logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Kabanata II: Pangako

"Alunsina, gumising ka na riyan. Bilisan mo at bumangon ka."
Pilit ko mang huwag pansinin ang paggising sa akin ni Suklang Malayon ay wala rin akong nagawa noong pilit niya akong hilahin.
"Ano ba at ganiyan ka magmadali? Gayoong napakaaga pa naman?"
"Mag-gayak ka na at may panauhin tayo ngayon. Nasa ibaba na si ama at kausap siya."
Sadyang mahalaga ang taong iyon dahil alam kong hindi magkakaganito ang aking kapatid kung basta lamang ang aming panauhin.
Katulad ng kaniyang nais ay naggayak ako upang hindi maging kahiya-hiya sa kaniyang sinasabing panauhin sa ganito kaaga.
Agad din kaming bumaba upang masilayan ito. Pasibol pa lamang ang haring araw kung kaya't hindi pa ganoon kaliwanag ang kapaligiran.
"Magandang umaga mahal naming ama," pagbati namin matapos makarating sa kanila. Nakatalikod sa amin si ama na hindi kalaunan ay humarap din sa amin.
Napakapit ako sa braso ni Suklang Malayon matapos makita ang aming panauhin. Malawak na ngiti rin ang aming ibinahagi.
"Paubari, ano't naparito ka? Mas nauna ka pang sumilay sa haring araw." Tila ba hinahabol sa kinang ng mga tala ang ngiti ko ngayon.
"Pumarito ako upang humingi ng basbas sa mahal na Datu. Nais kong tuluyang maihayag sa iyo ang aking pag-irog." Halos umapaw ang damdamin ko sa kaniyang mga tinuran. Sadyang napaka saya ng aking puso ngayon.
"May iilan akong hiling na hiningi sa kaniya upang matiyak kong tama ang magiging pasya kong ipaubaya ang aking unang anak."
Mas lalong lumawak ang ngiti ko sa sinabi ni Ama. Batid kong ilang araw na lamang ang lilipas ay tuluyan na niyang ibibigay ang aking kamay sa lalaking labis kong mahal.
Mga bata pa lamang kami ay alam ko na sa aking sarili na si Paubari na ang lalaking nais kong makasama at bumuo ng isang masaganang pamilya. Kung kaya't laking tuwa ko ng tuluyan niyang harapin si ama upang humingi ng basbas sa aming pagsasama.
"Maaari mo ng simulan ang ating usapan," utos ni ama rito. Tumango si Paubari at tumingin sa akin.
"Lilisan muna akong saglit mahal kong Alunsina. Ngunit huwag kang malumbay dahil ilang saglit lamang ay narito akong muli. Babalik at babalik pa rin sa iyong piling.” Huling wika nito bago tuluyang lumabas ng aming tahanan.
Tumingin ako kay Suklang Malayon at napangiti kaming sabay na may mahinang paglundag, na tanda nang tunay na pagkatuwa.
"Kung sadyang magugustuhan ko si Paubari ay sa lalong madaling panahon natin gaganapin ang inyong kasal."
"Maraming salamat mahal kong ama." Ngumiti lamang ito na parang isang kisap-mata, bago tuluyang umalis sa aming harap.
"Napakasaya ko para sa iyo Alunsina, nawa'y magtuloy-tuloy na ito upang kami naman ni Mabu ang ipakasal ni ama."
Naglaho ang ngiti sa aking labi noong muli kong maalala ang kaniyang lihim na pakikipag mabutihan sa bagani na iyon.
Batid kong isa sa pinakamalakas na bagani si Mabu, ngunit hindi ito magiging sapat kay ama sa oras na malaman niya ang kanilang ginagawa.
"Kung hindi kayang humarap ni Mabu kay ama, hindi kaya'y dapat ninyo ng putulin ang inyong ugnayan? Hindi siya makabubuti sa iyo kung patago ka niyang iniibig?" Mahinang tanong ko rito dahil alam kong nasa paligid lamang si ama at sa talas ng kaniyang pandinig ay maaaring kaniya kaming mahuli.
"Nagtitiwala ako sa kaniyang pangako na sa harap ni ama ako'y kaniya ring ipapaalam."
"Sana lamang, dahil ito ang gawain ng isang tunay na umiibig." Nawa'y gabayan din sila ng mahal na Laon, upang si ama ay kanila ring mapapayag.
Buhat na maaga rin kaming nagising. Aming napagpasyahan na magluto ng umagahan bago pa magising sina ina.
May handog isda si Paubari, dahil ang kaniyang ama ay pangingisda ang kabuhayan. Mukhang bagong huli ang mga ito at tila ang pinakamalaki pa ang kaniyang inalay.
"Naalala ko pa noong mga bata pa tayo. Ang punong babaylan ang palaging nagtuturo sa ating magluto. Hindi ba't may mga sinabi siya sa iyo noon? Nababatid daw niya na ikaw ay ang nag-iisang tao sa ating pulo at unang babae na magiging bihasa sa paggamit ng pana at sibat?" Marahan akong napahinto sa paghalo sa palayok na aking nilulutuan.
"Tingin mo ba'y tunay ang kaniyang hula?"
"Sinabi pa niyang ilang kalaban na rin ang iyong gagapiin, ngunit kailangan mo ring mag-ingat dahil maaring ang katapangan mo ang tatapos sa buhay ng isa mong mahal." Tuluyan akong napahinto sa aking paglukuto, matapos maalala ang mga salitang bibitawan ng matandang babaylan na matagal ng yumao.
"Marahil ay hindi lahat ng kaniyang hula ay tunay. Parang inilahad ng iyong ina na ang kaniyang magiging unang anak ay sadyang magiting at magaling sa pakikipagdigma, ngunit isa kang babae. Hindi tayo maaring sumama sa pakikipagdigma at batid nating hindi payag si ama na madungisan ang iyong palad at matalsikan ang iyong balat ng dugo."
Seryoso ang kaniyang mukha habang tutok ang tingin sa akin. Tama nga siya, kung kaya't ang akala ng lahat ay lalaki ang unang magiging anak ng aking nga magulang, dahil sa hula ng punong babaylan noon. Ngunit lumabas ako at isang babae.
Ang mga babae ay walang lakas upang lumaban. Mananatili sa kanilang tahanan upang magsilbi sa kabiyak. Ang mga kabataan naman ay kailangan mag-aral upang may kaalaman sa gawaing bahay. Ganoon lamang ang mga babae, sadyang ginagalang ang bawat kababaihan ngunit hindi kinatatakutan.
Mga bata pa lamang kami ay nanalig akong kaya ko ring lumaban na pinalakas pa ng hula ng punong babaylan. Ngunit noon pa lamang ay bawal na kaming humawak ng sibat at pana kung kaya't hindi ako natutong gumamit nito.
"Nais kong maging totoo ang bagay na iyon,” turan ko rito na nabakas ang pagkalito.
"Ngunit babae ka, Alunsina. Hindi handa ang ibang turuan ka lalo na't anak ka ng isang Datu."
Tama nga siya sa kaniyang winika, walang nais ang turuan ako dahil ang gawaing ganito ay para sa mga kalalakihan lamang.
"Baka masunog ang iyong niluluto sa tagal ng iyong pagtitig." Bumalik lamang ako sa aking sarili nang hawiin ako ng aking kapatid at ibinaba ang palayok.
"Patawad. Hindi lamang kasi mawala sa aking isipan ang iyong sinabi, nais ko man ay hindi talaga maari." Malungkot kong saad dito. Umupo ako upang saluhin ang lungkot na nagpapabigat sa aking dibdib. Naisin ko man ang isang bagay, sadyang napakahirap nito lalo na't isa akong babae.
"Ngunit may naisip akong paraan upang maging bihasa ka rito." Para akong muling nabuhay ng marinig iyon.
"Ano naman iyon?" Luminga pa siya sa paligid upang masigurado na walang tao at inilapit ang kaniyang bibig sa aking tainga upang kami lamang ang makaalam.
"Kung hindi naman ito malalaman ni ama, maari tayong magpatulong kay Mabu at Paubari." Mabilis kumawala ang aking malawak na ngiti matapos itong marinig.
"Tama ka riyan. Kung hindi tayo makikita ni ama ay hindi siya magagalit at kung sakaling malaman na niya ito ay sadyang bihasa na ako rito."
Muli kaming nabuhayan sa aking sinabi, batid kong kahit magkaiba kami ng ina ay alam kong maasahan ang kapatid kong ito.
"Ngunit may isa rin akong pakiusap sa iyo, Alunsina.
"Ano naman ang bagay na iyon? Kung tungkol sa patuloy ninyong paglilihim ay hindi ako makapapayag na tulungan ka." Nababakas ko sa kaniyang mukha na iyon ang kaniyang nais.
"Hindi naman iyon. Nais kong tulungan mo kami ni Mabu upang makuha rin ang basbas kay ama, katulad na lamang ng ibinigay sa inyo ni Paubari."
Mabuti naman at maganda ang kaniyang hiling kung kaya't kaya ko siyang pagbigyan sa bagay na ito.
"Maaasahan mo ako sa bagay na ito.”
"Maraming salamat, Alunsina."
MATAPOS ang aming umagahan ay nanatili kami sa aming tahanan upang ayusin ang iba sa aming mga gamit.
Nakatanggap ako ng isang palamuti na gawa sa perlas galing kay Paubari kung kaya't nais ko itong isuot ngayon, lalo na't napapayag na niya si ama.
"Alunsina, nais mo bang sumama para sa paghahabi ng tela mamaya? Nabanggit ito sa akin ni Mayari kagabi matapos ang seremonya."
"Hindi ko pa alam. Nais ko munang mag-isip kung saan ako makakakuha ng pana,” sagot ko rito matapos maikabit sa aking leeg ang palamuting bigay sa akin ni Paubari.
"Sana ay agad kang makahanap upang matuloy ang pagiging bihasa mo sa paggamit ng pana,” saad nito habang patuloy ang pagpili sa kaniyang damit na susuotin.
"Tingin mo ba'y bagay sa akin ang kulay asul na tela na ito?"  Inilahad nito sa aking harapan ang telang kami mismo ang naghabi.
"Sa ganda ng iyong balat, kahit anong kulay ay sadyang babagay."
Lumawak naman ang kaniyang ngiti sa aking mga sinabi.
Sadyang maganda ang aking kapatid at kahit anong kulay ng tela ay babagay rito. Ang mahabang itim nitong buhok na sadyang napakasigla sa tingkad at ang bilugan niyang mukha. Maamo ang kaniyang mga mata at mahaba rin ang mga pilikmata na wari'y mapang-akit sa tuwing ito’y kukurap. Mula sa magandang ilong at manipis na labi na porma na ang ngiti. Maganda rin ang kaniyang balingkinitang katawan, sadyang mas mataas lamang ako sa kaniya ng ilang pulgada.
"Napakaganda mo rin. Lalong nangibabaw ang iyong ganda sa palamuting ibinigay sa iyo." Nakangiti ako habang hawak ang kaniyang tinutukoy.
Maraming palamuti ang ibinigay sa akin ni ama, ngunit ang mga galing kay Paubari lamang ang aking madalas gamitin. Sa pakiwari ko'y lagi ko siyang kasama sa tuwing suot ko ang mga ito.
Naging matagal ang pangungulila ng aking puso sa tagal ng kanilang pagsasanay kasama ang mga bagani noon. Upang mapalakas pa ang pwersa ng bawat pangkat; upang mas lalong maipagtangol kami sa mga kalaban kung kaya't sa mga alay niya lamang ako nangangarap na kasama ko siya sa ano mang oras.
Matapos niyang mamili ng kaniyang susuotin ay bumaba na kami. Nais naming maligo sa batis ngayon kasama ang ilan sa mga kababaihan.
May mga bantay sa labas ng aming tahanan at wala si ama, marahil ay nasa mga bagani o may mahalagang gawa.
Paalis na sana ako sa aming bakuran nang matanaw si Paubari sa hindi kalayuan. Napahinto ako upang pagmasdan siya.
"Tunay ngang lahat ay kaya niyang gawin para sa iyo."
Hindi ko mapigil ang muling pagkurba ng aking labi sa mga namamasdan ko.
Hawak niya ang panibak ng kahoy habang ang kaniyang buhok na hanggang balikat ay isinasayaw ng hangin. Inayos pa niya ang tela sa kaniyang ulo at muling nagpatuloy.
Tanaw ko ang gandang lalaki nito na kahit pinuno ng pawis ang kaniyang mukha ay hindi mo maikakaila. Makapal ang kaniyang kilay at mapungay na mga mata, maganda rin ang kurba ng kaniyang mga labi na minsan ay kaniyang binabasa. Ang kurba ng kaniyang panga ang mas lalong nabibigay buhay sa kaniyang mukha.
Hindi ko kayang ikaila ang katawan nitong parang bato. Dumadaloy sa kaniyang dibdib ang pawis na tila ba'y nagbibigay pa ng liwanag sa mga tatak na nasa katawan nito na sumisimbolo ng katapangan.
Abala siya sa mga kahoy na kaniyang sinisibak kung kaya't batid kong hindi niya kami napansin. Ito siguro ang kanilang usapan ni ama, marahil ay siya pa ang umakyat ng bundok upang manguha ng mga kahoy.
"Kung ang tingin ay kayang tumunaw, marahil ay wala na siya sa kaniyang kinatatayuan." Pagbibiro pa ni Suklang Malayon na may pang-aasar na ngiti.
"Minamasdan ko lamang ang kaniyang ginagawa." At mabilis akong umiwas nang tingin.
"Hindi iyan ang isinasagot ng iyong namumulang mukha. Kapatid mo ako kung kaya't alam ko ang bawat mong tingin." Pilit niya akong tinitigan at pilit naman akong umiiwas.
"Tumigil ka na nga sa iyong ginagawa. Para kang isang bulati na iniligo sa dagat." Natatawang saad ko riti habang patuloy na umiiwas sa kaniyang mukha.
Sadyang napaka kulit talaga ng isang ito, kapag may nais siyang malaman ay hindi ka titigilan. Pero ang isang bagay na maganda sa kaniya ay ang talas niya sa pag-iisip at pagiging maparaan. Siya ang madalas parusahan noong mga bata pa kami dahil sa madalas niyang pangangatwiran. Madalas siya ang gumagawa ng paraan kapag nais naming may gawing bagay na labag sa pag-uutos ni ama.
"Mukhang may kasiyahang nagaganap dito?"
Agad kaming napahinto nang marinig ang boses na iyon.
Si Paubari, narito na kaagad siya? Kanina'y abala sa pagsibak ng kahoy. Matagal ba ang aming biruan o sadyang maliksi lamang siya?
"May pinag-uusapan lamang kami. Tapos ka na pala sa iyong ginagawa?" Pilit akong ngumiti rito.
"Mabilis kong tinapos ang gawaing iyon. Saan pala ang tungo ninyo?" tanong nito habang maganda ang tindig sa aming harapan.
Halos kapusin ako sa aking paghinga. Sadyang nakakaakit ang kaniyang mukha, maraming kababaihan din ang nahuhumaling sa kaniya kung kaya't alam kong mapalad pa rin ako, sapagkat sa akin siya'y umiibig.
"Sa batis, nais naming maligo. Dahil baka ang aking kapatid ay iyong iwan sa oras na maamoy mo siyang hindi kaaya-aya."
Halos mabali ang leeg ko sa pagharap kay Suklang Malayon, na halos maputulan na ng paghinga sa pigil na tawa.
"Ayan ang bagay na hindi mangyayari. Sa kahit anong amoy mo ay sadyang nakakapanabik sa akin."
Kumawala ang kung anong bagay sa aking katawan matapos akong hawakan nito sa baba at iharap sa kaniya.
Wala na akong kawala sa kaniya. Matagal na niyang bihag ang puso ko na mas lalo pa niyang ginugulo ngayon. Napatitig ako sa mga mapang-akit nitong mga mata, sadyang sa bawat gulo ng hangin sa kaniyang mahabang buhok ay para na rin nitong ginugulo ang kalamnan ko.
"Oras ay sadyang mabilis na lilipas kung magtititigan lamang kayo. Marahil ay tuyo na ang batis ngutin patuloy pa rin kayo sa inyong gawa," wika ni Suklang Malayon na parang paslit nakatingin sa amin sa isang gilid.
Agad akong umiwas sa mga mata nitong binihag maging ang kaluluwa ko.
"Humayo na kayo. Naipaalam na kita sa iyong ama na isama sa Sinibuyang Hingpit, ngunit sa kondisyong kailangan kong matapos ang pagkuha at pagsibak ng kahoy bago sumapit ang tanghalian."
"Sadyang napakakisig mo Paubari, kung kaya't hindi ako nagtataka kung bakit ang mga mata ng aking kapatid ay halos mapako na sa iyo at sa iyong… katawan."
"Suklang Malayon! Halina't humayo sa batis, marahil ay hinihintay na tayo ng ating mga kasama."
Pilit ko siyang hinila paalis upang hindi mapansin ni Paubari ang pamumula ng aking mukha.
"Maari bang bumagal tayo sa paglalakad?" Hinahapo niyang tanong ngunit hindi ko binigyan nang pansin.
"Ano ba ang iyong ginagawa? Tunay lamang naman ang aking winika. Kung tumitig ka sa kaniya ay halos lumuwa na ang iyong mga mata." Mahinang impit ng pagtawa nito.
"Hindi mo na dapat pa iyon sinabi sa kaniya. Nais mo ba akong ipahiya?" Matapos ko itong sabihin ay huminto kami.
"Mukhang natuwa pa nga siya sa aking sinabi. Hindi mo ba nabakas sa kaniyang mukha ang pagngiti?"
Kung sa pangangatwiran lamang ay hindi ko kayang manalo sa aking kapatid.
"Kahit pa. Huwag mo na ulit iyong gagawin,” pagsusumamo ko rito.
"Hindi ko kayang ipangako. Tila ang mga bibig ko ay may sariling pag-iisip. Kusa na lamang ito nagbibigkas ng mga salitang nais nito."
Napapikit ako at kumawala ng malalim na paghinga. Kung hindi ako tatahimik ay hahaba ang aming usapan, na sa huli ay ako pa rin ang talo.
Sa ilang libong beses naming pagtatalo ay siya na naman ang nanalo.
"Narito na pala sina, Alunsina." Masayang saad ni Mayari na iwinagayway pa ang kaniyang palad. Malawak ang aking ngiti at nagtungo sa kanila.
Matapos naming maghubad ay lumusong kami sa malamig na batis upang sumama sa kanilang usapan.
Ang batis na ito ay para lamang sa mga kababaihan kung saan na sino man ang lumabag at mangahas na pumunta rito ay may kaparusahan. Sa lugar kasi na ito ay sadyang hayag ang aming katawan kung kaya't lubos na ipinagbabawal ang sino mang kalalakihan ang makisabay o ang magtungo rito.
Kamatayan ang mabigat na kaparusahan sa sino mang mahuli na malapit dito. Itinatali sa puno ng kahihiyan ng ilang araw, walang pagkain at inumin. Hinahayaan ang unti-unting pagkamatay. Ganito rin ang parusa sa sino mang lumapastangan o manakit ng sino mang kababaihan.
Marami kaming narito at ang iba ay may kaniya-kaniyang usapan. Masasayang tawanan ang iyong maririnig, kabilang ang huni ng mga ibon at ang ingay na gawa ng mga dahon na isinasayaw ng hangin.
"May balita akong narinig. Si Paubari ba'y may basbas na ng iyong ama?" Napatingin ako kay Mahalimuyak matapos niya itong tanungin. Napansin ko rin ang iba sa kanilang pagtigil.
"Tama nga ang balitang iyong natanggap. Bago sumilay ang haring araw ay nasa aming tahanan na si Paubari." Mabilis na sagot ng aking kapatid na akala mo ay siya ang tinatanong.
"Sadyang napaka palad mo Alunsina,” saad ni Mayari habang palapit sa amin. Ang lahat ng kababaihan ay sa amin na rin ang tuon.
"Kay tagal ko rin itong dinasal sa mga Anito at ngayon ay dininig na nila." Mahinahong sagot ko sa kaniya. Tanaw ko ang mga kinang sa kanilang mata, batid kong halos lahat sila ay minsang pinangarap na makasama si Paubari dahil sumula noon ay maingay ang kaniyang kagitingan at ang kaniyang Kagandahang lalaki.
"Nawa'y dingin din ng mga Anito ang hiling ko para sa amin ni Mabu."
Nabaling ang tingin ko kay Mahalimuyak nang bigla niya itong sabihin. Nakataas pa ang kaniyang ulo sa langit at hawak ang dalawang palad na tila nagdarasal.
"Hin–"
Agad napatigil si Suklang Malayon nang hinawakan ko siya sa kamay. Alam kong nag-aalab na siya ngayon dahil sa kaniyang mga narinig.
"Ano ba ang mayroon sa inyo ng isang bagani na iyon?" Si Mayari na ang nagtanong.
Tumingin ako kay Suklang Malayon upang balaan siyang huwag munang magsalita. Alam kong kaya niya akong pakinggan.
Si Paubari at Mabu ang isa sa magigiting at malalakas na bagani. Sa kanilang pagsasanay ay palaging sila ang nangunguna. Hindi rin maikakaila ang gandang lalaki nito dahil sa kaniyang unang tingin pa lamang ay sadyang bibigay ka lalo na kapag ang mapang-akit nitong tingin ay sinabayan ng ngiti, panigurado akong kahit ikaw pa ang pinakamatigas na puso ay sadyang magiging malambot.
Iyan ang dahilan kung bakit nahuhumaling ang aking kapatid. Matalik na magkaibigan sina Paubari at Mabu kung kaya't alam kong hindi mapansamantala ang isang iyon.
"Hindi ko mawari. Sa tuwing may pagsasanay sila ay nagdadala ako ng makakain niya, ngunit ito'y kaniya lamang tinatangihan. Ngumingiti naman siya sa akin at batid kong may lihim siyang pagtingin sa akin,” sagot ni Mahalimuyak.
"Marahil ay may iba siyang napupusuan?" Agad kaming napatingin kay Suklang Malayon matapos niyang magsalita.
"Ngunit wala naman kaming nababalita sa kaniyang tunay na mahal,” sagot ni Magwayen mula sa likuran.
"Sa aking balita'y may isang mapalad na ang nagmamay-ari ng kaniyang puso at hindi maglalaon ay hihingiin nito ang kaniyang kamay mula sa mga magulang nito," wika ni Mayari na ang mga mata ay tutok sa aking kapatid. Marahil ay alam niya ang lahat ng lihim.
"Isang mapalad na nilalang."
Agad akong kumawala ng isang malalim na paghinga matapos nilang humiwalay sa amin at bumalik sa kani-kanilang usapan.
Muli kaming nagpatuloy sa paglangoy. Nakita ko ang mga tingin sa amin ni Mayari kahit pa nasa malayo ito. Marahil ay nakita niya kami noong gabing tumakas kami at narinig ang ilan sa aming mga usapan. Pero labis pa rin ang aking pasalamat dahil hindi pa rin niya naisusuplong ang aking kapatid.
"Sa iyong palagay ba ay hihingiin na ni Mabu ang aking kamay kay ama?" Mahinang tanong ni Suklang Malayon.
"Sa winika ni Mayari kanina ay maari ngang ikaw ang kaniyang tinutukoy."
Sa mukhang kaniyang ipinakita ay nabakas ako ang pag-aalinlangan. Nawa'y dingin din ng mga Anito ang kaniyang dasal upang hindi ko makita sa kaniya ang lungkot. Hindi ako sanay na makita ang aking kapatid na ganito, mas sanay pa akong palagi siyang maingay at palaging nangungulit.
Hinagod ko na lamang ang buhok niya upang gumaan ang kaniyang dinadamdam. Magkasama na kami simula pa noong mga bata pa kami, kahit ako ang mas matanda ay parang siya ang mas madalas na nagpapayo sa akin. Ngayon alam kong kailangan niya ng isang kapatid na sadyang gagabay sa kaniya.
Matapos mamatay ang ikalawang asawa ni ama na siyang ina ni Suklang Malayon ay sa aming tahanan na siya nanirahan kung kaya't halos lahat ng aking gawa ay kaniya ring gawa.
"May pag-aaral pa kami para sa paghahabi ng tela. Mauuna na kami sa inyo Alunsina at Suklang Malayon." Marahang iwinagayway ko ang aking palad hudyat ng pamamaalam sa kanila. Napatingin akong muli kay Mayari na nakangiting nakatingin sa aking kapatid. Hindi namin siya ganoon kasundo dahil palagi siyang ilag sa amin ngunit batid kong mabuti siya dahil sa patuloy niyang pagtatakip sa aking kapatid.
Pinagmamasdan ko sila habang papalayo. Suot din nila ang kanilang mga telang sila mismo ang naghabi.
Lumalamig na ang tubig at napaka tahimik ng paligid. Kaming dalawa na lamang ni Suklang Malayon ang narito.
"Halina't naghihintay na ang iyong Paubari." Panunuksong saad nito.
"Tumigil ka na nga sa iyong panunukso, mas lalo niya akong mahahalata." Mahina kong hinampas ang tubig.
Umahon na kami upang magpunas ng aming katawan. Habang isinusuot ang kulay asul naming damit ay patuloy ang panunukso sa akin ni Suklang Malayon na palagi niyang ginagawa.
"Kung–“
Naputol ako sa aking pagsasalita nang may marinig kaming isang malakas na pagkaluskos mula sa aming kanan. Masukal ang kakahuyan na iyon kung kaya't hindi namin tanaw kung may tao ba roon.
"Pakiwari ko ay may taong nagtatago sa puno na iyon," bulong sa akin ni Suklang Malayon. Alam kong malakas ang kaniyang pakiramdam sa paligid kung kung kaya't hindi ako magdududa na tama ang kaniyang sinabi.
"Bilisan na natin, marahil ay mabangis na hayop iyon." Pakunwari ko sa kaniya. Alam kong tao ang naroon ngunit ayoko siyang matakot. Hindi siya ganoon katapang upang gapiin ang naroon, walang kaming kakayahan kung hindi ang tumakbo.
Mabilis kaming umalis doon, kahit pa mabilis ang kaba ng aking dibdib ay hindi ako nagpatinag dahil alam kong nakasubaybay pa rin ito sa amin. Ramdam ko siya at alam kong ramdam ito ni Suklang Malayon na hindi na lamang ito binibigyan ng pansin.
Habang pabilis ang aming lakad ay pabilis din ang lapit nito sa amin. Napakapit sa akin si Suklang Malayon at ramdam ko ang panginginig ng kaniyang mga palad. Palinga-linga kami sa masukal na daan, alam kong hindi siya nag-iisa dahilan kaya mas lalo akong natatakot.
"Suklang Malayon."
Sabay kaming napasigaw nang bumungad sa aming harapan si Mabu.
Hapong-hapo kami sa paghinga at napatigil. Maging ang mga hindi namin makita ay tumigil na rin. Napalingon pa ako sa paligid at ramdam kong umaalis na sila pero sadyang mabilis pa rin ang kaba na aking nadarama.
"Ano ba't nagmamadali kayo?" Pag-aalalang tanong nito.
"May nararamdaman kaming sumusunod sa amin at hindi lamang ito isa."
Mababakas ang takot sa boses ni Suklang Malayon, na ngayon ay nakakapit na sa braso ni Mabu. Humakbang ako patungo sa likuran nila. Mula sa kaniyang kanang kamay ni Mabu ay hawak nito ang kaniyang kampilan, upang kung sakaling may umatake ay kaniyang magagapi.
Matagal din ang aming pagtayo roon ng walang lumalabas na kalaban.
"Marahil ay hayop sa gubat lamang iyon. Halina't ihahatid ko na kayo sa inyong tahanan."
Sumama kami kay Mabu. Alam kong hindi iyon mga hayop sa gubat. Sadyang sumunod sila sa amin at noong mamataan na may kasama kami ay doon sila umatras.
"Paano mo nalamang naroon kami?" tanong ni Suklang Malayon.
"Nagtungo ako sa inyong tahanan upang makausap sana ang Datu, ngunit wala siya roon. Naabutan ko si Paubari at kaniyang sinabi na nasa batis kayo." Makisig na sagot nito.
"Nais mo kaming puntahan sa batis? Alam mong ito'y bawal." Marahan siyang natawa sa aking naiwika.
"Batid ko iyon kung kaya't sa labas lamang ako nag-antay kung saan naabutan ko kayong tumatakbo na tila may tinatakasan." Napatango na lamang ako sa kaniyang sinabi.
Habang kami'y palapit sa aming tahanan ay hindi pa rin maalis sa aking isipan ang nangyari kanina. Sino nga kaya ang mga mapangahas na nagawang labagin ang batas.
Nanatili akong tahimik at hindi napansin na nasa harap na kami ng aming tahanan kung saan naroon ang ama at ina ni Mabu dala ang ibang mga prutas, kambing, manok at kalabaw.
"Ano ang ibig nitong sabihin?" Pagkabigla ang mababakas sa tanong ni Suklang Malayon.
"Katulad ng aking pangako, hihingiin ko na ang iyong kamay sa mahal na Datu." Masayang sagot ni Mabu.
Marahan kong hinawakan ang kamay ni Suklang Malayon upang magbigay ng pagbati.
"Masaya ako para sa inyong dalawa. Mauuna pa ata kayong ikasal.”
"Dininig din ng Anito ang aking kahilingan." Masayang tugon niya. Mabuti naman at haharap na si Mabu kay ama upang hingin ang kaniyang basbas.
"Maiwan ko na muna kayo. Tiyak ay parating na rin si ama. Nais kong makausap si Paubari." Pagpapaalam ko sa kanila. Hinagkan ko ni Suklang Malayon bago ako tuluyang nagtungo sa likod-bahay kung saan abala si Paubari sa mga sibat na kaniyang ginagawa.
Inayos ko muna ang aking damit upang maging kaaya-aya sa kaniyang paningin. Kumurba ng ngiti at sinimulan ang paglakad palapit sa kaniya.
"Hindi ka pa ba pagod sa iyong ginagawa?"
Napatayo siya at umayos ng tindig. Malawak rin ang kaniyang mga ngiti.
"Kung ang bagay na aking gagawin ay para sa iyo, hindi ito magiging kapaguran, dahil ang mga ngiti mo ang siya kong nagiging pahinga."
Marahan kong inipit ang aking buhok sa likod ng aking tainga at lalong lumawak ang ngiti.
"Nariyan si Mabu upang hingin ang kamay ng aking kapatid. Mukhang mauuna pa silang ikasal sa atin,” saad ko rito na ikinatawa niya.
"Nais mo bang unahan natin sila?" pagbibiro nito. Marahan akong tumawa sapagkat hindi ko alam ang aking isasagot. Lumakad ito palapit sa akin at humawak sa aking pisngi.
"Nais ko mang pakasalan ka bukas ay batid kong hindi pa ito ang iyong nais. Kilala kita mas higit pa sa pagkakakilala ng iba. Batid kong may nais ka pang gawin kung kaya't hindi ko ito minadali."
Hindi nga ako nagkamali ng lalaking inibig, sapagkat mas inaalala niya kung ano ba ang tunay kong kaligayahan.
"Nais ko mang matulungan ka sa bagay na ito alam kong hindi payag ang iyong ama. Ngunit gumagawa ako ng ilang hakbang upang maisakatuparan mo ang matagal mo ng nais."
Halos mapunit na ang aking labi sa lawak ng ngiti. Sadyang mapalad nga ako sa lalaking ito, hangad rin niya kung ano ang tunay na magpapaligaya sa akin.
Sadyang hindi na ako makakahanap pa ng ibang lalaking mas hihigit sa kaniya. Maliban sa kaniyang kagitingan ay ang kaniyang busilak at tapat na kalooban. Papiliin man ako ng ilang beses sa aking mga susunod na buhay, sadyang siya lamang ang nag-iisang lalaking hahanapin ko.
"Nababakas ko ang tunay na ligaya sa iyong mga mata mahal ko. Ngunit huwag kang tumangis sapagkat ang puso kong iyong nasasaktan."
Pinasadahan nito ng kaniyang malapad na palad ang aking pisngi. Hindi ko pansin ang luhang tumulo sa aking mga mata.
"Bumalik ka na sa kanila, upang iyo ring masaksihan ang kaligayahan ng iyong kapatid."
Matapos niyang ayusin ang aking buhok ay humalik rin siya sa aking noo na kahit sandali lamang ay naghatid ng ligaya sa aking puso.
Katulad ng kaniyang utos ay nagbalik ako at nadatnan si ama na nakikipag-usap sa kanila. Tumabi ako kay Suklang Malayon. Hindi mawala ang ngiti sa kaniyang mga labi habang tutok ang mata kay Mabu.
"Mahal na Datu Lapu-Lapu, nawa’y tanggapin mo ang aming alay. Nais ng aming anak na hingin ang kamay ng mahal na Suklang Malayon. Narito ang mga prutas, isda, kambing, manok, baka at ilang ginto na aming handog para sa inyo."
Nanatili akong nakatingin kay ama na maganda ang tindig sa harap nila.
"Maganda ang ating samahan at batid ko ang galing sa pakikipaglaban ng inyong anak kung kaya't alam kong magiging mabuti ang lagay ni Suklang Malayon."
Nang sabihin ito ni ama ay mabilis kaming nagkatinginan ni Suklang Malayon. Batid kong payag na si ama sa kanilang dalawa.
"Kung gayoon mahal na Datu, kailan ninyo balak ganapin ang kasal?" tanong ni Mabu.
"Sa susunod na ika-labing apat na araw."
Magkayakap kami ni Suklang Malayon habang nakatingin pa rin sa kanila. May iilan pang hiling si ama na hindi naman tinanggihan ni Mabu na halata ang tunay niyang pagkatuwa.
Masaya ako para sa kanilang dalawa, ito ang matagal na nilang nais at kita ko ang pagmamahal sa kanilang mga tingin.
Matapos ang usapan ay agad kaming nagtungo ni Suklang Malayon sa aming silid.
"Napakasaya ng aking puso!" tuwang saad nito habang may mahinang pagtalon. "Hindi ako binigo ni Mabu. Humarap siya kay ama," dagdag pa nito habang malawak pa rin ang ngiti at nakahawak sa kaniyang dibdib.
"Nawa'y maging masagana ang inyong pag-iibigan at magkaroon kayo ng maraming anak upang sa susunod ay maging isa ring magiting na bagani."
Nawa'y ang hiling na ito ay bigyang gabay ng mga anito.
Ang lahat ng maganda ay nais kong pamasakanila, nais ko ang kaligayahan nilang dalawa.
"Nawa'y ganito rin ang mangyari sa inyo ni Paubari, hangad ko rin ang inyong masaganang pag-iibigan." Napatingin ako sa kaniya habang palapit sa akin. Humawak siya sa aking braso at tumingin sa aking mga mata.
"Nais ko ring matupad ang bagay na matagal ng ninanais ng iyong puso. Ang pagiging palaban at magiting na nahula ng punong babaylan noon."
Tumango ako sa kaniyang sinabi. "Pangako, mangyayari ang bagay na iyon." Agad ko siyang hinagkan.
Maaring iba ang nais ko sa dapat na ginagawa ng karaniwang kababaihan, ngunit nais kong gawin ang tunay na dinidikta aking ng puso na kahit kay tagal kong pilit huwag isipin ay kusang bumabalik. Lalo na't may mga taong naniniwala sa kakayahan ko.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (46)

  • avatar
    Reymond Cinco Almencion

    5000

    30/05

      0
  • avatar
    Pings Tngcay

    500

    19/04

      0
  • avatar
    Erenel James Magno

    🥰😍😍😍

    13/04

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด