logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 6

Gideon Hugo
Ten minutes before the attempted kidnapping in Abris Bridge
January 14, Tuesday
Napalingon ako nang masubsob yung lalaki sa may pababang bahagi papunta sa ilalim ng tulay. Hindi ko siya napansin kanina na sumunod sa akin at wala na rin akong pakialam. Basta ba alam niya ang gulong pinapasok niya.
Hindi pa man ako nakarating sa ibaba, natanaw ko na agad ang mga lalaking pilit pinapapasok ang babae sa puting van. Ang isa ay nakahawak sa pulang jacket nito na halos mahubad na habang ang isa ay natatarantang tinatali ang namamadyak nitong mga paa.
“Mam—” Napapitlag ako nang biglang sumigaw at humarurot pababa ang lalaking mahaba ang buhok. Tuloy-tuloy siya papunta sa direksyon ng mga barumbado. Isa lang ang ibig sabihin nito.
“Hoy!” sigaw ko at saka tumalon habang pa-ambang sumipa. Natamaan ng paa ko yung nanghahatak ng jacket ng babae ngunit hindi ko natantsa ang distansya kaya’t napa-sobra ako’t muntik na pumasok sa loob. Hahatawin sana ako ng kasamahan niya nang agapan ko ito ng suntok at sipa sa balakang naman ang sa kasunod.
Napahawak ako saglit sa pantalon ko dahil parang may pumitik dito. Nakahanap naman ng tsansa ang isa at hinatak ako sa damit. Rinig na rinig ko ang dahan-dahang paghihiwalay ng tela nito. Binitawan niya ako nang hanggang pusod na ang hati sa damit ko.
Nagawi ang mata ko sa gilid at napangiwi sa nakita. Nakataob at nakasadsad sa lupa ang mukha ng lalaking may mahabang buhok, akala ko nga’y patay na ngunit ito ay gumalaw, umupo, at tumakbong paika-ika papunta sa akin. Lumayo ako ng kaunti sa kan’ya ngunit agad ko rin siyang iniiwas sa nakaambang pamalo sa likuran niya.
“Ano bang ginagawa mo?”
Sasagot sana siya nang muli ko siya hatakin palayo sa suntok ng kalaban. Nanlaki ang singkit niyang mata at lumapit sa akin sabay salag sa dos por dos na hahataw sana sa ulo ko.
Nakarinig ako ng malakas na pag-ubo, ang isa ay galing sa sinikmuraang katabi ko at ang isa ay galing sa loob ng van. Pamilyar ako sa sunod-sunod na pag-ubo na katulad kay Anakin na hikain. Hinatak ko sa damit yung lalaking mahaba ang buhok sabay sipa sa kalaban sa likuran niya. Tumakbo kami sa likuran ng van.
“Anong gagawin—” Natigilan siya nang tingnan ko siya sa mata.
“Ihampas mo kahit saan ‘wag lang sa likod ng ulo.”
Doon ay iniwan ko na siya at bumalik sa nakabukas na pintuan ng van ngunit hindi pa ako nakakasampa nang bigla itong umandar. Napasalampak ako sa lupa. Tumakbo yung dalawang naiwan patungo sa van kaya tumayo ako at humabol din. Paglingon ko sa likuran, pilit din siyang humahabol.
Huminto ako at maya-maya’y naabutan niya na rin. Kung didire-diretsuhin nila ang daan, lalabas sila sa gilid ng isdaan sa talipapa. Kumaripas ako ng takbo saliwa sa direksyon nila gayon din ang lalaking hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang pangalan maging ang rason kung bakit siya nagpatiunang sumugod kanina kung hindi naman pala siya marunong makipagkarambola.
Nang papalapit na kami sa lugar, napahinto ulit ako. Nakaligtaan ko na may inilagay na gate sa daan papunta sa isdaan galing dito. Tumingin ako sa kan’ya nang sipat-sipatin niya ang bakal na gate. Nagulat ako nang bigla siyang umatras at tumakbo pagkatapos ay sumabit at tumalon na para bang naglalaro lang ng luksong baka. Tiningnan niya ako nang nagtataka. Umakyat din ako habang siya ay nauna na. Hindi rin naman pala siya ganoon ka-lampa.
Naghiwalay kami, kumanan siya sa may prutasan at ako naman ay diretso sa may terminal. Wala nang mga nakaparadang sasakyan kaya mabilis akong lumusot sa may chicken wire papunta sa tagong eskinita tagos sa daraanan ng van. Hindi nga ako nagkamali, tumakbo ako at tinulak ang sirang paleta sa gilid. Humarang ito kaya naiba ang takbo nila. Sakto naman ang pagdating nung lalaki, tuluyan niyang naagapan ang sasakyan nang ibunggo niya ang sirang kariton.
Doon, nagsilabasan ang mga ulupong. Bumagsak ang balikat namin nang makita ang mga lalaking may hawak-hawak na baseball bat at may resbak pa. Laban sa aming dalawa, o sabihin na nating isa, dahil nang magawi ang tingin ko sa kan’ya, naka-amba nga ang pamalo niya ngunit ang mga kamay niya ay nanginginig na.
Tumakbo pasulong ang mga kalaban, mabibigat ang mga yabag, galit ang mga mukha at lahat ay may hawak na armas. Kami nama’y sumugod din habang iisa ang iniisip, bahala na.
Rinig ko ang paglapat ng kahoy sa kasama ko kaya agad akong napalingon. Nakayuko siya ngunit nakasalag ang kamay sa ulo habang may tumutulong dugo. Hindi ko napansin na may naka-amba sa akin at nang makita niya ito, tinulak niya ako sa gilid at muntik pang mapasobra sa kanal. Napunta rin siya sa direksyon ko kaka-iwas sa hambalos ng kalaban.
“Okay ka lang?” mahinang tanong ko pagkatapos ay sinipa ang isa palayo. Sinulyapan ko siya, nakadiin ang sugatan niyang kamay sa pumutok niyang noo at tiningnan ako.
“Iligtas mo yung bata,” aniya at muli akong tinulak. Dinampot niya yung mahabang kahoy sa lupa at tumango sa akin. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at tumakbo na agad sa van.
“Ginn—” Napahinto ako nang makita at iangat ang mukha ng babaeng hindi matigil sa pag-ubo at panginginig. Hindi siya si Ginny na kapatid ko, nanlambot ako. Bumalik lahat ng kaba at pag-aaalala ko sa nawawala kong kapatid. Kumabog ng malakas ang dibdib ko nang pilit siyang magsalita.
“Tulong—” mahinang bulong niya at umubo. Naririnig ko mula sa kan’ya ang boses ni Ginny. Paano kung nasa ganitong sitwasyon din ang nakababatang kapatid ko?
Dinampot ko ang pulang jacket niya sa sahig at itinabon ito sa kan’ya pagkatapos ay binuhat ko siya palabas. Pagtapak ko sa lupa, nakita ko na papalapit yung kalaban sa p’westo ko nang bumalandra ito sa mga kasamahan niya. Lumingon ako sa gilid, nakahawak siya sa brasong may hawak na kahoy at nakababa na ang salamin niya.
Umangat ang dalawang kilay niya nang iabot ko sa kan’ya ang hinihikang bata kaya sumenyas ako na umalis na siya. Inilagay niya ito sa likod niya habang sinusubukan kong harangin ang walang kapagurang kalaban. Hinihingal na rin ako at nararamdaman ko na hindi na tatagal ang katawan ko. Bago pa mangyari ‘yon, kailangan na namin ilayo yung bata. At isa pa, wala rin akong alam pagdating sa hika.
Napaluhod ako nang sipain ako nung isa sa alak-alakan. Nag-init ang paligid ng mata ko nang tuhurin ako sa mukha nung kasama niya. Bago ako mapahiga, nakita ko na patakbo ang iba sa direksyon nung kasama ko kanina. Nang maramdaman ko na ang pagkahilo at napapapikit na ako, nakita ko pa ang pamilyar na motor na huminto malapit sa akin. Si Mouse at ang angkas niyang si Uno, may dumating pang tatlo at alam ko na ligtas na ako.
“Sorry late!” tatawa-tawang bungad sa akin ni Mouse. Hindi ko siya sinagot agad at tinuro ang daan papuntang abris bridge.
“Yung lalake at bata, hinahabol.” Pagkatapos ‘non ay wala na akong natandaan sa mga sumunod na nangyari.
******
Three hours before the threat in Resty’s Resto
January 14 Tuesday, 12:14 P.M.
Kung kasama ko lang ngayon si Ginny, siguro ay hindi ako mapapadpad sa lugar na kinalakihan ko. Kung siguro’y binalikan kami ni Tiya sa terminal na ‘yon, hindi kami magkakahiwalay ni Ginny. Bakit ba ako naniwala at naghintay, kung sana’y hindi ako nakaramdam ng kaduwagan noon, kasama ko pa rin ang kapatid ko ngayon. Simula pa lang ay kasalanan ko na. Masyado akong umasa sa lumalabas sa bibig ng mga nakakatanda.
“Ginny…” Hindi ko marinig ng maayos ang boses ko na para bang mayroong nakabara sa lalamunan ko’t pinipigil ang bawat paghinga ko. Sinubukan ko igalaw ang kamay ko na tila nakabitin sa ere, ang mga paa ko nama’y halos hindi ko maramdaman. Pilit kong idinilat ang mata ngunit tanging pulang dahan-dahang gumagalaw lang ang naaaninag ko. Nang muli kong galawin ang ulo, tumama ito sa matigas na bagay na sa tingin ko ay bakal.
“Oops!”
Agad akong napadilat nang marinig ko ang boses ni Ginny. Nanlalabo ang mga mata ko ngunit agad nitong hinanap kung saan nanggagaling ang boses. Muling kumabog ang dibdib ko dahil sa kaba na sana ay hindi na ako magkamali sa pagkakataong ito.
Bumalik sa panlalambot ang katawan ko nang makita kung kanino galing ang boses. Napalingon ako sa kaliwa nang ma-proseso na nang utak ko kung nasaan ako ngayon.
“Ibaba mo ako.” Napahinto siya sa paglalakad dahilan para masadsad sa mukha niya ang payong na hawak naman ng batang halos hindi na makita ang daan dahil sa pagtabon ng basang buhok nito na parang ibinakat sa mangkok. Nararamdaman ko na rin ang pagpatak ng ulan sa likod ko papasok sa suot kong pantalon kaya gumalaw ako ngunit mukhang hindi niya ito inaasahan kaya muntik na kaming matumba pa-tihaya.
“Magpahinga ka muna malapit na tayo sa bahay mo.” Napatingin ako sa kan’ya.
“Alam mo yung daan?” Umiling naman siya at saka tinuro ang nasa tabi niya na parang nakatingkayad na mapayungan lang ang nagbubuhat sa akin. Mukha namang hindi ako kasali sa sukob dahil basang-basa na pati brief ko dahil sa ulan.
“Sa kaliwa tayo,” aniya pagkatapos ay nauntog ulit ako sa noo ng handle ng payong. Sinasadya niya na ata talaga eh. Tumingin ako sa kan’ya at nahuli ko siyang umirap sa akin. Aba’t!
“Bunot,” bulong ko sapat lang para marinig niya.
“Improve mo naman insulto mo,” ganti niya. Sinimangutan ko siya, siya naman ay nanukat ng tingin.
“Ano’ng mayroon?” Sabay-sabay kaming napalingon sa harap ng apartment building malapit sa bahay ko. Halos hindi mahulugang karayom sa dami ng nakikiusyoso. Mayroong tatlong police mobile sa gilid at mga parak na pilit hinahawi ang mga tao na pilit namang kumukuha ng litrato.
“Bawal ‘yan! hindi p’wede rito kaya tumabi muna kayo,” ani Officer Silayan na mukhang hindi pa rin nakakahilamos hanggang ngayon.
Nang mahawi ang mga nagkukumpulang tao, tatlo kaming napatigil sa kinatatayuan namin. Parang tumuloy na bumaliktad ang sikmura ko, ganoon din ang dalawa. Bungad na bungad sa amin ang isang kamay na nakasilid sa pizza box na paboorito ko pa naman. Nag-iba na ang kulay nito ngunit hindi ang dugo na nakapalibot dito. Kitang-kita ko ang laman na dapat ay blurred lang sa pelikula.
Umiwas ako ng tingin at tumingala sabay lunok ng laway nang tatlong beses.
Hindi na namin napigilan nang lapitan ito ng parak na mukhang susuriin pa sa harap ng maraming tao. Naunang magbawas ng kinain yung dalawa at dahil walang laman ang tyan ko, wala akong maisuka. Narinig ko pang magmura ng mahina yung bansot naming kasama pagkatapos ay umupo at humarap sa pader habang ang may pasan sa akin ay nakatukod lang ang kamay.
Bumaba ako sa likod niya, siya naman ay umupo rin habang hinihimas ang likod ng batang parang isusuka pati bituka. Namumula na ang pisngi nito, ang isa nama’y parang wala nang dugo sa katawan.
Napalingon ako sa likod nang makarinig ng mura mula sa pamilyar na boses. Napatakip siya ng bibig at katulad namin ay humarap din sa pader. Hindi niya alam kung bibitawan niya ba ang dala-dala niyang dalawang box ng pizza na kaparehas ng pangalan sa nakalapag sa kalsada.
“Anakin, may ointment ka ba d’yan?” Lumipat ang tingin ko sa mahabang buhok na lalaking kasama ko. Hindi ko matandaan ang pangalan niya dahil kalahating tulog na ako noong sinabi niya ito kaninang madaling araw.
“Wala 'eh, menthol inhaler lang.” Inabot niya naman iyong kulay berde at pahabang bagay. Napangiwi ako nang magsalitan sila ng singhot dito.
“Mapagkamalan tayo rito!” mahinang saway ko sa kanila.
“Uy chi-cha!” Napalingon kaming apat sa papalapit habang winawagayway nito ang dalang karneng sa tingin ko’y pang barbeque. Nakatutok naman ang tingin niya sa pizza.
“H’wag ka lumingon,” paunang salita ni Anakin.
“Bakit?” At saka lumingon sa komosyon. Nag-iba bigla ang timpla ng mukha niya.
“Billkin!”
Muli, napalingon kami sa pumaradang motor malapit sa amin. Bumaba rito si Uno na parang natataranta at hinihingal pa. Hindi niya na nga nilingon ang mga tao sa paligid niya at patakbong lumapit sa amin.
“May bumulabog sa Resto, dating kasamahan ni Mang Resty!”

หนังสือแสดงความคิดเห็น (26)

  • avatar
    BuenaflorAiyana Gail

    niceeeeeee oneeeeeeeee I likeeeeee ittttt

    27/07

      0
  • avatar
    ArcaDhan Jester

    100

    03/06

      0
  • avatar
    Hannah Miley Casco

    amazing incredible

    27/01

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด