa kanya. Napaigik siya sa sakit at tila ilang segundo siyang hindi nakahinga. Nanghina siya hanggang sa unti-unting nagdilim ang kanyang paningin. Pero bago siya tuluyang mawalan ng malay ay nakita pa niya ang bulto ng isang lalaki na patakbong lumapit sa kidnapper na may hawak sa kanya at binigyan ito ng isang malakas na suntok. Pagkatapos ay komosyon ng mga taong nagpapalitan ng mga suntok at tadyak na lamang ang kanyang narinig. Tuluyan na kasing nagdilim ang kanyang paningin at nawalan na siya ng malay-tao.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (14)

  • avatar
    AntoloShirley

    Ang Ganda po Ng story....more powers po😍😍😍

    11/06/2024

      0
  • avatar
    RabinoErica

    waiting for the next updates! ♥️

    05/02/2022

      0
  • avatar
    Prince R-Jay Miranda II

    i love you

    05/02/2022

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด