logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Weight of Love | Chapter 6

ANG pagkakaayos ng relasyon ni Dory at ng kanyang ina ay nagbigay ng pag-asa sa kanya. Parang doon pa lang niya nagawang mahalin ang sarili. Katulad nga ng sinabi ni Link, nawalan ng saysay ang pangungutyang naririnig niya mula sa iba.
Unti-unti ring nagbago ang mga kapatid niya nang kausapin ito ng kanilang magulang nang magkakaharap sila. Humingi ito ng tawad sa kanya. Ramdam naman niyang sinsero ang mga ito.
Sa mga sumunod na araw ay tanging saya ang nararamdaman niya at tanging pagmamahal ang nakikita niya. Sarado ang tenga niya sa mga bagay na noon ay araw-araw niyang iniiyakan.
“Masaya akong okay na kayo ni Tita Nely.” Mamasa masa ang mga mata ni Amy nang sabihin iyon. Naroon sila sa field para magpalipas ng vacant hour.
“Ang sarap sa pakiramdam, Amy. Ang gaan sa puso.” Tipid man ang ngiti niya pero sa loob-loob ay nag didiwang siya.
“Kulang pa pala ang pagtutulak na ginagawa ko noon para kausapin mo si Tita. Si Link lang pala ang pakikinggan mo,” ani Amy at inirapan siya.
Natatawa siya sa kaibigan. Napakabilis talaga nitong magtampo. “'Di ba sabi ko sa’yo si Papa talaga ang kausap ko at narinig lang ni Mama?” May bahid pa ng pagtawa ang boses niya.
“Sus, magdadahilan ka pa. Si Link kang talaga ang pinapakinggan mo.” Muli itong umirap. Wala pang isang segundo ay ibinalik nito ang tingin sa kanya at matamis ang ngiting sumilay sa labi. “Pero masaya talaga ako, Dory.  Sobrang saya.”
“Salamat, Amy.” Nagyakap silang dalawa. Natawa siya nang gumalaw ito pakaliwa’t kanan na animong isinasayaw siya. “Baka matumba tayo,” natatawang saway niya. Agad naman itong kumalas ng yakap.
“So, ano’ng balita na sa inyong dalawa ni Link?”
Nangunot ang noo niya sa biglang tanong ng kaibigan. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Tumaas ang parehong kilay nito. “Hindi pa ba nagtatapat?”
Lalo siyang naguluhan doon. “Nagtapat saan?”
Napanguso ito at nagkamot ng kilay. Nag-iwas ng tingin bago ibinalik din agad iyon. “Gusto mo si Link?” walang preno nitong tanong.
Hindi agad nakasagot si Dory. Pakiramdam niya ay nag-init ang buo niyang katawan sa tanong ng kaibigan at agad na nilukob ng hiya ang buong pagkatao niya. Pansin kaya ng kaibigan ang nararamdaman niya kay Link?
Nanunuksong ngumisi si Amy. “Gusto mo, 'no?”
“H-hindi, ah,” mabilis na tanggi niya at tumikhim. Nag-iwas siya ng tingin.
“Umamin ka na. Sa’tin lang namang dalawa, eh.”
Nilingon niya muli ang kaibigan. “Magkaibigan kami ni Link.”
“So? Bawal ka na bang magkagusto sa kaibigan?”
“Hindi naman. Ayoko lang masira ang pagkakaibigan namin dahil lang sa ganoong bagay.”
Nangalumbaba si Amy at matamang tinitigan ang mga mata niya. “Paano kung pareho kayo ng nararamdaman?”
Napaisip siya roon. Alam niyang malabong mangyari na magkakagusto sa kanya ang lalaki pero hindi niya naiwasang makaramdam ng kiliti sa puso sa naisip na may nararamdaman din ito sa kanya. Pero agad ding binura iyon sa isip.
“Kung pareho man kami ng nararamdaman, mas pipiliin ko pa rin ang pagkakaibigan na mayroon kami. Mas panatag akong hindi siya mawawala sa’kin kung ganito kami, Amy.”
Napakurap-kurap ang mga mata ni Amy matapos marinig ang sinabi niya. Inalis nito ang pagkakapangalumbaba at umayos ng upo.
“Oo nga naman,” parang wala sa sariling anito.
Hindi na niya muling inisip ang napag-usapan nilang iyon ni Amy. Ayaw niyang umasa kahit iyon ang naramdaman niya sa kaunting sandali na napag-usapan nila ang bagay na iyon.
Mas yumabong ang pagkakaibigan nila ni Link sa mga nagdaang buwan. Kung noon ay puro lungkot ang naiibahagi niya sa kaibigan ngayon ay puro saya na. Nagagawa na niyang tumawa ng lubos sa mga biro nito. Mas naging malapit sila sa isa’t isa.
“Sure ka bang okay lang? Nakakahiya, Dorothy. 'Wag ba lang kaya?”
Bakas ang kaba sa boses nito habang patungo sila sa kanilang bahay nang hapong iyon pagkagaling sa University. Napagpasyahan niyang ipakilala ito sa mga mga magulang niya nang sumapit ang ikalawang taon ng pagkakaibigan nila. Masyado nang matagal, sana pala ay noon niya pa ginawa.
Nilingon niya ito. Magkaharap silang nakaupo sa jeep na sinasakyan nila. “Marunong ka pa lang mahiya?” biro niya rito.
“Dory!” baritono ang boses na saway nito at sinamaan siya ng tingin. Mas lalong lumala ang kabang makikita sa mukha nito.
Natawa siya nang mahina. “Mabait naman sila Mama, ah? Ano’ng ikinakatakot mo?”
“Nagtatanong ka talaga niyan? Parang hindi ka nagkaganito no’ng first time mong nakilala sila Mommy, ah?” may panunuksong anito.
Naalala niyang ganoon nga rin siya nang dalhin siya ni Link sa bahay ng mga ito noong birthday nito three months ago. Nakaramdam tuloy siya ng awa sa kaibigan.
Inabot niya ang kamay nito. “'Wag ka nang kabahan. Mabait sila Mama, promise. Isipin mo na lang na magulang mo sila.”
Nanunukso ang ngiting sumilay sa labi nito. “Pwede ko silang maging magulang?”
“Oo. Aampunin ka namin,” biro niya nang maramdaman na iba ang ibig sabihin nito. Napangiwi si Link dahil sa sinabi niya.
Naging maayos ang pagtanggap ng mga magulang at kapatid niya sa kaibigan. Palihim pa siyang tinukso ng ama at mga kapatid niya kung manliligaw niya raw ba si Link. Mariing tinanggihan niya iyon.
“Pero ramdam kong may gusto 'yan sa’yo, Dorothy,” seryosong bulong ng kanyang Ate.
Nilingon niya si Link na nakikipag-usap sa kanyang ama’t ina. Hindi lang naman ang kapatid niya ang nagsabi niyon, maging si Amy at Walter. Kung totoo man iyon at magtatapat ito sa kanya sa hinanarap, baka buong puso niyang tatanggapin ito. Pero sa ngayon ay gusto muna niyang patatagin ang pagkakaibigan nila.
Ang dalawang taong pagkakaibigan nila ni Link ay inabot pa ng ilang taon. Nagtapos ng kolehiyo, nagkaroon siya ng first job, naging successful ito sa larangan ng pagiging Engineer, lahat iyon ay nasaksihan nila sa isa’t isa.
At hindi niya inaasahang tatahakin niya ang isang daang hindi man lang sumagi sa isip niya noon. Iyon ay ang pagmomodeling. Nag-umpisa lang naman iyon nang minsan siyang harangin ng isang babae nasa mid 30’s habang pauwi galing sa trabaho. Akala niya ay scam lang iyon. Ayaw siyang tantanan habang naglalakad kaya tinugon na lang niya ang paghingi nito ng cellphone number niya.
Nagulat na lamang siya nang tawagan siya nito. Sinabi niya iyon kay Davina at napag-alaman nilang totoo ang company na binanggit ng babae. Kasama pa niya si Link nang puntahan nila ito para sa interview niya at first trial para sa commercial shoot.
Naabot na niyang lahat. Masayang pamilya at matagumpay na career. Isa na lang ang hindi, ang pagmamahal sa lalaking ilang taon na niyang lihim na iniibig.
Hindi na naging lihim sa kanya ang nararamdaman ni Link sa mga lumipas na taon. Kita at ramdam na niyang higit sa pagkakaibigan iyon. Kung magagawa na nitong magtapat, buong puso na niyang tatanggapin ito ngayon.
Handa na siya. Handang handa na siyang mahalin ito nang hindi palihim.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (45)

  • avatar
    Reynald Bernardo

    excellence

    11d

      0
  • avatar
    Hailey Warain

    uyww

    15/08

      0
  • avatar
    ۦۦ ۦۦ

    thanks ulit

    05/08

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด