logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 2

Natapos nang matiwasay ang asignaturang pinag-initan pa ng mga kaklase ko, hindi maiwasang magkaroon ng debate dahil sa kasal na iyon. Hindi ko lang naman makuha ang pinupunto kaya ako nagtanong, hindi nila makuha ang ibig kong sabihin.
Palibhasa masaya sila.
Tahimik lamang na binabaybay ko ang daan pauwi sa amin, katulad ng dati ay naglakad na naman ako. Hindi ko ininda ang pagod dahil sa daldal ni Mich na pilit inuungkat ang mga nangyari kanina, hindi pa sana ako titigil sa pagtatanong kanina kung hindi nagsalita si Mich.
Bumuntong hininga na lang ako dahil sa pagtalisod nito sa isang bato na nakausli.
"Daldal pa," natatawang sinabi ko rito habang nagrereklamong masakit ang daliri sa Paa.
"Nasaan ba kasi ang ilaw dito? Nakaka-punyeta ah, nagsesermon ako tapos ganito, nagbabayad ang mga tao ng buwis tapos wala man lang ilaw sa posteng 'yan," turo nito sa posteng katapat namin na wala man lang ilaw.
Tanging ilaw lamang ng sasakyan ang nagbibigay liwanag sa daanan namin, delikado dahil nasa gilid kami ng kalsada na samo't saring mga sasakyan ang dumadaan.
"Edi magsumbong ka sa Meralco, kahit anong gawin mong daldal diyan, hindi sasagot ang poste na yan," sabi ko rito saka nagpatuloy sa paglalakad.
"Pero seryoso tih, ayusin niyo yan, kausapin mo magulang mo, hindi naman ganyan ang parents mo noon diba? Baka May problema lang kaya ganyan," mahinahon nitong sambit.
"Alam mo, kung ayaw nilang mag-ayos wala akong magagawa, may mga bagay na hindi dapat ipilit Mich," mahinang sambit ko saka lumiko.
Nagpaalam na ito dahil sa kabilang lugar pa ang kanila, madilim at maingay pa rin, nasanay na lang akong ganito sa skwater area, kung hindi sigawan ay malalakas na tugtugan ang bumabalot sa buong lugar, at kung minsan ay may mga kabataang nag-aaway pa.
Tuloy-tuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa matanaw ko na ang iskinita, maingat lamang ang aking paglalakad dahil sa mga kahoy na nagsisilbing pangtawid papunta sa unang pinto, kapag nagkamali ka ng pagtapak ay pwede kang mahulog sa marumi at mabahong kanal.
Hindi pa man ako nakakapasok ng bahay ay tiningnan ko agad ang lagayan ng mga tsinelas, napangiti ako ng kaunti dahil wala roon ang tsinelas ni papa. Masama ba akong anak kung sasabihin kong nagiging payapa lang ang isipan ko kapag wala ang sarili kong ama?
"Ma?" tawag ko kay mama.
Maliit lamang ang bahay na inuupahan namin, pagkapasok pa lang ng pintuan ay bubungad agad ang maliit na kusina, katabi nito ang lababo at doon na rin nag sala, ang kwarto naman namin ay hinaharangan lamang ng kurtina upang hindi makita sa labas kung nakabukas ang pinto.
"Eunice, na saan si Mama?" tanong ko sa kapatid kong abala sa paggawa ng takdang aralin.
"Na kay Ate Lea, pinapautang ni papa para bumili ng bigas," simpleng saad nito saka ako napairap.
Utang, utang na naman. Halos hindi na kami makabayad-bayad sa mga pinagkukuha niya tapos uutang na naman.
Buong gabi ko na lang inabala ang sarili ko sa paggawa ng mga kailangang ipasa, tinitiis ang ingay ng magkabilang bahay dahil dikit-dikit lamang rito at mahilig pang mag-sigawan.
Napatitig na lang ako sa sitwasyon namin, ilang taon na ba kaming nagtitiis sa lugar na ito? Hindi ako pinalaki ng maarte pero gusto ko ng umalis sa skwater, hindi namin kasundo ang mga kapitbahay at mas lalong lagi nilang pinagtutulungan si Mama sa tuwing wala si papa, na kesyo hindi nakikisama. Nakakatawa lang dahil hindi naman nila ikamamatay kung ayaw makipag-usap sa kanila ni Mama, atleast si mama hindi plastik, kapag ayaw niya sa isang tao, ayaw niya.
"Anong oras na Darwin? Nagugutom na mga anak mo oh... Pakikisama? Ayan na lang ba lagi? Mapapakain ka nang pakikisama mo itong mga anak mo?..." rinig kong sabi ni mama sa de pindot na selpon.
Tanging bigas lang ang nautang ni mama dahil nga matagal na kaming hindi nakakabayad, kumakain lang kami kung kailan darating ang ama namin, ang walang kwenta kong ama.
Pakikisama? Hindi ko alam kung anong meron sa pakikisama at bakit kailangan iyan, hindi ko alam kung kaya ba yang baguhin ang estado ng buhay namin.
Madalas na lang siyang umuwi kung anong oras ang gusto niya, halos araw-araw lasing at kami ang pinag-iinitan.
"... Magagaling lang naman yang kainuman mo kapag may pera ka! No'ng nagkasakit si Dhaniel, pinautang ka ba? Binigyan ka ba kahit pang-pa-check-up?... Kapag wala kang pera dinadaanan ka lang ng mga yan, titirik na ang mata ng mga anak mo tapos nandyan ka sa pakikisamang yan! Wag ka na lang umuwi!"
Tuluyan nang ibinaba ni mama ang telepono at narinig pa ang sunod-sunod na pagmumura. Napasulyap ako sa dalawang maliliit na lalaki na naglalaro lang, hindi ko maiwasang maawa kay mama. Naaawa ako sa kalagayan namin, regular ang trabaho ni papa pero hindi ko alam kung bakit wala siyang naiipon, sa tuwing may suweldo laging napupunta sa mga utang, pambayad sa upa, sa kuryente at tubig, kaya minsan ay wala kaming ma-kain.
"Mag-sardinas na lang kayo, wag niyo nang hintayin ang ama niyo," inis na sinabi ni mama.
Nagpasya na akong tumayo mula sa kamang kahoy na pudpod na, itinabi ko na muna ang mga gamit ko upang matulungan siya sa pagbaba ng mga plato dahil sa sahig lamang kami kumakain.
"Kaya kayo, wag kayong nagmamadali sa pag-aasawa, kung ayaw niyong maranasan ang nakikita niyo sa akin mag-aral kayo, mag-sawa kayo sa buhay dalaga, mag-trabaho kayo. Hindi iyong, Maniniwala kayo sa pangako ng mga lalaki, tandaan niyo 'to, hindi kayo mapapakain ng mga pangako at mabubulaklak na salita ng mga yan, kaya wag kayong nagmamadali," pangangaral nito habang nilalagyan ng kanin ang plato ng mga kapatid ko.
Ramdam ko sa boses ni mama ang pagsisisi, kung kaming mga anak niya ay nahihirapan na, mas lalo naman siya. Tiniis niya lahat ng panunumbat ni papa, Saksi ako sa ilang beses na pag-iimpake ni Mama pero hindi iyon natutuloy dahil sa pag-iyak namin.
Hanggang kailan ba ako iiyak? Aminado ako sa sarili kong hindi ko kayang mag-isa, hindi ko kayang wala si Mama. Mas pipiliin ko lang mag-hirap kami ng kasama si Mama.
Natatakot ako na baka dumating ang araw na kaming mga anak nila ang maghihirap, ayokong dumating ang araw na kailangan naming mamili kung kanino kami sasama. Gusto kong piliin si Mama, pero paano si Papa? Gusto kong manatili kami sa iisang bahay kahit na malamig na ang pagsasama nila. Maging buo lang. Kahit 'yon na lang.
Kinabukasan ay maaga akong nagising, nakahilata pa silang lahat, sa sala natutulog sila mama at papa kasama ang dalawang maliliit kong kapatid, habang kami naman ni Eunice ay dito sa loob at nagkakasya sa sirang foam.
Maingat ang pagkilos ko, pero sadyang malakas ang pakiramdam ni mama kaya nagising din ito.
"May praktis kayo?" tanong nito na halatang inaantok pa.
"Opo, maliligo lang ako," mahinang sabi ko rito.
Napansin ko ang pagkuha nito ng takure at nagpainit pa ng tubig. Nang matapos akong maligo ay ininom ko agad ang kapeng tinimpla ni Mama saka kumain ng kanin at nilagyan ng lamang ng toyo at mantika upang magkalasa.
Hindi naman na iba sa'kin ang pag-ulam ng ganito, madalas na asin ang inuulam namin kung walang pambili ng toyo, ma-swertihan na lang kung makatikim kami ng manok, na inutang.
Nag-paalam na ako kay Mama na kasalukuyang nagtutupi ng mga damit at hindi na nagpaalam kay papa dahil nahihimbing pa.
Pagkalabas ko sa iskinita ay mataman akong tinitingnan ng mga kapitbahay namin, ramdam ko ang titig nila kahit na nakatalikod na ako, sanay naman na akong pinag-uusapan at ginagawan ng maling kwento. Sila ang dahilan kung bakit nawawalan ng tiwala sa akin si Papa, palibasa'y kay papa lang sila nakikipag-usap at kaya nilang utuin si papa.
Maayos na natapos ang praktis namin para sa El Filibusterismo na aming itatanghal, ito na ang huling markahan at dapat ko lang mas igihan dahil papalapit na ang senior high school, wala kaming sapat na pera upang makabayad ng tuition kaya aasa ako sa scholarship, sana palarin akong makapasa.
"Cath! Si Yohann o, nakatitig na naman sa'yo, yieeee!" rinig kong tawag ni Gerald sa'kin.
Napalingon ako sa likuran ko, namataan ko roon si Yohann na taga-section one na nag-iwas ng tingin saka tinulak si Gerald. Umalis agad ito papalayo at naiwang tumatawa ang isa.
Hindi ko na lamang iyon pinansin, hindi ko alam kung bakit niya pa ginagawa iyon e, nakaraang taon ko pa siya kinausap na itigil ang kabaliwang iyon, hindi ako handa sa relasyon dahil wala naman akong alam sa ganyan, at may mga bagay pa akong kailangan na gawin.
Pag-ibig ang sisira sa buhay ko. Kaya hindi pwede.
"Sungit mo sa kaniya," ngusong sambit ni Mich katabi si Gerald na takam na takam sa fishball.
"Anong gagawin ko? I-entertain ko?"
"Malamang tih, gwapo naman 'yong tao o, maraming talent, matalino, mayaman, oh! Sa'n ka pa? Baka siya na ang way para yumaman ka," bulong nito na tinanguan ni Gerald.
"Tagal nang nanliligaw sa'yo 'yon e, tibay talaga, haba ng hair mo Cath," pang-aasar nito.
"B*bo! Kagugupit lang niyan no'ng nakaraang linggo!" pabarang sagot ni Mich at nagsimula nang magtalo.
Muli akong sumulyap kung saan ang pwesto ng mga section one na abala sa paggawa ng props, El Filibusterismo rin ata ang gagawin nila. May itsura nga siya, lahat nasa kaniya niya. Hindi ko alam kung bakit siya pumapatol sa gaya ko na kabaliktaran ng estado nila.
Pero mabilis na nanlaki ang mga mata ko nang nahuli ako nitong nakatingin sa kaniya, ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko at hindi ko alam kung bakit.
Kumaway ito at binigyan ako ng matamis na ngiti saka ko tuluyang naiwas ang paningin ko.
"Hindi mo malalaman kung matino ang isang lalaki kung hindi mo susubukan, grab na Cath, kailangan mo ring mag-enjoy, wag yong aral lang nang aral, bigyan mo ng oras ang sarili mo," pabulong na sinabi ni Mich saka sila nagtinginan ni Gerald at nag-kindatan.
Bumuntong hininga na lang ako saka sila tinalikuran, ayokong magpa-apelto sa mga sinabi nila, hindi sulusyon ang pagkakaroon ng kasintahan para lang maging masaya. Sadyang hindi ko lang talaga alam sa ngayon kung ano ang makakapagpasaya sa akin.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (78)

  • avatar
    Neneng Virtudazo

    wow nice

    12d

      0
  • avatar
    Ikha Dagupion

    Ang Ganda po

    14d

      0
  • avatar
    peratercharisa

    nice

    04/08

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด