logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

บทที่ 14 XIII - Rage

Alvin
Takbo! Kailangan kong tumakbo! Kailangan kong iligtas ang buhay ko!
Kasimbilis ng pagtakbo ko ay ang ginagawang pagtibok ng puso ko. Hindi ko na alam! Ang gusto ko lang ay makaalis dito!
“Sumagot ka... Iyo ‘to ‘di ba?”
Paulit-ulit na umalingawngaw sa akin ang tanong na iyon.
N-Nakita ko na naman... Kitang-kita ng dalawang mata ko! Ang m-madugong b-bagay na nakatutok sa akin!
“Isa ka pa! Gusto mo rin ba, ha?!”
Ang nanlalaki niyang mga mata. Nagngangalit na bagang. Ang matipuno niyang braso na nakaturo sa akin at hawak ang itak na may tumutulo pang dugo... a-at sa l-likod niya ay a-ang...
“Ano ‘to? Gago ka, nagdodroga ka pa ring hinayupak ka!”
“Akin na ‘yan!”
“Hindi, isusumbong na kita sa pulis para mabulok ka na sa kulungan!”
“Sabi ko, akin na!”
“Ahhh!”
Napapikit ako nang mariin. Bakit pa ba bumabalik ang lahat ng alaalang ‘yon?
Mula pa pagkabata ay mulat na mulat na ako sa mararahas na eksenang nangyayari sa bahay.
Sampal. Sabunot. Sapak. Lahat na ng uri ng pananakit ang inabot namin sa kaniya!
“Tatay, tama na!”
“Putang ina kang bata ka! Ang ingay mo!”
“Sorry po, Tatay!”
Nanlabo ang mata ko dahil sa hindi mapigilang pag-agos ng luha ko. Bakit ba ako nagkakaganito? Ayoko na!
Ilang taon na ang nakalipas! Ilang taon ko nang pilit kinakalimutan!
Muli akong napapikit. Sa pagkakataong ito ay lumantad ang isang bahay... bahay na kailanma’y hindi ko matatawag na tahanan.
Sa loob ng mga sira-sirang dingding at tagpi-tagping bubong ay ang lahat ng alaala ng wasak at durog-durog kong pamilya.
“Tarantado ka talaga! Wala kang kuwenta!”
“Itikom mo ang bunganga mong pokpok ka! Magsama kayo ng mga anak mong sana hindi na lang ipinanganak!”
Tatay.
Parang sa pangalan ko na lang siya naituring na tatay. Makita ko pa lang ang brusko niyang tindig, ni ayaw ko nang mamataan niya pa ako.
Habang lumalaki ako, iisang imahe lang ang binuo niya sa isipan ko— takot. Kapag uuwi siya na lasing, o minsan ay high na high pa, nagliliparan ang mga gamit sa bahay. Kahit naman nasa wisyo siya, pati maliliit na bagay ay kinagagalitan niya sa amin.
“Hoy! Pumarito ka.”
“Bakit po?”
“‘Di ba, gusto mong gumala sa bayan? Sumama ka sa akin.”
Parang mga kumikislap na kristal, ganiyan ang tingin ko sa laman ng mga paketeng bigay sa akin noon ni Tatay. Sayang lang, ipinabigay niya agad sa kausap niyang lalaki.
Tuwang-tuwa ako dahil akala ko, kapag sinunod ko siya ay magiging mabuti na siya sa amin.
Para ngang bumait si Tatay nang gabing ‘yon. Kumain pa kaming mag-ama ng kwek-kwek sa bangketa. Ang saya-saya ko.
Kung hindi lamang dumating ang mga pulis at tinutukan kami ng baril.
“N-Nakalaya ka na?”
“Oo! May angal ka? Hindi ka ba masaya?”
“Tarantado ka talaga! Isinama mo pa ang anak ko! Wala ka talagang moral!”
“Wala akong pakialam sa anak mo!”
“Siguro naman titigil ka na sa pagiging adik, ‘di ba? Maghanap ka na ng trabaho!”
“Lintek naman, kauuwi ko lang! Ipaghanda mo ako ng pagkain! Nagugutom ako!”
Alam kong isang malaking personalidad sa mundo ng droga ang ama ko. Nasa wanted list pero kahit kailan ay hindi napirmi sa kulungan. Kaya nga siya nakakalaya agad, dahil kahit sa mga pulis ay may kapit siya.
Araw-araw na ulit ang pananakit niya sa amin. Okay lang sa akin, sanay naman na ako.
High school na ako noon. Magliligpit sana ako at papuntang kusina nang makita ko si Tatay na nakasilip sa nakaawang na pintuan ng banyo.
“A-Anong ginagawa niyo?”
“Putang ina, ginulat mo ako! W-Wala, nagpapahinga lang ako! Umalis ka na!”
Sinisilipan ni Tatay ang ate ko. Sinisilipan niya ang sarili niyang anak. Naisip kong magsumbong kay Nanay, pero alam kong mauuwi lang sa bugbugan kaya nanahimik ako.
Hindi ko naman inakala na mas lalala pa ang mga ginagawa niya.
“Diyos ko po! Baboy ka! Baboy!”
“Putang ina kang babae ka! Pakialamera!”
“Tumigil ka na sa kahayupan mo, demonyo ka!”
“Nanay, Tatay, tama na!”
“Puntahan mo ang kapatid mo sa kuwarto!”
“Gago ka, pati ba naman anak natin!”
Grade 8 ako noon. Biglang lumaki ang tiyan ni Ate na labingwalong taon pa lang, at hindi nagtagal ay may inaalagaan na akong pamangkin.
Hindi na ako bata kaya alam na alam ko na.
Sinira at binaboy na nang tuluyan ni Tatay ang pamilya namin.
Lumipas ang panahon. Masasabi kong mas umayos nang kaunti ang lahat dahil lumayas na si Tatay at isinagad na ang pagiging druglord niya. Hinihintay na nga lang namin ang balita na napatay siya sa isang shootout.
Pero hindi.
Isang hapon pagkauwi ko galing sa eskwelahan, nadatnan ko ang eksenang hinding-hindi ko malilimutan.
Ang tatlong taong gulang na si Elaine na nakadapa sa lamesa.
Si Ate Mira na nakaupo sa may paanan ng lamesa.
Si Nanay na nakahilata sa sahig.
Lahat sila, naliligo sa sarili nilang dugo.
Nakatayo sa harapan nila ang isang lalaking malaki ang katawan, mahaba ang buhok, at puno ng tattoo ang mga braso habang hawak-hawak ang isang itak.
“T-Tatay?”
Gulat na gulat siyang napaharap sa akin. Pulang-pula ang mga nanlalaking mata, itinutok niya sa pagmumukha ko a-ang...
“Isa ka pa! Gusto mo rin ba, ha?!”
Nang oras na iyon ay kumislap sa liwanag ang talim ng itak. Pumapatak pa ang mapulang dugo mula rito.
“A-Anong…”
“AAAAHHHHHHHH!!!”
Tumigil ako sa pagtakbo at sumigaw nang napakalakas habang sapo-sapo ang ulo ko.
“A-Ayoko na...” bulong ko at napalugmok sa lupa. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko sa pagpatak.
Putang ina niya! Hayop siya! Demonyo!
Napahilamos ako sa mukha ko. Para bang... nararamdaman ko ulit ang bawat sampal, suntok, at masasakit na salita. Basta, lahat ng sakit na dinanas ko sa demonyong lalaking ‘yon!
“HAYOP KAAAA!!!”
Napasabunot ako sa sarili ko at nagtatadyak sa lupa. Nagsisigaw ako at sinuntok ang punong malapit sa akin.
Hindi nagtagal ay nawalan na ako ng lakas. Napasandal na lang ako sa punong pinagsusuntok ko.
“Alam kong nasusunog ka na sa impyerno ngayon...” saad ko at napangiti nang mapait. Napatingin ako sa mga kamay kong nagdurugo na.
Kagaya lang... kagaya lang ng dati.
“Sino ‘yan?” Bigla akong napalingon sa paligid dahil may narinig akong kaluskos.
Napalunok ako. Iniikot ko ang paningin ko sa gubat, pero wala akong makitang tao.
Muli akong nakarinig ng kaluskos. Ngayon, mas malapit na ito. At alam ko na kung saan ‘yon nanggaling.
Mabilis kong nilapitan ang isang puno sa bandang kaliwa ko. Akala siguro ng isang ‘to ay hindi ko mapapansin ang nakausli niyang damit.
“Hoy—”
Nagulat ako nang biglang umigkas ang isang palakol papunta sa akin. Mabuti na lang at mabilis akong kumilos kaya nakaatras agad ako.
“Ikaw...” usal ko nang bumungad sa akin ang isang taong nakaitim na hoodie.
“Isa ka pa! Gusto mo rin ba?”
“A-Anong ginawa mo...”
“Alam kong magsusumbong ka!”
“Ahhh!”
Tulad noon, mabilis din akong nakaatras. Agad kong ibinato ang bag ko sa mukha ni Tatay at—
“Aaahhh!”
Napahawak ako sa braso kong nadaplisan ng palakol. Napangiwi ako at tinignan ang braso kong kumikirot at nag— n-nagdurugo...
“Ahh!”
“Hindi ka makaka—Ahh! Ang mata ko! Tarantado kang—”
“Mamatay ka na!”
Akmang susugod pa ulit siya sa akin pero sumugod din ako sa kaniya. Mas mabilis ako kaya nasipa ko siya sa tiyan bago pa niya maihataw ang palakol sa akin.
Napahalinghing siya sa sakit at nabitawan ang palakol. Agad ko ‘yong pinulot at iniamba sa kaniya.
“‘W-Wag mong itutuloy ‘yan... Malilintikan ka—”
“Putang ina mo!”
Agad kong inihampas sa taong naka-hoodie ang palakol pero gumulong siya at umilag. Napabaon naman ang palakol sa lupa at hindi ko agad mahugot. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at dinambahan na lang ang taong naka-hoodie.
Matagumpay ko siyang nasakal at umupo sa katawan niya. Nagpupumiglas siya at—
“AAAAAAAHHHHHH!!!”
Napatakip ako sa mga mata ko dahil bigla siyang naglabas ng isang lata at pinisit iyon sa mukha ko.
Nagsisigaw ako dahil sa sobrang sakit na dala nito sa mata ko. Puta! Parang sinisilaban ang mga mata ko!
Napalugmok ako sa lupa dahilan para makaalis ang taong naka-hoodie. Buwisit!
Hindi ko man siya nakikita ay sinigawan ko siya.
“Hindi mo ako mapapatay! Putang ina mo! Ako ang papatay sa ‘yong hayop ka!”
Narinig ko na lang ang mga tunog ng yabag papalayo. Gusto ko sanang sumigaw pero p*ta, ang sakit na ng mata ko at wala na akong lakas!
Ilang minuto pa akong nagpagulong-gulong sa lupa habang iniinda ang sakit ng mata ko.
Maya maya ay kinaya ko nang imulat ang mata ko. Habol ko ang aking hininga habang sinusubukang umaninag sa paligid.
Nang makatayo ako ay napansin kong wala na ang taong naka-hoodie pero naiwang nakabaon sa lupa ang palakol.
Napangisi ako.
“‘W-Wag mong itutuloy ‘yan... Malilitikan ka—”
“Mamatay ka!”
Buong lakas kong hinugot ang palakol at ipinatong ito sa balikat ko.
Papatayin ko siya. Papatayin ko ang taong umatake sa akin bago pa niya ako mapatay.
Kagaya lang... kagaya lang ng dati.
•••

หนังสือแสดงความคิดเห็น (118)

  • avatar
    BagasinAmormia

    Potek ang ganda ng story. Dimo talaga alam kung sinong magiging killer. Diko inaasahan ang mga revelations Hahaha ang ganda. Diko one expect na ganun yung magiging ending hanep haha. Nice nice

    06/01/2022

      0
  • avatar
    EscondeAzzy lei

    woohhh ka thrill ng stories HAHAHA d mo talaga mahuhulaan yung mga susunod na mangyayare

    21/12/2021

      4
  • avatar
    PersiaKlaatu

    it's my first time reading this kind of story kind the like it's nice

    12/12/2021

      5
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด