logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

บทที่ 7 Deal with The Billionaire

LOVE
Nandirito pa rin ako sa loob ng kuwarto ni Sir Light, nakaupo na siya sa de gulong niyang silya habang nakatayo naman ako sa harapan niya. Hiyang-hiya na nagyuko ako ng ulo, pinaglalaruan kasi ng daliri niya ang mga labi niya habang nakatingin sa akin. Ano’ng gagawin ko? Ano bang ibig sabihin ng gesture na iyon? Halik bang maitatawag sa nangyari kanina e parang nagkabungguan lang naman ang mga labi namin e. Dahil kaya ro’n e palalayasin na niya ako? Paanong bayad ko? Kailangan ko ng pera ngayon.
“Magkano ang oras mo? Bibilhin ko?”
Napatalon ako sa gulat dahil sa biglaan niyang pagtatanong gano’n din ang puso ko. Mukhang magkakaroon na ako ng sakit sa puso sa mansyon na ito ah.
“Kung makapagtanong ka parang bumibili ka lang ng isda sa palengke. Mahalaga ang oras ko ‘no! Kung bibilhin mo ‘to, para mo na ring binili ang buhay ko.”
“Magkaiba ang oras at buhay. Ang oras puwedeng masayang ang buhay hindi—habang may buhay ka pa puwede ka pang bumawi.”
Napakunot ang noo ko. Ano naman kaya ang ibig niyang sabihin do’n? At napagtanto kong mayroon nga siyang pinagdaraanan. Pero siguro naman labas na ako ro’n. May sarili akong buhay na dapat dugtungan at harapin. Wala akong oras na mag-marites pa sa kaniya. Ang first kiss ko lang ang nakuha niya, hindi ang puso ko noh!
“Para sa ‘kin pareho lang. Magkatumbas sila. Kapag sinayang ko ang oras ko malaking pursyento ng buhay ko ang masasayang din. At speaking of oras, sir, m-may sasahurin naman ako sa unang araw ko na rito hindi ba?”
“Oo, makukuha mo ‘yon huwag kang mag-alala.”
“Puwede ko bang malaman kailan, sir? Pasensya na kayo. Hindi sa minamadali ko kayo pero kasi may emergency kasi kami sa bahay.”
Hindi na siya nagsalita. Basta nakita ko lang na lumapit siya sa bedside table niya na may photo frame na naglalaman ng family picture at sa tabi noon ay dinampot ang notepad at itim na ballpen, may in-scribble lang s’ya sa papel at pagkatapos ay itinaas. Sakto lang sa tapat ng mukha ko.
“’Yan ang makukuha mo kung mananatili ka rito.” Pinilas niya ang pahina sa notepad at tinapat iyon sa pagmumukha ko.
Isa itong multiplication problem. E bobo ako sa Math. Malay ko sa sagot no’n. Pero siyempre hindi ko ipinahalata na hindi ko alam ang sagot. Kahit parang sumasabog na ang utak ko sa kaso-solve nito.
“Malaking halaga ‘yan kapalit ng oras mo. Sabi mo kailangan mo ng pera, hindi ba?” Inabot niya sa akin ang papel na tinanggap ko naman. Pinakatitigan ko ito.
Napatikhim ako. ‘Ura-urada ba kailangan n’ya ng sagot? Pahinging calcu, please!’
“Kaya nga sinasabi ko sa ‘yo magkaiba ang oras at buhay. Ang oras mo lang ang hinihingi ko at babayaran ko naman nang malaki. Sa ‘yo pa rin ang buhay mo.”
Napatigalgal ako sa sinabi niya. Naguluhan ako lalo. Labu-labo na sa utak ko ang mga iniisip ko!
“I want you to stay here for just about ‘one thousand hours.’ Of course, may isang araw na off. Bahala ka sa buhay mo sa araw na ‘yon. Gawin mo ang gusto mo. Pero ang lahat at iba pang araw ay sa akin. At gagawin mo ang lahat ng ipag-uutos ko.”
Napalunok ako. Parang nakakatakot!
“’Wag kang mag-alala, lahat naman ng gagawin mo ay nakakontrata. At kung paano mo makukuha ang halagang ‘yan—sumunod ka sa ‘kin.”
Napatulala naman ako. S-saan naman kami pupunta ngayon? May parte pa ba ng mansyon na ito ang hindi ko alam? Susunod na ba ako? Kapag sumunod kasi ako para na rin akong umoo sa gusto n’ya. Para ko ng tinanggap ang alok n’ya. At bakit kasi puro Math? Gaano katagal ba ang isang libong oras? Wala bang calculator dito? Nagpalinga-linga ako sa room niya na nababalutan din ng makakapal at pulang kurtina. Nilabas ko ang cellphone ko pero hindi naman nakisama. Bigla na lang namatay. Luma na kasi. Bilis ma-low bat.
Sad life!
Lumipad na naman tuloy ang utak ko. Ayun at sumama na yata sa paglabas ng silid ng guwapo pero hindi perpektong bilyunaryong boss ko.
“Nasaan ka na!” tanong n’ya na nasa labas na ng silid.
“Lalabas na po…”
Bago um-exit ay tiningnan ko ulit ang papel na sinulatan niya kanina ng multiplication problem na naging problema ko nga.
‘1500 x 1000’
“Pinahirapan pa ‘ko. Hindi na lang sabihin kung magkano—” at bago pa s’ya magwala ay lumabas na ako. Bahala na! Kailangan niya ako, kailangan ko rin s’ya. Gano’n lang naman kasimple kaya sige na nga—tatanggapin ko na ang alok niya.
Nakita ko s’yang pumasok sa pinakadulong kuwarto pero ayaw sumunod ng mga paa ko. Kinakabahan talaga ako. Baka kasi tinatago lang niya ang ugali niya pero ang totoo ay maniac siya.
“Yaya Love?”
“Kabayong bundat!” Napaiktad ako sa gulat nang may tumawag sa akin buhat sa likuran. “Kayo po pala Tatay Uryu.” Napangiti ako nang maluwag. Masaya talaga akong makita s’ya at malamang hindi na lang kami si Sir Light ang nandirito sa mansyon. Anu’t anuman ang mangyari ay may mahihingian ako ng tulong. Hindi sa pinag-iisipan ko siya ng masama sa gano’ng kalagayan niya. E, malay ko ba, lalaki pa rin siya at mas malakas siya kesa sa ‘kin at marami pa rin siyang kayang gawin.
“May problema ba? Bakit putlang-putla ka?”
Bigla ay napaisip ako. Kesa ang sabihing natatakot ako kay Sir Light kaya ganito ako ay inangat ko na lang ang papel na hawak ko.
“Alam niyo po ba ang sagot dito?”
“Talo mo pang may exam na bata ka at takot na takot sa teacher mo. Patingin nga ako.” Kinuha niya sa kamay ko ang papel at sinipat iyon kasabay ng pag-angat-baba ng salamin niya. “One Million Five Hundred Thousand. Iyon ang sagot d’yan.”
Napanganga ako nang malaki na parang kasing laki ng ponkan. Sobrang laking pera rin kasi ang narinig ko. Hala! Gano’n kalaki ang ibabayad sa akin ni Sir Light na katumbas ng isang libong oras ko! Unbelievable!
“E, alam niyo po ba ilang araw ang isang libong oras?”
Napahawak siya sa baba niya. “Kung hindi ako nagkakamali ay mga forty-two days? O basta higit kumulang forty-five days.”
“Ibig sabihin forty-five days ako mags-stay dito! Para pala akong manok?”
“Magandang manok,” natatawang komento ni Tatay Uryu. Patawa rin minsan ito e. “Bakit, ayaw mo ba? Mabilis lang ‘yon, parang two months lang.”
“Yaya Love!”
Napalingon kaming sabay sa pinanggalingan ng boses. Naku, hinahanap na ako ni Sir Light! Bigla na naman tuloy akong kinabahan, pero at least nabawasan ang stress ko. Alam ko na ang sagot sa equation niya.Tama ba? Equation ba tawag do’n?
“Nand’yan na po!” sigaw ko pabalik at nagpaalam na ako kay Tatay Uryu. Nagmamadaling tinungo ko ang kuwartong pinasukan niya na sinadya niyang iwan na nakabukas. Una ay sumilip muna ako at kumatok. Ito marahil ang opisina niya. Una ko kasing nakita ang nagtataasang mga pasamano na naglalaman ng iba’t ibang uri ng libro.
“Pasok!”
Nakita ko si Sir Light na nakaupo na sa likod ng lamesa niya at parang may pinipirmahang kontrata.
“Maupo ka,” utos na naman niya.
Sa katapat na upuan ng lamesa niya ay naupo ako at bigla ay inabot niya sa akin ang papel.
“Basahin mong lahat. Magtanong ka hangga’t may pagkakataon pa. Kapag napirmahan mo na ‘yan wala ng bawian.” Nilapag niya ang itim na matabang ballpen sa tapat ko. Bakit hindi ako makagalaw, ni hindi ako makalunok ng laway? Pero salamat at gumana ang mga mata ko. Sinubukan kong basahin ang kontrata nang nakakunot ang noo.
“One thousand five hundred ang katumbas ng isang oras mo dito sa mansyon. Masama pa ba iyon—wala ka naman ng gagawin kundi ang alagaan ang anak ko. ‘Yon lang. Hindi mo ako kailangang pakialaman. Nasa kontrata ‘yan. Huwag kang papasok ulit sa kuwarto ko at—” Nilapit niya ang mukha nang bahagya paharap sa akin. “Wala kang gagalawin kahit na ano sa bahay na ‘to. Huwag mong pakialaman kahit na ang mga kurtina. Naiintindihan mo? Kung may gusto kang gawin sabihin mo muna sa akin.” Sumandal na ulit siya sa wheelchair niya.
Napatango-tango lang ako bilang tugon at wakas ay nalunok ko na ang naiipon kong laway.
“I only be needing you in forty-five days. After that baka pumunta na kami ng anak ko sa Amerika. Here—” Inabot niya sa akin ang tseke. Maraming zero akong nakita. Sinubukan ko iyong bilangin pero nawala ako sa bilang dahil nagsimula na naman siyang magsalita.
“Kalahati ‘yan ng halaga ng bayad ko sa ‘yo. Kung magkakaproblema sa tseke ipaalam mo agad sa akin.”
“S-sige po,” ani ko habang binibilang ulit ang zero na nakikita ko sa tseke.
“Sa halagang ‘yan makakabili ka na ng suklay. Magsuklay ka naman.”
Napakurap-kurap ako sa kaniya. Parang nag-loading ang utak ko.
“Sige po,” parang tangang sagot ko ulit habang sinusuklay na ng kamay ko ang buhok ko.
“Ito, fill this out. I just need some of your information. Dahil kung ako naman ang magkaproblema sa ‘yo ay madali kitang mahahanap. At ito ang tatandaan mo—”
Aba’t ang kapal ng mukha niyang duruin ako. Kung hindi ko lang s’ya boss ay ibabalik ko sa kaniya ang daliri niya at ang tseke niya.
“—hindi porque pinapasok kita sa pamamahay ko ay ok ka na. Ipakita mong karapat-dapat kang pagkatiwalaan. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Opo, Sir Light,” nakayukong sabi ko na lang saka pinirmahan ko na kontrata. Sa paraang ito ay maiiwasan kong tingnan ang mukha niya na bagama’t may manipis na manipis na balbas at bigote ay hindi naman kabawasan sa kaguwapuhan niya.
Pinadausdos ko sa lamesa pabalik sa kaniya ang kontrata matapos ko itong pirmahan.
“Ang pagluluto, sige, ibibigay ko na rin ‘yan sa ‘yo. Kailangan din ni Sonny na makakain nang maayos. At kung wala ka ng tanong tapusin mo na ‘yan at ibigay mo na lang kay Uryu.”
Napabuntonghininga na lang ako nang mawala siya at tuluyang lumabas ng opisina n’ya. “Tama nga si Tatay Uryu, may kasungitan nga s’ya. Hmp! Pero ayos lang. Gano’n naman yata lahat ng boss. Kailangan nilang maging maangas.”
Kesa magsentimiyento ay nag-focus na lang ako sa pagsusulat ng pangalan ko sa info sheet na binigay sa akin ni Sir Light. Pero napahinto ako matapos isulat ang pangalan ko. Iniba ko kasi ang pangalan ko. Paano kung ibahin ko na rin ang address ko? Ayaw kong ilagay ang totoo kong address. Hindi ko alam kung bakit, pero may maliit na boses na nagsasabi sa akin na baguhin ko ito. Para saan ba? E, wala naman akong gagawing masama. Baka siya pa meron. Kung siya walang tiwala sa akin e bakit din ako magtitiwala sa kaniya? Kaya naman ibang address ang nilagay ko na hindi ko alam kung nag-e-exist ba. May iba pa akong sinagutan gaya ng numero, age, status, etc. Ang lahat ay nilagay kong tama maliban sa pangalan at address ko. At nang matapos ay hinanap ko na si Tatay Uryu at binigay sa kaniya ang papel. Humingi na rin ako ng kalendaryo kay Tatay Uryu at hindi naman ako nabigo. Binigyan niya ako ng malaking kalendaryo na sinabit ko naman sa likod ng pintuan ng room ko. Araw-araw ay plano kong markahan ang kalendaryong ito hanggang matapos ko na ang forty-five days ko.
MATAPOS ang gabi na iyon na naagaw sa akin ang first kiss ko na hindi ko naman na-enjoy ay isang linggo kong hindi nakita si Sir Light. Ayos lang naman at mas okay nga iyon para hindi ako inaatake ng nerbiyos. Saka close na kami ni Sonny kaya hindi ako mahihirapan sa trabaho ko at iyon naman ang tama, ang mag-focus ako sa kaniya.
Kasalukuyan kaming nasa malaking playground ni Sonny. Pinanonood ko siyang maglaro at magtatakbo. Katatapos lang naming magpaaraw at masaya akong nae-enjoy ito ni Sonny. Araw-araw ito ang routine namin. Hanggang alas otso y media ng umaga kaming lalagi dito at pagkatapos ay mag-aayos na siya para pumasok sa eskwela habang ako naman ay magiging busy na sa kusina para magluto.
“Ate Yaya, halika samahan mo ‘ko! May tutubi akong nakita. Kaya mo bang hulihin ‘yon?”
Hinihila niya ako sa braso. Kita ko kung gaano siya ka-excited. Parang naiwan pa sa reflection ng mata niya ang hugis ng tutubi. Gusto ko sana siyang pigilan na dahil basang-basa na ang damit niya ng pawis pero gusto ko rin naman siyang pagbigyan kaya lang sa pagtayo ko ay parang sandaling umikot ang paningin ko at na-out balance ako. Parang huminto rin ako sa paghinga at natagpuan na lang ang sarili na naka-recline habang nakaupo sa madamong sahig ng playground. Nawalan ba ako ng malay? Ipinikit-pikit ko ang mga mata ko at doon ay nakita ko si Sonny nakaluhod at sinisigaw na pala ang pangalan ko at tinatapik-tapik ang mukha ko.
“Ate Yaya! Ate Love!”
Bigla naman akong napabalikwas. Nanginginig man ang tuhod ay sinikap kong tumayo nang tuwid at inalalayan na rin si Sonny na makatayo. Sobrang lamig ng pawis ko na para akong nasusuka.
“Ayos ka lang po ba?” tanong ni Sonny na humawak pa sa kamay ko.
“Oo—oo naman. Nagugutom lang ako. Tara na, ipagluluto na kita tapos, OK lang ba na sabay na tayo kumain?”
“S’yempre naman.”
At magkasabay na kaming naglakad pabalik ng mansyon. May kaunting hilo pa akong nararamdaman pero natitiis ko pa naman. Naalala ko tuloy si Doctor Agcaoili. Ngayon ang araw na sinabi ko sa kaniyang babalik ako pero ewan ko ba’t bigla akong natakot? Kakayanin ko ba? Ano ang ipaaalam ko kay Sir Light kung sakali? Isang araw lang ang day off ko. Hindi naman isang araw lang ang surgery. Pero mas lumalala na ang nararamdaman ko at mas malimit ko na itong nararamdaman ngayon.
Sa kusina ay nakapagluto pa ako ng pininyahang manok at saktong pagkatapos kong mag-ayos ng lamesa ay dumating ang alaga ko. Magkasabay na kaming kumain. As usual ay nagustuhan niya ang ulam, maasim-asim daw na manamis-namis. Natutuwa akong kasama siya, kamukhang-kamukha niya kasi ang papa niya. Kaya parang isang maliit na liwanag ang kasama ko ngayon. Maliit na Light.
“Tada! Ate oh, kaya ko na!”
Ipinakita niya sa akin ang ginawa niyang bangka gamit ang table napkin.
“Very good. Marami pa akong ituturo sa ‘yo.”
“Talaga po? Sige po! Ay dadalhin ko itong tissue papakitaan ko ang mga classmate ko ng magic.”
“Sigel ang. O, pa’no tara na? Baka mahuli ka?”
Mabilis na tumayo na siya at kumapit sa kamay ko. Muli ay magkasabay kaming naglakad palabas ng mansyon.
KALAHATING oras lamang ay nakabalik na ako agad ng mansyon. Habang nasa daan papasok ay kausap ko ang doctor ko. Nangako ako na pupunta sa kaniya kinabukasan dahil talagang kinakabahan na rin naman ako, na kesa humaba e mas umikli ang buhay ko. Baka hindi ko matapos ang pinag-usapan naming araw ni Sir Light. Hindi puwede kasi baka sina ate pa ang singilin niya kapag nagkataon. Sa pagbaba ko ng telepono ay namataan ko si Jules, ang therapist ni Sir Light na palapit sa kinaroroonan ko. Sukbit na niya ang bag niya at mukhang papaalis na siya. Pansin kong may kausap siya sa telepono at nagkatingin lang kami.
“Bigyan niyo pa ako ng oras…” Ang tanging narinig kong sinabi niya at nilagpasan na niya ako.
Pero sa pagkawala niya sa paningin ko ay may biglang pumalit. Isang lalaki na papasok ng pintuan ng mansyon, paharap sa ‘kin. Napasingkit ang mga mata ko. Ang neat niyang tingnan. Ang buhok ay may pagka-wavy at naka-faux hawk. Ang long sleeves na puti nitong suot ay pilit kinukubli ang nakatagong mga muscles ng lalaki, naka-sun glasses ito na lalong nagpalutang sa kaguwapuhan nito at nang tingnan ko ang kamay niya ay may dala itong kahon ng cake. Napaatras ako. Papalapit kasi siya sa kinaroroonan ko.
Alam kong hindi ako ang kailangan niya dahil hindi ko naman birthday at kaya nga lumalayo ako dahil alam kong sampid lang ako sa mansyon at ayokong dumikit sa lalaki dahil tiyak magmumukha lang akong basahan.
Pero sino ito na parang familiar?

หนังสือแสดงความคิดเห็น (54)

  • avatar
    GabrielleJhairy

    a highly recommended story to read,☺️☺️

    23/06/2022

      0
  • avatar
    Chard Tamayo

    500

    11/07

      0
  • avatar
    يصل برنابا

    ang ganda

    24/08/2023

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด