logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 6

Nang sumunod na araw, sinadya ko talagang huwag agapan ang pasok dahil nagbabakasakali akong dadaan ulit dito si Kahel para isabay ako sa pagpasok. Iyon ang sabi ni Lola kahapon. Grabe ang pagsisisi ko dahil sa naging trato ko sa kaniya kahapon. Kung sana ay nalaman ko kaagad ng mas maaga na dumaan pala siya rito, sana ay inintindi ko na lamang siya para hindi na kami nagkasamaan ng loob.
Naghintay pa ako ng mga ilan pang minuto sa labas. Pero nang makita ko na imposible nang dumating siya ay nagpaalam na ako kay Lola na aalis. Mag-isa muli akong naglakad palabas ng magubat na daan. Nagmamadali pa ako dahil alam kong may posibilidad na mahuli ako sa klase.
Mabuti na lamang at hindi pa dumarating si Ms. Ladines nang makarating ako sa classroom. Nadatnan ko si Vera na nakaupo na sa pwesto niya. Ngumiti siya sa akin nang makita ako. Gumanti ako ng ngiti sa kaniya.
"Buti nakaabot ka." Komento niya. Buti na nga lang at hindi ako nalate. Bago pa lang ako rito at hindi magandang tingnan kung palagi akong huling pumasok. "Pinaglilinis ni ni Ma'am Ladines ang mga late pumasok." Saad niya sa akin.
Napatango naman ako.
Pasimple akong sumilip sa likuran at nakita na naroon na si Kahel. Katabi niya sa upuan si Fatima at si Jorem.
Napabuntong-hininga ako. Dapat pala ay hindi na lang ako naghintay sa kaniya kanina. Wala pala siyang balak na dumaan sa bahay ngayon. Dumating na si Ms. Ladines kaya natahimik ang klase. Sabay-sabay kaming bumati sa kaniya ng magandang araw.
Patuloy ako sa pagsusulat ng mga lessons nang magsimula na ang discusssion habang si Vera naman ay patuloy pa rin sa pagpipinta. Gamit pa rin niya ang ballpen na hiniram niya sa akin kahapon.
Biglang nagtawag si Ms. Ladines ng mga pangalan ng sasagot. Kita ko naman ang pamumutla ni Vera nang una siyang matawag sa listahan. Alam kong wala siyang maisasagot dahil hindi naman siya nakikinig magmula kahapon.
"Nivera Salazar." Pagtawag sa kaniya ni Ms. Ladines. Alanganin naman siyang tumayo at iniwan ang kaniyang ipinipinta. "What is the first law of motion according to Newton?" Natahimik ang klase sa sagot ni Ms. Ladines. Lumapit naman ako ng bahagya kay Vera at pasimpleng bumulong sa kaniya.
"Law of Inertia." Mahinang anas ko habang nakatingin sa unahan. Kita ko naman ang kinakabahang pagsulyap niya sa akin.
"L-law of inertia is the first law of motion, Ma'am." Tumango naman si Ms. Ladines sa kaniya. Nagtawag ulit siya ng mga pangalan kaya nanatiling tahimik ang klase hindi kagaya kanina na naririnig ko pa ang mahihinang usapan nila.
Nagpatuloy ang klase hanggang sa sumunod na mga subject. Nagsilabasan ang mga kaklase ko nang sumapit ang recess. Nagulat naman ako nang bigla akong yakapin ni Vera.
"Ana!" Sigaw pa niya. "Salamat! Salamat!" Napatawa naman ako sa inaakto niya ngayon. Tinapik ko siya sa balikat saka siya kumalas sa akin. Todo ang pasasalamat niya sa akin dahil iniligtas ko raw siya kanina. Tumawa lang ako dahil masyado siyang maraming sinasabi.
Dumating ang mga kaibigan niya at nagkaakitan na pupunta na kami sa canteen. Nagpaalam naman muna ako sa kanila dahil may kailangan pa akong gawin. Inintay nila ako sa may pintuan at doon nagusap-usap. Dumiretso naman ako sa may hulihang bahagi ng classroom sa pwesto nina Kahel. Nakita ko siya roong nakaupo lang habang nakatingin sa may bintana. Nasa tabi niya si Fatima na kinakausap siya pero parang wala siyang pakialam.
"K-Kahel." Kinakabahang pagtawag ko sa kaniya. Bumaling sa akin ang walang reaksyon niyang mukha. Napatigil naman sa pagsasalita si Fatima at napatingin din sa akin. Inipon ko lahat ng lakas ng loob na magsalita kahit nahihiya ako sa harap nila. "Pumunta ka pala sa bahay kahapon ng umaga?" Pagsisimula ko ng usapan.
Nakita ko naman ang nakakunot na noo sa akin ni Fatima na para bang nagtataka siya sa sinabi ko. Bumaling muli siya sa katabi. "Kahel? Pumunta ka sa bahay nila kahapon? Bakit?" Nagtatakang tanong niya kay Kahel. Nakagat ko naman ang labi ko dahil sa kaba. Bakit parang nagagalit si Fatima?
Naisip kong baka maling ideya yata na kausapin ko siya ngayon. May mahalagang pag-uusapan siguro sila ni Fatima.
"A-ano sige, mauuna na ako. Pasensya na kahapon." Nagbaba ako ng tingin sa lupa. Mabilis akong nagpaalam sa kanila upang puntahan na sina Vera na naghihintay pa rin sa akin hanggang ngayon. Tumalikod ako at akmang aalis na nang biglang may humila sa kamay ko.
Gulat akong napatingin sa kamay niyang nakahawak sa palapulsuhan ko ngayon. "Sasabay ako sa inyo." Anas niya sa akin. Mabilis din niya akong binitawan at inunahan ako sa paglalakad.
"Kahel!" Inis na tawag naman sa kaniya ni Fatima. Natutuliro akong nag-iwas ng tingin nang dumapo sa akin ang galit na tingin niya. Mabilis akong naglakad patungo sa kinaroroonan nina Kahel at tahimik na sumunod sa kanila.
Kinakabahan ako sa nangyari kanina. Nagalit yata sa akin si Fatima dahil naudlot ang pag-uusap nila ni Kahel. Wrong timing yata ako.
"Hi, Ana!" Masiglang bati sa akin ni Sayon. Ngumiti siya at sumabay sa akin sa paglalakad. Ngumiti rin ako.
"Gusto mo manood mamaya? May game kami nina Kahel." Pang-aakit niya sa akin. Nanlaki naman ang mata ko at ngumiti sa kaniya.
"Totoo?" Tumango siya sa akin. Natuwa ako sa nalaman dahil gusto kong mapanood si Kahel na maglaro. Hindi man ako interesado sa basketball, gusto ko pa ring manood lalo na at pagkakataon ko iyon para mas mapalapit sa kanila.
"Oo. Mamaya sa uwian sumama ka sa amin. Malapit lang naman dito iyong plaza. May basketball court doon."
Tumango ako sa kaniya. Kaso bigla akong nag-alala dahil baka gabihin ako pag-uwi mamaya. Patay ako kay Kuya kapag hindi niya ako nadatnan sa bahay pagkagaling sa trabaho.
Siguro aalis na lang kaagad ako bago magdilim.
"Ana, anong facebook account mo? Hindi ko mahanap pangalan mo sa facebook."
Napatingin muli ako kay Sayon. Umiling ako sa kaniya. "Wala akong facebook account." Saad ko.
Gulat naman siyang bumaling sa akin. "Wala kang account?" Tumango ako. "Hindi ba't taga-Maynila ka? Bakit wala kang facebook account?"
Kumunot naman ang noo ko sa kaniya. Bumagal ang paglalakad namin dahil sa pag-uusap. "Kailangan ba noon? Dahil taga roon ako dapat may facebook account din ako?" E wala rin naman akong cellphone kaya hindi ko rin magagamit iyon.
"Tingin kasi namin, kapag taga-Maynila ka para bang mas sabay ka sa uso hindi katulad sa mga taga-probinsya na matagal bago nakakasabay sa mga bagong sumisikat." Nanatili akong nakatingin sa unahan habang nagpapaliwanag siya. "Saka facebook account naman ito. Halos lahat ng tao sa mundo may facebook account."
"Ako na lang yata ang wala." Napatawa ako sa nasabi. Kung ganoon ay ako na nga lang yata ang walang account dito. Hindi ko naman kasi alam na kailangan pala niyon.
"Gusto mo bang gawan kita ngayon?" Pag-aalok niya. Tumango naman ako. Gusto ko na ring malaman kung anong meron sa mga account na iyan. Hindi naman kasi ako mahilig sa mga gadgets. Nahihiya nga ako dahil hindi rin ako natutong magcomputer. "Sige. Add na rin kita sa group chat natin."
Napatigil kami sa paglalakad dahil inilabas ni Sayon ang cellphone niya. Touch screen iyon. Hindi ko naman makuhang mainggit. Ayoko ring magpabili nito kay Kuya lalo na at hindi ko pa naman gaanong kailangan. Dagdag gastusin pa ito kapag nagkataon.
"Anastacia San Rafael." Sagot ko nang tanungin niya ang buong pangalan ko. Napatingin naman ako sa ginagawa niya at lumapit upang makita iyong maigi.
"Birthday?" Tanong ulit niya.
"December 13, 2002"
Pinanood ko siyang magpipindot doon ng kung anu-ano. Hindi naman ako nagtangkang magsalita dahil hindi ko alam kung paano gumamit niyon.
"Picture tayo." Utos niya.
"H-ha?" Nahiya naman ako bigla nang lumapit siya sa akin para kuhaan kami parehas ng litrato habang magkasama. Hindi tuloy ako nakangiti ng maayos dahil hindi rin naman ako sanay na kuhaan ng litrato.
"Ayan tapos na! May account ka na, Ana!" Ngiti niya sa akin. Pinakita niya sa akin ang facebook account ko. Picture naming dalawa ang profile picture niyon.
"Salamat!" Ngumiti ako sa kaniya. Ang babait talaga nilang magkakaibigan sa akin. Ang swerte ko naman dahil nakipagkaibigan sila sa akin.
"Naka-add ka na rin sa gc natin. Magchat ka roon kung may gusto kang itanong." Mas lalo akong ngumiti sa kaniya. Ngayon lang ako nagkaroon ng account kaya parang excited na ako gamitin. Siguro ay pwede ko nang makausap sina Abby at kumustahin sila roon.
"Maraming salamat talaga sa'yo-
"Anastacia!"
Muntikan na akong mapatalon dahil sa pagkagulat. Napatingin ako sa unahan at doon nabungaran si Kahel na masamang-masama ang tingin sa amin ni Sayon. Doon ko lang tuluyang napagtanto kung gaano kami kalapit sa isa't-isa. Nakadungaw ako sa cellphone niya kanina kaya hindi ko namalayan ang distansya. Mabilis akong napalayo lalo na at nakita ko na galit na naman si Kahel sa akin.
"K-Kahel?" Alanganin kong pagtawag sa kaniya. Ano na naman bang ginawa ko at ganiyan na naman siya kung makatingin sa akin? Hindi naman niya obligasyon na bantayan ako palagi. O hindi kaya ay naghahanap lang siya ng makakasabay? Pwede naman siyang sumabay kina Vera.
Hindi nawala ang masamang tingin niya hanggang sa makalapit siya sa amin. Mabilis niya akong hinila at hinayaang maiwan mag-isa ang kaibigan niya.
"Teka paano si Sayon?" Tanong ko sa kaniya. Binitawan niya ang kamay ko nang malapit na kami sa canteen. Bigla naman akong nagsisi lalo na nang muling pumukol sa akin ang galit niyang tingin.
"Gusto mo bang isumbong kita sa Kuya mo na nakikipaglandian ka sa school?" Nagbabantang tanong niya. Nanlaki ang mata ko sa narinig.
"A-anong nakikipaglandian? Ginagawan lang ako ni Sayon ng facebook account." Pagdepensa ko sa sarili ko. Kahit kailan yata ay hindi ako masasanay sa ugali ng lalaking ito. Bakit ba napakamainitin ng ulo niya pagdating sa akin? Pwede naman niya akong huwag na lang pansinin kung iritado siya sa presensya ko.
"Bakit picture niyong dalawa ang profile mo?"
"Nakita mo na kaagad?" Takang tanong ko. Balak ko sanang pagaanin man lamang ang usapan. Kaso hindi man lamang nabawasan ang masamang pagkakatingin niya sa akin. "S-si Sayon kasi ang naglagay noon. Wala rin naman akong ibang picture kaya iyon na lang."
Nahihiya akong nagbaba ng tingin. Bakit ba parang may masama na naman akong ginawa? Profile picture lang naman iyon. Walang ibang masama roon.
"Ana! Kahel! Ano pang ginagawa niyo riyan?" Sigaw ni Vera sa loob ng canteen. Napatingin ako sa kaniya. Tumingin din ako kay Kahel na masama pa rin ang tingin sa akin.
"M-mauuna na ako sa'yo." Tumakbo na ako papunta sa loob ng canteen kaya hindi na siya nakatutol pa. Mabilis akong tumabi kay Vera sa nag-iisang upuan sa tabi niya.
"May facebook ka na pala. Bakit picture niyo ni Sayon ang profile mo?" Pag-usisa niya sa akin. May hawak-hawak siyang cellphone sa kamay. Actually lahat sila. Bigla akong naasiwa dahil lahat sila ay nakatingin na sa akin ngayon.
"M-masama ba iyon?" Kinakabahang tanong ko. Binigyan naman nila ako ng kakaibang tingin. Dumating sina Kahel kaya natahimik na lang kami lahat. Ngumiti ako kay Sayon nang magtama ang paningin naming dalawa. Ngumiti rin naman siya. Napatungo ako ng masalubong ko na naman ang masamang tingin sa akin ni Kahel.
Mabuti na lamang at binago ni Emily ang usapan. Mukhang napansin din niya na biglang natahimik ang lahat. "Saang club ka nga pala sasali, Ana? Dagdag grades din iyon sa performance mo."
"Oo nga. Gusto mo sa amin ka na lang sumali sa Filipino club. Wala naman tayong gagawin doon kaya ayos lang." Pagsingit ni Vera. Napatingin ako kay Nana na tumango lamang sa akin.
Napaisip ako roon. Sa ABNHS kasi ay kasali ako sa dance club. Hindi naman ako magaling sumayaw pero nakahiligan ko na iyon lalo na at madalas kaming may performance sa school.
"May dance club ba rito?" Tanong ko sa kanila. Manghang tumingin naman sila lahat sa akin.
"Sumasayaw ka pala?" Tanong ni Sayon sa akin. Tumango ako sa kaniya.
"Meron kaso sina Fatima ang makakasama mo roon." Anas ni Vera. Halata ang pagkadisgusto sa tono niya. Wala naman akong problema kung sina Fatima ang makakasama ko roon. Mas maganda nga iyon para naman magkaroon na ako ng interaksyon sa mga kaklase ko.
Nagparegister na ako sa dance club nang magkaroon ng meetings ang mga school organization. Wala pa naman daw event kaya wala pa kaming gagawin. Hindi ako nakasama sa panonood ng basketball dahil ayaw ni Kahel. Papagalitan daw ako ng Kuya ko kapag nahuli ako ng uwi sa amin. Sumang-ayon na lamang ako dahil tama naman siya.
Natutuwa rin ako dahil naging teacher ko si Ate Violet sa English. Kapag nakakasalubong ko siya sa daan ay tinutulungan ko siyang magdala ng mga gamit niya.
"Ang kuya mo, Ana?" Tanong niya sa akin. Pigil naman ang ginawa kong pag-ngiti. Palagi niya sa akin itong itinatanong sa tuwing nagkikita kami.
"Nasa trabaho pa iyon, Ate. Gusto mo bang bumisita sa amin sa sabado?" Day off kasi ni Kuya tuwing sabado. Todo iling naman sa akin si Ate Violet. Kita ko rin ang pamumula ng pisngi niya.
Sa nakalipas na mga linggo ay mabuti na lamang at nakausap ko na ang iba sa mga kaklase ko. May ibang naiilang pa rin sa akin at ganoon din naman ako sa kanila. Palagi pa rin akong isinasabay ni Kahel sa pag-uwi. Minsan naman ay dinadaanan din niya ako sa tuwing umaga.
Sinasabi ko naman sa kaniya na hindi na niya kailangang gawin iyon. Wala namang nagbago sa relasyon naming dalawa. Palagi pa rin siyang galit at masama ang tingin sa akin kahit wala akong ginagawang masama. Palagi pa rin siyang iritado sa akin na nagsisimula na akong masanay.
Ayos na rin ito. Ayoko rin namang ipagpilitan pa sa kaniya na maging magkaibigan kami kung ayaw nga niya. Siguro ayos na rin iyong paminsan-minsan ay nagkaka-usap kahit mas madalas niya akong pagalitan kaysa kay Kuya.
"Uy si Anastacia." Naibaba ko ang tingin ko nang marinig ang bulungan ng mga kapwa ko grade 8 na mga estudyante. Nakatambay sila sa labas ng classroom nila at sa dulo pa naman ang amin. Nagtutulakan pa sila nang dumaan ako sa harapan nila kaya mas lalo akong naasiwa.
Sa mga nakalipas na linggo ay madalas kong maranasan ito. Pinagbubulungan nila ang pangalan ko saka magtutulakan kapag dadaan ako. Hindi ko nga alam kung paano nila nalaman ang pangalan ko. Hindi ko rin sila kilala dahil taga ibang section sila.
Mas binilisan ko pa ang lakad ko hanggang sa tuluyan akong nakarating sa classroom namin.
"Oh? Bakit parang nagmamadali ka?" Tanong sa akin ni Vera. Umiling lamang ako at saka umupo sa pwesto ko. Napatingin naman ako sa pwesto ni Kahel at nakita na wala pa rin siya hanggang ngayon.
"Sa inyo kami sa sabado ha? Hindi kami matuloy-tuloy eh." Ngumiti ako kay Vera. Totoong palagi silang nagpaplano na pumunta sa amin pero hindi matuloy-tuloy. Gusto raw nilang manguha ng rambutan dahil marami niyon sa amin.
"Sasama ba silang lahat?" Tanong ko sa kaniya. Tumango naman siya. Aba himala. Palagi kasing wala sina Jeryc at Jorem sa tuwing may usapan sila kaya hindi natutuloy. Iyong dalawa ring iyon ang hindi ko masyadong nakakausap sa grupo. Mabuti pa si David dahil medyo maingay din ang isang iyon kagaya ni Vera.
Saktong pagtingin ko sa may pinto ay siya namang pagpasok ni Kahel. Napabuntong-hininga ako nang makita na masama na naman ang timpla ng itsura niya.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (172)

  • avatar
    QuindaraImelda

    I really enjoyed reading this novel inspite of busy days. I try to read. So inspiring specially the main character Anastasia and Kahel. The time sequences is extremely important. The moral values of the characters are very good coz they show the value of being patience and if you really love the person you can wait until the right timing. Its give suspense for the reader to wait what will happen on the next chapter. My heart beat make me in love again, fall in love again.Thank you for this novel

    23/11/2021

      2
  • avatar
    RodriguezCharlene Mae Odal

    the novel is so really appreciated and it really feels like existing in real life congratulations author you made a wonderful novel👏👏👏

    01/07

      1
  • avatar
    Kimryl Nazareno

    niceeeeeeeeerereeeee

    28/06

      1
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด