logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 9

"Ana? Naibigay mo?" Tanong sa akin ni Nana pagpasok ko kinabukasan. Ngumiti ako sa kanila ni Emily. Kampante naman ako dahil naibigay ko iyon ng maayos kay Kahel kahapon. Hindi ko na inantay kung ano ang magiging reaksyon niya dahil maging ako ay nahihiya.
Pero ngayon, masaya na ako dahil nagawa ko iyon ng tama.
"Salamat talaga, Ana!" Tuwang-tuwang anas ni Emily. Yumakap pa siya sa akin. Napangiti ako sa kaniya.
Bigla ko tuloy naisip kung ano ang mangyayari ngayong araw. Paano kung may gusto rin pala si Kahel kay Emily? Mas lalo akong natuwa sa posibilidad na mangyari iyon. Wala namang imposible 'di ba?
Natahimik kami lahat at nagpanggap na walang pinag-uusapan nang makita na pumasok si Kahel sa pintuan. Kinabahan kaagad ako nang unang dumapo sa akin ang tingin niya. Medyo magulo ang kulay itim na buhok niya ngayon siguro ay dahil sa pagsakay sa tricycle. Wala ring mababakas na galit o iritasyon sa mukha niya ngayon. Pilit ko tuloy pinipigilan ang ngiti ko dahil baka gumanda ang mood niya ngayon dahil sa letter na binigay ko sa kaniya kahapon.
Hindi kalaunan ay dumating na rin si Ms. Ladines kaya nagsibalikan na kami sa kaniya-kaniya naming upuan. Nagtataka pa kaming tiningnan ni Vera nang maabutan kaming naguusap-usap ng hindi siya kasama. Hindi na ako magtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nasasabihan nina Emily tungkol sa balak nilang gawin. Siguro ay hindi sila nagtitiwala sa bibig niya.
"Hoy? Ano iyong pinag-uusapan niyo kanina?" Pagtatanong niya sa akin. Nakatalikod si Ms. Ladines kaya hindi siya nakikita. Napatingin naman ako kina Nana na nakaupo sa kabilang row ng mga upuan. Hindi ko tuloy alam kung dapat ko bang sabihin kay Vera o hindi.
"Si Emily na lang ang tanungin mo. Baka kasi magalit sa akin kapag sinabi ko." Privacy din ito kaya dapat ay igalang ko. Pinagkatiwalaan nila ako sa sikreto nila kaya hindi ko dapat basta-basta sabihin lalo na kung kay Vera.
"Ang daya. Bakit ako lang ang hindi nakakaalam?" Nagtatampong anas niya. Alanganin naman akong ngumiti sa kaniya. Wala kasi ako sa posisyon na magsabi nito. Kay Emily dapat manggaling. Ayaw ko namang magkagalit kami dahil sinabi ko sa iba ang sikreto niya.
"Hindi ko kasi alam kung pwede kong sabihin eh. Si Emily na lang ang tanungin mo." Paliwanag ko sa kaniya. Kung magsasabi man ako ng sikreto ko, ihuhuli ko rin si Vera sa mga makakaalam. Hindi naman sa nagiging judgemental ako, sadyang sa loob ng ilang buwan kong kasama sila, kilala ko na rin talaga ang ilang bahagi ng personalidad nila.
"Ang daya." Anas niya. "Ano na lang sagot sa number 4?" Napailing ako sa pambawing tanong niya.
"9.8m/s square." Binigay ko na lang kaagad ang sagot bilang pambawi. Baka lalong magtampo ito sa akin kapag hindi ko pinagaya.
"Salamat! Sana maging top 1 ka!" Tumawa siya nang umiling ako.
Hindi na ako nag-eexpect na magiging top 1 ako ngayon. Sa school kasi na pinanggalingan ko ay madalas akong maging top 1 sa klase. Hindi dahil sa matalino ako. Kundi dahil masipag lang talaga akong magbasa at mag-aral. Hindi ko rin hinahayaang may kulang sa mga requirements ko. Kaya nga nahihiya rin ako sa tuwing tinatawag nila akong matalino. Hindi naman kasi talaga ako matalino, responsable lang.
"Sus tatanggi ka pa ang tali-talino mo kaya. Sana matalo mo si Fatima." Siniko ko siya para patigilin. Kahit kailan talaga ay palagi niyang naiisali si Fatima sa usapan. Hindi ko nga alam kung bakit iritadong-iritado siya roon. Wala naman akong nakikitang ginagawang masama iyong tao.
Natahimik na lamang ako at nagpatuloy sa pagsasagot hanggang sa sumunod na subject. Nang sumapit ang recess ay himalang hindi sila nag-akit na lalabas. Napasulyap ako kay Emily at nakitang namumutla siya sa kaba. Siguro ay iniisip niya kung ano ang sasabihin sa kaniya ni Kahel kapag tinanong siya nito mamaya.
Lumabas ako mag-isa sa classroom dahil halata naman na wala silang balak magrecess. Papunta na sana ako sa canteen kaso nakita ko na kaagad ang mga estudyanteng palaging tumatambay sa harap ng classroom nila. Madadaan ko muna sila bago ako makalabas ng building namin. Napabuntong-hininga ako at nagpasya na huwag na lang tumuloy lalo na nang makita nila ako at isigaw na naman ang pangalan ko.
Naiilang at nahihiya ako sa ginagawa nila. Pabalik na sana ako sa classroom nang makasalubong ko si Kahel. Kaagad na dumapo ang paningin niya sa akin. Hindi ko mabasa ang ekspresyong nakikita ko ngayon sa mata niya subalit kahit ganoon ay pinilit ko pa ring ngumiti sa kaniya.
"Kahel?" Pagbati ko sa kaniya. Lumapit naman siya sa akin. Tumigil kaming dalawa hindi kalayuan sa may classroom. "May kailangan ka ba?" Tanong ko ulit.
Bigla kong naalala ang binigay kong letter kahapon sa kaniya. Siguro ay iyon ang tumatakbo sa isip niya ngayon. Siguro ay hindi rin niya alam kung paano kakausapin si Emily kaya hihingi rin siya sa akin ng tulong.
"Tungkol doon sa letter-
"Ikaw ba ang nagsulat noon?" Pagputol niya sa sasabihin ko. Nagulat ako sa tono niya. Titig na titig din siya sa akin ngayon. Napaiwas naman ako ng tingin dahil hindi ako naging komportable.
"A-ano..." Hindi ko nagawang makatingin sa kaniya ng diretso. Bakit parang guilty yata ako eh hindi naman ako ang nagsulat niyon? "A-ano kasi..."
"Bakit hindi ka makasagot?" Muli ay tanong niya. Nakita ko pa ang pagtatangis ng bagang niya nang hindi ako muling makasagot. Anong sasabihin ko? Didiretsuhin ko na ba na kay Emily galing iyon? "Anastacia." Mariing pagtawag niya sa akin. Bigla akong kinabahan nang mahimigan na para siyang galit.
"A-ano... iyong letter kasi-
"Ikaw ba ang nagsulat niyon?" Ubos pasensiyang anas niya. May kinuha siya sa bulsa. Iyon ang papel na ibinigay ko sa kaniya kahapon. Kaagad naman nanlaki ang mata ko nang mapagtanto ang lahat.
Bakit niya tinatanong kung ako ang nagsulat niyon? Wala bang pangalan kung kanino iyon galing? Hindi ba ni Emily nilagyan ng pangalan niya kaya iniisip ni Kahel ngayon na ako ang nagsulat? Nasapo ko ang noo dahil sa matinding kahihiyan. Ibig sabihin habang binabasa ito ni Kahel kahapon ay iniisip niya na ako ang nagsulat nito?
"A-akin na nga. Patingin ako." Kinakabahan kong hinablot sa kaniya ang papel upang makumpirma ang hinala ko. Tuluyan ko ng nasapo ang aking noo nang makitang wala ngang nakalagay na pangalan kung kanino galing iyon. Ang tanging nakalagay lang ay kung sino ang pagbibigyan. Mabilis akong bumaling kay Kahel para depensahan ang sarili ko. "K-Kahel nagkakamali ka ng akala-
Nagulat na lamang ako nang biglang umihip ang malakas na hangin. Napalad ang papel na hawak ko at nahulog ito sa lupa.
"Anastacia, pahiram daw ng notes mo sa science." Biglang dumating si Jessica. Isa siya sa mga kaibigan ni Fatima. Saglit na nagpalipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Kahel bago bumaling iyon sa papel na nasa lupa. Akmang pupulutin ko na sana iyon pero naunahan niya ako.
"J-Jessica." Kinabahan ako nang matindi nang buklatin niya ang papel. Kita ko ang panlalaki ng mata niya nang tuluyang mabasa ang laman niyon. Pagkatapos ay binigyan niya ako ng mapanghusgang tingin. "Nagkakamali ka ng iniisip." Umiling-iling ako sa kaniya.
Tumingin lamang siya sa aming dalawa bago tumakbo papunta sa classroom habang dala-dala ang papel. Mas lalo akong kinabahan kaya mabilis akong sumunod sa kaniya. Kailangan kong mabawi ang papel na iyon.
"Jessica!" Pagmamakaawa ko sa kaniya. Kinabahan ako ng matindi nang agawin niya ang atensyon ng lahat. Pumunta pa siya sa unahan at umakyat sa isang upuan.
"Jessica anong ginagawa mo riyan?" Tanong sa kaniya ng aming mga kaklase. Nakangiti naman siyang bumaling sa akin. Patuloy ang pag-iling ko sa kaniya.
"May sasabihin ako sa inyong lahat!" Anas niya. Kabado akong lumapit sa kaniya at sinubukan siyang patigilan subalit naagaw na niya ang atensyon ng lahat. Ang karamihan ay interesado pa sa sasabihin niya. Napatingin naman ako kina Vera na ngayon ay nagtatakang nakatingin sa akin. Nakita ko naman sina Emily na kabadong nakatingin kay Jessica. Siguro ay namukhaan na niya ang papel na hawak nito.
"May gusto si Anastacia kay Kahel." Pag-aanunsyo niya. Literal na nanigas ako sa aking kinatatayuan. Nanlamig ang buong katawan ko sa kahihiyan lalo na nang marinig ang maingay na sigawan at kantiyawan ng mga kaklase ko. Nakita ko naman sina Vera at Sayon na gulat na nakatingin sa akin. Lahat sila ganoon ang tingin.
Pansamantala akong nabingi sa mga kantiyawan lalo na sa mga lalaki. Mas lalo naman akong kinabahan nang makitang tumayo si Fatima mula sa kaniyang kinauupuan at lumapit sa amin.
"A-ano kamo?" Hindi makapaniwalang tanong niya. Nabakas ko ang galit sa kaniyang tono. "May gusto ka kay Kahel?" Umiling-iling ako sa kaniya. Gusto kong magpaliwanag pero hindi ko mahanap ang tamang salitang dapat kong gamitin.
"Totoo iyon, Fatima. Ang papel na ito ang patunay." Iwinagayway ni Jessica sa klase ang papel. Hinablot naman iyon ni Fatima at kunot-noo itong binasa. Mas lalo akong kinabahan nang makita ang reaksyon niya habang nakatingin sa kapirasong papel.
Pagkatapos ay nakita ko ang pagkamuhi sa mga mata niya nang sandaling bumaling siya sa akin. Humigpit ang kapit niya sa papel kaya bahagya iyong nagusot. Nagkantiyawan ang mga lalaki at inuudyukan kami na magsabunutan. Narinig ko pa silang sinasabi na inaagawan ko raw si Fatima.
"N-nagkakamali kayo ng iniisip. Hindi sa akin iyan." Hindi ko na alam kung paano ko dedepensahan ang sarili lalo na at lahat sila ay iniisip na may gusto ako kay Kahel. Tumingin ako kina Emily para humingi ng tulong pero umiwas lamang sila ng tingin.
"Hindi sa'yo? Ako ba pinaglolo-loko mo?" Galit na saad ni Fatima. Umiling-iling muli ako sa kaniya.
"Hindi talaga akin iyan-
"Sinungaling! Nahuli ka na ngang galing sa iyong ang papel tapos tatanggi ka pa! May pa-letter letter ka pang nalalaman! Ang cheap mo!" Nanubig naman ang mata ko sa sinabi niya. Bakit ba ayaw nilang maniwala sa akin? Hindi naman talaga sa akin galing ang papel na iyan.
"Hoy! Impakta! Tigilan mo nga si Ana!" Nagpapasalamat ako dahil pumagitna sa amin si Vera. Siya ang saglit na nakipagsigawan kahit pinapatigil ko na siya. "Ano naman sa'yo ngayon kung may gusto si Ana kay Kahel? Bakit kayo ba?!"
"Pinagtatanggol mo pa iyang kaibigan mo! Palihim lang palang kumilos iyan! Pasimpleng malandi! Malandi!"
"Bida bida ka talaga! Akala mo naman pag-aari mo si Kahel. Nagkatabi lang sa upuan naging possessive na? Ni hindi ka nga nililigawan!"
"Vera..." Hinila-hila ko siya palayo roon. Ayaw ko ng away. Bakit ba nangyayari ito sa akin? "Maniwala kayo, hindi talaga sa akin galing iyang papel. May nagpapabigay lang na kakilala kasi nahihiya siyang lumapit mismo kay Kahel. Hindi sa akin galing iyan, Fatima. Hindi mo kailangang magalit." Pagmamakaawa ko sa kaniya. Ni minsan sa buhay ko ay hindi ko naisip na posibleng mangyari sa akin ito lalo na at tungkol pa sa isang lalaki. Kapag nalaman ni Kuya ito ay paniguradong mayayari ako.
"Sinungaling! Paano ako makakasiguro na hindi nga sa iyo galing ito? Paniguradong nagkakagusto ka na kay Kahel lalo na at palaging kang nagpapahatid sa kaniya. Kapal kapal ng mukha mo akala mo naman baldado ka!"
"Maniwala ka, hindi talaga sa akin galing iyan. Wala akong gusto kay Kahel." Hindi nawala ang masamang pagkakatingin niya sa akin. Nagulat ako nang pagpira-pirasuhin niya ang papel sa harap ko. Mas lalong nagkantyawan ang mga kaklase namin.
"Sige kung wala ka talagang gusto kay Kahel, sabihin mo mismo sa harap niya na hindi mo siya gusto." Matapang na anas niya. Saglit akong natigilan doon.
"Tumigil ka na nga! Napaka-insecure mo! Palibhasa nadaan sa pulbo ang kaputian!" Sigaw ulit ni Vera. Hindi na siya pinatulan pa ni Fatima. Sa halip ay sa akin siya bumaling at inulit ang sinabi niya.
"Kung hindi talaga sa'yo galing ang papel na ito, sabihin mo ngayon mismo sa harap niya na wala kang gusto sa kaniya." Pag-uutos niya sa akin. Matagal ko siyang tinitigan na para bang nagmamakaawa ako na baguhin niya ang gusto niyang ipagawa pero hindi. Alam kong desidido siya.
Napabuntong-hininga ako at saka sinubukang hanapin si Kahel mula sa dagat ng mga tao. Nakita ko siyang nakatayo sa gitna at nakatingin na sa akin ngayon. Walang bakas ng anumang emosyon sa mukha niya.
Napabuntong-hininga muli ako at bumuga ng malakas na hangin. Mariin ko siyang tinitigan at sinubukang basahin ang nasa isip niya. Ayaw kong iba ang isipin niya tungkol sa akin. Baka mas lalo siyang mairita sa akin kapag nagkataon na may gusto nga ako sa kaniya. Mas mabuti nga siguro na linawin ko na ang lahat habang maaga pa.
"Hindi sa akin galing ang letter na iyon. Hindi ko siya gusto. Wala akong gusto kay Kahel. Iyon ang totoo." Diretsong anas ko. Nakakabinging katahimikan ang namutawi sa buong paligid. Binasag lamang iyon ng malakas na palakpak ni Fatima. Pagkatapos ay nakita ko na lamang si Kahel na galit na lumabas ng classroom.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (172)

  • avatar
    QuindaraImelda

    I really enjoyed reading this novel inspite of busy days. I try to read. So inspiring specially the main character Anastasia and Kahel. The time sequences is extremely important. The moral values of the characters are very good coz they show the value of being patience and if you really love the person you can wait until the right timing. Its give suspense for the reader to wait what will happen on the next chapter. My heart beat make me in love again, fall in love again.Thank you for this novel

    23/11/2021

      2
  • avatar
    RodriguezCharlene Mae Odal

    the novel is so really appreciated and it really feels like existing in real life congratulations author you made a wonderful novel👏👏👏

    01/07

      1
  • avatar
    Kimryl Nazareno

    niceeeeeeeeerereeeee

    28/06

      1
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด