logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 6

Tumigil lamang sa pagdadabog si Papa nang maramdaman niya na wala na ang mga bisita ko. Mabilis kong tinuyo ang mga luha sa mukha saka naglakas ng loob na kausapin siya ng mahinahon. Nagulat pa ako nang madatnan siyang tahimik na nakaupo at sapo ang mukha niya na parang problemadong problemado.
"Papa..." pagtawag ko rito. Hindi siya nag-angat ng tingin sa akin. Buong akala ko ay sisigawan na naman niya ako kagaya ng palagi niyang ginagawa.
"Wala na pala tayong stuck na pagkain dito." aniya sa kalmadong tono. Nag-angat siya ng tingin sa akin. "May naitabi akong pera roon, kuhain mo na para may maipambili tayo ng hapunan."
"Pa, ano na naman bang nangyayari sa inyo?" naiiyak kong tanong. "Bakit ka ba ganiyan? Sana man lang pinalampas niyo 'tong araw na ito. Kahit ito lang, sana man lang pinagbigyan mo 'ko. Mga kaibigan ko 'yon eh, sila na lang ang napupuntahan ko pero binastos mo pa. Palagi na lang ba tayong ganito, Pa?"
Umiwas ako ng tingin at doon pinunasan ang luha na pumatak mula sa mata. Hindi nagalit si Papa sa sinabi ko, at doon ako mas lalong nagtataka.
"Hindi sa lahat ng pagkakataon mapupuntahan mo sila. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari kang humingi ng tulong sa kanila. Nariyan lang naman iyang mga kaibigan mo tuwing masaya, pero kapag lubog na lubog ka na, hindi ka nila matutulungan. Tingnan mo kung anong ginawa nila ngayon, kung talagang kaibigan sila ay hindi ka dapat nila iniwan ngayon. Kaunting salita ko lang umalis na kaagad."
"Pinaalis ko sila dahil nakakabastos na ugali mo!"
Ayos lang sa akin na mapahiya sa buong klase huwag lang sa harap ng mga kaibigan ko. Sila na lang ang maaasahan ko. At least hindi kagaya ni Papa, handa nila akong ipagtanggol ano mang oras. Sa kanila ako pumupunta sa tuwing hindi ko na kayang manatili rito sa bahay.
Masyadong nakakasakal dito. Masyadong nakakamatay. Pumupunta na lang siguro ako rito para matulog, pero hindi ito ang klase ng lugar na matatawag kong tahanan.
"Ayos lang naman sa akin kahit hindi mo na ako ituring na anak. Ayos lang sa akin kahit palagi kang galit. Pero huwag mo naman sana akong ipahiya sa harap nila, sila lang ang naging pamilya ko dahil hindi mo na magawang magpaka-tatay sa akin!"
Nakatingin man sa malayo ay kita ko ang isang beses na pagpatak ng likido mula sa mata ni Papa. Umiwas ako ng tingin at kaagad siyang tinalikuran. Dumiretso ako sa sariling kwarto at doon ibinuhos ang lahat ng iyak.
Napapagod na rin ako sa kaniya. Nakakapagod na. Mahal na mahal ko si Papa pero hindi ko kayang magtiis kung ganiyan siya palagi.
Mula sa pagkakahiga ay bumangon ako at dumiretso sa maliit na drawer sa tabi ng kama. Kaagad kong kinuha ang mga damit ko roon at isinilid sa isang bag. Napadako ang tingin ko sa isang larawan sa ibabaw ng drawer. Iyon ang larawan naming buong pamilya noong kompleto pa kami. Bago pa magloko si Mama at bago pa niya kami talikuran para sa ibang lalaki.
Mabilis ko iyong kinuha at binasag. Pinunit ko ang larawan at ihinagis sa labas ng bintana. Pagkatapos ay muli kong kinuha ang ilang mga damit at isinilid ito sa isang lagayan nang bigla akong mapatigil at mapatanong sa isip na,
Ano itong ginagawa ko?
Bakit ako nag-eempake ng mga gamit? Balak ko bang umalis? Iiwan ko ritong mag-isa si Papa? Sino nang mag-aasikaso sa kaniya? Sino na ang magluluto para sa kaniya? Sino na ang bibili ng mga gamot niya? Kapag umalis ako, sino na ang mag-aalaga sa kaniya?
Napailing ako sa sarili at mabilis na ibinalik ang mga damit na kinuha ko. Nababaliw na yata ako. Ako itong nangako kay Papa na hindi ko siya iiwan kagaya ng ginawa sa amin ni Mama pero heto ako't ini-empake ang mga gamit ko at may balak pa yatang tumakas.
Mabilis kong pinahid ang luha sa mukha saka lumabas ng kwarto. Pasimple akong sumilip sa may kusina at nakita si Papa na nakasubsob ang mukh sa lamesa. Napabuntong-hininga ako at saka lumapit.
"Pa... doon ka na sa kwarto mo matulog." akala ko ay aangal siya nang akayin ko siya pabalik sa kwarto niya. Nahirapan pa ako dahil malaki siyang tao at mabigat. Nang tuluyan siyang makarating sa kama niya ay kaagad siyang humiga ng maayos at tumalikod sa akin na parang ayaw akong makita.
Napahinga ako ng malalim saka nagpasyang lumabas nalang muna ng bahay para makalanghap ng sariwang hangin. Kailangan kong magtiis at makapagtapos ng pag-aaral para hindi na maging ganito ang buhay namin ni Papa. Kailan kong makatapos para man lang maipagmalaki niya ako bilang anak niya. Ibibili ko siya ng wheel chair at titira kami sa mas magandang bahay malayo sa lugar na ito.
Malayo sa nakaraan.
Natigilan ako nang pagkabukas ko ng pinto ng bahay ay may nakita akong lalaki na nakaupo mismo sa tapat nito. Nang maramdaman niya ang pagbukas ng pinto ay kaagad siyang napatayo at humarap sa akin.
"A-ano pang ginagawa mo rito?" gulat na tanong ko sa kaniya subalit kaagad din akong nag-iwas ng tingin ng maalala ang nangyari kanina.
Nanatili naman ang nanunuring tingin niya sa akin.
"Gusto mong... maglakad-lakad?" aniya na siyang ikinagulat ko. Hindi ko nagawang makatingin sa kaniya dahil sa kahihiyan. Sa lahat ng tao, siya iyong taong hindi ko gustong makita ang bahaging ito ng buhay ko. Pero wala, nakita pa rin niya.
"Hindi ka pa ba uuwi?" nag-aalangang tanong ko.
"Hindi pa… dito na muna ako."
"Hindi ka pwede rito. Nakita mo naman nangyari kanina 'di ba? Umalis ka na lang muna. Ayoko muna ng kasama ngayon."
"Paano kung sabihin ko sa'yong hindi pa rin ako aalis ngayon kahit ipagtabuyan mo ako?"
Natigilan ako at saglit na napatulala sa kaniya. Nakita ko ang determinasyon sa mga mata niya na hindi ko alam kung para saan.
"Bakit mo ba talaga ginagawa ito?" kasi sa ginagawa niya... mas lalo lang akong nagkakagusto sa kaniya. Alam kong may girlfriend na siya pero hindi ko pa rin maiwasan. Ang hirap niyang hindi magustuhan.
"Kailangan ba palaging may rason?" nagkatinginan kaming dalawa. Matagal na namutawi ang katahimikan sa paligid. Umihip ang malamig na hanging pang-hapon. Huminga ako ng malalim saka nag-iwas ng tingin.
"Basta hindi ako pwedeng abutin ng dilim."
Tahimik kaming dalawa habang naglalakad sa tabi ng kalsada. Kontento na ako sa katahimikan. Hindi ko rin alam kung paano mag-umpisa ng usapan. Nahihiya pa rin ako sa mga nasaksihan niya sa bahay kanina. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya ngayon tungkol sa akin. Siguro naaawa siya. Baka naman nandidiri. Siguro sa nakita niya, mas lalong nawala ang tiyansa na magkagusto siya sa akin.
Mahirap magkagusto sa babaeng maraming sabit at problema sa buhay. Magiging kargo pa niya ako palagi kunsakali man.
Tumigil kami nang makarating kami sa ilalim ng malaking puno ng Acacia. Umupo siya sa ugat niyon at tinanaw ang payapang bundok Banahaw sa unahan.
"Tatayo ka na lang ba riyan hanggang sa magdilim?" tanong niya at sumulyap sa akin.
Napahinga ako ng malalim saka mabagal na umupo sa malaking ugat sa tabi niya.
"Dito ka ba pumupunta sa tuwing masama ang loob mo?"
"Hindi."
Napatawa ako. Bakit nga naman siya mag-eemote kapag may problema? Syempre lalaki siya. Kaya niyang resolbahin ang mga problema na hindi na kailangan ng pag-eemote.
"Bakit dito mo ako dinala?" kuryosong tanong ko. Akala ko pa naman gusto niyang pagaanin ang loob ko.
"Maaliwalas ang hangin dito at maganda ang tanawin." aniya habang nakatingin sa kalmadong paligid.
Napatango na lamang ako. Muling namutawi ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Parehas kaming nakatanaw lamang sa malayo. Sa pagkakataong ito, naroon ang kagustuhan ko na sana may mapag-usapan kaming maganda. Sana may espesyal na mangyari ngayong hapon. Kahit iyon na lang.
"S-sorry pala sa inasta kanina ni Papa. Hindi lang talaga siya sanay sa mga bisita." pagsisimula ko ng usapan. Kaagad kong nakagat ng mariin ang labi. Bakit ito pa ang usapan na binuksan ko? Dapat hindi na lang ito!
Isang beses siyang sumulyap sa akin. "Walang problema, masyado rin kasing maingay kanina. Dapat siguro hindi na lang nagkantahan." aniya sa kalmadong tono. Napalunok ako sa kahihiyan. Sinabi niya lang iyan para hindi ako mapahiya masyado.
"Ganoon talaga si Papa." napabuntong-hininga ako at nagbunot ng mga damo sa harapan. "Simula nang mawala si Mama, naging ganoon na siya." bugnutin at mainitin ang ulo lalo na sa akin. Si Tita Christine lang ang nakakausap niya ng maayos kapag dumadalaw ito sa bahay.
"Wala na rin akong nanay." saad niya na siyang ikinagulat ko. Napatigil ako sa pagbubunot ng damo at bumaling sa kaniya.
"Nasaan siya?" tanong ko "Si Mama kasi iniwan kami para sa ibang lalaki. Elementary pa lang ako nang iwan niya kami, simula noon ay hindi ko na ulit siya nakita. Kaya nga nalumpo si Papa kahahabol sa kaniya. Noong una, nagtanim ako ng galit. Pero natutunan ko na ring tanggapin ang lahat. Isang beses ko siyang sinearch sa facebook, may iba na siyang pamilya. Pagkatapos niyon ay hindi ko na ulit siya hinanap kahit kailan." wala na ring saysay kung hahanap-hanapin ko pa siya. May sarili na siyang pamilya at paniguradong masayang-masaya na siya ngayon sa buhay niya.
Hindi ko lang talaga matanggap na habang siya nagpapakasarap sa buhay na pinili niya, kaming dalawa ni Papa, naging miserable ang buhay.
Nakita ko ang pagtitig sa akin ni Jacques. Sobrang seryoso ng mukha niya. Nailang ako bigla kaya mabilis akong umiwas ng tingin.
"Bakit ang dali lang sa'yong ikuwento ang mga ganitong bagay? Bakit parang hindi ka na apektado?" seryosong tanong niya sa akin.
Napatawa lang ako.
"Hindi naman porke't ganito ako, ibig sabihin hindi na ako apektado. Wala rin naman kasing mangyayari kapag araw-araw akong magmumukmok. Saka kagaya ng sinabi ko, natutunan ko na ring tanggapin ang tungkol sa mga nangyari." umangat ang tingin ko sa kaniya at ngumiti. "Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay baguhin ang buhay ko. Hindi pwedeng ako palagi ang talunan. Hindi pwedeng ako palagi ang naiiwan. Kailangan kong gumawa ng pagbabago kung ayaw kong mahirapan sa huli."
Hindi siya nagsalita at nanatili lamang na nakatitig sa akin. Ayokong aminin, pero pakiramdam ko nakitaan ko ng awa ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Malungkot akong ngumiti bago nag-iwas ng tingin.
"Huwag mo naman akong kaawaan. Para naman akong pinagkaitan ng mundo sa tingin mo sa akin." tumawa ako para pagaanin ang emosyon.
"Hindi kita kinakaawaan. Namamangha lang ako..." aniya sa seryosong tono. Awtomatiko akong napasulyap sa kaniya. Ramdam ko na naman ang mabilis na tibok ng puso ko. "Masyado kang matapang. Hindi ka katulad ng iba na mabilis bumigay. Bibihira ang mga taong kagaya mo."
Hindi maitatanggi ang init na lumukob sa dibdib ko dahil sa sinabi niya. Talaga matapang ako? Siya lang ang taong nagsabi sa akin niyan.
"Ikaw? Nasaan ang nanay mo?" pag-iiba ko ng usapan. Doon siya umiwas ng tingin sa akin. Bigla tuloy akong nagsisi dahil mukhang hindi magandang pag-usapan ang bagay na ito ngayon. "O-okay lang kung ayaw mong sabihin. Hindi naman kita pinipilit."
Narinig ko ang paghinga niya ng malalim.
"Iniwan na rin kami ni Mama." aniya habang nakatingin sa malayo. Nanatili ang titig ko sa kaniya. "Pero hindi kagaya mo, habang-buhay na niya kaming iniwan. Hindi na siya babalik kahit kailan."
"B-bakit naman?"
Tumingin siya sa itaas. "Kinuha na siya ng langit." aniya na siyang ikinatigil ko. Hindi ko alam kung alin ang mas masakit. Iyong mahal mo sa buhay na patay na at hindi na babalik o iyong tao na buhay pa pero wala ng balak bumalik.
Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para hawakan ang kamay niya. Kinabahan ako sa ginawa pero hindi ko iyon binitawan. Marahan kong pinisil ang kamay niya, napatingin siya roon.
"Alam mo, sigurado naman ako na kung nasaan man ang mama mo ngayon ay masaya na siya. At least, hindi kagaya natin, hindi na siya makakaramdam ng sakit at hirap kung nasaan man siya ngayon. Hindi siya masasaktan at iiyak. At least... malaya na siya sa anumang klase ng sakit."
Natahimik siya sa sinabi ko. Seryoso niya akong tinitigan pero wala siyang sinabi. Tumitig din ako. Kahit nararamdaman ko ang sobrang bilis na pagtibok ng puso ay hindi ako nag-iwas ng tingin sa kaniya.
Kinakabahan ako ng matindi. Natatakot ako sa posibleng mangyari. Pero kahit ganoon, inipon ko lahat ng lakas ng loob sa katawan.
"J-Jacques..." nanginginig ang mga kamay ko nang sinapo ko ang pisngi niya at saka siya hinalikan. He didn't expected my actions. Ramdam kong nanigas siya sa kinauupuan.
Kinakabahan ako ng matindi subalit mas lalo kong inilapit ang sarili ko sa kaniya. I started to move my lips.
But then...
He pushed me away.
Kita ko ang galit na bumakas sa mata niya nang tingnan ako.
"Bakit mo ginawa iyon?" gigil na aniya. Marahas niyang pinunasan ang labi na parang nandidiri sa ginawa ko.
Nanubig ang gilid ng mata ko. "G-gusto kita, Jacques." wala sa sariling pag-amin ko sa kaniya.
Napatayo siya at parang diring-diring lumayo sa akin.
"What? Have you lost your mind?" pagalit na aniya sa akin. Frustrated niyang pinasadahan ng palad ang buhok na parang pinapakalma ang sarili. "Hindi kita gusto. Tigilan mo na ang kahibangan mo dahil hindi kita gusto."
Tumayo rin ako at galit na bumaling sa kaniya.
"Hindi mo ako gusto? Para saan iyong kabaitan mo? Para saan iyong mga pag-aalala mo para sa akin? Para saan iyong galit mo noong nakita mo kami ni James na naghahalikan?!" sumbat ko sa kaniya.
Hindi makapaniwalang tumingin siya sa akin.
"Wala lang ang lahat ng iyon. Bakit binibigyan mo ng kahulugan? Ganoon ang gagawin ng isang kaibigan! Alangan namang pabayaan kita habang nababastos ka?"
Umiling-iling ako sa kaniya.
"Hindi, nagseselos ka kaya ganoon ang reaksyon mo. Tama ako 'di ba? Nagseselos ka."
Tumawa siya at umiling din sa akin.
"Huwag mong ipagpilitan, Madelaine. Hindi ko akalain na binibigyan mo pala ng kahulugan ang mga ipinapakita ko sa'yo. Ngayon palang, sinasabi ko na sa'yo, tigilan mo na. Wala kang mapapala sa akin." he said before he left me alone in the place where he made me at peace.
Napatawa ako sa sarili at hindi makapaniwalang sinundan ng tingin ang huling nilakaran niya bago siya nawala sa paningin ko.
Nanghihina akong napaupo sa damuhan at pinigilan na magbagsakan ang mga luha. Ang akala ko pa naman, dahil pinili niyang samahan ako ngayon ay may mangyayari ng maganda sa araw ko. Confessing my feelings for him is not included in my plan. Bigla na lang lumabas ang mga salitang iyon sa bibig ko. Pati ang mga kilos ko kanina.
Hindi ko gustong magtapat dahil alam kong simula pa lang ay talo na ako. Hindi na siya pwede.
Muli akong pagak na napatawa saka tumingin sa papalubog na araw sa kanluran. Magsisimula ng dumilim. Nag-iisa na lang ako ngayon dito. Umihip ang malamig na hangin na siyang dahilan kung bakit mas nadagdagan pa ang panlalamig na nararamdaman ko sa katawan.
And then minutes later... after staring at the dark clouds above, I made a promise to myself that I'll start fogetting my stupid feelings for him.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (19)

  • avatar
    Sopeya

    😭 😭

    03/07

      0
  • avatar
    Judy Ann Gilbaliga Catedral

    Good

    05/05

      0
  • avatar
    ARINOMA LUDETTE

    ☺️☺️☺️

    29/01

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด