Nanatili sa tabi niya si Luna ng ilang oras bago ito umalis. Akala niya mapapag-isa na siya ngunit biglang pumasok si Halom sa kanyang kubo. Umalis ito kanina pa kaya hindi niya naman inaasahan ang biglang pagsulpot nito. Nagpanggap siyang tulog dahil wala siya sa mood na harapin ang binata. "Patawad," mahina nitong wika. "Kung mauulit ang nangyari. Pipigilan pa rin kita kahit na ikagalit mo pa." Hinintay niyang may sabihin pa ito. To her disappointment, hindi na ito nagsalita. Ano nga ba ang aasahan niya sa binata. Ayos lang dito kung mapanis laway nito. Ang alam niya ay nakatulog siyang naroon ang binata sa kanyang kubo. Hindi niya alam kung anong oras ito umalis basta pagkagising niya sa umaga ay wala na ito. Dahil sa ginawang pagtapon ni Marikit sa kanyang camera ay naparusahan ito kasama ng dalawa nitong alalay. Inilagay sila sa tubig na may mga linta at buong araw silang mananatili roon. Dinalhan siya ni Mutya ng pagkain. "Nasaan si Luna ngayon?" "Sumama siya kina Kuya Kayan sa timog. Ibinilin ka nga niya sa akin. Siguraduhin ko raw na kumain ka." Binantayan nga siya nito sa pagkain at siniguradong kakain siya ng maigi. "Si Halom, alam mo ba kung ano ang ginagawa niya ngayon?" "Tinutulungan niya si Tata Isko na ayusin ang kubo nila." "Ikaw ba may gagawin ka?" "Ipagluluto ko sina Inang Sita ng ulam mamaya. Gusto mo dalhan kita?" "Huwag ka ng mag-abala. Ang dami na nitong binigay mo, hanggang pananghalian ko na 'to." Matapos niyang kumain at magpasalamat ay umalis na si Mutya. Abala ang lahat at walang makakapigil sa kanya kaya naman agad na nagtungo sa ilog si Mirah. Alam niya ang pwesto kung saan nahulog ang camera kaya umaasa siyang naroon ito at naisabit lang sa kung saan. Huminga muna siya ng malalim bago sumisid pailalim. Malinaw ang tubig at hindi magalaw ang ilog kaya naman hindi siya mahihirapan sa paghahanap. Nang kapusan siya ng hininga ay agad siyang naglangoy paitaas upang kumuha ng hangin pagkatapos ay muli na namang sumisid. Mayamaya ay may naramdaman ang dalaga na paggalaw sa 'di kalayuan. Gayon na lamang ang panlalaki ng kanyang mata nang makita ang isang ahas. May kalakihan ito at mahaba rin. Maglalangoy na sana siya paitaas ngunit natunugan ata nito ang presensya niya at mabilis na lumapit sa kanya. Wala na siyang pinalampas na segundo, gamit ang mga paa at kamay ay dali-dali siyang lumangoy. Biglang may bumaong patalim sa kanyang hita. Nakita niya ang ahas na kagat ito. Isinipa niya ang paa baka sakaling umalis ito ngunit nanatiling nakabaon ang pangil sa hita. Naalala ng dalaga ang patalim na isinukbit sa bewang. Kinuha niya ito at walang alinlangang sinaksak ang mata ng ahas. Ginaya niya na lamang ang napapanuod sa movie. Agad niyang binunot ang patalim at muli itong sinaksak. Bumulwak ang sariwang dugo mula rito. Sinubukan niyang alisin ang pagkakakagat ng ahas sa kanya at nagtagumpay naman siya. Sa tingin niya ay napatay niya ito dahil nanlulupaypay na lumubog ito pailalim. Kahit na nagsisimulang mamanhid ang hita ay pinilit niyang maglangoy ngunit hindi na siya nakaabot sa ibabaw dahil kinapusan na siya ng hininga. Matapos tulungan ni Halom si Tata Isko sa pag-aayos ng kubo nila ay pinuntahan niya si Mirah. Wala roon ang dalaga nang buksan niya ang kubo. Gano'n na lamang ang kabang naramdaman sa isiping baka bumalik ito sa ilog. Wala siyang pinalampas na oras, tumakbo siya papunta sa nasabing lugar. Wala ang dalaga sa gilid ng ilog kaya naman tiyak niyang nasa tubig ito. Patakbo siyang lumapit sa tubig at nakita ang hinahanap sa ilalim. Hindi ito gumagalaw na parang estatwa. Tumalon siya at pinuntahan ang kinaroroonan nito. Wala ng malay ang dalaga kaya naman hinila niya ito paitaas. Nang mailapag niya ito sa damuhan ay sinimulan niyang i-pump ang gitnang dibdib nito. "Mirah, gumising ka na!" "Mirah!" Wala pa ring reaksyon ang dalaga kaya nag-aalala na siya. Inilagay niya ang bibig sa bibig nito upang bigyan ng cpr. Tatlong beses na ginawa 'yon ni Halom hanggang sa magsimulang mag-ubo ng tubig si Mirah. Maya-maya ay nagmulat ito. Inalalayan niyang umupo ang dalaga. "Ayos ka lang ba?" tanong niya. Hindi niya alam kung papagalitan ba niya ito sa ginawa. Binilinan na ngang huwag pumunta sa ilog ngunit ginawa naman nito. Nais ba nitong mamatay? Mas mahalaga ba talaga ang camera kaysa sa buhay nito? Hindi nagsalita ang dalaga ngunit tumingin ito sa hita nito. Parang may kumagat doon at iba na rin ang kulay ng balat nito. "Napano 'yan?" "Ahas," mahina nitong sagot. Sa narinig ay agad niyang inilabas ang maliit na patalim. Base sa kalagayan ng hita nito ngayon ay hindi ito maganda. "Medyo masakit 'to pero kailangan mong tiisin." "Teka! Anong gagawin mo?" pinigilan nito ang kanyang kamay nang inilapit niya ang patalim. "Susugatin ko lang ng konti 'yan tapos ilalabas natin ang dugo. Kung ayaw mong mamatay, magtiis ka na lang sa sakit." Hindi komportable si Mirah sa kalagayan niya ngayon. Namamanhid ang kanyang hita. Pakiramdam niya habang tumatagal ay umaakyat ang pamamanhid papunta sa buong katawan niya. "Kailangan ba talagang sipsipin?" tanong niya kay halom. Ang awkward lang kasi, hita niya ang may kagat at sisipsipin nito. 'Bakit hita ko pa ang natuklaw, pwede namang kamay na lang. Nakakahiya!' "Hindi ko mailalabas ang dugo kung hindi ito sisipsipin." Ibinaba ng binata ang mukha sa kanyang hita. Sinugat niya 'yon ng maliit pagkatapos ay sinipsip ang dugo. Idinura nito sa damuhan ang dugo at inulit ang proseso. Pagkatapos ay nagtungo ito sa ilog upang magmumog. "Ano nang nararamdaman mo ngayon?" muli nitong sinuri ang kanyang hita. "Maliban sa namamanhid ito, wala naman akong ibang nararamdaman." "Hindi ka ba nahihilo?" Umiling siya. "Mabuti kung gano'n. Dadalhin na kita sa'yong kubo at muling ipapatingin sa manggagamot ang 'yong sugat." Hindi siya nagsalita. Nanatili siyang nakatingin dito. "Bakit ka nakatingin? Nanlalabo ba paningin mo?" nag-aalala nitong tanong. Ikinumpas pa nito ang kamay malapit sa mukha niya. Tumawa siya, "sira! hindi." "Namumula ka pa," lumapit ang binata at sinapo ang kanyang noo. Sa ginawa nito ay mas lalong nag-init ang kanyang pisngi. "Ayos ka lang ba talaga?" Tumango siya. Binuhat siya nito at nagsimulang maglakad. Inihilig niya ang ulo sa dibdib ng binata at pumikit. "Patawad kung sinaktan kita kahapon at salamat dahil niligtas mo ako ngayon," mahinang sambit niya. Pinakiramdaman niya ang pintig ng puso nito hanggang sa dalawin siya ng antok.
iloveyouuu
16/12/2023
0ang ganda ng story
23/10/2023
0yes
17/10/2023
0ดูทั้งหมด