logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

4

"ANO'NG trip na naman ba ito, Callie?" iritadong tanong sa kaniya ni Lock nang puntahan niya sa bahay nito kinabukasan. Naabutan niya ang binata sa garahe, binubutingting ang isa sa motorbikes na pag-aari. "Nakaraan lang si Reeve ang inuusisa mo sa akin. Ibang lalaki na naman ngayon. Nag-aalala na ako sa'yo, hija."
"May kailangan nga ako sa kaniya." As soon as makaalis si Auntie Lucila kahapon, s-in-earch niya si Ben Brandon sa social networking sites. Pero wala siyang napala. Until she saw Lock's name on her friend list. Konektado ang dalawang lalaki dahil magka-team ang mga ito. Naalala niya rin na nagkaroon ng reunion sa Singapore ang Cyclone two years ago. Posible na dumalo roon si Ben at nagkaroon uli ng komunikasyon ang dalawa. Tinawagan niya si Lock pero ang damuho, ayaw sumagot. Kaya hayun siya, personal na itong sinadya. Mabuti't sa iisang subdivision pa rin sila nakatira.
"Naka-move on ka na agad kay Reeve? Si Ben na ang next target mo ngayon? Geez, Callista." Tinalikuran siya nito at muling binalingan ang motorbike.
"Sagutin mo na lang ang tanong ko, Lucardo! Alam mo ba kung nasaan matatagpuan si Ben Brandon?" Nakita niyang napangiwi si Lock nang sambitin niya ang totoo nitong pangalan.
Humarap uli sa kaniya si Lock at mataman siyang tinitigan. "You know what's weird?"
"Your feelings with Eury?"
"What? Sino ang magkakagusto sa amazonang iyon?" defensive nitong tanong. Pinaikot niya lang ang mga mata. As if hindi niya halata na may lihim na pagtingin ang lalaki sa pinsan niya. Tumikhim si Lock. "What's weird was, inusisa ka sa akin ni Ben noong huling beses kaming nagkausap."
"So may communication nga kayo ng taong iyon."
"He even said he dreamt of you." Ngumisi si Lock. Mulagat naman si Callie. Napanaginipan siya ng butiking iyon?
Bakeeet?
"Weird, right? Bakit mapapanaginipan ka no'n? Then here you are, asking about him. Umamin ka nga, Callie, anong relasyon ninyo ni Ben?"
"Wala! May kailangan lang nga ako sa kaniya." Paulit-ulit na lang siya.
"I don't know, Callie, but I can smell something fishy here. Besides, hindi ko puwedeng basta ibigay na lang ang kinaroroonan ni Ben. Kaibigan ko 'yon pero may respeto ako sa privacy nu'ng tao."
"Wala ka bang tiwala sa akin? Wala naman akong gagawin sa friend mo."
"Wala nga ba?" Humalukipkip si Lock. "Ano ang kailangan mo kay Ben?"
Kinagat-kagat niya ang loob ng bibig, nagtatalo ang isipan kung dapat ba niyang sabihin kay Lock. Baka pagtawanan siya nito? Pero alam na ni Lock ang tungkol sa sumpa ng mga Rosanta. Alam na rin ng buong pamilya nito. And if that's the only way to get an access to that Ben Brandon, then fine, sasabihin na niya.
"M-May kinalaman ito sa sumpa ng mga Rosanta," panimula ni Callie at pinag-aralan ang reaksiyon ni Lock. Nada. Tumaas lang nang bahagya ang isang kilay nito. "Alam mo naman ang tungkol doon, 'di ba? Na isinumpa kaming mga babaeng Rosanta na mamalasin sa pag-ibig. Na tatanda kaming dalaga o kaya'y tatandang mag-isa."
"Yeah. And?"
"Ten years ago, binigyan kami ni Auntie Lucila ng amulet. It was called Destiny Maker—mga alahas na may taglay na kapangyarihan. Ayon sa kaniya, tutulungan kami no'n na ilayo sa sumpa ng pamilya namin. Instead of getting old alone, it will help us find someone who will grow old with us. Destiny partner ang tawag niya roon. Paano namin mahahanap ang partner na 'yon? By kissing that man while wearing the amulets. Through that, our fates will be connected to each other." Huminto siya upang sumagap ng hangin. Si Lock naman ay malalim na ang gatla sa noo. He had this thoughtful and confused look on his face. Kinakamot-kamot din nito ang baba, isang habit na ginagawa nito kapag may pilit na inaalala o may naaalala.
"Okay. So, what was Ben's role in here?"
Hindi siya nakatugon agad. Tila may kung anong nakabara sa lalamunan niya. She can't just tell Lock that she kissed that man.
"Well, I...I—"
"You kissed Ben," sansala ni Lock, his eyes grew wide. "Sa kaniya mo ginamit ang Destiny Maker? Wow, Callie. I didn't know you have a thing for him."
"Excuse me! That was an accident! Hindi ko sa kaniya iyon dapat na nagamit. It was meant for somebody else. Kaya nga kailangan kong mahanap ang lalaking 'yon. Kailangan kong i-revoke ang ginawa ng Destiny Maker sa amin. Kapag hindi ko nagawa iyon, makakatuluyan ko ang taong 'yon."
"Ben. His name is Ben. Masanay ka nang tawagin siya sa pangalan niya. Because who knows, you really might end up with him, Future Misis Brandon."
"Ugh!" pakli niya at mahinang sinipa si Lock sa binti. "Ano na? Sinabi ko na ang rason ko. Ibigay mo na ang kailangan ko."
"Parang ayoko na lang. Sinabi mong konektado na ang mga tadhana ninyo, 'di ba? Ibig sabihin, kahit ano'ng mangyari, magkikita at magkikita kayo. Bakit hindi mo na lang hintayin ang panahon na 'yon? Ahh, mukhang makakapagsuot na naman ako ng barong, ah." Sa inis niya, bigla itong nag-hum ng "Here Comes The Bride".
"Leche ka. Pagsusuutin talaga kita ng barong—sa burol mo!" sikmat niya, hinampas na ito sa braso. "Ibibigay mo ba ang whereabouts ni Ben o isisiwalat ko ang sekreto mo?"
Huminto ito, nabawasan ang kulay ng mukha. Napangisi naman dala ng tagumpay si Callie.
Nanlalaki ang mga butas ng ilong na lumapit sa kaniya si Lock, pinisil ang magkabila niyang pisngi at yumukod. "Ang sarap mong tirisin, alam mo ba 'yon?" Binitiwan din siya nang hampasin niya ang kamay nito. Dinukot nito kapagkuwan ang cellphone sa bulsa ng shorts at nagpipinpindot doon. Mayamaya ay tumunog ang cellphone niya. "That's me. I sent Ben's address and contact number."
Kinuha ni Callie ang cellphone at binasa ang mensahe ni Lock. Isang address sa Surigao ang nakasulat doon. "Ravenwood Coast, Surigao del Norte," sambit niya. Hindi pamilyar sa kaniya ang lugar. "Ano'ng ginagawa niya ro'n?"
"Sumisisid ng perlas," sagot ni Lock, hinawakan siya sa mga balikat at pinihit patalikod. "Now, shoo."
"Thanks, Lock! Huwag kang mag-alala, safe ang sekreto mo sa akin." Nakangiti niya itong kinawayan. Siya namang busangot ng mukha nito. "Bye, my future cousin in law."
"Huwag ka nang babalik dito utang na loob," anito at isinara sa mukha niya ang gate. Tatawa-tawa siyang umalis. Pagbalik niya sa bahay ay agad niyang hinanap sa Google ang Ravenwood Coast, kung paano makakarating doon at naghanap ng available na flight papuntang Surigao.
****
ALAS tres ng hapon nang sumunod na araw ang flight ni Callie papuntang Surigao del Norte. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya doon kaya hindi muna siya nagpa-book ng flight pabalik sa Maynila. Sina Eury at Hailee ay abala rin sa paglutas sa sariling problema kaya ipinaubaya muna nila kay Yelena ang pamamahala sa Knots 'N Glimmer. Sa simula pa lang kasama na nila ang babae kaya alam na nito kung paano patakbuhin ang shop kahit wala sila.
Kinuha na rin ni Callie ang pagkakataong iyon para makapagbakasyon. Mula kasi nang itayo nila ang KNG, doon na tumutok ang atensiyon niya. Her cousins thought it was a better idea. Matagal na siyang pinu-push ng mga ito na magbakasyon kahit saglit lang. Sa kanilang tatlo, si Callie ang pinaka-workaholic at pinaka-dedicated sa KNG. Kailangan niyang gawin iyon dahil hindi puwedeng mapunta sa wala ang ipinundar nilang tatlo. Isa pa, lahat ng perang naipon niya sa apat na taong pagtatrabaho bilang creative director sa isang advertising agency ay sa jewelry shop napunta.
Pagkalabas ni Callie sa airport, hinanap agad niya ang service van ng Ravenwood Coast. Thirty minutes ang biyahe mula airport hanggang sa resort. Bagong tayo lang ang Ravenwood Coast, wala pang isang taon at base sa mga nabasa niyang reviews sa blogs, okay ang lugar. Nakita rin niya ang mga pictures at hindi nalalayo ang ganda no'n sa ganda ng ibang kilalang beaches sa Pilipinas. At dahil nga iilan pa lang ang nakakaalam ng lugar, hindi pa iyon ganoon ka-crowded. Great. Baka doon din siya makahanap ng bagong inspirasyon para sa susunod na designs na gagawin.
"Nandito na po tayo, Ma'am," anang staff ng Ravenwood na kasama niya sa van. Tomi ang pangalan, nasa early twenties marahil ang edad at may maaliwalas na ngiti. Sumilip sa bintana si Callie. Mula sa car park ay natatanaw na agad ang white beach, may mangilan-ngilang guest siyang nakita na nakahilata sa beach chairs.
"Nice," komento niya nang bumaba at igala ang tingin sa paligid. The resort was situated at the foot of a hillock and on top of the hill stood a white house. Kahit sa malayo, mapaghahalataan na maganda ang bahay. Matataas na punongkahoy ang nagsisilbing bakod niyon. "Puwede bang pumunta doon?" usisa niya kay Tomi, inginuso ang bahay.
"Puwede ho kung may permiso ng may ari. Siya rin po ang may ari nitong Ravenwood."
Tumango-tango siya, inilabas ang cellphone at kumuha ng ilang pictures. Bitbit ang duffel bag, sinamahan siya ni Tomi sa front desk hanggang sa nakatalagang silid niya. May mga cottages at hotel rooms sa Ravenwood. Sa hotel room pinili ni Callie na tumuloy dahil ang mga cottage, nakatayo sa mismong tubig. Hindi siya makakatulog nang maayos kung doon tutuloy. Paano kung biglang magka-hightide? O magka-tsunami? Siya ang unang matsutsugi.
"Enjoy your stay, Ma'am," nakangiting sabi ni Tomi.
"Maraming salamat. Uh, wait. Saan ko puwedeng makita iyong mga sumisisid ng perlas dito?"
"Po?"
"May hinahanap kasi ako, maninisid ng perlas at nandito raw siya sa Ravenwood."
Nagkamot sa sentido si Tomi, naguluhan. "Ang alam ko po, Ma'am, may mga tindera dito na naglalako ng perlas at accessories na gawa sa sea shells sa tabing-dagat. Baka ho alam nila ang tinutukoy ninyo."
Tumango-tango siya at nagpasalamat uli kay Tomi. Pagkalabas nito, agad niyang tinawagan si Lock. Pero ayaw nitong sumagot. Hindi niya alam kung seryoso ito sa sinabing maninisid nga ng perlas ang Ben na iyon. Kagabi, inanin niya ang lahat ng bagay na natatandaan tungkol kay Ben. Ayaw naman kasing magkuwento ni Lock at ayaw niyang mag-usisa sa mga pinsan. Mahahalata ng mga ito na si Ben ang ginamitan niya ng Destiny Maker.
Ben Brandon was the least popular guy in university. Hindi nakatulong na napabilang ito sa kinahuhumalingang Soccer team dati dahil natakpan ito ng anino ng mga naglalakihan at naguguwapuhang ka-team. Ni hindi nga niya alam kung ano ang posisyon nito sa Cyclone o kung paanong nakapasok doon? Never niyang nakitang naglaro ang lalaki sa field. Maybe he did but Callie's attention was on Reeve.
Binalot ng lungkot ang puso ni Callie nang maalala na naman si Reeve. Hindi na talaga ito nagparamdam. Alam naman niya na mangyayari iyon but still, may bahagi ni Callie ang umaasa na isang umaga, bigla na lang tutunog ang cellphone niya at makikita niyang pangalan ni Reeve ang nakapaskil sa screen.
Hinalughog niya kapagkuwan sa bag ang kuwintas. Mahigit isang dekada na ang lumipas ngunit nanatiling ganoon ang anyo ng kuwintas. Makinang pa rin ang mga bato, intact pa rin ang sinulid na nagtatali sa mga iyon. Laking pasalamat talaga ni Callie na sa kabila ng inis na naramdaman niya nang pumalpak ang plano ten years ago, hindi niya itinapon o sinira ang kuwintas. Sa ilalim ng kama niya nahalungkat iyon, sa kahon ng crackers kung saan niya itinago ang iba pang mga abubot.
"Kapag tapos na ang lahat ng ito, i-cho-chop-chop kita at gagamitin para sa susunod kong designs," pagkausap niya sa amulet. Isinilid niya sa bulsa ang kuwintas at lumabas ng silid. Mamaya na niya iintindihing hanapin ang maninisid ng perlas. She'll grab something to eat first.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (104)

  • avatar
    Abonita Y Maria

    nice

    27d

      0
  • avatar
    Oyan Chandrea

    yes

    03/08

      0
  • avatar
    CandolIan

    iugu

    02/08

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด