logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 10.2

IKATLONG TAUHAN
“Yvonne”
PASIMPLE niyang inabot sa tindera ang limampung piso bago muling ipinagpatuloy ang pagmamasid sa paligid.
Mahirap na, baka mahuli pa siya.
“Ito, ineng.” Kaagad niyang ibinaling ang tingin dito at tinanggap ang dalawang supot na naglalaman ng isda at kanin.
Tinanguan niya lamang ang matanda at pabulong na ipinarating dito ang pasasalamat.
Wala siyang ipinalampas na sandali at mabilisang isinilid ang mga iyon sa kanyang bag na pekeng tatak Gucci.
Pagkatapos masigurong walang nakahalata sa kanyang ginawa, nagsimula nang muli siya sa paglalakad na wari’y nasa kanya ang lahat ng salapi sa mundo.
Kapapasok pa lamang sa tarangkahan ng kanilang eskuwelahan, kaliwa’t kanan na ang pagbati na kanyang natatanggap. Samantalang tipid na tango’t ngiti lamang ang kanyang isinusukli sa mga ito.
Nilapatan niya ng tingin ang suot na relos: may tatlumpung minuto pa siya para mananghalian. Kinakailangan na niyang magmadali.
Tinakbo niya ang daan patungo sa katabing edipisyo ng gusaling laan sa mga estudyante ng kursong sikolohiya.
[ edipisyo - edifice/building ]
Kakaunti ang dumaraan doon kaysa ibang mga gusali
Nasa dulong bahagi iyon ng kanlurang bahagi ng eskuwelahan, at walang klase ang mga estudyante roon sa kasalukuyan . . . kaya’t malaya siyang ilabas ang tunay niyang pagkatao roon.
Kanyang dinako ang pambabaeng palikuran sa unang palapag ng tatlong-palapag na establisimiyento.
Malinis iyon: bakas ang pangingintab ng opaque glass na nagsisilbing haligi ng bawat puwang. Maayos ang sirkulasiyon ng hangin doon hatid ng mumunting mga bintana sa paligid—subalit hindi maikukubli ang tanda ng pagkaluma roon.
Kakaunting mga bitak sa sahig, kalakip ng nagliliitang mga detalyeng nagkukumpara sa lugar na iyon sa iba pang mga palikuran sa kanilang paaralan.
Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi iyon ang ginagamit ng mga estudyante.
Mahinahon siyang pumasok sa isa sa mga maliit na banyo—isang pintuan mula sa labasan.
Ibinaba niya ang takluban ng inidoro bago naupo roon. Kanya namang isinukbit ang sintas ng kanyang bag sa kawit na nasa pintuan, bago inilabas mula roon ang kanyang mga kagamitang pangkain pati na rin ang biniling mga panlaman sa tiyan.
Tinanggal niya ang mga iyon mula sa sari-sariling mga supot at inilagay ang lahat sa kanyang pinggan.
Kanyang tinitigan ang pagkaing nakahain sa kanyang harapan, mga ilalim ng kanyang matang mabigat ang pilit na pinasadahan ng tingin ang isda.
Isda na naman.
Palagi na lang.
Araw-araw na lang.
Nakasasawa.
Hindi niya naiwasan ang magbuntonghininga.
Wala siyang magagawa, ipinanganak siyang mahirap . . . at patuloy na nabubuhay bilang isang dukha.
Nagsimulang lumikha ng tunog ang kanyang mga kubyertos at pinggan na nagtatagpo.
Subo.
Nguya.
Lunok.
Bawat gawaing ganoon ay pilit; idinaraan na lamang sa pagpikit ang pagsasawang nadarama.
Idinadaan niya ang pagkain sa pamamagitan ng pagbuo ng mga guniguni patungkol sa kanyang nginunguya. Ipinapalagay ang bawat lasang nalalasap bilang isang karneng natitikman niya lamang tuwing tanghalian—galing kay Lickesia.
Subalit ngayong wala na ito, kinakailangan niyang humanap na ng ibang masisipsipan. Bagong taong makakapitan na maaari niyang gamitin, o kung pwede naman . . . perahan.
Napadilat siya. Lahat ng halusinasyon na kanyang binuo ay naglaho na parang bula.
Isang mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi.
Napakamapagsamantala niya.
Isa siyang sinungaling.
Magaling magpanggap.
At isang walang kuwentang manggagamit.
Mabilisan niyang inalis ang pagkakakintal ng luha mula sa kanyang pisngi: mga luhang peke. Iginalaw niya ang kanyang panga bago ilang beses na umiling-iling: wala siyang karapatang umiyak.
Sino ba namang tao ang nakararanas na nga ng sakit, alam na nga kung ano ang pakiramdam ng pagiging kawawa, ipinaparamdam pa iyon sa iba?
Sino?
Siya.
Isang prestihiyosong paaralan ang Unibersidad ng Xanadu, tanging mga matatalino’t mayayaman lamang ang nakapapasok doon.
Siya ang piling iskolar ng isa sa mga namamahala sa paaralan dahil may talino siya, ngunit kinakailangan niyang magpanggap na mayaman upang makibagay sa mga estudyante . . . dahil wala siyang salapi.
Alam niyang mali, batid niyang hindi niya dapat magtago dahil may dahilan naman kung bakit siya naroroon, subalit . . . hindi.
Ibig niyang kumubli sa likod ng isang Yvonne na kabilang sa mga matataas ang antas ng pamumuhay—taong mananatiling isang kathang-isip.
Sa paraang iyon, mararamdaman niyang hindi siya mababa mula sa iba.
Na kapantay niya ang mga ito.
Na nababagay siya roon.
At para sa kanya ang paaralang iyon.
Kadalasan, naiisip niyang masyado na siyang nagiging magaling sa larangan ng panloloko.
Kahit sarili niya, nagagawa niyang mapaniwala.
Mabagal niyang itinapat ang palad sa bibig at unti-unting iniluwa ang pagkaing wala nang lasa. Kanyang itinapon iyon sa basurahang nasa gilid ng inuupuan. Madalian siyang napainom ng tubig.
Kanina niya pa iyon nginunguya, nawalan na lamang ng lasa’t hindi na kaaya-ayang lunukin pa.
Naibaba niya ang hawak na mga kubyertos, muling pinasadahan ng tingin ang pinggang halos hindi pa nababawasan ang laman.
Isa siyang dukha, idinukdok na sa kanyang kukote na hindi niya dapat sinasayang ang pagkain kahit na iyon ay hindi niya nais.
Subalit wari’y bumara na ang kanyang lalamunan: hindi na niyon nais pang tumanggap ng kahit anumang makakain.
Nanghihinayang man, ipinasok na lamang niyang muli ang lahat sa sarili niyong mga sisidlan. Kaagad siyang lumabas nang matapos.
Nagsimula siyang maglakad tungo sa lababo . . . papalapit sa salamin.
Tanging tunog ng pag-agos ng tubig ang mababakas sa buong banyo. Maginaw-ginaw ang dulot niyon na patuloy na dumadampi sa kanyang mga kamay.
Bawat paghagod ng kanyang mga daliri sa isa’t isa’y hatid ang pakiramdam na nalilinis niya ang mga dumi—mga kasalanang kanyang nagawa na nakakapit doon.
Nagmumukha man siyang ilusyunada, wala siyang pakialam.
Alam niyang hindi tama ang kanyang mga ginagawa, subalit nakabubuti iyon para sa kanya . . . pakiramdam niya’y nakabubuti iyon para sa kanya.
Langitngit.
Siya’y napalingon; napahinto sa paghuhugas ng sariling mga kamay.
Mabilisang gumalaw ang kanyang kanang kamay at sinara ang gripo.
Sa tiyak na pagkakataong iyon, mistulang nagyayakapan ang kanyang tayong-tayong mga balahibo sa braso. Ang kanyang puso: wari’y nasa gilid lamang iyon ng kanyang tainga: bawat kalabog niyon ay rinig na rinig niya.
Saan ’yon galing?
May iba pa bang tao roon . . . liban sa kanya?
Mabagal niyang binalingan ng tingin ang pintuan. Nakasara iyon, hindi nga lang nakakandado. Subalit nakasisiguro siyang walang ibang nakapasok doon, tiyak na kanyang mauulinigan ang pagbukas at pagsara ng pinto.
Napahinto siya.
Maliban na lamang . . . kung naroroon na ang taong iyon bago pa siya makapasok.
Kaagad niyang dinalo ang bag na nakapatong sa gilid ng lababo, binuksan at hinalungkat ang laman niyon at kinuha mula roon ang telepono. Patuloy iyon sa pag-iingay.
Isang pangalan ang nakabungad na siyang dahilan ng pagkaukit ng isang ngiti sa kanyang bibig.
Nakalulugod.
Marahil ay kanya nang matatanggap ang kanyang unang lingguhang suweldo.
Walang pag-aalinlangan niyang sinagot ang hinihingi nitong tawag.
“Yes, Ma’am Mallory?” kanyang pambungad. Abot-tainga ang dulo ng kanyang mga labi nang marinig ang pagtikhim nito’t pag-alingawngaw ng sariling boses sa kabuuan ng paligid.
“Nagagawa mo bang bantayan ang anak ko?” Bumuka ang kanyang bibig, subalit kaagad din niya iyon itinikom nang walang maisip na isagot.
Nagpabalik-balik ang kanyang tingin sa kanang kamay na hawak ang teleponong nakatapat sa tainga, pati sa isa pang kamay na nagsisimula nang maglaro.
Pinormang-kamao niya ang kanyang mga kamay, pilit na itinigil ang ginagawang iyon. “P-Po? Opo, Ma’am! Sa katunayan ay nakausap ko siya kanina.” Mariin siyang napapikit pagkatapos sabihin ang mga salitang iyon.
“Nakausap mo ang anak ko? Ano ang pinag-usapan ninyo?”
Mahinahon siyang napasandal sa lababo; kasalukuyang hinahalughog sa kanyang isipan ang sunod na isasagot sa ginang.
Ano ang kanyang sasabihin?
“A-Ano po ang pinag-usapan n-namin? Kinamusta ko lang po siya, Ma’am. Magkaibigan naman po kami kaya . . . ganoon.” Napatakip na lamang siya sa kanyang bibig nang mapagtantong pahina na nang pahina ang kanyang boses.
Hindi siya nito maaaring mahalata!
Mahina siyang napapadyak. Kagat-kagat niya ang kanyang pang-ibabang labi. Labis niyang nais na sabunutan ang sarili. Nanggigigil siya sa kanyang mga pinagsasasabi. Hindi niya lubos akalain na mahihirapan siyang magsinungaling.
Bahagya niyang inilayo mula sa kanyang tainga ang telepono bago dumura sa lababo.
Walang kuwenta.
“Na-i-deposit ko na ang ten thousand sa account mo. Daragdagan ko pa ’yan, bantayan mo lang ang anak ko.” Ramdam niya ang panlalaki ng kanyang mga mata nang marinig iyon. Mistulang lumuwang ang butas ng kanyang tainga’t kulang na lamang ay pumalakpak ang mga iyon sa tuwa.
“T-Talaga po? Hala! Maraming salamat! Opo! Opo! Babantayan ko po siya! Maraming salamat po ulit! Pagbubutihin ko po, asahan n’yo ’yan!”
Marahan niyang kinagat ang kanyang labi nang marinig ang pagputol ng linya. Higit na lumapad ang ngiti, muling lumikot ang mga daliri niyang pasaway.
Ilang paimpit na sigaw ang nakakawala mula sa kanyang bibig, kaagad niyang tinakpan iyon gamit ang kanyang kamay at napapikit na lamang bago idinaan ang pagsigaw sa paraang tahimik.
Makakakain na siyang muli ng karne!
Hindi siya makapaniwala!
Sampung libo!
Sampung libo kapalit ng pagbabantay sa kaibigan niya!
Hindi niya inakalang makapagkikitaan niya ang babaeng iyon.
Ngiting-aso ang sumilay sa kanyang mga labi.
Talagang hindi niya inakala.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด