logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

KABANATA PITO: Witchy Witchie

VEDA CERYS POV
"Maupo ka."
Seryoso at walang emosyong saad ni Tita. Inilibot ko ang aking paningin sa malawak na silid at nakita ang isang solong upuan na gawa sa madilim na kahoy, na nakapwesto mismo sa gitna. Humakbang ako palapit at dahan-dahang umupo roon, habang ramdam ko ang bigat ng atmospera na tila ba hihigop sa buong lakas ng loob ko.
"Saliazo ang una mo dapat matutunan para lubos mong maintindihan ang wika at ang kasaysayan ng mundo natin," seryosong saad naman ni Kuya Eric.
Nakatayo siya sa tabi ng dambuhalang dark violet board, pormal ang tindig na parang isang striktong propesor sa unibersidad. Napatango na lang ako bilang tugon, habang pilit na inaayos ang aking pagkakaupo at inihahanda ang aking sarili sa isang mahabang lecture.
Akala ko nga ay si Kuya Eric o kaya naman si Tita mismo ang kukuha sa makinang na chalk para magsimulang mag-sulat ng mga leksyon, pero doon ako tuluyang nagkamali. Napanganga na naman ako nang bitawan ni Kuya Eric ang hawak niyang chalk. Sa halip na mahulog ito sa sahig, nanatili itong lumulutang sa hangin!
Sa isang kumpas ng mga daliri ni Tita, ang makinang na chalk ay kusa at mabilis na lumapit sa dark violet board. Nagsimula itong mag-sulat nang mag-isa sa ibabaw ng makinis na ibabaw, na naglalabas ng isang malambot na tunog ng pag-guhit at nag-iiwan ng mga titik na kulay ginto at pilak. Namamangha kong pinanood ang mahiwagang chalk habang sumasayaw ito sa hangin, tila ba may invisible na kamay na gumagabay sa bawat linya at kurba.
Makalipas ang siguro ay isang minuto, huminto na ang chalk sa paggalaw at marahang bumalik sa lalagyan nito. Natapos na itong mag-sulat, at ang buong mukha ng dark violet board ay napuno na ngayon ng mga bago, matutulis, at nagniningning na mga simbolo—ang mahiwagang alpabeto ng Lunaria na kailangan kong kabisaduhin bago sumapit ang takdang panahon.
(Letra) (Bigkas) (Kahulugan / Elemento sa Lore)
A,An (An) Anima (Puso / Simula)
B,Bel (Bel) Bituin / Liwanag sa malayo
C,Cael (Say-al) Caelum (Kalangitan)
D,Dei (Day) Tadhana / Batas ng uniberso
E,El (El) Elia (Hiling / Pag-asa)
F,Fae (Fa-ye) Sikreto / Hangin
G,Gia (Gi-ya) Lupa / Gabay
H,Hal (Hal) Ningning / Aura
I,Io (Yo) Sarili / Diwa
J,Jan (Jan) Pintuan / Simula ng landas
K,Kha (Ka) Oras / Panahon
L,Lu (Loo) Lume (Tubig / Agos)
M,Mir (Mir) Miri (Pagkain / Sustansya ng buhay)
N,Ni (Nee) Binhi / Anak / Kinabukasan
O,On (On) Kawalan / Infinite
P,Pax (Paks) Kapayapaan / Gabi
Q,Quis (Kwis) Tanong / Misteryo
R,Ros (Ros) Hamog / Luha ng bituin
S,Sol (Sol) Solis (Araw / Mainit na liwanag)
T,Tu (Too) Ang Iba / Koneksyon
U,Ur (Oor) Oras / Kasaysayan
V,Vae (Va-ye) Vael (Pagpapala / Pagbibigay)
W,Wyn (Win) Hininga / Espiritu
X,Xyl (Zil) Kristal / Salamin ng kaluluwa
Y,Yor (Yor) Gabi / Dilim bago ang bukang-liwayway
Z,Zen (Zen) Zenis (Tuktok / Pinakamataas na kapangyarihan)
Napatitig ako sa dambuhalang dark violet board kung saan nakasulat ang mahabang listahan ng mga simbolo. Ang haba sobra! Para silang mga sinaunang runic symbols na may kasamang kakaibang kurbada. Habang tinitingnan ko ang nagniningning na mga ginto at pilak na titik, hindi ko napigilang mabulong sa aking sarili, "Sana naman may kanta rin sila para dito, gaya ng ABCD... para mas madaling kabisaduhin."
"Oo, mayroon din kaming kanta para sa alpabeto namin."
Seryosong saad ni Tita na agad kong ikinalingon sa kanya, halos manlaki ang mga mata ko sa gulat. Teka, nakakabasa ba siya ng utak?! Pero sabay batok ko rin sa isip ko—ay, para naman akong tangek! Malamang, makapangyarihang Witch ang nasa harap ko, natutupad nga niya ang pinakamalalim na hiling ng mga tao sa pamamagitan lang ng pagkain, kaya paniguradong sisiw lang sa kanya ang makaramdam ng iniisip ng iba.
Bago pa ako makahingi ng paumanhin sa aking utak, dahan-dahang humakbang si Tita patungo sa gitna ng silid. Huminga siya nang malalim, at sa isang iglap, ang kanyang malamig na ekspresyon ay napalitan ng isang banayad na mukha habang nagsisimulang umawit.
"An, Bel, Cael, Dei, El, Fae, Gia..." (An, Bel, Say-al, Day, El, Fa-ye, Gi-ya)
Ang boses ni Tita ay napakaganda—parang isang melodya mula sa isang sinaunang kaharian, may tamang ritmong nagpapagaan sa mabigat na awra ng silid. Napangiti ako nang malawak habang ang lumulutang na chalk sa tabi ng board ay tila sumasayaw din at umiilaw sa bawat titik na binibigkas niya. Muling nagpatuloy si Tita sa pagkanta, habang binabago ang tono upang maging mas masigla at kaakit-akit:
"Hal, Io, Jan, Kha, Lu, Mir, Ni..." (Hal, Yo, Jan, Ka, Loo, Mir, Nee)
"On, Pax, Quis, Ros, Sol, Tu, Ur..." (On, Paks, Kwis, Ros, Sol, Too, Oor)
"Vae, Wyn, Xyl, Yor, Zen..." (Va-ye, Win, Zil, Yor, Zen)
Sa huling bahagi ng kanta, ang kanyang boses ay bumaba sa isang mapayapa ngunit makapangyarihang dulo, habang nakatitig nang diretso sa aking mga mata na tila ba itinatanim ang bawat tunog sa kaibuturan ng aking pagkatao:
"Sa Saliazo io, sa Saliazo tu..." (Ang alpabeto ko, ang alpabeto mo)
Katahimikan ang muling bumalot sa silid nang matapos ang huling nota ng mahabang kanta ni Tita. Ang mga tono ay paiba-iba sa bawat bigkas—may bahaging parang isang masayang chant, at may bahagi namang parang isang seryosong sumpa. Pero sa kabila ng kakaibang tunog nito, napakasarap pakinggan sa tainga. Lihim akong napasabay sa pag-usal ng mga huling salita, habang unti-unting nawawala ang takot sa dibdib ko at napapalitan ng pananabik na matutunan ang wikang matagal nang nakatago sa aking sariling mga ugat.
"Ngayon, ikaw naman, Veda."
Seryosong saad ni Tita na agad kong ikinagulat. Nanlaki ang mga mata ko at napalunok ako ng sarili kong laway. Teka, pati ako kakanta?! Akala ko ba pakikinggan ko lang? Humarap sa akin si Tita nang may matigas na mukha, habang si Kuya Eric naman sa gilid ay seryosong nakatitig sa akin na tila ba hinihintay ang aking performance. Walang kawala.
Dahan-dahan akong napatayo mula sa aking kahoy na upuan, nanginginig ang mga tuhod ko habang pinipiga ang dulo ng light green jacket ko. Huminga ako nang malalim, tumingin sa mga gintong titik sa board, at nagsimulang umawit gamit ang boses na kulang na kulang sa ensayo.
"An... Bel... Cael... Dei... El... Fae... Gia..." (A-An, Beeel, Seay-aal, Day, Eil, Fa-ye, Gi-ya)
Sobrang kinakabahan kong kanta habang ang boses ko ay medyo pumiyok pa sa dulo. Hindi ko makuha ang tamang indayog at magandang melodiya na ginawa ni Tita kanina. Ang bawat bigkas ko ay parang pilit at hilaw. Mas lalo pa akong nawalan ng diskarte nang makita kong dahan-dahang napapikit si Tita habang humahaba ang aking kanta.
Biglang bumukas ang bibig ni Tita, ngunit sa pagkakataong ito, hindi siya sumabay sa alpabeto. Isang mahaba, mabilis, at tuluy-tuloy na mga kakaibang salita ang binitawan niya gamit ang isang seryoso at tila naiinis na tono:
"Sa jan-ur io, soran de luman io sa faelia de wynsol mal... Quis vaelan sa dei, tu wynsolan de elian sa deielia de tu... Pax, tu on-vaelan sa deielia de tu, un tu on-ioan sa wynsol tu, Veda." (Sa jan-oor yo, so-ran de loo-man yo sa fa-ye-lya de win-sol mal.. Kwis va-ye-lan sa day, too win-so-lan de e-li-yan sa day-e-li-ya de too... Paks, too on-va-ye-lan sa day-e-li-ya de too, oon too on-yo-an sa win-sol too, Veda.)
Napakunot ang noo ko habang nakatitig sa kanya. Ramdam ko ang bigat ng bawat salita niya kahit hindi ko maintindihan. Habang nagsasalita si Tita, napansin kong biglang napalingon si Kuya Eric sa gilid at mahinang napatawa, pilit na tinatakpan ang kanyang bibig gamit ang kanyang palad para hindi ko mahalata.
"Kuya Eric, anong nakakatawa?" pabulong at inis kong tanong habang nakataas ang isang kilay ko. "Ano bang sinabi ni Tita?"
Bumuntong-hininga si Kuya Eric, pinapakalma ang sarili bago sumagot nang pabulong. "Ang sabi niya... Ngayon lang ako nakarinig at nakakita ng isang witch na hindi maganda ang boses kapag kumakanta. Iniisip ko tuloy kung anong mangyayari kapag kumanta ka at binigkas mo na ang mga spell na kailangan mong malaman. Marahil, hindi mo magagawa ang mga mahikang iyon kung wala kang tiwala at galing sa sarili mong boses, Veda."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig na translation. Grabe siya! Tiningnan ko muli si Tita na ngayon ay napapahilot na sa kanyang sintido habang nakapikit pa rin ang mga mata, tila ba sumakit ang ulo sa narinig na bersyon ko ng Saliazo. Napanguso na lang ako at napakamot sa aking ulo. Kasalanan ko ba kung hindi ako biniyayaan ng talentong pang-opera? Kung ang mga spell sa mundong ito ay dadaanin sa kantahan, mukhang mas pamilyar pa yata sa akin ang masunugan ng pagkain sa kusina kaysa sa maging isang magaling na Witch!
"Subukan mong muli. Sa pagkakataong ito, isipin mong wala kami rito," seryosong saad ni Tita. Bakas pa rin sa kanyang boses ang awtoridad, ngunit may kasama na itong kaunting pasensya.
Huminga ako nang malalim, pinaluwag ang hawak sa aking jacket, at pilit na kinalma ang nagwawalang tibok ng aking puso. Inayos ko ang aking tayo sa gitna ng silid. Ipinikit ko ang aking mga mata nang mariin upang tuluyang mabura sa aking paningin ang seryosong mukha ni Tita at ang nakatutuwang ngiti ni Kuya Eric. Isinipin ko na nasa sarili lang akong kuwarto sa Maynila, walang panganib, walang pressure, at walang nagmamasid.
Nang maramdaman kong naging magaan na ang aking pakiramdam, hinayaan kong dumaloy ang pamilyar na melodiya sa aking isipan at dahan-dahang binuksan ang aking bibig upang muling umawit.
"An, Bel, Cael, Dei, El, Fae, Gia..."
(An, Bel, Say-al, Day, El, Fa-ye, Gi-ya)
Sa unang bahagi pa lang ay naramdaman ko na ang pagkakaiba. Ang boses ko ay hindi na nangatog; mas naging buo ito at sumabay nang maayos sa ritmo. Dahil doon, mas lalo akong nagkaroon ng kumpiyansa kaya tuluy-tuloy kong binigkas ang mga sumunod na titik, hinahayaan ang bawat tunog na umalingawngaw sa tahimik na silid ng kastilyo.
"Hal, Io, Jan, Kha, Lu, Mir, Ni..."
(Hal, Yo, Jan, Ka, Loo, Mir, Nee)
"On, Pax, Quis, Ros, Sol, Tu, Ur..."
(On, Paks, Kwis, Ros, Sol, Too, Oor)
"Vae, Wyn, Xyl, Yor, Zen..."
(Va-ye, Win, Zil, Yor, Zen)
Ramdam ko ang init na gumagapang sa aking lalamunan, isang enerhiyang sumasabay sa emosyon ko habang papatapos na ang kanta. Sa huling linya, ibinuhos ko ang buong tiwala ko sa aking sarili at tinapos ito nang may perpektong tiyempo:
"Sa Saliazo io, sa Saliazo tu..."
(Ang alpabeto ko, ang alpabeto mo)
Nang mabitawan ko ang huling nota, dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata. Pagtingin ko sa dark violet board, ang mga nakasulat na ginto at pilak na simbolo ay sabay-sabay na nagliwanag nang napakatingkad, tila ba sumasagot sa aking tinig!
"Waaaah! Nagawa ko! Nagawa ko, Kuya Eric!" napasigaw ako sa sobrang tuwa.
Nakalimutan ko bigla na nasa harap ko nga pala ang strikto kong Tita. Nagtatatalon ako sa saya sa gitna ng silid, pumapalakpak pa habang hindi maalis ang malawak na ngiti sa aking mukha. Sa wakas, hindi na tunog pusa ang boses ko!
Napasulyap ako sa kanila. Si Tita ay marahang napailing-iling na lang habang may tipid at tila napilitang ngiti na gumuhit sa kanyang mga labi, mukhang nabawasan naman ang sakit ng ulo niya sa akin. Habang si Kuya Eric naman sa tabi ng board ay hindi na napigilan ang sarili; tuluyan na siyang napatawa nang malakas dahil sa naging reaksyon ko. Kahit papaano, sa unang sulyap ng aking pagiging Witch, mukhang may pag-asa pa akong matuto.
"Dahil tapos ka na sa basic, pumunta naman tayo sa pagbabasa mo ng libro at sa kasaysayan ng angkan natin," seryosong saad ni Tita.
Bago pa man ako makaprepara sa susunod na gagawin, isang mahinang tunog ng pagsabog ng usok ang narinig ko. Sa isang iglap lang, may lumitaw na limang naglalakihan, napakakapal, at maalikabok na libro sa gilid ng aking lamesa. Mukha silang daan-daang taon na ang tanda dahil sa kupas na balat na pabalat nito.
Teka, teka! Huwag mong sasabihing babasahin ko itong lahat?! Literal na sumakit ang bangs ko sa naisip ko. Ni hindi ko nga matapos-tapos basahin ang mga textbook ko sa unibersidad, paano pa itong mga dambuhalang librong pangkulam na ito?
"Hindi mo babasahin yan nang manu-mano. Buksan mo upang malaman mo," narinig kong saad ni Tita, tila nabasa na naman ang nakasulat sa aking mukha.
Huminga ako nang malalim at dahan-dahang binuksan ang unang makapal na libro. Muntik na akong mapaurong nang biglang magliwanag ang mga pahina nito! Ang mga nagniningning na titik ng Saliazo ay biglang lumipad pataas mula sa papel. Umikot-ikot ang mga ito sa hangin at dahan-dahang nagporma ng isang malaking holographic screen sa harap ko—parang isang high-definition na TV! Mula sa screen ay may lumitaw na mga totoong taong gumagalaw at gumaganap.
Nakamamangha! Sa ganitong paraan, pakiramdam ko sa loob lang ng dalawang oras ay matatapos ko nang panoorin at intindihin ang lahat ng nilalaman ng limang aklat.
Ang unang librong pinabuksan sa akin ni Tita ay ang History ng Lunaria. Masasabi kong napakagulo at napaka-marahas ng pinag-awayan ng mga sinaunang angkan dito. Grabe, dahil lang sa iisang puno ay nagpatayan at nag-ubusan sila ng lahi! Sa unang nood ko, napairap pa ako sa isip ko—like, seryoso ba? Pwede naman silang bumili ng ibang puno o magtanim na lang ng iba! Pero sa dulo ng palabas, ipinaliwanag din kung bakit ganoon na lamang katindi ang pag-aagawan nila rito. Ang punong iyon pala ang puso ng buong mahika ng Lunaria; kung sino ang nagmamay-ari nito, sa kanila dumadaloy ang buong kapangyarihan ng uniberso.
Ang pangalawang libro naman ay ang aming Family Tree. Ipinakita roon ang pinakaunang angkan ng aming pamilya, pababa sa mga sumunod na henerasyon, hanggang sa makita ko ang sarili kong pangalan at mukha sa pinakailalim. Ngunit napansin kong hindi ako kagaya ng iba. Sa tabi ng mga pangalan nina Tita at Mama ay malinaw na nakasulat ang kani-kanilang mga kapangyarihan, pero pagdating sa akin, blanko pa rin ito at walang nakalagay.
May isa pa akong napansin na nakapagpataka sa akin. May isang lalaki na kasama sa henerasyon ko ang nakaguhit sa tabi ng sanga ko. Wala namang nabanggit si Tita sa akin na may iba pa kaming kasama sa pamilya, at katulad ko, nakalagay din sa tapat ng pangalan niya na wala pa siyang natutuklasang kapangyarihan. Sino kaya siya?
Ipinagpatuloy ko ang panonood sa pangatlong libro na naglalaman ng mga Rules sa Lunaria. Masasabi kong napakahigpit ng mundong ito. Napakaraming batas at regulasyon, at ang mas malala pa, napakalalaki at napakatindi ng mga kaparusahan o consequences kapag may binaligtad ka kahit isang panuntunan lang. Walang puwang ang pagkakamali rito.
Ang pang-apat na libro naman ay ang mga Magic Spells na kailangan kong matutunan sa mga susunod na araw. Doon ay detalyadong ipinakita kung paano gumagana ang bawat spell, ang tamang kumpas ng kamay, at kung anong eksaktong mga salita ang kailangang bigkasin o awitin upang lumabas ang mahika.
At ang panghuli, ang panglimang libro, ay ang mga Secret Spells na ayon kay Tita ay kailangan ko ring malaman sa takdang panahon para sa aking proteksyon.
Matapos kong mapanood ang huling eksena ng huling libro, unt-unting naglaho ang holographic screen at bumalik ang mga letra sa loob ng mga papel. Napasandal ako sa aking upuan, tulala at hindi makapaniwala sa huling malaking impormasyong pumasok sa utak ko.
Laking gulat ko nang mapagtagni-tagni ang lahat: Reyna pala ng buong kaharian ng Lunaria ang Tita ko, habang kaming dalawa ni Mama ay mga Prinsesa... at ang mas mabigat na pasanin, ako ang susunod na nakatadhanang maging Reyna ng buong mundong ito!

หนังสือแสดงความคิดเห็น (1)

  • avatar
    TorrejasMark Anthony

    cool

    5d

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด