logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Kabanata 2

"HINDI ka na ba nag-aaral?" tanong ng binata sa kanya.
"Sa ngayon ay hindi na," malungkot na sagot niya. "Dahil sa pandemya rito sa ating bansa ay humina din ang kita namin sa pagtitinda. May konting ipon na din naman ako, kaya sa susunod na pasukan nalang ako magpapatuloy sa pag-aaral. Teka, bakit panay tungkol sa akin ang pinag-uusapan natin? Ikaw naman ang magkuwento ng tungkol saiyo."
"Mamaya nalang medyo kumikirot ang sugat ko," daing ni Ely.
"Sige, magpahinga ka na muna. Kukuha lang ako ng mga dahon ng bayabas para pakuluan at iyon ang ipanlilinis ko sa mga sugat mo."
Matapos na matulungan ni Kristina ang binata na mahiga sa papag ay nagpaalam siya dito para manguha nang dahon ng mga bayabas. Kinuha niya ang basket sa kusina at nagmamadaling nagpunta sa duluhan kung saan maraming puno ng bayabas.
"KRISTINA, anong gagawin mo sa mga dahon ng bayabas?" tanong ni Rafael sa kanya nang makitang may dala siyang basket na mayroong dahon ng bayabas.
Si Rafael ay isa sa masugid niyang manliligaw. Anak ito ng kapitan sa kanilang Baryo, kaya naman umaapaw sa pagkahambog.
"Ikaw pala, Rafael. Pakukuluan ko itong mga dahon ng bayabas upang ipanlinis sa sugat ng aming panauhin." Sagot niya sa binata.
"Totoo pala ang nakarating sa aking balita, may kapisan kayong lalaki sa inyong dampa." May panibugho sa tono ng boses ni Rafael habang sinasabayan siya sa paglalakad.
"Panauhin namin siya," inis na katuwiran niya.
"Pero lalaki siya, Kristina." Tila inis na sabi nito. "Masagwa pa rin tignan lalo na at babae ka. Minsan ay naiiwan ka mag-isa sa inyong dampa. Paano kung matukso kayong dalawa sa isat-isa?"
"Puwede ba, Rafael, over reacting ka. Kailangan ni Ely ng tulong. Mabait naman siya at malakas ang pakiramdam kong mabuting tao siya." Pagtatanggol ni Kristina sa kanilang panauhin.
"Naniwala ka naman agad sa kabaitan na pinakita ng lalaking iyon? Kahit sino ay puwedeng magpanggap na mabuting tao." Pangungulit ni Rafael.
Patuloy ang kanilang pagtatalo hanggang sa makarating ang dalawa sa dampa nina Kristina.
Malayo pa ang dalawa ay dinig na ni Ely ang boses nila. Kagigising lang ni Ely kaya napabalikwas siya at bumangon. Inaakala nitong may nag-aaway sa labas.
"Alam mo, Rafael, kung wala ka naman magandang sasabihin ay umuwi ka nalang."
"Unawain mo naman ang kalagayan ko, Kristina."
"Anong pinagsasabi mo? Bakit, kasintahan ba kita para pagsabihan mo ako ng ganyan? At t'saka ano ba ang pakialam mo sa buhay ko?" Mataray na tanong niya kay Rafael. "Hindi masama ang tumulong sa kapwa."
"N-nagmamalasakit lang naman ako sa'yo, Kristina." Yuko ang ulong sagot ni Rafael na napahiya.
"Ipapaalala ko lang saiyo, wala pa tayong relasyon. Nanliligaw ka pa lang sa akin, ngayon pa nga lang pinakikita mo na sa akin na hindi ako mapagkakatiwalaan. Kung sa palagay mo ay hindi ako mapagkakatiwalaan, malaya kang makahahanap ng ibang babae na karapat-dapat sa pagtitiwala mo." Galit na sabi niya bago ito tinalikuran.
Lulugo-lugo naman ang ulo ni Rafael na umalis sa lugar na iyon.
"Kristina, sino ang kausap mo sa labas? Bakit parang nag-aaway yata kayo?" hindi nakatiis na tanong ni Ely sa dalaga nang makapasok na ito sa dampa.
"Si Rafael. Isa siya sa masugid ko na manliligaw. Naiinis lang ako sa kanya dahil wala pa man kaming relasyon ay dinidiktahan niya na ako sa mga dapat kong gawin," parang nagsusumbong na sagot ni Kristina.
"Manliligaw mo pala siya,"
"Si Rafael ang pinakamakulit sa lahat ng aking manliligaw," reklamo niya.
"Pero guwapo naman siya ah," parang nanunukso na sabi ni Ely.
"Guwapo nga, napakaseloso naman. Seloso na wala naman sa lugar," sagot niya.
"Kanino naman siya nagseselos?" tanong nito sa kanya.
"Sa iyo," sagot niya habang isinasalang ang palayok na may lamang dahon ng bayabas at tubig. Hinipan niya ang kalan.
Pasimpleng natawa si Ely.
"Pambihira naman siya. Bakit naman niya ako pagseselosan, e hindi naman ako nanliligaw sa iyo? Isa pa, hindi ko gagawin iyon dahil malaki ang utang na loob ko sa inyo ni Lola Lorena. At t'saka, masyado kang bata para sa'kin." Naiiling ang ulo na katuwiran ng binata.
Parang kinurot ang puso ni Kristina sa sinabing iyon ng binata. Bata pa pala ang tingin ni Ely sa kanya. Kung alam lang nito na may kakaiba na siyang nararamdaman para rito.
"Bakit natigilan ka na? May nasabi ba ako na hindi mo nagustuhan?" tanong ni Ely sa dalaga.
"Hmm, w-wala. Kailangan ko na linisin ang sugat mo, huhubarin ko na ang suot mong t-shirt." Pag-iiba ni Kristina sa usapan.
Hindi naman tumanggi si Ely nang hubarin ng dalaga ang suot niyang pang-itaas.
Titig na titig ang binata kay Kristina habang nililinis niya ang sugat nito na malapit sa dibdib.
Ngayon lang ni Ely napagmasdan nang mabuti si Kristina, mistula na nga pala itong ganap na dalaga.
Maganda ang dalaga, hugis puso ang noo nito dahil sa buhok. Maganda ang hugis ng mga kilay na parang sadyang iginuhit ng isang mahusay na pintor. Maganda ang mapupungay nitong mga mata na binagayan ng makapal at mahahabang pilikmata. Matangos ang ilong at higit sa lahat, mapang-akit ang mapula nitong maliit na labi na pa bang napakasarap halikan. Morena ang kulay ng balat na bumagay sa angking ganda nito.
Tumigil sa ginagawa si Kristina nang mapansin niyang pinagmamasdan siya ng binata.
"May dumi ba ako sa mukha at ganyan ka na lamang kung makatingin sa akin?" nagtatakang tanong ni Kristina sa binata.
Tumikhim muna si Ely bago nagsalita. "Wala. Ngayon ko lang napansin, maganda ka Kristina. Hindi ko masisisi si Rafael kung magselos man siya. Kung ako man siguro ang nasa katayuan niya ay ganoon din ang magiging damdamin ko. Ayaw niya sigurong mapunta ka sa ibang lalaki."
Parang kinilig si Kristina sa sinabi nito. "Sabi nga nila maganda raw ako, napansin mo rin pala. Siguro ngayon ay maniniwala na ako dahil ikaw na ang nagsabi."
Nangunot ang noo ni Ely sa sinabi ng dalaga. "Anong ibig mo sabihin?"
"Secret,"
"Secret?" ulit ng binata sa sinagot ng dalaga. "Iyan ba ang uso ngayon?"
Napadiin ang pagtatapal ni Kristina ng dahon ng bayabas sa sugat nito kaya nahawakan ng binata ang kanyang kamay.
"Usong ano?" maang niyang tanong.
"Mga usong sagot ng mga teenager. Madalas ko ring marinig iyan kay Monica." Sagot ni Ely at binitiwan na ang kamay ng dalaga. "Dahan-dahan lang, kumikirot pa din ang aking sugat."
Humingi din naman agad siya ng paumanhin. "Sino si Monica? Kapatid mo ba siya?"
"Si Monica siya ang aking nobya. Secretary ko siya sa opisina, lagi kaming magkasama kaya na-develop kami sa isat-isa."
"Ahhh! Bata pa rin ba siya? Magkasing edad kami?" curious na tanong niya.
"Hindi. Mas bata ka sa kanya." Sagot nito. "Twenty years old na siya. Matanda ako ng anim na taon sa kanya."
"Pupunasan ko na rin ang buo mong katawan para naman maging presko ang pakiramdam mo. May mga malalaki akong t-shirt na hindi na ginagamit, iyon na muna ang isuot mo pagkatapos kitang punasan." Malumany na sabi niya para maiba ang usapan.
"Nakakahiya naman sa'yo, Kristina," namumulang sabi ng binata.
"Wala iyon. Ako ba, sakaling mangailangan ng tulong mo ay dapat ba akong mahiya bago lumapit sa iyo?" parang nang-aarok na tanong ni Kristina sa binata. Pinakatitigan niya ito sa mga mata. Ngumiti naman ito sa kanya.
"Hindi. Dahil simula nang magising ako at ikaw ang una kong makita, parang kapatid na babae na ang turing ko sa iyo. At handa akong tulungan ka, kayo ng lola mo sa oras na gumaling na ako at makabalik na sa Maynila." Matapat na sagot ni Ely habang pinupunasan siya sa dibdib ng dalaga.
Nakaramdam naman ng lungkot si Kristina nang banggitin nito ang pagbabalik sa Maynila. Sa lugar kung saan ito nakatira.
PAGKATAPOS na mapunasan ni Kristina ang binata ay binihisan niya naman ito. Nagpaalam siya kay Ely na pupunta siya sa kusina.
Hinarap naman ni Kristina ang pagluluto ng tanghalian.
Naging magaan ang pakiramdam ni Ely pagkatapos siyang mapunasan ng dalaga. Mabuti nalang at daplis lang ang tama niya malapit sa kanyang dibdib at braso.
May nagtangka sa kanyang buhay habang sakay siya sa yatch na maghahatid sana sa kanya sa Isla Giligan na malapit lang sa Destiny Island na pagmamay-ari ng pinsan niyang si Prince Fuentevilla.
Mabuti nalang at nakatalon siya sa dagat, dahil kung hindi ay baka napatay siya ng nakamaskarang babae.
Pakiramdam niya ay hindi na masyadong kumikirot ang sugat niya. Iinot-inot na bumaba siya ng papag at maingat na nagtungo sa kusina kung saan nagluluto ang dalaga.
"Ano ang lulutuin mo?"
Napaigtad naman sa gulat ang dalaga.
"Bakit ka bumaba? Hindi ka pa lubusan magaling baka mabinat ka." Nag-aalalang sabi ni Kristina sa binata.
"Kaya ko na, magaling kasi ang nurse na nag-aalaga sa akin." Nagbibirong sagot nito.
"Magluluto ako ng ginataang alimango na may kasamang gulay na kalabasa at dahon ng malunggay. Kumakain ka ba ng ganitong ulam?"
"Oo naman. Katunayan nga paborito ko ang alimango lalo kung matataba at maraming alige." Masiglang sagot nito. "Hindi ba mahal ang alimango rito?"
"Hindi. Mababa lang ang presyo ng mga laman-dagat dito sa aming Baryo. Nagmamahal lamang ito kapag dinala na sa palengke. Pero kami ni lola, madalas nakakalibre ng mga isda, alimango, sugpo, pusit at marami pang iba. Dahil may isa kaming bangka ni lola na ang gumagamit ay si Mang Tasyo, ang bahay nila ay malapit lang din dito sa aming dampa." Sagot niya. "Mabuti nalang at hindi ka maselan sa pagkain. Kinakabahan ako kanina kasi baka hindi ka kumakain ng pagkain ng mahirap katulad namin ni lola. Wala akong ibibili ng masarap na ulam gaya ng karne."
"Huwag ka mag-alala, hindi naman ako kagaya ng iba. Marunong akong makibagay, iyon nga lang paminsan-minsan may pagkabarumbado ako." Sagot ni Ely. "Pero lilinawin ko lang, hindi ako masamang tao."
"Barumbado?" ulit ni Kristina. "Ano ang ibig mo sabihin?"
"Ako kasi ang tipo ng lalaki na maginoo pero medyo bastos." Natawa ang binata.
"Puro ka naman biro, ayaw mong liwanagin ang ibig mo sabihin. Ganyan ba kayong mga taga-Maynila, makahulugan kung magsalita?" nakasimangot si Kristina habang binabalatan ang kalabasa.
"Prangka akong tao, ang ugali ko ay sinasabi ko ang ayaw at gusto ko kahit sino pa ang kaharap ko. Marami ang nagsasabi na arogante daw ako na hindi ko naman pinapansin. Opinyon nila iyon kaya hindi ko maaring baguhin."
Tumango-tango si Kristina. Ang pagkakayod naman ng niyog ang hinarap niya. "Naiintindihan ko na. Maiba ako, saan ka sa pala sa Maynila nakatira? Maganda ba talaga doon sa lugar n'yo?"
"Taga-Taguig Maynila ako. Isang simpleng negosyante na umasenso dahil sa sariling sikap at sa tulong na din ng aking kapatid at ina. Kaya nga nagtataka ako kung bakit may taong nagnanais na patayin ako, samantalang wala naman akong matandaan na taong inagrabyado ko. Hindi ko nakita ang mukha ng taong bumaril sa akin, pero base sa kanyang katawan ay isa siyang babae."
"Kaya ba may tama ka ng bala nang matagpuan namin sa aplaya?"
"Oo, at tiyak ako na nag-aalala na sa akin ang aking kapatid at ina maging ang aking nobya. Dahil ilang araw na akong hindi nakakapadala ng mensahe o nakakatawag sa kanila."
"Kung babae ang bumaril sa'yo, ang lakas naman ng loob niya." Naiiling ang ulo na sabi ni Kristina. Kinuha niya ang maliit na palangganan na may kinayod na niyog, dinala niya iyon sa lababo upang pigain. "Huwag ka mag-alala, Ely, kapag kaya mo na magbiyahe sasamahan kita pumunta sa bayan may telepono roon na tatlong peso lang ang bayad at ako na ang bahala magbayad para makatawag ka sa inyo."
Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Ely. Natutuwa siya sa dalaga. "Maraming salamat, Kristina, madami na akong utang sa'yo."
"Ano ka ba, huwag mo isipin 'yon," humarap siya sa binata at ngumiti. "Kanina ka pa nakatayo riyan, maupo ka muna. Siguro nagugutom ka na, ano?"
Naupo nga sa upuan na gawa sa kahoy na nara si Ely. "Hindi pa naman ako nagugutom, gusto kita panoorin habang nagluluto."
"Hayaan mo, madali lang naman maluto ang ginataang alimango. Makakain na rin tayo ng tanghalian," masiglang sabi niya at sinimulan na nga niya ang pagluluto.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (1007)

  • avatar
    Jowena Rose

    Sobrang exciting ng story grabe plot twist huhu kakilig tagos hanggang atay!!! 😭 🤍

    19/01/2022

      1
  • avatar
    Angely Bawa-an

    wowww so ikaw din pla Ang author Ng unconditional love 💕 wow ..nakaka amaze Kasi nabasa ko din Yun Kaya ,I'm happy na May sariling kwento na si Kristen &Ely thank you author 😍🙏

    01/01/2022

      1
  • avatar
    Kharen Rose De Leon

    nice story . gusto ko yung mga ganito ndi ganun ka haba bawat chapter. ndi rin ganun kahba ang kabuuan ng story. pero may happy ending 🥰😍

    29/12/2021

      1
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด